Kaharian ng Diyos—Nakahihigit sa Lahat ng Paraan
TINURUAN ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’” (Mateo 6:9, 10) Ang panalanging ito na tinatawag ng marami na Ama Namin, o Panalangin ng Panginoon, ay nagpapaliwanag ng layunin ng Kaharian ng Diyos.
Sa pamamagitan ng Kaharian, ang pangalan ng Diyos ay pababanalin. Aalisin ang lahat ng upasalang idinulot dito ng paghihimagsik ni Satanas at ng tao. Napakahalaga nito. Liligaya lamang ang lahat ng matatalinong nilalang kung pababanalin nila ang pangalan ng Diyos at kung kusang-loob nilang tatanggapin ang karapatan niyang mamahala.—Apocalipsis 4:11.
Karagdagan pa, ang Kaharian ay itinatag upang “mangyari nawa ang . . . kalooban [ng Diyos], kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” At ano naman ang kaloobang iyon? Iyon ay ang pagsasauli ng kaugnayan ng Diyos sa sangkatauhan, na naiwala ni Adan. Tutuparin din ng Kaharian ang layunin ng Soberano ng Sansinukob, si Jehova, na magtatag ng paraiso sa lupa kung saan ang mabubuting tao ay tatahan magpakailanman. Oo, aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pinsalang idinulot ng orihinal na kasalanan at isasakatuparan nito ang maibiging layunin ng Diyos para sa lupa. (1 Juan 3:8) Sa katunayan, ang Kahariang ito at ang isasagawa nito ang pangunahing mensahe ng Bibliya.
Nakahihigit sa Anu-anong Paraan?
Ang Kaharian ng Diyos ay isang literal na pamahalaan na may malawak na kapangyarihan. Binigyan tayo ni propeta Daniel ng ideya kung gaano kalakas ang kapangyarihan nito. Inihula niya noon pa man: “Magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [ng tao].” Karagdagan pa, di-tulad ng mga pamahalaan ng tao, na bumabangon at bumabagsak mula pa sa kasaysayan, ang Kaharian ng Diyos ay “hindi magigiba kailanman.” (Daniel 2:44) Hindi lamang iyan. Sa lahat ng anggulo, ang Kahariang ito ay di-hamak na nakahihigit sa alinmang pamahalaan ng tao.
Ang Kaharian ng Diyos ay may nakahihigit na Hari.
Pansinin kung sino ang Haring iyon. Sa ‘isang panaginip at mga pangitain’ na ibinigay sa kaniya, nakita ni Daniel ang Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos bilang “isang gaya ng anak ng tao” na dinala sa harap ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at binigyan ng namamalaging “pamamahala at dangal at kaharian.” (Daniel 7:1, 13, 14) Ang Anak ng tao ay walang iba kundi si Jesu-Kristo—ang Mesiyas. (Mateo 16:13-17) Inatasan ng Diyos na Jehova ang kaniyang sariling Anak, si Jesus, upang maging Hari ng Kaniyang Kaharian. Nang nasa lupa, sinabi ni Jesus sa napakasamang mga Pariseo: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo,” na nangangahulugang siya, ang magiging Hari ng Kahariang iyon, ay kasama nila.—Lucas 17:21.
Sinong tao ang makapapantay sa kredensiyal ni Jesus bilang Tagapamahala? Napatunayan na ni Jesus na siya ay talagang matuwid, maasahan, at mahabaging Lider. Inilarawan siya ng Ebanghelyo bilang lalaking kilala sa gawa at isa na may magiliw na pagmamahal at masidhing damdamin. (Mateo 4:23; Marcos 1:40, 41; 6:31-34; Lucas 7:11-17) Karagdagan pa, wala nang kapangyarihan ang kamatayan sa binuhay-muling si Jesus at wala na siyang limitasyon na karaniwan sa tao.—Isaias 9:6, 7.
Si Jesus at ang kaniyang mga kasama ay namamahala sa isang nakatataas na posisyon.
