Inilalaan ni Jehova ang mga Pangangailangan Natin sa Araw-araw
“Tigilan na ninyo ang labis na pagkabalisa; sapagkat . . . nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.”—LUCAS 12:29, 30.
1. Paano naglalaan si Jehova para sa mga nilalang na hayop?
NAPAGMASDAN mo na ba ang isang maya o ibang ibon na tuka nang tuka sa tila lupa lamang? Malamang na inisip mo kung ano ang makakain nito sa basta pagtuka sa lupa. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, ipinakita ni Jesus na makakakuha tayo ng aral mula sa paraan ng paglalaan ni Jehova sa mga ibon. Sinabi niya: “Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?” (Mateo 6:26) Sa kamangha-manghang mga paraan, naglalaan si Jehova ng pagkain para sa lahat ng kaniyang mga nilalang.—Awit 104:14, 21; 147:9.
2, 3. Anu-anong espirituwal na mga aral ang makukuha natin mula sa bagay na tinuruan tayo ni Jesus na manalangin ukol sa ating tinapay sa araw-araw?
2 Kung gayon, bakit inilakip ni Jesus sa kaniyang huwarang panalangin ang kahilingang: “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito”? (Mateo 6:11) May makukuhang makabuluhang espirituwal na mga aral mula sa simpleng kahilingang ito. Una, ipinaaalaala nito sa atin na si Jehova ang Dakilang Tagapaglaan. (Awit 145:15, 16) Maaaring magtanim at magbungkal ang mga tao, ngunit ang Diyos lamang ang makapagpapalago sa mga bagay, sa espirituwal at pisikal na paraan. (1 Corinto 3:7) Isang kaloob mula sa Diyos ang ating kinakain at iniinom. (Gawa 14:17) Ipinakikita sa kaniya ng ating paghiling na ibigay sa atin ang ating mga pangangailangan sa araw-araw na hindi natin binabale-wala ang mga paglalaang iyon. Siyempre pa, hindi inaalis sa atin ng gayong kahilingan ang pananagutan na magtrabaho kung kaya naman natin.—Efeso 4:28; 2 Tesalonica 3:10.
3 Ikalawa, ipinahihiwatig ng ating paghiling ng “tinapay para sa araw na ito” na hindi tayo dapat labis na mabalisa tungkol sa hinaharap. Sinabi pa ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa at magsabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Sapagkat ang lahat ng ito ang mga bagay na masikap na hinahanap ng mga bansa. Sapagkat nalalaman ng inyong makalangit na Ama na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo. Kaya, huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.” (Mateo 6:31-34) Ang panalangin ukol sa “tinapay para sa araw na ito” ay naglalaan ng parisan para sa simpleng pamumuhay na may “makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili.”—1 Timoteo 6:6-8.
Espirituwal na Pagkain sa Araw-araw
4. Anong mga pangyayari sa buhay ni Jesus at ng mga Israelita ang nagdiriin sa kahalagahan ng pagkuha ng espirituwal na pagkain?
4 Ang ating panalangin ukol sa tinapay sa araw-araw ay dapat ding magpaalaala sa atin sa pangangailangan natin ukol sa espirituwal na pagkain sa araw-araw. Bagaman gutom na gutom matapos ang mahabang pag-aayuno, nilabanan ni Jesus ang tukso ni Satanas na gawing tinapay ang mga bato, na sinasabi: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’ ” (Mateo 4:4) Sinipi rito ni Jesus ang propetang si Moises, na nagsabi sa mga Israelita: “Pinagpakumbaba ka [ni Jehova] at pinabayaan ka niyang magutom at pinakain ka niya ng manna, na hindi mo nakilala ni nakilala man ng iyong mga ama; upang ipakilala sa iyo na hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deuteronomio 8:3) Ang paraan ng pagbibigay ni Jehova ng manna ay hindi lamang naglaan ng pisikal na pagkain kundi pati ng espirituwal na mga aral sa mga Israelita. Isa na rito, kailangan silang ‘mamulot ng kani-kaniyang bahagi sa bawat araw.’ Kapag kumuha sila ng sobra para sa isang araw, ang natira ay bumabaho at inuuod. (Exodo 16:4, 20) Gayunman, hindi ito nangyayari sa ikaanim na araw kapag kinakailangan nilang kumuha ng doble ng dami ng kinukuha nila sa araw-araw upang masapatan ang kanilang mga pangangailangan para sa Sabbath. (Exodo 16:5, 23, 24) Kaya ikinintal ng manna sa kanilang isip na kailangang maging masunurin sila at nakadepende ang kanilang buhay hindi lamang sa tinapay kundi sa “bawat pananalita sa bibig ni Jehova.”
