Kabanata 16
Ang Gobiyerno ng Diyos ay Nagsisimulang Mamahala
1. (a) Ano ang matagal nang inasam-asam ng mga taong may pananampalataya? (b) Bakit tinatawag na “lunsod” ang kaharian ng Diyos?
LIBU-LIBONG TAON nang inasam-asam ng mga taong may pananampalataya sa gobiyerno ng Diyos ang pagsisimula ng pamamahala nito. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na ang tapat na si Abraham “ay naghihintay sa lunsod na may tunay na mga saligan, na ang nagtayo at gumawa ay ang Diyos.” (Hebreo 11:10) Ang “lunsod” na yaon ay ang kaharian ng Diyos. Subali’t bakit ito tinatawag na isang “lunsod”? Sapagka’t noong unang panahon karaniwan na sa isang hari ang mamahala sa isang lunsod. Kaya itinuring ng mga tao noon ang isang lunsod bilang isang kaharian.
2. (a) Ano ang nagpapakita na ang kaharian ay isang katunayan para sa unang mga alagad ni Kristo? (b) Ano ang gusto nilang malaman tungkol dito?
2 Ang kaharian ng Diyos ay isang katunayan kung para sa unang mga tagasunod ni Kristo. Ipinakikita ito ng kanilang matinding interes sa pamamahala nito. (Mateo 20:20-23) Ang tanong na naglalaro sa kanilang isipan ay: Kailan magsisimulang mamahala si Kristo at ang kaniyang mga alagad? Nang minsang magpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad pagkatapos siyang buhaying-muli, sila ay nagtanong: “Panginoon, ibabalik mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” (Gawa 1:6) Kaya, nananabik ba kayong makaalam kung kailan magsisimula si Kristo na mamahala bilang Hari sa gobiyerno ng Diyos, gaya din ng pananabik ng kaniyang mga alagad?
ANG GOBIYERNO NA IDINADALANGIN NG MGA KRISTIYANO
3, 4. (a) Ano ang nagpapakita na ang Diyos ay laging nagpupuno bilang Hari? (b) Kaya bakit tinuruan ni Kristo ang kaniyang mga alagad na idalangin ang pagdating ng kaharian ng Diyos?
3 Tinuruan ni Kristo ang kaniyang mga alagad na manalangin sa Diyos: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Subali’t baka may magtanong: ‘Hindi ba lagi namang naghahari ang Diyos na Jehova? Kung gayon, bakit idadalangin pa ang pagdating ng kaniyang kaharian?’
4 Totoo, si Jehova ay tinatawag ng Bibliya na “Haring walang hanggan.” (1 Timoteo 1:17) At sinasabi din nito: “Itinatag ni Jehova ang kaniyang luklukan sa mga langit; at ang kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.” (Awit 103:19) Kaya si Jehova ay laging Kataastaasang Tagapamahala ng kaniyang mga nilalang. (Jeremias 10:10) Gayumpaman, dahil sa paghihimagsik laban sa kaniyang pamamahala sa halamanan ng Eden, kaya ang Diyos ay nagsaayos ng isang pantanging gobiyerno. Ito ang gobiyerno na sa dakong huli ay itinuro ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad na idalangin. Ang layunin nito’y wakasan ang mga problema na likha ng paglihis ni Satanas na Diyablo at ng iba pa mula sa pamamahala ng Diyos.
5. Kung kaharian ito ng Diyos, bakit tinatawag din itong kaharian ni Kristo at kaharian ng 144,000?
5 Ang bagong Kahariang pamahalaan na ito ay tumatanggap ng kapangyarihan at karapatang maghari mula sa Dakilang Hari, ang Diyos na Jehova. Ito ang kaniyang kaharian. Paulit-ulit, ito’y tinutukoy ng Bibliya na “kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:2, 11, 60, 62; 1 Corinto 6:9, 10; 15:50) Gayumpaman, yamang hinirang ni Jehova ang kaniyang Anak upang maging Punong Tagapamahala nito, ito rin naman ay tinutukoy na kaharian ni Kristo. (2 Pedro 1:11) Gaya ng natutuhan natin sa isang naunang kabanata, 144,000 mula sa sangkatauhan ang magpupunong kasama ni Kristo sa kahariang ito. (Apocalipsis 14:1-4; 20:6) Kaya tinutukoy din ito ng Bibliya bilang “kanilang kaharian.”—Daniel 7:27.
