Matalinong Payo Para sa Mata
● Napakaganda ng pagkakagawa sa mata ng tao. Pero hindi lang ito maganda. Malaki rin ang impluwensiya nito sa isang tao. Ayon sa aklat na Visual Impact, Visual Teaching, “kuwarenta porsiyento ng lahat ng nerve fiber na konektado sa utak ay nakakonekta sa retina,” isang manipis at masalimuot na tissue na bumabalot sa loob ng mata.
Tama si Jesu-Kristo nang sabihin niya na ang mata ang “lampara ng katawan.” Ipinaliwanag niya ang ibig niyang sabihin: “Kung ang iyong mata ay simple [taimtim, nakapokus sa mabuti], ang buong katawan mo ay magiging maliwanag; ngunit kung ang iyong mata ay balakyot, ang buong katawan mo ay magiging madilim.” (Mateo 6:22, 23) Sa mga salitang ito, idiniriin ni Jesus na ang ating mata ay nakaiimpluwensiya sa ating kaisipan, damdamin, at pagkilos. Pinagliliwanag ng mabubuting kaisipan ang ating buhay; pinagdidilim naman ito ng masasamang kaisipan.
Halimbawa, pag-isipan ang sinabi ni Jesus sa Mateo 5:28, 29: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso. Ngayon, kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito [sa makasagisag na paraan].” Ano ang ibig niyang sabihin? Ang pagala-galang mata ay nakapagpapasidhi sa maling pagnanasa anupat kapag nagkaroon ng pagkakataon, baka ang isa ay gumawa ng imoralidad at maiwala niya ang pagsang-ayon ng Diyos.—Santiago 1:14, 15.
Di-hamak na mas mabuti ang magpigil ng sarili, kahit na singhirap iyon ng pagdukit sa mata! Tutal, hindi sulit na ipagpalit ang buhay na walang hanggan sa ilang sandali ng makalamang kaligayahan.
Ang tinitingnan ng mata ay maaari ding makaimpluwensiya sa isa na maging sakim. Kaya naman binababalaan tayo ng Bibliya na ang mapag-imbot na “pagnanasa ng mga mata . . . ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan. Karagdagan pa, ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:16, 17.
Masyado bang mahigpit ang Bibliya? Hindi! Ang pagwawalang-bahala sa mga simulain nito ay nagdudulot ng problema at kalungkutan. (Galacia 6:7, 8) Ang pagsunod naman sa Bibliya, kasama na ang matalinong payo nito para sa ating makasagisag na mata, ay nagdudulot ng kaligayahan. “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito,” ang sabi ni Jesus. (Lucas 11:28) Bukod diyan, may pag-asa silang mabuhay nang walang hanggan sa lupa; pero ang mga may imoral o sakim na mata ay hindi magtatamo ng buhay at kaligayahan.