Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Isang Mataas na Pamantayan Para sa Kaniyang mga Tagasunod
PARA sa mga pinunong relihiyoso si Jesus ay isang manlalabag ng Kautusan ng Diyos at hindi pa nagtatagal ay kanilang pinag-isipan na patayin pa man din siya. Kaya habang nagpapatuloy si Jesus ng kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi niya: “Huwag ninyong isipin na ako’y naparito upang sirain ang Kautusan o ang mga Propeta. Ako’y naparito, hindi upang sirain, kundi upang tuparin iyon.”
Si Jesus ay may napakataas na pagkakilala sa Kautusan ng Diyos at kaniyang hinihimok ang mga iba na maging katulad din niya. Ang totoo, sinabi niya: “Kaya’t ang sinomang sumuway sa isa sa kaliit-liitang mga utos na ito at ituro ang gayon sa mga tao, siya’y tatawaging ‘kaliit-liitan’ kung tungkol sa kaharian ng langit,” na ibig sabihin ang ganoong tao ay hindi makapapasok sa Kaharian.
Bukod sa hindi winawalang-halaga ni Jesus ang Kautusan ng Diyos, kaniyang minamasama kahit na ang mga saloobin na umaakay tungo sa pagsuway dito. Pagkatapos na banggitin ang sinasabi ng Kautusan na, “Huwag kang papatay,” isinusog pa ni Jesus: “Datapuwa’t, sinasabi ko sa inyo na sinomang patuloy na nagagalit sa kaniyang kapatid ay mananagot sa hukuman ng katarungan.”
Yamang ang patuloy na pagkagalit sa isang kasama ay totoong mapanganib, at baka ito humantong pa sa pagpatay, ipinaghalimbawa ni Jesus ang dapat gawin ng isang tao upang makamit ang kapayapaan. Siya’y nagtagubilin: “Kung inihahandog mo ang hain mo sa dambana at maalaala mo na may anomang laban sa iyo ang kapatid mo, iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at umalis ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at pagbabalik mo ay saka mo ihandog ang iyong hain.”
Pagkatapos na ibaling ang pansin sa ikapito sa Sampung Utos, si Jesus ay nagpatuloy: “Narinig ninyo na sinabi: ‘Huwag kang mangangalunya.’” Gayunman, minamasama ni Jesus kahit na ang maluwag na pagkakilala sa pangangalunya. “Sinasabi ko sa inyo na sinomang patuloy na tumitingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad sa kaniya ay nagkasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.”
Dito hindi ang tinutukoy ni Jesus ay ang pahapyaw na kaisipan sa imoralidad kundi ang ‘patuloy na pagtingin.’ Ang gayong patuloy na pagtingin ang pumupukaw ng masamang hangarin, na, kung may pagkakataon, maaaring humantong sa pangangalunya. Paano maiiwasan ito ng isang tao? Ipinakita ni Jesus kung paano baka kailanganin ang ultimong lunas, at ang sabi: “Bueno, kung ang kanang mata mo ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo at itapon. . . . At kung ang kanang kamay mo ay nagpapatisod sa iyo, putulin mo at itapon.”
Ang mga tao malimit na ay payag na putulin ang isang literal na paa o kamay na may kapansanan upang mailigtas ang kanilang buhay. Subalit ayon kay Jesus, lalo pang mahalaga na “itapon” ang anoman, kahit na ang isang bagay na kasinghalaga ng isang mata o isang kamay, upang maiwasan ang pag-iisip ng mahahalay na bagay at ang pagpapadala roon. Sapagkat kung hindi, ang sabi ni Jesus, ang gayong mga tao ay ihahagis sa Gehenna (isang nagniningas na basurahan malapit sa Jerusalem), na sumasagisag sa walang hanggang pagkapuksa.
Tinatalakay din ni Jesus kung paano makikitungo sa mga taong nananakit at namiminsala. “Huwag kayong makilaban sa kaninumang masama,” ang kaniyang payo. “Kundi sa sinomang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo pa sa kaniya yaong kabila.” Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang isang tao ay hindi magtatanggol ng kaniyang sarili o ng kaniyang pamilya kung sakaling siya’y inaaatake. Ang layunin ng pagsampal ay hindi upang makasakit kundi upang makainsulto. Kaya, ang ibig sabihin ni Jesus ay na kung mayroong sinoman na naghahamon ng away o ng pagtatalo, sa pamamagitan man ng literal na pananampal o ng mga pananalitang nakakainsulto, isang pagkakamali na patulan mo ang taong iyon.
Pagkatapos na itawag-pansin ang kautusan ng Diyos na ibigin ang iyong kapuwa, sinabi ni Jesus: “Datapuwat, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at idalangin ang mga umuusig sa inyo.” Pagkatapos na sabihin ang mainam na dahilan ng paggawa ng gayon, isinusog niya: [Sa ganoon] inyong mapatutunayan na kayo’y mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang ang kaniyang araw ay pinasisikat niya sa mga taong balakyot at sa mabubuti.”
Tinatapos ni Jesus ang bahaging ito ng kaniyang sermon sa payo na: “Kaya nga kayo’y magpakasakdal, gaya ng inyong makalangit na Ama na sakdal.” Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang mga tao ay maaaring lubusang magpakasakdal. Bagkus, magagawa nila ito, sa pamamagitan ng pagtulad sa Diyos, pagpapalawak ng kanilang pag-ibig upang masakop kahit na ang kanilang mga kaaway. Ang katumbas na pag-uulat ni Lucas ay may ganitong pananalita ni Jesus: “Patuloy na maging mahabagin, gaya ng inyong Ama na mahabagin.” Mateo 5:17-48; Lucas 6:36.
◆ Paanong nagpakita si Jesus ng mataas na pagkakilala sa Kautusan ng Diyos?
◆ Ano ang itinagubilin ni Jesus upang maalis ang sanhi na pinagmumulan ng pagpatay at pangangalunya?
◆ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya ang tungkol sa paghahantad ng kabilang pisngi?
◆ Paano tayo makapagiging sakdal na gaya ng Diyos na sakdal?