6. Ayon sa ibang tao, kailan nagsimulang mamahala ang kaharian ng Diyos?
6 Sinasabi ng iba na ang Kaharian ay nagsimulang mamahala noong taon na si Jesus ay bumalik sa langit. Sinasabi nila na si Kristo ay nagsimulang maghari nang ibuhos niya ang banal na espiritu sa kaniyang mga tagasunod noong araw ng Hudiyong kapistahan ng Pentecostes noong taong 33 C.E. (Gawa 2:1-4) Subali’t ang Kahariang pamahalaan na isinaayos ni Jehova upang wakasan ang lahat ng problemang likha ng paghihimagsik ni Satanas ay hindi nagsimulang mamahala nang panahong yaon. Walang patotoo na ang ‘batang lalaki,’ na siyang gobiyerno ng Diyos na pinamamahalaan ni Kristo, ay isinilang na noon at nagpasimulang mamahala. (Apocalipsis 12:1-10) Buweno, si Jesus ba sa anomang paraan ay nagkaroon ng isang kaharian noong taong 33 C.E.?
7. Sino ang pinaghaharian ni Kristo mula noong 33 C.E.?
7 Oo, si Jesus noon ay nagpasimulang mamahala sa kongregasyon ng kaniyang mga tagasunod na, sa dakong huli, ay makikisama sa kaniya sa langit. Kaya tinutukoy sila ng Bibliya, samantalang nasa lupa pa, bilang mga dinadala “sa kaharian ng Anak ng pag-ibig [ng Diyos].” (Colosas 1:13) Subali’t ang pamamahalang ito, o “kaharian,” sa mga Kristiyano na may pag-asa ukol sa makalangit na buhay ay hindi ang Kahariang pamahalaan na itinuro ni Jesus na idalangin ng kaniyang mga alagad. Ito ay isa lamang kaharian sa 144,000 tao na magpupunong kasama niya sa langit. Sa paglipas ng mga dantaon, sila lamang ang naging mga sakop nito. Kaya ang pamamahalang ito, o ‘kaharian ng Anak ng pag-ibig ng Diyos,’ ay magwawakas kapag ang kahulihulihan sa mga sakop na ito na may makalangit na pag-asa ay namatay at nakisama na kay Kristo sa langit. Hindi na sila magiging mga sakop ni Kristo, kundi sila’y magiging mga haring kasama niya sa matagal nang ipinangakong Kahariang pamahalaan ng Diyos.
SIMULA NG PAGHAHARI SA GITNA NG MGA KAAWAY
8. (a) Ano ang nagpapakita na pagkaraan ng pagkabuhay-muli ni Kristo ay may panahon ng paghihintay bago siya magsimulang maghari? (b) Ano ang sinabi ng Diyos kay Kristo nang panahon na upang siya’y maghari?
8 Nang magbalik si Kristo sa langit pagkaraan ng kaniyang pagkabuhay-muli, hindi siya agad nagpuno bilang Hari ng gobiyerno ng Diyos. Sa halip, may panahon ng paghihintay, gaya ng paliwanag ni apostol Pablo: “Ang taong ito [si Jesu-Kristo] ay naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan magpakailanman at naupo sa kanan ng Diyos, at mula noon ay naghihintay hanggang ang kaniyang mga kaaway ay gawing tuntungan ng kaniyang mga paa.” (Hebreo 10:12, 13) Nang sumapit ang panahon ukol sa pamamahala ni Kristo, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Magpuno [o, manakop] ka sa gitna ng iyong mga kaaway.”—Awit 110:1, 2, 5, 6.
9. (a) Bakit hindi lahat ay naghahangad sa kaharian ng Diyos? (b) Kapag nagsimula nang mamahala ang kaharian ng Diyos, ano ang ginagawa ng mga bansa?
9 Katakataka ba na ang gobiyerno ng Diyos ay magkaroon ng mga kaaway? Ang dahilan ay sapagka’t hindi lahat ay nagnanais mabuhay sa ilalim ng isang gobiyerno na humihiling sa mga sakop nito na gumawa ng mabuti. Kaya pagkatapos sabihin kung papaano hahawakan ni Jehova at ng kaniyang Anak ang pandaigdig na pamamahala, sinasabi ng Bibliya, “nagalit ang mga bansa.” (Apocalipsis 11:15, 17, 18) Hindi tinatanggap ng mga bansa ang kaharian ng Diyos sapagka’t inililigaw sila ni Satanas upang kanilang labanan ito.
