Katuwiran Hindi sa Pamamagitan ng mga Sali’t Saling Sabi
“Kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.”—MATEO 5:20.
1, 2. Ano ba ang nangyari ilang saglit lamang bago nagpahayag si Jesus ng kaniyang Sermon sa Bundok?
ANG gabi ay ginugol ni Jesus sa isang bundok. Ang mabituing langit ay nakaladlad sa itaas. Maliliit na mga hayop sa gabi ang kumakaluskos sa mga palumpong. Sa gawing silangan ang tubig ng Dagat ng Galilea ay marahang humahampas sa dalampasigan. Ngunit si Jesus ay bahagya na lamang marahil nakapapansin sa mapayapa, nakagiginhawang kagandahan na nakapalibot sa kaniya. Kaniyang ginugol ang gabi sa pananalangin sa kaniyang makalangit na Ama, si Jehova. Kailangan niya ang patnubay ng kaniyang Ama. Maselan ang araw na hinaharap.
2 Sa silangan ay maaliwalas ang langit. Mga ibon ang nagsisimulang magsigalaw sa palibot, dahan-dahang humuhuni. Ang mga bulaklak na ligaw ay marahang iniuugoy ng hangin. Samantalang ang mga unang sikat ng araw ay makikita na sa abot-tanaw, ang kaniyang mga alagad ay tinawag ni Jesus at buhat sa kanila’y pumili siya ng 12 upang maging kaniyang mga apostol. Pagkatapos, kasama silang lahat, siya’y unti-unting bumaba sa tagiliran ng bundok. Ngayon ang karamihan ng tao ay makikitang nagdadagsaan na buhat sa Galilea, Tiro at Sidon, Judea at Jerusalem. Sila’y nagpunta roon upang pagalingin ang kanilang mga sakit. Ang kapangyarihang galing kay Jehova ay lumalabas kay Jesus habang marami ang humihipo sa kaniya at gumagaling. Sila’y naparoon din upang makinig sa kaniyang mga salita na waring isang balsamong nagpapagaling sa kanilang nababagabag na mga kaluluwa.—Mateo 4:25; Lucas 6:12-19.
3. Bakit ang mga alagad at ang karamihan ay punô ng pananabik nang magsimulang magsalita si Jesus?
3 Sa kanilang lalong pormal na mga sesyon sa pagtuturo, ang mga rabbi ay nahirating magsiupo, at sa natatanging umagang ito ng tagsibol noong 31 C.E., iyan ang ginawa ni Jesus, waring sa isang patag na lugar na mas mataas sa tagiliran ng burol. Nang ito’y makita ng kaniyang mga alagad at ng karamihan, kanilang natalos na may isang natatanging bagay na mangyayari, kaya’t sila’y nagtipun-tipon sa palibot niya nang buong pananabik. Nang siya’y magsimulang magsalita, sila’y punô ng pananabik sa kaniyang sasabihin; nang siya’y magtapos sa kaniyang pagsasalita makalipas ang kaunting panahon, sila’y naiwang nanggigilalas sa kanilang narinig. Tingnan natin kung bakit.—Mateo 7:28.
Dalawang Uri ng Katuwiran
4. (a) Anong dalawang uri ng pagkamatuwid ang paksa ng usapan? (b) Ano ang layunin ng mga sali’t saling sabi, at iyon ba ay natupad?
4 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, na iniuulat kapuwa sa Mateo 5:1–7:29 at sa Lucas 6:17-49, mariing ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba ng dalawang uri: ang mga eskriba at mga Fariseo at ang mga karaniwang tao na kanilang inapi. Siya’y may binanggit na dalawang uri ng katuwiran, ang mapagpaimbabaw na katuwiran ng mga Fariseo at ang tunay na katuwiran ng Diyos. (Mateo 5:6, 20) Ang makasariling-katuwiran ng mga Fariseo ay nag-uugat sa sali’t saling sabi. Ang mga ito ay sinimulang ipasok noong ikalawang siglo B.C.E. bilang “pinaka-bakod sa palibot ng Kautusan” upang maingatan ito buhat sa mga pananalakay ng Hellenismo (kulturang Griego). Ang mga ito ay itinuring na bahagi ng Kautusan. Sa katunayan, ang mga sali’t saling sabi ay itinuring pa nga ng mga eskriba na mataas kaysa nasusulat na Kautusan. Ang sabi sa Mishnah: “Mas mahigpit ang pagsunod sa mga salita ng mga Eskriba [ang kanilang mga sali’t saling sabi] kaysa pagsunod sa mga salita ng nasusulat na Kautusan.” Sa gayon, sa halip na maging “pinaka-bakod sa palibot ng Kautusan” upang maingatan iyon, ang Kautusan ay pinahina pa nga ng kanilang mga sali’t saling sabi at pinawalang-kabuluhan iyon, gaya ng sinabi ni Jesus: “Kayo’y sanay na magtakuwil sa utos ng Diyos upang ang masunod ninyo’y ang inyong sali’t saling sabi.”—Marcos 7:5-9; Mateo 15:1-9.
