Papaano Ninyo Nilulutas ang mga Di-Pagkakaunawaan?
Isang walang-ingat na pagkilos—at ang pangatlo sa isang hilera ng limang porselanang elepante ay nahulog buhat sa pinagpapatungan niyaon. Ang pirasong iyon ay kailangang mapasauli. Kung hindi, mawawala ang pagkakasuwato ng buong huwegong iyon. Subalit, ang proseso ay maselan, at nadarama mong hindi mo kaya. Kakailanganing humingi ka ng payo o hilingin na gawin iyon ng isang espesyalista.
ANG pagkakasuwato sa pagitan ng espirituwal na mga kapatid ay higit na mahalaga kaysa hamak na mga palamuti. Angkop ang pagkaawit ng salmista: “Masdan ninyo! Anong pagkabuti-buti at pagkaliga-ligaya na ang magkakapatid ay magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!” (Awit 133:1) Ang paglutas sa mga di-pagkakaunawaan sa pagitan ng kapuwa mga Kristiyano ay maaaring maging isang maselang na bagay kung minsan. Bukod dito, iyon ay hindi ginagawa ng ilan sa tamang paraan. Kadalasan ang “pagsasauli” ay masakit o di-mainam, anupat nag-iiwan ng pangit na palatandaan.
Isinasangkot pa ng ilang Kristiyano ang hinirang na matatanda sa mga bagay-bagay na maaari naman nilang lutasin nang sila lamang. Ito marahil ay dahilan sa hindi nila natitiyak kung ano ang dapat gawin. “Hindi alam ng marami sa ating mga kapatid kung papaano ikakapit ang payo ng Bibliya upang malutas ang kanilang mga di-pagkakaunawaan,” ang sabi ng isang kapatid na may karanasan sa pagbibigay ng payo ng Bibliya. “Napakadalas,” ang patuloy niya, “sila’y hindi sumusunod sa paraan ni Jesus ng paggawa ng mga bagay.” Kung gayon, ano ang aktuwal na sinabi ni Jesus tungkol sa kung papaano dapat lutasin ng isang Kristiyano ang mga di nila pagkakaunawaan ng kaniyang kapatid? Bakit nga mahalaga na maunawaan ang payong ito at matutuhan kung papaano ito ikakapit?
Maliliit na Di-Pagkakaunawaan
“Kung gayon, kapag dinadala mo ang iyong kaloob sa altar at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo ang iyong kaloob doon sa harap ng altar, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at pagkatapos, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.”—Mateo 5:23, 24.
Nang sabihin ni Jesus ang mga salitang iyon, kaugalian ng mga Judio na maghandog ng mga hain, o magbigay ng mga kaloob, sa altar sa templo sa Jerusalem. Kung nagkasala ang isang Judio sa isang kapuwa Israelita, ang nagkasala ay makapaghahandog ng isang buong handog na susunugin o isang handog ukol sa kasalanan. Ang halimbawang inilahad ni Jesus ay sumasapit sa pinakamaselang na punto. Kapag ang tao ay nasa altar at halos ihahandog na lamang sa Diyos ang kaniyang kaloob, naalaala niya na ang kapatid niya ay mayroong isang bagay na laban sa kaniya. Oo, kailangang maunawaan ng Israelita na ang pakikipagkasundo sa kaniyang kapatid ang dapat na mauna sa pagganap ng gayong tungkuling relihiyoso.
Bagaman ang gayong paghahandog ay isang kahilingan ng Batas Mosaiko, sa ganang sarili ay walang halaga ang mga ito sa paningin ng Diyos. Ganito ang sabi ni propeta Samuel sa di-tapat na si Haring Saul: “Nalulugod bang mainam si Jehova sa mga handog na susunugin at sa mga hain na gaya sa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa hain, at ang pagdinig kaysa taba ng mga tupang lalaki.”—1 Samuel 15:22.
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, inulit ni Jesus ang sunud-sunod na mga bagay na dapat unahin at ipinakita sa kaniyang mga alagad na kailangang lutasin nila ang kanilang mga di-pagkakaunawaan bago maghandog. Sa ngayon, ang mga handog na hinihiling sa mga Kristiyano ay sa espirituwal—“hain ng papuri, alalaong baga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Gayunpaman, ang simulain ay nananatili pa ring may bisa. Ipinakita rin ni apostol Juan na walang kabuluhan na angkinin ng sinuman na siya’y umiibig sa Diyos kung kaniyang kinapopootan ang kaniyang kapatid.—1 Juan 4:20, 21.
