Patuloy na Gumawa ng Mabuti
“Patuloy na . . . gumawa ng mabuti.”—LUC. 6:35.
1, 2. Bakit madalas na nagiging hamon ang paggawa ng mabuti sa iba?
ANG paggawa ng mabuti sa iba ay maaaring maging isang hamon. Baka ang pag-ibig na ipinakikita natin sa iba ay hindi naman masuklian ng gayunding pag-ibig. Bagaman sinisikap nating tulungan ang mga tao sa pamamagitan ng paghahatid sa kanila ng “maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos” at ng kaniyang Anak, baka hindi naman sila interesado o wala silang pagpapahalaga. (1 Tim. 1:11) Ipinakikita pa nga ng iba na sila’y galit na “mga kaaway ng pahirapang tulos ng Kristo.” (Fil. 3:18) Bilang mga Kristiyano, paano natin sila dapat pakitunguhan?
2 Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at gumawa ng mabuti.” (Luc. 6:35) Pag-isipan nating mabuti ang payong ito. Matutulungan din tayo ng iba pang mga puntong binanggit ni Jesus tungkol sa paggawa ng mabuti sa iba.
“Ibigin ang Inyong mga Kaaway”
3. (a) Sa iyong sariling salita, ibuod ang binanggit ni Jesus sa Mateo 5:43-45. (b) Ano ang naging kaisipan ng unang-siglong mga Judiong lider ng relihiyon hinggil sa mga Judio at di-Judio?
3 Sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na ibigin ang kanilang mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa kanila. (Basahin ang Mateo 5:43-45.) Nang pagkakataong iyon, ang mga naroroon ay mga Judiong may kabatiran sa utos ng Diyos: “Huwag kang maghihiganti ni magkikimkim ng sama ng loob laban sa mga anak ng iyong bayan; at iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Lev. 19:18) Inakala ng unang-siglong mga Judiong lider ng relihiyon na ang “mga anak ng iyong bayan” at ang “iyong kapuwa” ay tumutukoy lamang sa mga Judio. Hinihiling ng Kautusang Mosaiko na manatiling hiwalay ang mga Israelita mula sa ibang mga bansa, pero nang maglaon, nagkaroon ng kaisipan na ang lahat ng di-Judio ay mga kaaway na dapat kamuhian.
4. Paano dapat makitungo ang mga alagad ni Jesus sa kanilang mga kaaway?
4 Samantala, inihayag naman ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mat. 5:44) Ang kaniyang mga alagad ay inuutusang magpakita ng pag-ibig sa lahat ng napopoot sa kanila. Ayon sa manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas, sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig, Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway, gawan ng mabuti yaong mga napopoot sa inyo, pagpalain yaong mga sumusumpa sa inyo, ipanalangin yaong mga umiinsulto sa inyo.” (Luc. 6:27, 28) Gaya ng mga indibiduwal noong unang siglo na nagkapit sa kanilang buhay ng mga pananalita ni Jesus, masasabing tayo ay ‘gumagawa ng mabuti sa mga napopoot’ sa atin kung ginagantihan natin ng mabuti ang masama. ‘Pinagpapala natin yaong mga sumusumpa’ sa atin kung nakikipag-usap tayo sa kanila nang may kabaitan. At ‘ipinananalangin natin yaong mga umuusig’ sa atin kahit na ginagamitan tayo ng dahas o iba pang uri ng ‘pang-iinsulto.’ Ang mga pakiusap na iyon ay maibiging mga kahilingan na magbago sana ang mga mang-uusig na ito at kumilos ayon sa kalooban ni Jehova.
5, 6. Bakit dapat nating ibigin ang ating mga kaaway?
5 Bakit tayo dapat magpakita ng pag-ibig sa ating mga kaaway? “Upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 5:45) Kung sinusunod natin ang payong iyan, tayo ay nagiging “mga anak” ng Diyos dahil tinutularan natin si Jehova, na ‘nagpapasikat ng kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.’ Gaya ng pagkakasabi sa aklat ng Lucas, ang Diyos ay “mabait sa mga walang utang-na-loob at balakyot.”—Luc. 6:35.
6 Upang idiin kung gaano kahalaga na ang kaniyang mga alagad ay ‘patuloy na umibig sa kanilang mga kaaway,’ sinabi ni Jesus: “Kung iniibig ninyo yaong mga umiibig sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba ginagawa rin ng mga maniningil ng buwis ang gayunding bagay? At kung ang inyong mga kapatid lamang ang binabati ninyo, anong pambihirang bagay ang inyong ginagawa? Hindi ba ginagawa rin ng mga tao ng mga bansa ang gayunding bagay?” (Mat. 5:46, 47) Kung ang iibigin lamang natin ay yaong mga gumaganti rin ng pag-ibig, wala itong idudulot na “gantimpala,” o pabor, mula sa Diyos. Kahit nga ang mga maniningil ng buwis, na karaniwan nang hinahamak, ay nagpapakita rin ng pag-ibig sa mga umiibig sa kanila.—Luc. 5:30; 7:34.