5. (a) Ano ba ang kalagayan ng mga karaniwang tao na naparoon upang makinig kay Jesus, at ano ang pagkakilala sa kanila ng mga eskriba at mga Fariseo? (b) Ano ang dahilan at ang mga sali’t saling sabi ay isang napakabigat na pasanin sa balikat ng mga manggagawa?
5 Ang mga karaniwang tao na nagkalipumpon upang makinig kay Jesus ay maralita sa espirituwal, palibhasa sila’y “pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” (Mateo 9:36) Sila’y hinamak ng arogante at hambog na mga eskriba at mga Fariseo, tinawag sila na ʽam-ha·ʼaʹrets (mga tao ng lupa), at minaliit sila na parang mga ignorante, isinumpang mga makasalanan na di-karapat-dapat sa pagkabuhay-muli dahil sa hindi sila sumusunod sa mga sali’t saling sabi. Nang sumapit na ang panahon ni Jesus ang mga sali’t saling sabing iyon ay naging napakarami at isang mapaniil na patibong ng mga kuntil-butil na nagbabadya ng pamimintas na karaniwan na ay hindi makatuwiran—na hitik na hitik sa umuubos-panahong seremonyal na mga rituwal—na imposibleng masunod ng isang manggagawa. Hindi kataka-takang tuligsain ni Jesus ang mga sali’t saling sabi bilang ‘mabibigat na pasanin sa balikat ng mga tao.’—Mateo 23:4; Juan 7:45-49.
6. Ano’t lubhang nagulantang ang mga nakarinig ng pambungad na mga salita ni Jesus, at anong mga pagbabago ang ipinakita nito para sa kaniyang mga alagad at sa mga eskriba at mga Fariseo?
6 Kaya nang si Jesus ay maupo sa tagiliran ng burol, ang mga taong nagsilapit upang makinig ay ang kaniyang mga alagad at ang karamihan na gutóm sa espirituwal. Tiyak na nakagulantang sa mga ito ang kaniyang pambungad na mga salita. ‘Maligaya ang mga dukha, maligaya ang mga nagugutom, maligaya yaong tumatangis, maligaya yaong kinapopootan.’ Ngunit sino nga ba ang maaaring lumigaya kung sila ay dukha, nagugutom, tumatangis, at kinapopootan? At ang mga kaabahang ito ay ipinahayag na para doon sa mga mayayaman, busog, tumatawa, at hinahangaan! (Lucas 6:20-26) Sa mga ilang salita lamang, binaligtad ni Jesus ang lahat ng pinahahalagahang mga kaugalian at ang tinatanggap na mga pamantayan ng tao. Iyon ay isang dramatikong pagbabaligtad ng mga kalagayan, kasuwato ng mga huling salita ni Jesus: “Ang bawat nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa, ngunit ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.”—Lucas 18:9-14.
7. Ano ang tiyak na naging epekto ng pambungad na mga salita ni Jesus sa gutóm sa espirituwal na karamihang nakikinig kay Jesus?
7 Kabaligtaran ng kampanteng mga eskriba at mga Fariseo, ang mga taong nagsilapit kay Jesus sa natatanging umagang ito ay naging palaisip tungkol sa kanilang nakalulungkot na kalagayan sa espirituwal. Sila’y tiyak na nalipos ng pag-asa ng kaniyang pambungad na mga salita: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay sa kanila.” At tiyak na sumigla ang kanilang kalooban nang kaniyang isusog pa: “Maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila’y bubusugin”! (Mateo 5:3, 6; Juan 6:35; Apocalipsis 7:16, 17) Busog sa katuwiran, oo, ngunit hindi sa katuwiran ng mga Fariseo.