5. Paano naglalaan sa atin ng espirituwal na pagkain sa araw-araw si Jehova?
5 Kailangan din tayong kumain araw-araw ng espirituwal na pagkain na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Sa layuning ito, nag-atas si Jesus ng “tapat at maingat na alipin” upang maglaan ng “pagkain sa tamang panahon” para sa sambahayan ng mga mananampalataya. (Mateo 24:45) Ang uring tapat na aliping iyan ay hindi lamang nagbibigay ng saganang espirituwal na pagkain sa anyo ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya kundi nagpapasigla rin sa atin na magbasa ng Bibliya araw-araw. (Josue 1:8; Awit 1:1-3) Tulad ni Jesus, makakakuha rin tayo ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng araw-araw na pagsisikap na matutuhan at magawa ang kalooban ni Jehova.—Juan 4:34.
Kapatawaran ng mga Kasalanan
6. Sa anong mga utang tayo kailangang humiling ng kapatawaran, at sa anong mga kondisyon nakahandang kanselahin ni Jehova ang mga ito?
6 Ang sumunod na kahilingan sa huwarang panalangin ay: “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.” (Mateo 6:12) Hindi mga utang na salapi ang tinutukoy rito ni Jesus. Ang nasa isip niya ay ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Sa ulat ni Lucas hinggil sa huwarang panalangin, mababasa nang ganito ang kahilingang ito: “Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat kami rin naman ay nagpapatawad sa bawat isa na may utang sa amin.” (Lucas 11:4) Samakatuwid, kapag nagkasala tayo, para bang nagkautang tayo kay Jehova. Ngunit nakahanda ang ating maibiging Diyos na ‘pawiin,’ o kanselahin, ang utang na iyon kung taimtim tayong magsisisi, ‘manunumbalik,’ at hihiling ng kapatawaran sa kaniya salig sa pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo.—Gawa 3:19; 10:43; 1 Timoteo 2:5, 6.
7. Bakit dapat tayong manalangin araw-araw ukol sa kapatawaran?
7 Sa isa pang punto de vista, nagkakasala tayo kapag hindi natin naabot ang mga pamantayan ng katuwiran ni Jehova. Dahil sa namanang kasalanan, nagkakasala tayong lahat sa salita, sa gawa, at sa isip o kaya ay hindi natin nagagawa ang dapat nating gawin. (Eclesiastes 7:20; Roma 3:23; Santiago 3:2; 4:17) Samakatuwid, batid man natin o hindi na nagkasala tayo sa isang partikular na araw, kailangan nating ilakip sa ating mga panalangin sa araw-araw ang paghiling ng kapatawaran sa ating mga kasalanan.—Awit 19:12; 40:12.