Kapansin-pansin, ang taong nakaalaala na ang kaniyang kapatid ay may anumang laban sa kaniya ang siyang gagawa ng unang hakbang. Ang pagpapakumbaba na sa gayo’y ipinakita niya ay marahil magbubunga ng mabuti. Malamang, ang isang tao na nagdamdam ay hindi tatangging makipagtulungan sa isang taong lumalapit sa kaniya at kumikilala sa kaniyang sariling mga pagkakamali. Itinakda ng Batas Mosaiko na anumang bagay na kinuha sa maling paraan ay kailangang lubusang isauli at pinapatungan pa iyon ng karagdagang ikalimang bahagi. (Levitico 6:5) Ang pagsasauli ng mapayapa, may pagkakasuwatong kaugnayan ay magiging mas madali rin kung ipinakikita ng nagkasala ang kaniyang hangaring magparaya nang higit pa kaysa kinakailangan, sa pinakaeksaktong diwa ng salita, upang ayusin ang anumang pinsala na maaaring siya ang dahilan.
Gayunman, ang mga pagtatangkang ipanumbalik ang mapayapang kaugnayan ay hindi laging nagtatagumpay. Ipinagugunita sa atin ng aklat ng mga Kawikaan na mahirap lutasin ang mga di-pagkakaunawaan sa isang nahihirapang tumugon. Ang Kawikaan 18:19 ay nagsasabi: “Ang kapatid na pinagkasalahan ay higit pa sa isang matibay na bayan; at may mga pagtatalo na mistulang halang sa isang moog na tahanan.” Ganito ang mababasa sa isang salin: “Ang kapatid na nasaktan ang kalooban ay mas mahirap na mawagi kaysa isang matibay na lunsod: At ang kanilang mga pagtatalo ay mistulang mga halang ng isang kastilyo.” (The Englishman’s Bible) Gayunman, ang taimtim at mapakumbabang pagsisikap ay sa wakas malamang na magtagumpay sa kaso ng mga magkakapananampalataya na nagnanais makalugod sa Diyos. Subalit kung malubhang kasalanan ang nasasangkot, ang payo ni Jesus na nasusulat sa Mateo kabanata 18 ay kailangang ikapit.
Paglutas sa Malulubhang Di-Pagkakaunawaan
“Isa pa, kung ang kapatid mo ay makagawa ng kasalanan, pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung siya ay makinig sa iyo, natamo mo ang iyong kapatid. Subalit kung hindi siya makinig, magsama ka ng isa o dalawa pa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ang bawat bagay ay maitatag. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig kahit sa kongregasyon, siya ay maging gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis sa iyo.”—Mateo 18:15-17.
Ano kung ang isang Judio (o sa bandang huli, isang Kristiyano) ay mapaharap sa isang malubhang di-pagkakaunawaan sa isang kapuwa mananamba kay Jehova? Ang isang nag-aakalang siya ang pinagkasalahan ang kailangang kumuha ng unang hakbang. Ipakikipag-usap niya nang sarilinan ang mga bagay-bagay sa nagkasala. Sa pamamagitan ng hindi pagsisikap na makakuha ng susuporta sa kaniyang panig, tiyak na mas malamang na matamo niya ang kaniyang kapatid, lalo na kung nagkaroon lamang ng isang di-pagkakaunawaan na maaari namang agad linawin. Lahat ay magiging madaling lutasin kung yaong tuwirang mga kasangkot ang siya lamang nakababatid ng tungkol sa bagay na iyon.
Gayunman, ang unang hakbang ay maaaring hindi pa sapat. Upang harapin ang ganiyang situwasyon, sinabi ni Jesus: “Magsama . . . ng isa o dalawa pa.” Ang mga ito ay maaaring tuwirang mga testigo. Marahil ay narinig nila ang isa sa mga indibiduwal na iyon ang nanira doon sa isa, o marahil yaong mga isinama ay naging mga testigo sa isang nasusulat na kasunduan na siyang pinagtatalunan ng dalawang panig. Sa kabilang dako, yaong mga isinama ay maaaring tumestigo kapag ang anumang salik, tulad ng nasusulat o bibigang mga patotoo, ay binubuo upang itatag ang dahilan ng suliranin. Dito na naman, ang pinakamaliit na bilang hangga’t maaari—“isa o dalawa pa”—ang dapat makaalam tungkol sa suliranin. Ito ang hahadlang sa mga bagay-bagay upang huwag lumala kung iyon ay isa lamang di-pagkakaunawaan.
Anong mga motibo ang dapat na taglayin ng isang pinagkasalahan? Dapat bang hamakin niya ang kapuwa Kristiyano at naisin niyang pababain nito ang kaniyang sarili? Sa liwanag ng payo ni Jesus, ang mga Kristiyano ay hindi dapat na mabilis humatol sa kanilang mga kapatid. Kung kinikilala ng nagkasala ang kaniyang pagkakamali, humihingi ng paumanhin, at nagsisikap na ituwid ang mga bagay-bagay, ‘ang kaniyang kapatid ay natamo’ ng isang pinagkasalahan.—Mateo 18:15.