Hindi Sapat ang Maging “Matuwid sa Harap ng mga Tao”
8. Bakit ipagtataka ng iba kung papaanong ang kanilang katuwiran ay nakahihigit pa sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ngunit bakit nga ito dapat magkagayon?
8 “Kung hindi hihigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo,” ang sabi ni Jesus, “sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.” (Mateo 5:17-20; tingnan ang Marcos 2:23-28; 3:1-6; 7:1-13.) Tiyak na naisip ng iba: ‘Higit na matuwid ba kaysa sa mga Fariseo? Sila’y nag-aayuno at nananalangin at nagbibigay ng ikapu at naglilimos at ginugugol ang kanilang buhay sa pag-aaral ng Kautusan. Papaano ngang ang ating katuwiran ay makahihigit pa kaysa kanilang katuwiran?’ Ngunit ito’y kailangang makahigit pa. Marahil ang mga Fariseo ay lubhang kinaaalang-alangan ng mga tao, ngunit hindi ng Diyos. Nang isa pang pagkakataon ay sinabi ni Jesus sa mga Fariseong ito: “Kayo ang mga nagsasabing kayo’y matuwid sa harap ng mga tao, ngunit nakikilala ng Diyos ang inyong mga puso; sapagkat ang dinadakila ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.”—Lucas 16:15.
9-11. (a) Ano ang isang paraan na iniisip ng mga eskriba at mga Fariseo na sila’y tatanggap ng isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos? (b) Sa pamamagitan ng anong ikalawang paraan kanilang inaasahan na sila’y magtatamo ng katuwiran? (c) Ano ang ikatlong paraan na inaasahan nila, at ano ang sinabi ni apostol Pablo na dahilan upang ito’y mabigo?
9 Ang mga rabbi ay umimbento ng kanilang sariling mga alituntunin para sa ikapagtatamo nila ng pagkamatuwid. Ang isa ay ang biyaya ng pagiging mga inapo ni Abraham: “Ang mga alagad ni Abraham na ating ama ay nagtatamasa ng kasiyahan ng sanlibutang ito at nagmamana ng sanlibutang darating.” (Mishnah) Posible na iyon ay upang salungatin ang sali’t saling sabing ito na tungkol doon ay nagbabala si Juan Bautista sa mga Fariseo na lumapit sa kaniya: “Kayo nga’y magbunga ng karapat-dapat sa pagsisisi; at huwag kayong mag-isip na magsabi sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama [na para bang sapat na iyon].’ ”—Mateo 3:7-9; tingnan din ang Juan 8:33, 39.
10 Ang ikalawang paraan upang matamo ang pagkamatuwid, sabi nila, ay sa pamamagitan ng paglilimos. Dalawang mga aklat Apocripa na isinulat ng relihiyosong mga Judio noong ikalawang siglo B.C.E. ang kababanaagan ng tradisyonal na paniniwala. Ang isang pangungusap ay makikita sa Tobit: “Ang paglilimos ay nagliligtas sa isang tao buhat sa kamatayan at kabayaran sa bawat kasalanan.” (12:9, The New American Bible) Ang Aklat ng Sirach (Ecclesiasticus) ay sumasang-ayon: “Tubig ang pumapatay sa isang naglalagablab na apoy, at ang paglilimos ang nagtatakip ng mga kasalanan.”—3:29, NAB.
11 Ang ikatlong paraan ng paghanap nila ng katuwiran ay sa pamamagitan ng mga gawa ng Kautusan. Ang kanilang mga sali’t saling sabi ay nagtuturo na kung mabuti ang karamihan ng gawain ng isang tao, siya’y maliligtas. Ang paghatol “ay ayon sa labis na mga gawang mabuti o masama.” (Mishnah) Upang mahatulan nang mabuti, ang kanilang pagkabahala ay naroon sa “pagkakamit ng biyaya na nakahihigit sa mga kasalanan.” Kung ang mabubuting gawa ng isang tao ay nakahihigit nang isa sa kaniyang masasamang gawa, siya’y maliligtas—na para bagang sa paghatol ng Diyos ay ibinibilang pa ang kanilang mga gawang walang gaanong kabuluhan! (Mateo 23:23, 24) Si Pablo ay nagharap ng tamang pangmalas, nang siya’y sumulat: “Sa mga gawa ng kautusan ay walang laman ang aariing matuwid sa harap [ng Diyos].” (Roma 3:20) Tunay, ang pagkamatuwid ng Kristiyano ay kailangang makahigit kaysa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo!