8. Dapat tayong udyukan ng panalangin ukol sa kapatawaran na gawin ang ano, na may anong kapaki-pakinabang na resulta?
8 Ang panalangin ukol sa kapatawaran ay dapat na kasunod ng matapat na pagsusuri sa sarili, pagsisisi, at pagtatapat, salig sa pananampalataya sa tumutubos na kapangyarihan ng itinigis na dugo ni Kristo. (1 Juan 1:7-9) Upang patunayan na taimtim ang ating panalangin, dapat nating suhayan ng “mga gawang angkop sa pagsisisi” ang ating kahilingan ukol sa kapatawaran. (Gawa 26:20) Kung magkagayon ay makapananampalataya tayo na handang patawarin ni Jehova ang ating mga kasalanan. (Awit 86:5; 103:8-14) Ang resulta ay walang-katulad na kapayapaan ng isip, “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan,” na “magbabantay [naman] sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:7) Ngunit higit pa ang itinuturo sa atin ng huwarang panalangin ni Jesus tungkol sa dapat nating gawin upang mapatawad ang ating mga kasalanan.
Upang Patawarin, Dapat Tayong Magpatawad
9, 10. (a) Anong komento ang idinagdag ni Jesus sa huwarang panalangin, at ano ang idiniin nito? (b) Paano pa inilarawan ni Jesus ang pangangailangang maging mapagpatawad tayo?
9 Kapansin-pansin, ang kahilingang “patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin,” ang tanging bahagi ng huwarang panalangin na kinomentuhan ni Jesus. Pagkaraang tapusin ang panalangin, sinabi pa niya: “Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, patatawarin din kayo ng inyong makalangit na Ama; samantalang kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga pagkakamali.” (Mateo 6:14, 15) Samakatuwid, niliwanag nang husto ni Jesus na ang pagpapatawad ni Jehova sa atin ay nakadepende sa ating pagiging handang magpatawad sa iba.—Marcos 11:25.
10 Sa isa pang pagkakataon, nagbigay si Jesus ng ilustrasyon na nagpapakita sa pangangailangang maging mapagpatawad tayo kung inaasahan nating patatawarin tayo ni Jehova. Inilahad niya ang tungkol sa isang hari na bukas-palad na kumansela sa napakalaking utang ng isang alipin. Nang maglaon, matinding pinarusahan ng hari ang taong iyon nang hindi nito kinansela ang di-hamak na mas maliit na utang ng isang kapuwa alipin. Tinapos ni Jesus ang kaniyang ilustrasyon sa pagsasabing: “Sa katulad na paraan din makikitungo sa inyo ang aking makalangit na Ama kung hindi kayo magpapatawad mula sa inyong mga puso, ang bawat isa sa kaniyang kapatid.” (Mateo 18:23-35) Maliwanag ang aral: Ang utang na kasalanan na pinatawad ni Jehova sa bawat isa sa atin ay lubhang mas malaki kaysa sa alinmang pagkakasala ng sinuman sa atin. Bukod diyan, araw-araw tayong pinatatawad ni Jehova. Kung gayon, tiyak na mapatatawad natin ang paminsan-minsang pagkakasala ng iba sa atin.
11. Anong payo ni apostol Pablo ang susundin natin kung inaasahan nating patatawarin tayo ni Jehova, na may anong maiinam na resulta?
11 Sumulat si apostol Pablo: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.” (Efeso 4:32) Nagtataguyod ng kapayapaan sa gitna ng mga Kristiyano ang pagpapatawaran sa isa’t isa. Humimok pa si Pablo: “Bilang mga pinili ng Diyos, banal at iniibig, damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:12-14) Ang lahat ng ito ay ipinahihiwatig sa panalangin na itinuro sa atin ni Jesus: “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.”
Proteksiyon Kapag Tinutukso
12, 13. (a) Ano ang hindi maaaring ibig sabihin ng ikalawa sa huling kahilingan sa huwarang panalangin? (b) Sino ang pusakal na Manunukso, at ano ang ibig sabihin ng ating panalangin na huwag tayong dalhin sa tukso?
