Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ang Ibig Sabihin ng Iharap Mo ang Kabilang Pisngi?
SA KANIYANG tanyag na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesu-Kristo: “Huwag mong labanan siya na balakyot; kundi sinumang sumampal sa iyo sa iyong kanang pisngi, iharap mo rin sa kaniya ang kabila.”—Mateo 5:39.
Ano ang ibig niyang sabihin? Pinapayuhan ba niya ang mga Kristiyano na huwag protektahan ang kanilang sarili? Inaasahan ba ang mga Kristiyano na manahimik na lang at huwag nang humanap ng proteksiyon ng batas?
Kung Ano ang Ibig Sabihin ni Jesus
Para maunawaan ang ibig sabihin ni Jesus, tingnan muna natin kung bakit niya iyon sinabi at kung sino ang mga kausap niya. Bago sabihin ni Jesus ang siniping teksto sa itaas, binanggit muna niya ang isang bagay na alam na ng mga tagapakinig niya mula sa Banal na Kasulatan. Sinabi niya: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin.’”—Mateo 5:38.
Sinipi ni Jesus ang mga talatang ito sa Exodo 21:24 at Levitico 24:20. Pansinin na ayon sa Kautusan ng Diyos, ang parusang “mata para sa mata” na binanggit sa mga talatang iyon ay ilalapat sa wastong paraan matapos lamang ang isang paglilitis. Susuriin ng mga saserdote at hukom ang sitwasyon at aalamin kung sinadya ang pagkakasala.—Deuteronomio 19:15-21.
Sa paglipas ng panahon, pinilipit ng mga Judio ang pagkakapit sa batas na ito. Ayon sa ika-19 na siglong komentaryo sa Bibliya ni Adam Clarke: “Lumilitaw na ginamit ng mga Judio ang batas na ito [mata para sa mata, ngipin para sa ngipin] bilang basehan para pahintulutan ang pagkikimkim ng galit at paggawa ng anumang kalabisan sa layuning maghiganti. Kadalasan nang mas masama ang ginagawa ng naghihiganti kaysa sa ginawa sa kaniya ng nagkasala.” Pero hindi pinahihintulutan ng Kasulatan ang paghihiganti.
Ang turong ibinigay ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok tungkol sa ‘pagharap ng kabilang pisngi’ ay kasuwato ng kahulugan ng Kautusan ng Diyos sa Israel. Hindi naman sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na kapag sinampal sila, literal nilang ihaharap ang kabilang pisngi. Noong panahon ng Bibliya, gaya ng karaniwan din sa ngayon, ang isa ay hindi nananampal para manakit kundi para pumukaw ng galit o mag-umpisa ng away.
Kaya lumilitaw na ang ibig sabihin ni Jesus ay na kung nanghahamon ang isa sa pamamagitan ng literal na sampal—o masasakit na salita—dapat iwasan ng nasampal na gumanti. Dapat niyang iwasang humantong ito sa walang-tigil na higantihan.—Roma 12:17.
Ang sinabi ni Jesus ay katulad ng sinabi ni Haring Solomon: “Huwag mong sabihin: ‘Kung ano ang ginawa niya sa akin, gayon ang gagawin ko sa kaniya. Igaganti ko sa bawat isa ang ayon sa kaniyang pagkilos.’” (Kawikaan 24:29) Ihaharap ng isang tagasunod ni Jesus ang kaniyang pisngi sa diwa na hindi siya magpapadala sa tuksong lumaban.—2 Timoteo 2:24.
Mali Bang Ipagtanggol ang Sarili?
Ang pagharap ng kabilang pisngi ay hindi nangangahulugan na hindi na ipagtatanggol ng isang Kristiyano ang kaniyang sarili kapag may nananakit sa kaniya. Sa halip, ang ibig sabihin ni Jesus ay na hindi natin sasadyaing lumaban, o na hindi tayo magpapatuksong gumanti. Kung posible, isang katalinuhan na umalis na lang para makaiwas sa away. Pero tama rin na gumawa tayo ng paraan para maprotektahan ang ating sarili at humingi ng tulong sa pulisya kung biktima tayo ng krimen.
Sinunod ng mga unang tagasunod ni Jesus sa tamang paraan ang simulaing ito sa pagtatanggol sa kanilang legal na karapatan. Halimbawa, sinamantala ni apostol Pablo ang sistema ng batas noong panahon niya para protektahan ang kaniyang karapatan na tuparin ang utos ni Jesus na mangaral. (Mateo 28:19, 20) Noong nangangaral sa lunsod ng Filipos, si Pablo at ang kasama niyang misyonero na si Silas ay inaresto ng awtoridad at inakusahan ng paglabag sa batas.
Pinagpapalo sila sa harap ng maraming tao at ikinulong nang walang paglilitis. Nang magkaroon ng pagkakataon, ginamit ni Pablo ang kaniyang karapatan bilang mamamayang Romano. Natakot ang mga awtoridad nang malamang Romano si Pablo, at pinakiusapan nila siya at si Silas na umalis na lang. Kaya naglaan si Pablo ng isang halimbawa sa “pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita.”—Gawa 16:19-24, 35-40; Filipos 1:7.
Gaya ni Pablo, madalas na napipilitang dumulog sa korte ang mga Saksi ni Jehova para maipagpatuloy ang kanilang gawain bilang Kristiyano. Totoo ito kahit sa mga bansa na ipinangangalandakang malaya ang kanilang mamamayan pagdating sa relihiyon. May kinalaman naman sa krimen at kaligtasan bilang isang indibiduwal, hindi obligado ang mga Saksi ni Jehova na iharap ang kanilang kabilang pisngi. Puwede nilang ipagtanggol ang kanilang sarili sa pamamagitan ng legal na mga hakbang kapag inaabuso na sila.
Kaya bilang mga Kristiyano, makatuwiran lang na gumawa ang mga Saksi ng mga hakbang para makamit ang ilang legal na karapatan kahit hindi ito laging nagtatagumpay. Tulad ni Jesus, ipinauubaya nila ang mga bagay na ito, pangunahin na sa Diyos. Nagtitiwala silang kikilos ang Diyos yamang alam Niya ang lahat ng detalye. Alam nilang makikita sa Kaniyang parusa ang sakdal na katarungan. (Mateo 26:51-53; Judas 9) Tinatandaan ng mga tunay na Kristiyano na ang paghihiganti ay kay Jehova.—Roma 12:17-19.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Anong mga pagkilos ang dapat iwasan ng mga Kristiyano?—Roma 12:17.
● Ipinagbabawal ba ng Bibliya ang pagtatanggol sa sarili sa legal na paraan?—Filipos 1:7.
● Sa ano nagtitiwala si Jesus sa kaniyang Ama?—Mateo 26:51-53.