KABANATA 7
Dinalaw ng mga Astrologo si Jesus
SINUNDAN NG MGA ASTROLOGO ANG ISANG “BITUIN” PATUNGO SA JERUSALEM AT PAGKATAPOS AY KAY JESUS
May ilang lalaking taga-Silangan. Mga astrologo sila at pinag-aaralan nila ang posisyon ng mga bituin at inaangking mabibigyang-kahulugan nila ang mga pangyayari sa buhay ng tao. (Isaias 47:13) Mula sa Silangan, nakakita sila ng isang “bituin” at sinundan nila iyon daan-daang kilometro, hindi patungo sa Betlehem, kundi sa Jerusalem.
Pagdating nila roon, nagtanong sila: “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita kasi namin ang bituin niya noong nasa Silangan kami, at nagpunta kami rito para magbigay-galang sa kaniya.”—Mateo 2:1, 2.
Nabalitaan ito ni Herodes, ang hari ng Jerusalem, kaya takót na takót siya. Kaya ipinatawag niya ang mga punong saserdote at iba pang Judiong lider ng relihiyon para tanungin sila kung saan isisilang ang Kristo. Sumagot sila ayon sa sinasabi ng Kasulatan: “Sa Betlehem po.” (Mateo 2:5; Mikas 5:2) Pagkarinig nito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga astrologo, at sinabi sa kanila: “Hanapin ninyong mabuti ang bata, at kapag nakita ninyo siya, sabihin ninyo sa akin para makapunta rin ako at makapagbigay-galang sa kaniya.” (Mateo 2:8) Pero ang totoo, ipinahahanap ni Herodes ang bata para patayin ito!
Pagkaalis ng mga astrologo, may kakaibang bagay na nangyari. Ang “bituin” na nakita nila noong nasa Silangan sila ay nagsimulang maglakbay sa unahan nila. Malinaw, hindi ito isang pangkaraniwang bituin, kundi sadyang inilaan para umakay sa kanila. Sinundan ito ng mga astrologo hanggang sa huminto ito sa tapat ng bahay nina Jose at Maria, kasama ang kanilang anak.
Pagpasok ng mga astrologo sa bahay, nakita nila si Maria kasama ang batang si Jesus. Lumuhod sila at nagbigay-galang sa kaniya. Nagbigay rin sila ng mga regalo—ginto, olibano, at mira. Noong pauwi na sila, binabalaan sila ng Diyos sa isang panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Kaya iba ang dinaanan nila pauwi sa kanilang lupain.
Kanino kaya galing ang “bituin” na umakay sa mga astrologo? Tandaan, hindi sila agad inakay nito kay Jesus sa Betlehem. Sa halip, inakay muna sila nito sa Jerusalem, kung saan nila nakausap si Haring Herodes, na gustong pumatay kay Jesus. Malamang na ganoon nga ang nangyari kung hindi binabalaan ng Diyos ang mga astrologo na huwag ipaalam kay Herodes kung nasaan si Jesus. Maliwanag, galing ito sa kaaway ng Diyos, si Satanas, ang gustong pumatay kay Jesus, at ginamit niya ang bituing iyon para isakatuparan ang gusto niya.