Kung ang bagay na iyon ay hindi malutas, ito ay kailangang dalhin sa kongregasyon. Noong una, ito’y tumutukoy sa matatanda sa mga Judio subalit nang malaunan, sa matatanda sa kongregasyong Kristiyano. Ang di-nagsisising nagkasala ay maaaring alisin sa kongregasyon. Iyan ang ibig sabihin ng ituring siyang “gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis,” mga taong nilalayuan ng mga Judio. Ang seryosong hakbang na ito ay hindi maaaring gawin nang isahan ng isang Kristiyano. Ang hinirang na matatanda, na kumakatawan sa kongregasyon, ang tanging awtorisado na gumawa ng gayong hakbang.—Ihambing ang 1 Corinto 5:13.
Ang posibilidad na itiwalag ang di-nagsisising nagkasala ay nagpapakita na ang Mateo 18:15-17 ay hindi kumakapit sa maliliit na di-pagkakaunawaan. Ang tinutukoy ni Jesus ay ang malulubhang kasalanan, subalit ang mga uri na maaaring lutasin sa pagitan ng dalawa lamang tao na nasasangkot. Halimbawa, maaaring ang pagkakasala ay paninirang-puri, na malubhang nakaapekto sa reputasyon ng biktima. O iyon ay maaaring tungkol sa pananalapi, sapagkat ang sumunod na mga talata ay tungkol sa ilustrasyon ni Jesus ng aliping walang-awa na pinatawad sa isang malaking pagkakautang. (Mateo 18:23-35) Ang isang pagkakautang na hindi nabayaran sa panahong itinakda roon ay maaaring isa lamang mababaw na suliranin na dagling malulutas sa pagitan ng dalawang katao. Subalit iyon ay maaaring maging isang malubhang pagkakasala, samakatuwid nga, pagnanakaw, kung ang nangutang ay buong katigasang tumatangging magbayad ng inutang.
Ang ibang mga kasalanan ay hindi maaaring lutasin sa pamamagitan ng dalawang Kristiyano lamang. Sa ilalim ng Batas Mosaiko, ang malulubhang kasalanan ay kailangang ipagbigay-alam. (Levitico 5:1; Kawikaan 29:24) Gayundin, ang malalaking kasalanan na nagsasangkot sa kalinisan ng kongregasyon ay kailangang ipagbigay-alam sa Kristiyanong matatanda.
Gayunman, karamihan ng kaso ng alitan sa pagitan ng mga Kristiyano ay hindi dumaraan sa ganitong paraan.
Maaari Bang Magpatawad Ka na Lamang?
Pagkatapos na pagkatapos na ipaliwanag ni Jesus kung papaano lulutasin ang malulubhang di-pagkakaunawaan, siya’y nagturo ng isa pang mahalagang aral. Mababasa natin: “Nang magkagayon si Pedro ay lumapit at nagsabi sa kaniya: ‘Panginoon, ilang ulit na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at ako ay magpapatawad sa kaniya? Hanggang sa pitong ulit?’ Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Sinasabi ko sa iyo, hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.’ ” (Mateo 18:21, 22) Sa isa pang pagkakataon sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na magpatawad nang “pitong ulit sa isang araw.” (Lucas 17:3, 4) Maliwanag, kung gayon, na ang mga tagasunod ni Kristo ay tinatawagan na lutasin ang mga di-pagkakaunawaan sa pamamagitan ng malayang pagpapatawaran sa isa’t isa.
Ito ay isang larangan na nangangailangan ng malaking pagsisikap. “Ang ilang kapatid ay talagang hindi marunong magpatawad,” ang sabi ng isang taong sinipi sa simula pa. Sinabi pa niya: “Sila’y waring nagtataka kapag may nagpapaliwanag na sila’y maaaring magpatawad, una at higit sa lahat upang mapanatili ang kapayapaan sa kongregasyong Kristiyano.”
Si apostol Pablo ay sumulat: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Kung gayon, bago pumaroon sa isang kapatid na maaaring nagkasala laban sa atin, makabubuting pag-isipan ang sumusunod na mga tanong: Ang kasalanan ba ay sulit na ipakipag-usap sa kaniya? Talaga bang imposible para sa akin na kalimutan na lamang ang di-pagkakaunawaan sa espiritu ng pagka-Kristiyano? Kung ako ang nasa lugar niya, hindi ba nanaisin kong ako’y patawarin? At kung hindi ako magpapatawad, maaasahan ko kayang sasagutin ng Diyos ang aking mga panalangin at patatawarin ako? (Mateo 6:12, 14, 15) Ang ganiyang mga tanong ay maaaring makatulong sa atin nang malaki upang tayo’y maging mapagpatawad.
Bilang mga Kristiyano, isa sa ating mahahalagang pananagutan ay ang ingatan ang kapayapaan sa kongregasyon ng bayan ni Jehova. Kung gayon, isagawa natin ang ipinayo ni Jesus. Ito’y tutulong sa atin na saganang magpatawad. Ang gayong espiritu ng pagpapatawad ay magdaragdag sa pag-ibig pangkapatid na siyang pagkakakilanlang tanda ng mga alagad ni Jesus.—Juan 13:34, 35.
[Larawan sa pahina 23]
Malulutas ng mga Kristiyano ang kanilang mga di-pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ni Jesus