12 Ang ikalawa sa huling kahilingan sa huwarang panalangin ni Jesus ay: “Huwag mo kaming dalhin sa tukso.” (Mateo 6:13) Ibig bang sabihin ni Jesus na dapat nating hilingin kay Jehova na huwag tayong tuksuhin? Hindi maaaring iyan ang ibig sabihin nito, sapagkat kinasihan ang alagad na si Santiago upang isulat: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Karagdagan pa, sumulat ang salmista: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo?” (Awit 130:3) Hindi binabantayan ni Jehova ang bawat pagkakamali natin, at tiyak na hindi niya tayo tinutukso upang magkamali. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng bahaging ito ng huwarang panalangin?
13 Ang isa na nanunukso upang magkamali tayo, upang magkasala tayo sa pamamagitan ng tusong mga gawa, at silain pa nga tayo ay si Satanas na Diyablo. (Efeso 6:11) Siya ang pusakal na Manunukso. (1 Tesalonica 3:5) Sa pananalangin na huwag tayong dalhin sa tukso, hinihiling natin kay Jehova na huwag tayong pahintulutan na madaig kapag tinutukso tayo. Hinihiling natin sa kaniya na tulungan tayong huwag “malamangan ni Satanas,” na huwag madaig ng mga tukso. (2 Corinto 2:11) Ipinapanalangin natin na manatili tayo sa “lihim na dako ng Kataas-taasan,” anupat tumatanggap ng espirituwal na proteksiyon na ibinibigay sa mga kumikilala sa soberanya ni Jehova sa lahat ng kanilang ginagawa.—Awit 91:1-3.
14. Paano tinitiyak sa atin ni apostol Pablo na hindi tayo pababayaan ni Jehova kung aasa tayo sa Kaniya kapag tinutukso tayo?
14 Makatitiyak tayo na kung iyon ang taimtim nating hangarin, na ipinahahayag sa ating mga panalangin at sa ating mga kilos, hindi tayo pababayaan ni Jehova. Tinitiyak sa atin ni apostol Pablo: “Walang tuksong dumating sa inyo maliban doon sa karaniwan sa mga tao. Ngunit ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”—1 Corinto 10:13.
“Iligtas Mo Kami Mula sa Isa na Balakyot”
15. Bakit lalong mahalaga higit kailanman ang manalangin na mailigtas mula sa isa na balakyot?
15 Ayon sa pinakamapananaligang mga manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, nagtatapos ang huwarang panalangin ni Jesus sa mga salitang: “Iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.”a (Mateo 6:13) Lalo nang kailangan ang proteksiyon laban sa Diyablo sa panahong ito ng kawakasan. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay nakikipagdigma na sa mga pinahirang nalabi, “na tumutupad sa mga utos ng Diyos at may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus,” at sa kanilang mga kasamahang kabilang sa “malaking pulutong.” (Apocalipsis 7:9; 12:9, 17) Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila. Ngunit manindigan kayo laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya.” (1 Pedro 5:8, 9) Nais ni Satanas na patigilin ang ating gawaing pagpapatotoo, at sa pamamagitan ng kaniyang mga ahente sa lupa—relihiyon man, komersiyo, o pulitika—sinisikap niyang takutin tayo. Gayunman, kung maninindigan tayong matatag, ililigtas tayo ni Jehova. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Kaya nga, magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—Santiago 4:7.
16. Ano ang maaaring gamitin ni Jehova upang tulungan ang kaniyang mga lingkod na nasa ilalim ng pagsubok?
16 Pinahintulutan ni Jehova na tuksuhin ang kaniyang Anak. Ngunit pagkatapos salansangin ni Jesus ang Diyablo, na ginagamit ang Salita ng Diyos bilang proteksiyon, nagsugo ng mga anghel si Jehova upang palakasin siya. (Mateo 4:1-11) Gayundin naman, ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga anghel upang tulungan tayo kung mananalangin tayo nang may pananampalataya at gagawin siyang ating kanlungan. (Awit 34:7; 91:9-11) Sumulat si apostol Pedro: “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok, at magtaan naman ng mga taong di-matuwid upang lipulin sa araw ng paghuhukom.”—2 Pedro 2:9.