Sa kaniyang panaginip at pangitain, nakita rin ni Daniel na “ang kaharian at ang pamamahala . . . ay ibinigay sa bayan na siyang mga banal.” (Daniel 7:27) Hindi lamang si Jesus ang mamamahala. Mayroon siyang kasamang mamamahala bilang mga hari at maglilingkod bilang mga saserdote. (Apocalipsis 5:9, 10; 20:6) Tungkol sa kanila ay isinulat ni apostol Juan: “Nakita ko, at, narito! ang Kordero na nakatayo sa Bundok Sion, at ang kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo . . . na binili mula sa lupa.”—Apocalipsis 14:1-3.
Ang Kordero ay si Jesu-Kristo na nakaluklok na sa Kaharian. (Juan 1:29; Apocalipsis 22:3) Ang Bundok Sion ay tumutukoy sa langit.a (Hebreo 12:22) Si Jesus at ang kaniyang kasamang 144,000 ay mamamahala mula sa langit. Isa ngang napakatayog na dako ng pamamahala! Dahil nasa langit, mas malawak ang natatanaw nila. Yamang sa langit ito nakatatag, ang “kaharian ng Diyos” ay tinatawag ding “kaharian ng langit.” (Lucas 8:10; Mateo 13:11) Walang sandata, ni nuklear na pagsalakay man, ang makaaabot at makapagpapabagsak sa makalangit na pamahalaang iyon. Hindi iyon malulupig sa halip tutuparin nito ang layunin ni Jehova.—Hebreo 12:28.
Ang Kaharian ng Diyos ay may mapagkakatiwalaang kinatawan sa lupa.
Bakit natin ito nasabi? Binanggit ng Awit 45:16: “Aatasan mo [sila] bilang mga prinsipe sa buong lupa.” Ang “mo” sa hulang ito ay ang Anak ng Diyos. (Awit 45:6, 7; Hebreo 1:7, 8) Samakatuwid, si Jesu-Kristo mismo ang mag-aatas sa mga kinatawang prinsipe. Makatitiyak tayo na mapagkakatiwalaan sila sa pagtupad nila sa kaniyang mga tagubilin. Maging sa ngayon, ang mga kuwalipikadong lalaking naglilingkod bilang matatanda sa kongregasyong Kristiyano ay tinuturuang huwag ‘mamanginoon’ sa kanilang mga kapananampalataya, kundi magsanggalang, magpanariwa, at umaliw sa kanila.—Mateo 20:25-28; Isaias 32:2.
Ang Kaharian ay may matuwid na mga sakop.
Sila ay walang kapintasan at matuwid sa paningin ng Diyos. (Kawikaan 2:21, 22) “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa,” ang sabi ng Bibliya, “at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Ang mga sakop ng Kaharian ay maaamo—madaling turuan at mapagpakumbaba, mahinahon at mabait. Pangunahin sa kanila ang espirituwal na mga bagay. (Mateo 5:3) Gusto nilang gawin kung ano ang tama at masunurin sila sa Diyos.
Ang Kaharian ng Diyos ay inuugitan ng nakahihigit na mga kautusan.
Ang mga kautusan at simulaing umuugit sa Kaharian ay mula sa Diyos na Jehova mismo. Sa halip na maging di-makatarungang paghihigpit, kapaki-pakinabang pa nga ito para sa atin. (Awit 19:7-11) Marami na ang nakikinabang dahil sa pamumuhay ayon sa matuwid na mga kahilingan ni Jehova. Halimbawa, gumaganda ang buhay pampamilya kapag sinusunod ng mga asawang lalaki, asawang babae, at mga anak ang payo ng Bibliya. (Efeso 5:33–6:3) Kapag sinusunod natin ang utos na ‘damtan ang ating sarili ng pag-ibig,’ bumubuti ang kaugnayan natin sa iba. (Colosas 3:13, 14) Habang ikinakapit natin sa ating buhay ang mga simulain ng Kasulatan, nalilinang natin ang mabubuting kaugalian sa trabaho at timbang na pangmalas sa salapi. (Kawikaan 13:4; 1 Timoteo 6:9, 10) Ang pag-iwas sa paglalasing, seksuwal na imoralidad, tabako, at nakasusugapang droga ay tumutulong upang maingatan natin ang ating kalusugan.—Kawikaan 7:21-23; 23:29, 30; 2 Corinto 7:1.
Ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaang itinatag ng Diyos. Ang Hari nito—ang Mesiyas na si Jesu-Kristo—at ang lahat ng kaniyang kasamang tagapamahala ay may pananagutan sa Diyos na itaguyod ang Kaniyang matuwid na mga kautusan at maibiging mga simulain. Ang mga sakop ng Kaharian, pati na ang makalupang mga kinatawan nito, ay nalulugod na mamuhay ayon sa mga kautusan ng Diyos. Kaya naman, ang Diyos ang pinakamahalaga sa buhay ng mga tagapamahala at ng mga sakop ng Kaharian. Dahil dito, ang Kaharian ay isang tunay na teokrasya—pamamahala ng Diyos. Tiyak na magtatagumpay ito sa pagsasakatuparan ng layunin kung bakit ito itinatag. Ngunit kailan ba magsisimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos, na tinatawag ding Mesiyanikong Kaharian?
Namamahala Na ang Kaharian
Ang susi upang maunawaan kung kailan mamamahala ang Kaharian ay masusumpungan sa mga salita ni Jesus. “Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa,” ang sabi niya, “hanggang sa matupad ang mga takdang panahon ng mga bansa.” (Lucas 21:24) Ang Jerusalem ang tanging lunsod sa buong lupa na tuwirang iniuugnay sa pangalan ng Diyos. (1 Hari 11:36; Mateo 5:35) Ito ang naging kabisera ng makalupang kaharian na sinang-ayunan ng Diyos. Ang lunsod na iyon ay yuyurakan ng mga bansa sa diwa na ang pamamahala ng Diyos sa kaniyang bayan ay pahihintuin ng mga pamahalaan ng sanlibutan. Kailan ito magsisimula?
Ang huling haring umupo sa trono ni Jehova sa Jerusalem ay sinabihan: “Hubarin mo ang turbante, at alisin mo ang korona. . . . Hindi nga iyon aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko iyon sa kaniya.” (Ezekiel 21:25-27) Aalisin ang korona sa ulo ng haring iyon, at ang pamamahala ng Diyos sa Kaniyang bayan ay mahihinto. Nangyari ito noong 607 B.C.E. nang wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem. Sa loob ng sumunod na “mga takdang panahon,” hindi nagkaroon ang Diyos ng pamahalaan sa lupa na kumakatawan sa kaniyang pamamahala. Sa katapusan lamang ng panahong iyon ibibigay ni Jehova ang kapangyarihang mamahala sa isa na “may legal na karapatan”—si Jesu-Kristo. Gaano kaya katagal ang panahong iyon?
Isang hula sa aklat ng Bibliya na Daniel ang nagsasabi: “Ibuwal ninyo ang punungkahoy, at sirain ninyo iyon. Gayunman, iwan ninyo ang tuod nito sa lupa, ngunit may bigkis na bakal at tanso . . . hanggang sa pitong panahon ang makalipas dito.” (Daniel 4:23) Gaya ng makikita natin, ang “pitong panahon” na binabanggit dito ay kasinghaba ng “mga takdang panahon ng mga bansa.”