10, 11. (a) Kapag nagsimula nang mamahala ang kaharian ng Diyos, ano ang nagaganap sa langit? (b) Ano ang nagaganap sa lupa? (c) Kaya anong mahalagang punto ang dapat nating tandaan?
10 Kapag nagsimulang mamahala ang gobiyerno ng Diyos, si Satanas at ang kaniyang mga anghel ay nabubuhay pa sa langit. Palibhasa sila ay sumasalungat sa pamamahala ng Kaharian, agad sumisiklab ang digmaan. Bunga nito, si Satanas at ang kaniyang mga anghel ay pinapalayas sa langit. Kaya, isang malakas na tinig ang nagsasabi: “Ngayo’y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo.” Oo, nagpapasimula na ang paghahari ng gobiyerno ng Diyos! At sa pagpapalayas kay Satanas at sa kaniyang mga anghel mula sa langit, nagkakaroon doon ng kagalakan. “Dahil dito’y magalak kayo, mga langit at kayong nagsisitahan diyan!” sabi ng Bibliya.—Apocalipsis 12:7-12.
11 Panahon din ba ito ng kagalakan para sa lupa? Hindi! Sa halip, nagaganap ang pinakamalubhang panahon ng ligalig na kailanma’y naranasan ng lupa. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na maikling panahon na lamang mayroon siya.” (Apocalipsis 12:12) Kaya mahalagang tandaan ito: Ang pasimula ng pagpupuno ng kaharian ng Diyos ay hindi nangangahulugan ng kagyat na kapayapaan at katiwasayan sa lupa. Ang tunay na kapayapaan ay darating kapag ang kaharian ng Diyos ay nagkaroon ng ganap na panunupil sa lupa. Magaganap ito sa katapusan ng “maikling panahon,” kapag si Satanas at ang kaniyang mga anghel ay iniligpit upang huwag nang makalikha pa ng kaguluhan.
12. Bakit natin maaasahan na sasabihin sa atin ng Bibliya kung kailan magsisimulang mamahala ang kaharian ng Diyos?
12 Subali’t kailan inihahagis si Satanas mula sa langit, upang lumikha ng kaabahan sa lupa sa “maikling panahon”? Kailan nagsisimulang mamahala ang gobiyerno ng Diyos? Nagbibigay ba ang Bibliya ng sagot? Dapat nating asahan ang ganito. Bakit? Sapagka’t matagal nang panahon na inihula ng Bibliya ang paglitaw ng Anak ng Diyos sa lupa upang maging Mesiyas. Sa katunayan, tinutukoy nito ang mismong taon ng kaniyang pagiging Mesiyas. Papaano naman ang tungkol sa mas mahalagang pagdating ng Mesiyas, o Kristo, upang pasimulan ang kaniyang pamamahala sa Kaharian? Tiyak na ihuhula din naman ng Bibliya kung kailan ito magaganap!
13. Papaano inihuhula ng Bibliya ang mismong taon ng paglitaw ng Mesiyas sa lupa?
13 Subali’t baka itatanong ng isa: ‘Saan ba inihuhula ng Bibliya ang mismong taon ng paglitaw ng Mesiyas sa lupa?’ Sinasabi ng aklat ni Daniel: “Mula sa paglabas ng utos na isauli at itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Pinuno, ay magkakaroon ng pitong sanlinggo, at animnapu’t-dalawang sanlinggo,” o lahat-lahat ay 69 na sanlinggo. (Daniel 9:25) Gayumpaman, ang mga ito ay hindi 69 na literal na sanlinggo, na umaabot lamang sa 483 araw, o mahigit lamang sa isang taon. Ang mga ito ay 69 na sanlinggo ng mga taon, o 483 taon. (Ihambing ang Bilang 14:34.) Ang utos na isauli o itayo ang pader ng Jerusalem ay ibinigay noong 455 B.C.E.a (Nehemias 2:1-8) Kaya ang 69 na sanlinggo ng mga taon ay nagwakas pagkaraan ng 483 taon, noong 29 C.E. At yaon ang mismong taon nang si Jesus ay lumapit kay Juan upang pabautismo! Nang pagkakataong yaon siya ay pinahiran ng banal na espiritu at naging Mesiyas, o Kristo.—Lucas 3:1, 2, 21-23.