“Narinig Ninyong Sinabi”
12. (a) Anong pagbabago buhat sa kaniyang karaniwang paraan ng pagpapasok ng mga reperensiya buhat sa Kasulatang Hebreo ang ginawa ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, at bakit? (b) Ano ang natutuhan natin buhat sa ikaanim na pagkagamit ng salitang “Sinabi”?
12 Nang una pa rito’y sumipi si Jesus sa Kasulatang Hebreo, sinabi niya: “Nasusulat.” (Mateo 4:4, 7, 10) Ngunit anim na ulit sa Sermon sa Bundok, siya’y nagpasok ng mga nahahawig na mga reperensiya buhat sa Kasulatang Hebreo na pinangungunahan ng pambungad na salitang: “Sinabi.” (Mateo 5:21, 27, 31, 33, 38, 43) Bakit? Sapagkat kaniyang tinutukoy ang Kasulatan ayon sa interpretasyon sa liwanag ng mga sali’t saling sabi ng mga Fariseo na salungat sa mga utos ng Diyos. (Deuteronomio 4:2; Mateo 15:3) Ito’y makikita sa ikaanim at huling reperensiya na binanggit ni Jesus sa seryeng ito: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan mo ang iyong kaaway.’ ” Ngunit walang kautusang Mosaiko na nagsabi, “Kapootan mo ang iyong kaaway.” Ang mga eskriba at mga Fariseo ang nagsabi nito. Iyan ang kanilang interpretasyon ng Kautusan na ibigin mo ang iyong kapuwa—ang iyong kapuwa Judio, wala nang iba.
13. Papaano nagbababala si Jesus laban sa kahit pasimula lamang ng asal na maaaring humantong sa aktuwal na pagpatay?
13 Isaalang-alang ngayon ang una sa seryeng ito ng anim na pangungusap. Sinabi ni Jesus: “Narinig ninyo na sinabi sa mga tao sa una, ‘Huwag kang papatay; ngunit ang sinumang pumapatay ay mananagot sa hukuman ng hustisya.’ Datapuwat, sinasabi ko sa inyo na ang bawat patuloy na napopoot sa kaniyang kapatid ay mananagot sa hukuman ng hustisya.” (Mateo 5:21, 22) Ang galit sa puso ay maaaring humantong sa mapang-abusong pagsasalita at buhat dito ay sa mga paghatol laban sa isa, at ito’y baka humantong sa pagpatay mismo. Ang galit na malaon nang kinikimkim sa puso ay maaaring makamatay: “Bawat napopoot sa kaniyang kapatid ay isang mamamatay-tao.”—1 Juan 3:15.
14. Papaano tayo pinapayuhan ni Jesus na huwag man lamang magsisimulang tumahak sa daang iyon na patungo sa pangangalunya?
14 Sumunod ay sinabi ni Jesus: “Narinig ninyong sinabi na, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Datapuwat sinasabi ko sa inyo na bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:27, 28) Ayaw mo namang magkasala ng pangangalunya, di ba? Kung gayo’y huwag ka man lamang magsimulang tumahak sa daang iyon sa pagsisilid sa iyong isip ng tungkol doon. Ingatan ang iyong puso, na pinagmumulan ng ganoong mga bagay. (Kawikaan 4:23; Mateo 15:18, 19) Ang Santiago 1:14, 15 ay nagbababala: “Bawat isa ay natutukso pagka nahihila at nahihikayat ng kaniyang sariling pita. Kung magkagayon ang pita, kapag naglihi na, ay nanganganak ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na, ay nagbubunga ng kamatayan.” Kung minsan ay sinasabi ng mga tao: ‘Huwag mong pasimulan ang hindi mo matatapos.’ Pero sa kasong ito ang ating dapat sabihin ay: ‘Huwag mong pasimulan ang hindi mo maihihinto.’ Ang iba na naging tapat kahit na pinagbantaan ng kamatayan sa harap ng firing squad ay nang maglaon nahulog sa tusong panghihikayat ng imoralidad sa sekso.
15. Papaanong ang paninindigan ni Jesus tungkol sa diborsiyo ay lubusang naiiba sa binabanggit sa mga sali’t saling sabi ng mga Judio?