Malapit Na ang Ganap na Katubusan
17. Sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng huwarang panalangin, paano ipinakita ni Jesus ang tamang pangmalas sa mga bagay-bagay?
17 Sa huwarang panalangin, ipinakita ni Jesus ang tamang pangmalas sa mga bagay-bagay. Ang dapat na pangunahin nating isinasaalang-alang ay ang pagpapabanal sa dakila at banal na pangalan ni Jehova. Yamang ang Mesiyanikong Kaharian ang gagamitin sa pagsasakatuparan nito, ipinapanalangin natin na dumating nawa ang Kaharian upang puksain ang lahat ng di-sakdal na mga kaharian, o mga pamahalaan, ng tao at upang tiyaking lubos na mangyayari ang kalooban ng Diyos kung paano sa langit, gayundin sa lupa. Nakasalalay ang ating pag-asang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova at sa pagkilala ng buong sansinukob sa kaniyang matuwid na soberanya. Matapos ipanalangin ang pinakamahahalagang bagay na ito, makapananalangin na tayo para sa mga pangangailangan natin sa araw-araw, kapatawaran ng ating mga kasalanan, at kaligtasan sa mga tukso at pandaraya ng isa na balakyot, si Satanas na Diyablo.
18, 19. Paano tayo tinutulungan ng huwarang panalangin ni Jesus upang manatiling mapagpuyat at mapatibay ang ating pag-asa “hanggang sa wakas”?
18 Papalapit na ang ating ganap na katubusan mula sa isa na balakyot at sa kaniyang tiwaling sistema ng mga bagay. Alam na alam ni Satanas na mayroon na lamang siyang natitirang “maikling yugto ng panahon” upang ibuhos ang kaniyang “malaking galit” sa lupa, lalo na sa tapat na mga lingkod ni Jehova. (Apocalipsis 12:12, 17) Sa kabuuang tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” inihula ni Jesus ang kapana-panabik na mga pangyayari, na ang ilan sa mga ito ay mangyayari pa sa hinaharap. (Mateo 24:3, 29-31) Habang nakikita nating nagaganap ang mga ito, lalong magiging malinaw ang ating pag-asa ukol sa katubusan. Sinabi ni Jesus: “Habang nagsisimulang maganap ang mga bagay na ito, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.”—Lucas 21:25-28.
19 Ang maikli at malinaw na huwarang panalangin na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay nagbibigay sa atin ng mapananaligang patnubay kung ano ang mailalakip sa ating mga panalangin habang papalapit na ang wakas. Manatili nawa tayong nagtitiwala na hanggang sa wakas, patuloy na ilalaan sa atin ni Jehova ang mga pangangailangan natin sa araw-araw, kapuwa sa espirituwal at materyal. Tutulong sa atin ang ating pagpupuyat sa pananalangin upang ‘mahigpitan natin ang ating paghawak sa pagtitiwalang tinaglay natin sa pasimula hanggang sa wakas.’—Hebreo 3:14; 1 Pedro 4:7.
[Talababa]
a Tinatapos ng ilang mas matatandang Bibliya, tulad ng Ang Banal na Kasulatan, ang Panalangin ng Panginoon sa tinatawag na doxology (isang kapahayagan ng papuri sa Diyos): “Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Siya nawa.” Sinasabi ng The Jerome Biblical Commentary: “Ang doxology . . . ay hindi masusumpungan sa pinakamapananaligang [mga manuskrito].”
Bilang Repaso
• Anu-anong bagay ang ipinahihiwatig ng ating paghiling ng “tinapay para sa araw na ito”?
• Ipaliwanag ang panalangin na “patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.”
• Ano ang ibig sabihin ng paghiling natin kay Jehova na huwag tayong dalhin sa tukso?
• Bakit kailangan tayong manalangin na “iligtas mo kami mula sa isa na balakyot”?
[Mga larawan sa pahina 15]
Dapat tayong magpatawad kung gusto nating patawarin tayo
[Picture Credit Line sa pahina 13]
Lydekker