TAGAPAGBILANGGO
Ang tagapag-ingat sa mga taong inakusahan ng paglabag sa batas; isang tagapagbantay ng bilangguan. Sa Kasulatan, dalawang salitang Griego ang isinasalin bilang tagapagbilanggo: ang ba·sa·ni·stesʹ, nangangahulugang “tagapagpahirap,” at ang de·smo·phyʹlax, tambalan ng de·smosʹ (panali, pangaw) at phyʹlax (bantay).
Kadalasan, ang mga bilanggo ay may-kalupitang pinahihirapan ng mga tagapagbilanggo, kaya naman tinawag silang ba·sa·ni·stesʹ. Halimbawa, kung minsan ay itinatapon sa bilangguan ang mga may utang dahil sa hindi nila pagbabayad. Doon ay maaari silang hagupitin at pahirapan ng tagapagbilanggo, at hindi sila palalayain, gaya ng sinabi ni Jesus, hanggang sa “mabayaran [nila] ang huling barya na napakaliit ang halaga.” (Mat 5:25, 26) Ito rin ang punto ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa walang-awang alipin. Nang malaman ng panginoon ang ginawa ng alipin niyang walang utang na loob, kaniyang ‘dinala siya sa mga tagapagbilanggo [ba·sa·ni·staisʹ], hanggang sa mabayaran niyang lahat ang pagkakautang.’—Mat 18:34, 35; ihambing ang Apo 14:11, kung saan ang salitang “pahirap” ay isinalin mula sa ba·sa·ni·smouʹ.
Ayon sa kaugaliang Romano, kapag nakatakas ang mga bilanggo, ang mga tagapagbilanggo ang tatanggap ng parusang dapat ipataw sa mga takas. Kaya naman nang palayain ng isang anghel si Pedro mula sa bilangguan, mababasa natin na “siniyasat [ni Herodes] ang mga bantay at iniutos na dalhin sila upang maparusahan.”—Gaw 12:19.
Sa Filipos, kinaladkad sina Pablo at Silas sa harap ng mga mahistrado sibil, na nag-utos naman na hampasin sila ng mga pamalo, at “pagkatapos nila silang hampasin nang maraming ulit, itinapon nila sila sa bilangguan, na iniuutos sa tagapagbilanggo [de·smo·phyʹla·ki] na bantayan silang mabuti. Dahil tumanggap siya ng gayong utos, itinapon niya sila sa loobang bilangguan at ipiniit sa mga pangawan ang kanilang mga paa.” (Gaw 16:22-24) Pagkatapos, nang kalagitnaan ng gabi, nabuksan ang lahat ng mga pinto ng bilangguan dahil sa isang malakas na lindol. Kaya naman inakala ng tagapagbilanggo na nakatakas ang mga bilanggo, at nang mapagtanto niya ang matinding kaparusahang ilalapat sa kaniya dahil dito, magpapakamatay na sana siya noon nang sabihan siya ni Pablo na silang lahat ay naroroon. Ang mga pangyayaring ito, pati na ang mga tagubilin ni Pablo, ay naging dahilan upang manampalataya ang tagapagbilanggong ito, at siya at ang kaniyang sambahayan ay naging bautisadong mga mananampalataya.—Gaw 16:25-36.