15 Ngayon ay naririto na tayo sa ikatlong pangungusap ni Jesus. Ang sabi niya: “Sinabi rin naman, ‘Ang sinumang lalaki na dumidiborsiyo sa kaniyang asawa, bigyan niya siya ng kasulatan ng diborsiyo.’ Datapuwat, sinasabi ko sa inyo na bawat isa na dumidiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban nang dahil sa pakikiapid, ay nag-uumang sa kaniya sa pangangalunya, at sinumang mag-asawa sa isang diborsiyada [samakatuwid nga, isang diborsiyada na hindi dahil sa seksuwal na imoralidad kundi sa ibang mga dahilan] ay nagkakasala ng pangangalunya.” (Mateo 5:31, 32) Ang ibang mga Judio ay naglililo sa kani-kanilang mga asawang babae at nakikipagdiborsiyo sa mga ito sa kaliit-liitang mga kadahilanan. (Malakias 2:13-16; Mateo 19:3-9) Ang mga sali’t saling sabi ay nagpapahintulot sa isang lalaki na diborsiyuhin ang kaniyang asawa “kahit na lamang kung ito’y napanisan ng isang lutuin para sa kaniya” o “kung nakasumpong siya ng mas maganda kaysa kaniya.”—Mishnah.
16. Anong kaugaliang Judio ang nagpapawalang-kabuluhan sa mga panunumpa, at ano ang naging paninindigan ni Jesus?
16 Sa isang kahawig na paraan si Jesus ay nagpatuloy: “Bukod sa rito’y inyong narinig na sinabi sa mga tao sa una, ‘Huwag kang manunumpa ng di-katotohanan’ . . . Datapuwat, sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong ipanumpa ang anuman.” Nang panahong ito ang mga Judio ay umaabuso sa panunumpa at nanunumpa tungkol sa maraming walang-kabuluhang mga bagay na hindi naman nila ginagawa. Ngunit sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong ipanumpa ang anuman . . . Basta hayaang ang inyong Oo ay maging Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” Ang alituntuning ito ay simple: Maging mapagtapat sa lahat ng panahon, na hindi ginagarantiyahan ang iyong salita sa pamamagitan ng isang panunumpa. Ang panunumpa ay ireserba na para sa mahahalagang bagay.—Mateo 5:33-37; ihambing ang 23:16-22.
17. Anong lalong mainam na paraan kaysa “mata sa mata at ngipin sa ngipin” ang itinuro ni Jesus?
17 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Datapuwat, sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong makilaban sa masamang tao; kundi sa sinumang sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo naman sa kaniya ang kabila.” (Mateo 5:38-42) Dito ang tinutukoy ni Jesus ay hindi isang suntok na may layuning makapinsala kundi isang nakaiinsultong sampal ng likod ng kamay. Huwag pababain ang iyong kalagayan sa pamamagitan ng ganting pang-iinsulto. Huwag gantihin ng masama ang masama. Bagkus, mabuti ang iganti at sa ganoo’y “patuloy na ang masama’y daigin ng mabuti.”—Roma 12:17-21.
18. (a) Papaanong binago ng mga Judio ang kautusan tungkol sa pag-ibig sa iyong kapuwa, ngunit papaano sinalungat ito ni Jesus? (b) Ano ang isinagot ni Jesus sa isang tagapagtanggol ng kautusan na ibig lagyan ng hangganan ang pagkakapit ng “kapuwa”?
18 Sa ikaanim at katapusang halimbawa, malinaw na ipinakita ni Jesus kung papaanong ang Kautusang Mosaiko ay pinapanghina ng sali’t saling sabi ng mga rabbi: “Narinig ninyong sinabi, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan mo ang iyong kaaway.’ Datapuwat, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at idalangin ninyo ang sa inyo’y nagsisiusig.” (Mateo 5:43, 44) Ang nasusulat na Kautusang Mosaiko ay hindi naglalagay ng hangganan sa pag-ibig: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Ang mga Fariseo nga ang naglagay ng hadlang sa utos na ito, at upang maiwasan nila ang gayon ang salitang “kapuwa” ay doon lamang nila ikinapit sa mga sumusunod sa mga sali’t saling sabi. Kaya naman nang bandang huli na ipaalaala ni Jesus sa isang manananggol ang utos na ‘ibigin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,’ ang taong iyon ay nagtangkang umiwas sa pamamagitan ng pagtatanong: “Sino bang talaga ang aking kapuwa?” Sumagot si Jesus sa pamamagitan ng paglalahad ng halimbawa ng mabuting Samaritano—ang sarili mo’y gawin mong kapuwa ng isa na nangangailangan sa iyo.—Lucas 10:25-37.
