Luwalhatiin si Jehova sa Pamamagitan ng Maiinam na Gawa
1 Kapag inabutan ka ng isang malakas na bagyo, kay laki ngang ginhawa na makasumpong ng kanlungan! Kung komportable at ligtas sa loob at kung mapagpatuloy ang mga naninirahan doon, malulugod kang manatili roon. Ang gawaing pangangaral ng Kaharian ay umaakay sa mga tao mula sa sistema ni Satanas tungo sa gayong kanlungan. Ang atin bang pang-araw-araw na paggawi ay tutulong sa iba na makita kung gaano kahali-halina ang ligtas na dakong ito? Oo, sapagkat sinabi ni Jesus na ‘makikita [ng mga tao] ang ating maiinam na gawa at magbibigay [sila] ng kaluwalhatian sa ating Ama na nasa langit.’—Mat. 5:16.
2 Paano tayo gagawi upang maakit ng ating mga gawa ang iba tungo kay Jehova at sa kaniyang organisasyon? Ito ay sa pagpapahintulot na mahubog ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Lucas 6:31 at 10:27 ang ating buhay sa araw-araw. Ito ang mag-uudyok sa atin na ipakita ang maibiging pagmamalasakit sa kapuwa tao, na nagpapangyaring maiba tayo mula sa malamig at walang malasakit na sanlibutang ito.
3 Isang sister na nakasakay sa barko ang nakapansin sa isang babae na hilung-hilo anupat hindi niya maalagaan ang kaniyang maliit na anak. Ang sister ay nag-alok ng tulong na alagaan ang bata. Nang magtanong ang babae kung paano siya makapagpapasalamat, sinabi ng sister: ‘Pakisuyong makinig ka sa mga Saksi ni Jehova sa susunod nilang pagdalaw.’ Gayon nga ang ginawa ng babae, at sa ngayon, siya at ang kaniyang asawang lalaki ay mga Saksi na. Ang maiinam na gawa ang naging dahilan ng kanilang pagtugon sa mensahe ng Kaharian.
4 Sangkot ang Ating Buong Buhay: Ang ating paggawi sa pamayanan, habang nasa trabaho o nasa paaralan, at sa panahon ng paglilibang ay magpapangyari sa iba na bumuo ng opinyon tungkol sa atin at sa ating relihiyon. Kaya nga, dapat nating itanong sa ating sarili: ‘Ano kaya ang tingin ng mga nagmamasid sa akin at sa aking pamilya? Itinuturing ba ng mga kapitbahay na malinis at masinop ang aming bahay at bakuran? Minamalas ba kami ng aming mga katrabaho at kaeskuwela na nasa tamang oras at masipag? Ang tingin ba ng iba sa aming hitsura ay mahinhin at kagalang-galang?’ Ang ating maiinam na gawa ay magpapangyaring higit na kaakit-akit sa iba ang pagsamba kay Jehova.
5 Nagbabala si Pedro na ang mga Kristiyano ay magiging tampulan ng pag-alipusta. (1 Ped. 4:4) Dapat nating tiyakin na ang ating paggawi ay hindi magiging sanhi ng negatibong usapan. (1 Ped. 2:12) Kung niluluwalhati ng ating pang-araw-araw na mga gawa ang Diyos na ating sinasamba, kung gayon ay maitutulad tayo sa mga lamparang nakataas, na nag-aanyaya sa iba tungo sa ligtas na kanlungang inilalaan ni Jehova.—Mat. 5:14-16.