KAPAG NAGSIMULA NA ANG GOBIYERNO NG DIYOS
14. Ano ang kinakatawanan ng “punongkahoy” sa Daniel kapitulo kuwatro?
14 Kung gayon, saan ba inihuhula ng Bibliya ang taon ng simula ng pamamahala ni Kristo bilang hari ng gobiyerno ng Diyos? Yaon ay nasa aklat din ni Daniel sa Bibliya. (Daniel 4:10-37) Doon isang dambuhala, abot-langit na punongkahoy ang ginagamit upang kumatawan kay Haring Nabukodonosor ng Babilonya. Siya ang pinakamataas na tagapamahalang tao nang panahong yaon. Gayunman, si Haring Nabukodonosor ay napilitang kumilala na may nagpupunong higit na nakatataas. Ang isang ito ay ang “Kataastaasan,” o “ang Hari ng mga langit,” ang Diyos na Jehova. (Daniel 4:34, 37) Kaya sa isang mas mahalagang paraan, ang abot-langit na punongkahoy na ito ay kumakatawan sa kataastaasang pamamahala ng Diyos, lalung-lalo na may kaugnayan sa ating lupa. May panahon na ang pamamahala ni Jehova ay itinanghal sa pamamagitan ng kaharian na kaniyang itinatag sa bansang Israel. Kaya ang mga hari ng tribo ng Juda na naghari sa mga Israelita ay sinasabing “nakaluklok sa trono ni Jehova.”—1 Cronica 29:23.
15. Nang putulin ang “punongkahoy,” bakit ito binigkisan?
15 Ayon sa ulat ng Bibliya sa Daniel kapitulo kuwatro, ang abot-langit na punongkahoy ay pinutol. Gayumpaman, ang tuod ay iniwan, at ito’y binigkisan ng bakal at tanso. Hahadlang ito sa pagtubo ng tuod hanggang sa panahon na alisin ng Diyos ang mga bigkis at hayaan uli itong tumubo. Subali’t papaano at kailan pinutol ang pamamahala ng Diyos?
16. (a) Papaano at kailan pinutol ang pamamahala ng Diyos? (b) Ano ang sinabi sa huling hari ng Juda na lumuklok sa “trono ni Jehova”?
16 Sa kalaunan, ang kaharian ng Juda na itinatag ni Jehova ay naging gayon na lamang kasamâ anupa’t pinahintulutan niya si Haring Nabukodonosor na wasakin ito, o putulin. Naganap ito noong taong 607 B.C.E. Nang panahong yaon, si Zedekias, ang huling hari ng Juda na lumuklok sa trono ni Jehova, ay sinabihan: “Alisin mo ang putong. . . . sinoman ay hindi magmamay-ari nito hanggang dumating siya na may karapatan, at aking ibibigay sa kaniya.”—Ezekiel 21:25-27.
17. Anong yugto ng panahon ang nagsimula noong 607 B.C.E.?
17 Kaya ang pamamahala ng Diyos, na kinakatawanan ng “punongkahoy,” ay pinutol noong 607 B.C.E. Wala nang gobiyerno na kumakatawan sa kaharian ng Diyos sa lupa. Kaya, noong 607 B.C.E., nagsimula ang isang yugto ng panahon na nang malaunan ay tinukoy ni Jesu-Kristo bilang “ang itinakdang panahon ng mga bansa,” o, “ang panahon ng mga Gentil.” (Lucas 21:24; King James Version) Sa loob ng “itinakdang panahong” ito ang Diyos ay walang gobiyerno upang kumatawan sa lupa sa kaniyang pamamahala.
18. Ano ang nakatakdang maganap sa dulo ng “itinakdang panahon ng mga bansa”?
18 Ano ang nakatakdang maganap sa dulo ng “itinakdang panahon ng mga bansa”? Ipagkakaloob ni Jehova ang kapangyarihan sa Kaniya “na may karapatan dito.” Ito ay si Jesu-Kristo. Kaya kung malalaman natin kung kailan magwawakas ang “itinakdang panahon ng mga bansa,” malalaman natin kung kailan magsisimulang magpuno si Kristo bilang hari.