7. Bakit masasabing hindi pambihirang bagay kung ang babatiin lamang natin ay yaong ating “mga kapatid”?
7 Kalakip sa karaniwang pagbati ng mga Judio ang salitang “kapayapaan.” (Huk. 19:20; Juan 20:19) Nagpapahiwatig ito ng paghahangad na sana’y maging masagana, malusog, at maligaya ang kanilang binabati. Hindi masasabing isang “pambihirang bagay” kung ang babatiin lamang natin ay yaong mga taong itinuturing nating “mga kapatid.” Gaya ng sinabi ni Jesus, gayundin ang ginagawa “ng mga tao ng mga bansa.”
8. Ano ang hinihimok ni Jesus na gawin ng kaniyang mga tagapakinig nang sabihin niya: “Dapat kayong magpakasakdal”?
8 Dahil sa minanang kasalanan, imposibleng maging sakdal at walang-kapintasan ang mga alagad ni Kristo. (Roma 5:12) Pero tinapos ni Jesus ang bahaging ito ng kaniyang pahayag sa pagsasabi: “Kaya nga dapat kayong magpakasakdal, kung paanong ang inyong makalangit na Ama ay sakdal.” (Mat. 5:48) Samakatuwid, hinihimok niya ang kaniyang mga tagapakinig na tularan ang kanilang “makalangit na Ama,” si Jehova, sa pamamagitan ng pagpapasakdal ng kanilang pag-ibig—anupat ginagawa itong ganap sa pamamagitan ng pag-ibig sa kanilang mga kaaway. Ganito rin ang inaasahan sa atin.
Bakit Dapat Magpatawad?
9. Ano ang kahulugan ng mga salitang: “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang”?
9 Masasabing patuloy tayong gumagawa ng mabuti kung kaaawaan natin at patatawarin ang nagkakasala sa atin. Sa katunayan, ganito ang pagkakasabi sa isang bahagi ng modelong panalangin ni Jesus: “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.” (Mat. 6:12) Mangyari pa, hindi ito tumutukoy sa pagpapatawad sa inutang na pera. Ipinakikita sa Ebanghelyo ni Lucas na ang “mga pagkakautang” na nasa isip ni Jesus ay mga kasalanan, dahil sinasabi roon: “Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat kami rin naman ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin.”—Luc. 11:4.
10. Kung tungkol sa pagpapatawad, paano natin matutularan ang Diyos?
10 Kailangan nating tularan ang Diyos, na lubusang nagpapatawad sa mga nagsisising makasalanan. Sumulat si apostol Pablo: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.” (Efe. 4:32) Umawit ang salmistang si David: “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. . . . Hindi pa niya ginawa sa atin ang ayon nga sa ating mga kasalanan; ni pinasapitan man niya tayo ng nararapat sa atin ayon sa ating mga kamalian. . . . Kung gaano kalayo ang sikatan ng araw sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya inilalagay mula sa atin ang ating mga pagsalansang. Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niyang lubos ang kaanyuan natin, na inaalaalang tayo ay alabok.”—Awit 103:8-14.
11. Sino lamang ang pinatatawad ng Diyos?
11 Patatawarin lamang ng Diyos ang mga tao kung napatawad na nila ang mga nagkasala sa kanila. (Mar. 11:25) Para idiin ang puntong ito, idinagdag pa ni Jesus: “Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, patatawarin din kayo ng inyong makalangit na Ama; samantalang kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga pagkakamali.” (Mat. 6:14, 15) Oo, ang pinatatawad lamang ng Diyos ay yaong mga lubusang nagpapatawad sa iba. At ang isang paraan ng patuloy na paggawa ng mabuti ay ang pagsunod sa payo ni Pablo: “Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.”—Col. 3:13.
“Huwag Na Kayong Humatol”
12. Anong payo ang ibinigay ni Jesus tungkol sa paghatol sa iba?
12 Binanggit sa Sermon sa Bundok ang isa pang paraan ng paggawa ng mabuti nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na huwag nang humatol sa iba at pagkatapos ay nagbigay siya ng isang mabisang ilustrasyon para idiin ang puntong iyon. (Basahin ang Mateo 7:1-5.) Tingnan natin kung ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Huwag na kayong humatol.”
