-
Ang Dapat Mong Gawin Kapag Nakasugat sa Damdamin ng IbaGumising!—1996 | Pebrero 8
-
-
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, ganito ang sabi ni Jesus: “Kung gayon, kapag dinadala mo ang iyong kaloob sa altar at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo ang iyong kaloob doon sa harap ng altar, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at pagkatapos, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.” (Mateo 5:23, 24) Pansinin na ang mga salita rito ni Jesus ay nakatuon sa nakasakit. Anong pananagutan ang mayroon siya para lutasin ang mga bagay? Upang sagutin iyan, isaalang-alang natin ang ibig sabihin ng mga salita ni Jesus sa kaniyang unang-siglong mga Judiong tagapakinig.
-
-
Ang Dapat Mong Gawin Kapag Nakasugat sa Damdamin ng IbaGumising!—1996 | Pebrero 8
-
-
“Iwan mo ang Iyong Kaloob . . . , at Umalis Ka”
“Iwan mo ang iyong kaloob doon sa harap ng altar,” paliwanag ni Jesus, “at umalis ka.” Bakit? May mas mahalaga pa ba sa panahong iyon kaysa paghahandog ng hain kay Jehova? “Makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid,” ang paliwanag pa ni Jesus, “at pagkatapos, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.” Kaya iiwan ng mananamba ang kaniyang handog na buháy sa altar na susunugan at aalis upang hanapin ang kaniyang nasaktang kapatid.
Yamang ito’y panahon ng kapistahan, walang alinlangan na ang nasaktang kapatid ay kasama sa mga peregrino na nagkulumpunan sa Jerusalem. Dahil sa makikitid na lansangan at labis na siksikang mga bahay, malaki-laki ang populasyon ng Jerusalem. Subalit ito’y isang kapistahan, at ang lungsod ay punô ng mga bisita.b
Kahit na kung ang mga tagaroon sa bayan ding iyon ay maglakbay at magkampo nang sama-sama, ang paggalugad sa mataong lungsod upang hanapin ang isang tao ay mahirap. Halimbawa, sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol, ang mga panauhin ay nagtatayo ng mga kubol sa buong lungsod at sa mga daan at sa mga halamanan sa palibot ng Jerusalem. (Levitico 23:34, 42, 43) Gayunman, hahanapin ng mananambang Judio ang kaniyang nasaktang kapatid hanggang sa matagpuan niya ito. Pagkatapos ay ano na?
“Makipagpayapaan ka sa iyong kapatid,” sabi ni Jesus. Ang Griegong mga salita na isinaling “makipagpayapaan” ay nagmula sa pandiwang (di·al·lasʹso) na nangangahulugang “ ‘upang gumawa ng pagbabago, upang magpalit,’ sa gayon, ‘upang makipagkasundo.’ ” Sa paggawa ng malaking pagsisikap na hanapin ang kaniyang nasaktang kapatid, ang Judiong mananamba ay nakikipagpayapaan sa kaniya. Pagkatapos, sabi ni Jesus, maaari na siyang bumalik sa templo at ihandog ang kaniyang kaloob, sapagkat ngayo’y tatanggapin na ito ng Diyos.
Kaya ang mga salita ni Jesus sa Mateo 5:23, 24 ay nagtuturo ng isang mahalagang aral: Ang pakikipagkasundo, o pakikipagpayapaan, ay nangyayari bago ang hain. Ang ating pagtrato sa ating kapuwa mananamba ay may tuwirang epekto sa ating kaugnayan sa Diyos.—1 Juan 4:20.
Ang Dapat Gawin Kapag Nakasugat sa Damdamin ng Iba
Paano, sa gayon, kung masumpungan mo ang iyong sarili na nasa kalagayang inilarawan sa pasimula ng artikulong ito—nadarama mo na nakasakit ka sa iyong kapuwa mananamba? Ano ang dapat mong gawin?
Kung ikakapit ang payo ni Jesus, mauna kang lumapit sa iyong kapatid. Taglay ang anong layunin? Upang kumbinsihin siya na wala siyang dahilan para masaktan? Hindi naman! Ang problema ay baka hindi pagkakaunawaan lamang. “Makipagpayapaan,” sabi ni Jesus. Alisin, hangga’t maaari, ang hinanakit mula sa kaniyang puso. (Roma 14:19) Hinggil diyan, baka kailanganin mong kilalanin, hindi itanggi, ang kaniyang nasaktang damdamin. Maaaring kailanganin mo ring itanong, ‘Ano ang magagawa ko upang makipag-ayos?’ Kalimitan, ang taimtim na paghingi ng paumanhin ang pawang kailangan. Gayunman, sa ilang kalagayan, ang nasaktang tao ay maaaring mangailangan ng panahon upang mabago ang kaniyang damdamin.
Paano, kung gayon, kung sa kabila ng paulit-ulit na pagsisikap mo ay hindi ka makagawa ng pakikipagkasundo? Ganito ang sabi ng Roma 12:18: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” Makapagtitiwala ka na minsang sinikap mo nang husto sa iyong sarili na makipagpayapaan, si Jehova ay malulugod na tanggapin ang iyong pagsamba.
-