19. Sa loob ng ilang “panahon” mahahadlangan ang pamamahala ng Diyos sa lupa?
19 Ayon sa Daniel kapitulo kuwatro, ang “itinakdang panahong” ito ay magiging “pitong panahon.” Ipinakikita ni Daniel na magkakaroon ng “pitong panahon” na doon ang paghahari ng Diyos, na kinakatawanan ng “punongkahoy,” ay hindi iiral sa lupa. (Daniel 4:16, 23) Gaano kahaba ang “pitong panahon” na ito?
20. (a) Gaano kahaba ang isang “panahon”? (b) Gaano kahaba ang “pitong panahon”? (c) Bakit natin binibilang ang isang araw na isang taon?
20 Sa Apocalipsis 12, bersikulo 6 at 14, natututuhan natin na ang 1,260 araw ay katumbas ng “isang panahon [1 panahon] at mga panahon [2 panahon] at kalahati ng isang panahon.” Ito ay may kabuuang 31⁄2 panahon. Kaya ang “isang panahon” ay katumbas ng 360 araw. Kung gayon, ang “pitong panahon” ay magiging 360 na makapito, o 2,520 araw. Ngayon kung bibilangin natin ang isang araw na isang taon, ayon sa tuntunin ng Bibliya, ang “pitong panahon” ay katumbas ng 2,520 taon.—Bilang 14:34; Ezekiel 4:6.
21. (a) Kailan nagsisimula at nagwawakas ang “itinakdang panahon ng mga bansa”? (b) Kailan nagsisimulang magpuno ang pamahalaan ng Diyos? (c) Bakit angkop pa ring idalangin ang pagdating ng kaharian ng Diyos?
21 Nalaman na natin na “ang itinakdang panahon ng mga bansa” ay nagsimula noong taong 607 B.C.E. Kaya sa pagbilang ng 2,520 taon mula sa petsang ito, darating tayo sa 1914 C.E. Sa taong ito nagwakas “ang itinakdang panahon.” Milyun-milyong tao na nabubuhay ngayon ang nakakaalaala pa rin ng mga pangyayaring naganap noong 1914. Nang taong yaon, sinimulan ng Digmaang Pandaigdig I ang isang panahon ng kabagabagan na nagpapatuloy hanggang sa ating kaarawan. Nangangahulugan ito na si Jesu-Kristo ay nagsimulang magpuno bilang hari sa makalangit na gobiyerno ng Diyos noong 1914. At palibhasa nagsimula nang magpuno ang Kaharian, napapanahon nang idalangin natin na “dumating” ito upang palisin ang masamang sistema ni Satanas sa lupa!—Mateo 6:10; Daniel 2:44.
22. Anong tanong ang maaaring ibangon ng iba?
22 Gayunma’y baka itatanong ng isa: ‘Kung si Kristo ay nagbalik na upang maghari sa kaharian ng kaniyang Ama, bakit hindi natin siya nakikita?’
[Talababa]
a Para sa makasaysayang katibayan hinggil sa utos na ito na ibinigay noong 455 B.C.E., tingnan ang paksang “Artaxerxes” sa aklat na Aid to Bible Understanding, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Chart sa pahina 140, 141]
Noong 607 B.C.E. bumagsak ang kaharian ng Diyos sa Juda.
Noong 1914 C.E. nagsimulang magpuno si Jesu-Kristo bilang hari sa makalangit na pamahalaan ng Diyos
607 B.C.E.—1914 C.E.
Oktubre, 607 B.C.E.—Oktubre, 1 B.C.E. = 606 taon
Oktubre, 1 B.C.E.—Oktubre, 1914 C.E. = 1,914 taon
PITONG PANAHON NG MGA GENTIL = 2,520 TAON
[Larawan sa pahina 134]
“Ibabalik mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?”
[Larawan sa pahina 139]
Ang mataas na punongkahoy sa Daniel kabanata 4 ay kumakatawan sa pamamahala ng Diyos. May panahon na itinanghal ito sa kaharian ng Juda
[Larawan sa pahina 140, 141]
Pinutol ang punongkahoy nang winasak ang kaharian ng Juda