13. Paano magagawa ng mga tagapakinig ni Jesus na “patuloy na magpalaya”?
13 Sinipi sa Ebanghelyo ni Mateo ang sinabi ni Jesus: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan.” (Mat. 7:1) Ayon kay Lucas, sinabi ni Jesus: “Huwag na kayong humatol, at hindi kayo sa anumang paraan hahatulan; at huwag na kayong magpataw ng hatol, at hindi kayo sa anumang paraan papatawan ng hatol. Patuloy na magpalaya, at kayo ay palalayain.” (Luc. 6:37) Ang mga Pariseo noong unang siglo ay may-kalupitang humahatol sa iba salig sa di-makakasulatang mga tradisyon. Sinumang tagapakinig ni Jesus na gumagawa nito ay kailangang “huwag nang humatol.” Sa halip, dapat silang “patuloy na magpalaya,” samakatuwid nga, magpatawad sa mga pagkukulang ng iba. Nagbigay si apostol Pablo ng gayunding payo tungkol sa pagpapatawad, gaya ng binanggit sa itaas.
14. Kapag nagpapatawad, mauudyukan ng mga alagad ni Jesus ang mga tao na gumawa ng ano?
14 Kapag nagpapatawad, mauudyukan ng mga alagad ni Jesus ang mga tao na magpatawad din. “Sa hatol na inyong inihahatol ay hahatulan kayo,” ang sabi ni Jesus, “at ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo.” (Mat. 7:2) May kinalaman sa ating pakikitungo sa iba, aanihin natin ang ating inihasik.—Gal. 6:7.
15. Paano ipinakita ni Jesus na mali ang pagiging masyadong mapunahin?
15 Tandaan na para ipakitang mali ang pagiging masyadong mapunahin, nagtanong si Jesus: “Kung gayon, bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata? O paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Pahintulutan mo akong alisin ang dayami mula sa iyong mata’; gayong, narito! isang tahilan ang nasa iyong sariling mata?” (Mat. 7:3, 4) Ang isang taong mapunahin sa iba ay nakapapansin sa isang maliit na depekto sa “mata” ng kaniyang kapatid. Parang gustong sabihin ng taong ito na malabo ang paningin ng kaniyang kapatid at mahina ito pagdating sa mga desisyon. Bagaman maliit na pagkakamali lamang—na gaya ng kapirasong dayami—nagpiprisinta siyang “alisin ang dayami.” Gusto niyang makatulong na luminaw ang paningin ng kapatid na para bang siya mismo ay hindi nagkakamali.
16. Bakit masasabing ang mga Pariseo ay may “tahilan” sa kanilang mata?
16 Wala nang tatalo pa sa mga Judiong lider ng relihiyon pagdating sa pagiging mapunahin. Bilang paglalarawan: Nang sabihin ng isang bulag na lalaking pinagaling ni Kristo na si Jesus ay talagang nagmula sa Diyos, pagalit na sumagot ang mga Pariseo: “Ikaw ay lubusang ipinanganak sa mga kasalanan, at gayunma’y tinuturuan mo ba kami?” (Juan 9:30-34) Kung ang pag-uusapan ay tungkol sa maliwanag na paningin sa espirituwal at kakayahang magdesisyon nang tama, ang mga Pariseo ay masasabing may “tahilan” [troso, Biblia ng Sambayanang Pilipino], sa kanilang sariling mata at lubusan nang nabulag. Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan mula sa iyong sariling mata, at kung magkagayon ay makikita mo nang malinaw kung paano aalisin ang dayami mula sa mata ng iyong kapatid.” (Mat. 7:5; Luc. 6:42) Kung determinado tayong gumawa ng mabuti at makitungo nang tama sa iba, hindi tayo magiging masyadong mapunahin, na wala nang hinahanap kundi ang makasagisag na dayami sa mata ng ating mga kapatid. Sa halip, tatanggapin nating tayo’y mga di-sakdal at hindi natin dapat hatulan at pintasan ang ating mga kapananampalataya.
Kung Paano Natin Dapat Pakitunguhan ang Iba
17. Ayon sa Mateo 7:12, paano natin dapat pakitunguhan ang iba?
17 Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus na ang Diyos ay parang Ama sa Kaniyang mga lingkod dahil sinasagot Niya ang kanilang mga panalangin. (Basahin ang Mateo 7:7-12.) Kapansin-pansin na nagtakda si Jesus ng tuntuning ito sa kagandahang-asal: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mat. 7:12) Kung ganito ang ating pakikitungo sa ating kapuwa, saka lamang natin masasabing tunay nga tayong mga tagasunod ni Jesu-Kristo.