Sa Bibliya, ang mga indibiduwal, mga tagapamahala, at mga kaharian ay lumalarawan kung minsan sa mga punungkahoy. (Awit 1:3; Jeremias 17:7, 8; Ezekiel, kabanata 31) Ang makasagisag na punungkahoy na ito ay “nakikita hanggang sa dulo ng buong lupa.” (Daniel 4:11) Sa gayon, ang pamamahalang inilarawan ng punungkahoy na puputulin at bibigkisan ay aabot “hanggang sa dulo ng lupa,” na sumasaklaw sa buong kaharian ng mga tao. (Daniel 4:17, 20, 22) Kaya ang punungkahoy ay lumalarawan sa kataas-taasang pamamahala ng Diyos, partikular na sa kaugnayan nito sa lupa. Sa loob ng ilang panahon, ang kahariang itinatag ni Jehova sa bansang Israel ang gumanap ng pamamahalang ito. Pinutol ang simbolikong punungkahoy, at binigkisan ng bakal at tanso ang tuod nito upang pigilan ang paglaki nito. Ipinakikita nito na ang kinatawang pamahalaan ng Diyos dito sa lupa ay titigil sa pamamalakad nito, tulad ng nangyari noong 607 B.C.E.—ngunit hindi habang panahon. Ang punungkahoy ay mananatiling nabibigkisan hanggang sa lumipas ang “pitong panahon.” Sa katapusan ng panahong iyon, ibibigay ni Jehova ang pamamahala sa legal na tagapagmana, si Jesu-Kristo. Maliwanag, ang “pitong panahon” at “ang mga takdang panahon ng mga bansa” ay tumutukoy sa iisang yugto ng panahon.
Tinutulungan tayo ng Bibliya na malaman ang haba ng “pitong panahon.” Sinasabi nito na ang 1,260 araw ay katumbas ng “isang panahon at mga panahon [dalawang panahon, pangmaramihan] at kalahating panahon”—may kabuuan na tatlo at kalahating “panahon.” (Apocalipsis 12:6, 14) Nangangahulugan ito na ang dalawang ulit ng bilang na ito, o pitong panahon, ay 2,520 araw.
Kung bibilang tayo ng 2,520 literal na mga araw mula 607 B.C.E. papatak ito sa 600 B.C.E. Gayunman, mas mahaba pa rito ang pitong panahon. Nagpapatuloy pa rin ito nang banggitin ni Jesus “ang mga takdang panahon ng mga bansa.” Samakatuwid, ang pitong panahon ay makahula. Kaya dapat nating ikapit ang maka-Kasulatang tuntunin: “Isang araw para sa isang taon.” (Bilang 14:34; Ezekiel 4:6) Kung gayon, ang pitong panahon ng pamumuno sa lupa ng makasanlibutang mga kapangyarihan nang walang pakikialam ng Diyos ay katumbas ng 2,520 taon. Kung bibilang tayo ng 2,520 taon mula 607 B.C.E. papatak ito sa 1914 C.E. Ito ang taon nang “ang mga takdang panahon ng mga bansa,” o pitong panahon, ay natapos. Nangangahulugan ito na nagsimula nang mamahala si Jesu-Kristo bilang Hari sa Kaharian ng Diyos noong 1914.
“Dumating Nawa ang Iyong Kaharian”
Yamang naitatag na ang Mesiyanikong Kaharian sa langit, dapat pa ba nating patuloy na ipanalangin ang pagdating nito, gaya ng itinuro ni Jesus sa modelong panalangin? (Mateo 6:9, 10) Oo. Ang pagsusumamong ito ay angkop at punung-puno pa rin ng kahulugan. Sa hinaharap pa gagamitin ang lubos na kapangyarihan ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa.
Napakalaki ng pagpapalang tatamuhin ng tapat na sangkatauhan kapag nangyari iyan! “Ang Diyos mismo ay sasakanila,” ang sabi ng Bibliya, “at papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Sa panahong iyon, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) Magtatamasa ng buhay na walang hanggan ang mga nagpapalugod sa Diyos. (Juan 17:3) Habang hinihintay natin ang katuparan nito at ng iba pang mga kamangha-manghang hula sa Bibliya, ‘patuloy, kung gayon, na hanapin muna natin ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos.’—Mateo 6:33.
a Inagaw ni Haring David ng sinaunang Israel mula sa mga Jebusita ang moog ng makalupang Bundok Sion at ginawa niya itong kabisera. (2 Samuel 5:6, 7, 9) Inilipat din niya ang sagradong Kaban sa dakong iyon. (2 Samuel 6:17) Yamang ang Kaban ay nauugnay sa presensiya ni Jehova, tinukoy ang Sion bilang tahanang dako ng Diyos, anupat naging angkop na sagisag ng langit.—Exodo 25:22; Levitico 16:2; Awit 9:11; Apocalipsis 11:19.