19. Anong pakikitungo ni Jehova sa masasama ang ipinayo ni Jesus na sundin natin?
19 Sa pagpapatuloy ng kaniyang sermon, sinabi ni Jesus na ‘nagpakita ang Diyos ng pag-ibig sa mga masasama. Kaniyang pinasisikat ang araw at nagpapaulan sa kanila. Walang anumang pambihira sa bagay na ibigin ang umiibig sa iyo. Ginagawa iyan ng masasama. Walang dahilan na gantimpalaan ang sinuman sa bagay na iyan. Patunayan na kayo’y mga anak ng Diyos. Tularan siya. Ang inyong sarili’y gawin ninyong kapuwa ng lahat at ibigin ang inyong kapuwa. At sa gayo’y “magpakasakdal, gaya ng inyong makalangit na Ama na sakdal.” ’ (Mateo 5:45-48) Anong laking hamon na nagsisilbing pamantayan na dapat maabot! At ipinakikita nito na kapus na kapos sa pagkamatuwid ang mga eskriba at ang mga Fariseo!
20. Sa halip na pawalang-kabuluhan ang Kautusang Mosaiko, papaano pinalawak at idiniin ni Jesus ang epekto nito at lalo pang itinaas nang lalong mataas?
20 Kaya nang may tukuyin si Jesus na mga bahagi ng Kautusan at isusog niya, “Datapuwat, sinasabi ko sa inyo,” hindi niya iwinawaksi ang Kautusang Mosaiko at hinahalinhan ito ng iba. Hindi, kundi kaniyang idiniriin at pinalalawak ang puwersa nito sa pamamagitan ng pagpapakita ng espiritung nasa likod nito. Ang isang lalong mataas na batas ng pagkakapatiran ay humahatol ng salang pagpatay kung patuloy ang pagkapoot ninuman sa isa. Ang isang mataas na batas ng kalinisan ay kumukondena sa patuloy na mahalay na kaisipan tungkol sa isa bilang pangangalunya. Ang isang lalong mataas na batas ng pag-aasawa ay tumatanggi sa walang-saysay na diborsiyo bilang isang paraan na humahantong sa mapangalunyang muling-pag-aasawa. Ang isang lalong mataas na batas ng katotohanan ay nagpapakita na ang paulit-ulit na panunumpa ay hindi naman kinakailangan. Ang isang lalong mataas na batas ng kahinahunan ay humahadlang sa paghihiganti. Ang isang lalong mataas na batas ng pag-ibig ay nag-uutos ng isang maka-Diyos na pag-ibig na walang hangganan.
21. Tungkol sa pagkamatuwid sa sarili ng mga rabbi, ano ang ibinunyag ng mga payo ni Jesus, at ano pa ang matututuhan ng marami?
21 Anong tindi ng epekto ng gayong di pa naririnig na mga payo samantalang napapakinggan ng mga taong noon lamang nakarinig ng mga iyon! Sa liwanag ng mga ito ay lubusang nawalang-kabuluhan ang mapagpaimbabaw na pagkamatuwid-sa-sarili na resulta ng pagpapaalipin sa mga sali’t saling sabi ng mga rabbi! Ngunit samantalang ipinagpapatuloy ni Jesus ang kaniyang Sermon sa Bundok, ang maraming nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ng Diyos ay tiyakang matututo kung papaano kakamtin iyon, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Bakit lumikha ang mga Judio ng kanilang mga sali’t saling sabi?
◻ Anong dramatikong kabaligtaran ang ipinahayag ni Jesus tungkol sa mga eskriba at mga Fariseo at sa mga karaniwang tao?
◻ Papaano inaasahan ng mga eskriba at mga Fariseo na sila’y magtatamo ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos?
◻ Ano ang ipinakita ni Jesus na siyang paraan upang maiwasan ang pakikiapid at pangangalunya?
◻ Sa pagpapakita ng espiritung nasa likod ng Kautusang Mosaiko, anong lalong matataas na pamantayan ang itinatag ni Jesus?