18. Paano ipinakita ng “Kautusan” na dapat tayong makitungo sa iba ayon sa gusto nating pakikitungo nila sa atin?
18 Matapos sabihing dapat tayong makitungo sa iba ayon sa gusto nating pakikitungo nila sa atin, sinabi pa ni Jesus: “Ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.” Kung ang pakikitungo natin sa iba ay ayon sa sinabi ni Jesus, kumikilos tayo ayon sa espiritung nasa likod ng “Kautusan”—mga akdang bumubuo sa mga aklat ng Bibliya na Genesis hanggang Deuteronomio. Bukod sa isinisiwalat nito ang layunin ni Jehova na magsilang ng binhing mag-aalis sa kasamaan, ang mga aklat na ito ay naglalaman ng Kautusan na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises noong 1513 B.C.E. (Gen. 3:15) Bukod sa iba pang bagay, niliwanag ng Kautusan na ang mga Israelita ay dapat na maging makatarungan, walang pagtatangi at gumagawa ng mabuti sa mga napipighati at mga naninirahang dayuhan sa lupain.—Lev. 19:9, 10, 15, 34.
19. Paano ipinakikita ng “mga Propeta” na dapat tayong gumawa ng mabuti?
19 Nang tukuyin niya ang “mga Propeta,” nasa isip ni Jesus ang mga makahulang aklat ng Hebreong Kasulatan. Ang mga ito’y naglalaman ng mga hula tungkol sa Mesiyas na natupad mismo kay Kristo. Ipinakikita rin ng mga akdang ito na pinagpapala ng Diyos ang mga tao kapag ang ginagawa nila at ang pakikitungo nila sa iba ay tama sa Kaniyang paningin. Halimbawa, sa hula ni Isaias, ganito ang payo sa mga Israelita: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Ingatan ninyo ang katarungan, at gawin ninyo ang matuwid. . . . Maligaya ang taong mortal na gumagawa nito, at ang anak ng sangkatauhan na nanghahawakan dito, na . . . nag-iingat ng kaniyang kamay upang huwag makagawa ng anumang uri ng kasamaan.’” (Isa. 56:1, 2) Oo, umaasa ang Diyos na patuloy na gagawa ng mabuti ang kaniyang bayan.
Palaging Gumawa ng Mabuti sa Iba
20, 21. Ano ang reaksiyon ng mga tao sa Sermon sa Bundok na ibinigay ni Jesus, at bakit mo ito dapat pag-isipang mabuti?
20 Ang ating tinalakay ay ilan lamang sa maraming napakahahalagang puntong ibinigay ni Jesus sa kaniyang walang-katulad na Sermon sa Bundok. Magkagayunman, naunawaan agad natin ang reaksiyon ng mga nakarinig sa kaniyang sinabi nang pagkakataong iyon. Sinabi ng kinasihang ulat: “Ngayon nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, bilang resulta ay lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo; sapagkat siya ay nagtuturo sa kanila na gaya ng isang taong may awtoridad, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.”—Mat. 7:28, 29.
21 Walang-pagsalang si Jesu-Kristo nga ang inihulang “Kamangha-manghang Tagapayo.” (Isa. 9:6) Ang Sermon sa Bundok ay isang napakagandang halimbawa na nagpapakitang alam ni Jesus ang pangmalas ng kaniyang makalangit na Ama sa mga bagay-bagay. Bukod sa mga puntong tinalakay natin, ang pahayag na iyon ay maraming binabanggit tungkol sa tunay na kaligayahan, kung paano maiiwasan ang imoralidad, kung paano magsasagawa ng katuwiran, kung ano ang dapat nating gawin para magkaroon ng tiwasay at maligayang kinabukasan, at marami pang iba. Bakit hindi mo maingat na basahing muli ang Mateo kabanata 5 hanggang 7 at samahan ito ng panalangin? Pag-isipan mong mabuti ang magagandang payo ni Jesus na nakaulat doon. Ikapit mo sa iyong buhay ang sinabi ni Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok. Kapag ginawa mo ito, mas magiging madali sa iyo ang pagpapalugod kay Jehova, pakikitungo nang tama, at patuloy na paggawa ng mabuti.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano natin dapat pakitunguhan ang ating mga kaaway?
• Bakit dapat tayong maging mapagpatawad?
• Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa paghatol sa tao?
• Ayon sa Mateo 7:12, paano natin dapat pakitunguhan ang iba?
[Blurb sa pahina 10]
Alam mo ba kung bakit sinabi ni Jesus: “Huwag na kayong humatol”?
[Larawan sa pahina 8]
Bakit dapat nating ipanalangin ang mga umuusig sa atin?
[Larawan sa pahina 10]
Palagi mo bang pinakikitunguhan ang iba ayon sa gusto mong pakikitungo nila sa iyo?