KABANATA 35
Ang Tanyag na Sermon sa Bundok
SERMON SA BUNDOK
Tiyak na napagod si Jesus matapos siyang manalangin magdamag para pumili ng 12 apostol. Umaga na ngayon, pero kaya pa rin niya at gusto niyang tulungan ang mga tao. Ginawa niya ito sa gilid ng bundok sa Galilea, marahil di-kalayuan sa Capernaum, ang sentro ng kaniyang ministeryo.
Maraming mula sa malayo ang nagpunta sa kaniya. May galing sa timog, mula sa Jerusalem at sa mga lugar sa Judea. Ang iba ay mula sa mga lunsod sa baybayin ng Tiro at Sidon sa hilagang-kanluran. Bakit nila hinahanap si Jesus? “Para makinig sa kaniya at mapagaling sa kanilang mga sakit.” At iyon nga ang nangyari—“gumagaling silang lahat” dahil sa kapangyarihan ni Jesus. Biruin mo! Lahat ng may sakit ay gumaling. Pinagaling din niya ang “mga pinahihirapan ng masasamang espiritu,” mga biktima ng mga anghel ni Satanas.—Lucas 6:17-19.
Pagkatapos, naghanap si Jesus ng patag na lugar sa gilid ng bundok, at nagtipon sa palibot niya ang marami. Malamang na nakaupo malapit sa kaniya ang mga alagad niya, lalo na ang 12 apostol. Sabik ang lahat na makinig sa gurong ito, na gumagawa ng himala. Nagbigay si Jesus ng isang sermon na tiyak na nakatulong sa mga nakikinig. Mula noon, napakarami nang nakinabang sa sermong ito. Tayo man ay makikinabang sa malalalim na katotohanan sa sermong ito na iniharap nang simple at malinaw. Ginamit ni Jesus sa pagtuturo ang karaniwang gawain at mga bagay na pamilyar sa mga tao. Kaya madali itong naunawaan ng mga gustong sumunod sa pamantayan ng Diyos at mapabuti ang buhay. Ano ang mahahalagang punto sa sermon ni Jesus?
SINO ANG TUNAY NA MALIGAYA?
Gusto ng lahat na maging maligaya. Alam ito ni Jesus kaya sinimulan niya ang kaniyang sermon sa pagsasabi kung sino ang tunay na maligaya. Siguradong nakuha nito ang atensiyon ng mga tagapakinig. Pero malamang na napaisip din sila.
Sinabi niya: “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos, dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit. Maligaya ang mga nagdadalamhati, dahil aaliwin sila. . . . Maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, dahil bubusugin sila. . . . Maligaya ang mga pinag-uusig sa paggawa ng tama, dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit. Maligaya kayo kapag nilalait kayo ng mga tao [at] inuusig . . . dahil sa akin. Matuwa kayo at mag-umapaw sa saya.”—Mateo 5:3-12.
Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa salitang “maligaya”? Hindi ito mababaw na pagsasaya lang. Ang tunay na kaligayahan ay nagsasangkot ng tunay na pagkakontento, o pagkadama ng kasiyahan sa buhay.
Sinabi ni Jesus na ang tunay na maligaya ay ang mga taong nakauunawang kailangan nila ang Diyos, nalulungkot na sila’y makasalanan, at kumikilala at naglilingkod sa Diyos. Kahit magalit sa kanila ang iba at usigin sila sa paggawa ng kalooban ng Diyos, maligaya sila dahil alam nilang nalulugod ang Diyos sa kanila at gagantimpalaan niya sila ng buhay na walang hanggan.
Pero iniisip ng marami na ang kayamanan at pagpapasarap sa buhay ang nagpapaligaya. Kabaligtaran nito ang sinabi ni Jesus. Malamang na nagtaka ang mga nakikinig nang sabihin niya: “Kaawa-awa kayong mayayaman, dahil hanggang diyan lang ang tatamasahin ninyong kaginhawahan. Kaawa-awa kayo na busog ngayon, dahil magugutom kayo. Kaawa-awa kayo na tumatawa ngayon, dahil magdadalamhati kayo at iiyak. Kaawa-awa kayo sa tuwing pinupuri kayo ng lahat ng tao, dahil ganito rin ang ginawa ng mga ninuno nila sa huwad na mga propeta.”—Lucas 6:24-26.
Bakit kaawa-awa ang mayayaman, tumatawa, at mga pinupuri ng iba? Dahil kapag sa mga ito nakapokus ang isa, posibleng mapabayaan niya ang paglilingkod sa Diyos at mawalan ng tunay na kaligayahan. Hindi sinasabi ni Jesus na awtomatikong magiging maligaya ang isa kung mahirap o nagugutom siya. Gayunman, kadalasang ang mga dukha o mahihirap ang tumatanggap sa mga turo ni Jesus at nagiging tunay na maligaya.
Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo.” (Mateo 5:13) Siyempre, hindi sila literal na asin. Ang asin ay isang preserbatibo. Mayroong bunton nito malapit sa altar sa templo ng Diyos na ginagamit sa mga handog. Kumakatawan din ang asin sa kawalan ng pagkasira o pagkabulok. (Levitico 2:13; Ezekiel 43:23, 24) Ang mga alagad ni Jesus ang “asin ng mundo” dahil natutulungan nila ang mga tao na mapreserba, o maingatan, ang kanilang kaugnayan sa Diyos at maiwasan ang pagkabulok, o pagbagsak, ng moral. Oo, ang mensahe nila ay makapagliligtas sa buhay ng mga tumutugon dito.
Sinabi rin ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang liwanag ng sangkatauhan.” Ang isang lampara ay hindi tinatakpan ng basket, kundi inilalagay sa patungan ng lampara para magbigay ng liwanag. Kaya hinimok sila ni Jesus: “Pasikatin din ninyo ang inyong liwanag sa mga tao, para makita nila ang mabubuting ginagawa ninyo at purihin ang inyong Ama na nasa langit.”—Mateo 5:14-16.
MATAAS NA PAMANTAYAN PARA SA KANIYANG MGA TAGASUNOD
Para sa mga Judiong lider ng relihiyon, isang manlalabag ng Kautusan ng Diyos si Jesus kaya nagsabuwatan silang patayin siya. Hayagan ngayong sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong isipin na dumating ako para sabihing walang saysay ang Kautusan o ang mga Propeta. Dumating ako, hindi para sabihing wala itong saysay, kundi para tuparin ito.”—Mateo 5:17.
Oo, malaki ang paggalang ni Jesus sa Kautusan ng Diyos, at hinihimok niya ang iba na maging gayon din. Sinabi niya: “Ang sinumang lumalabag sa isa sa mga utos nito na itinuturing na di-gaanong mahalaga at nagtuturo sa iba na lumabag din ay tatawaging pinakamababa may kaugnayan sa Kaharian ng langit.” Ibig niyang sabihin, hindi makakapasok sa Kaharian ng Diyos ang gayong tao. “Pero,” ang sabi pa niya, “ang sinumang sumusunod sa mga ito at nagtuturo nito ay tatawaging pinakadakila may kaugnayan sa Kaharian ng langit.”—Mateo 5:19.
Hinahatulan ni Jesus maging ang mga saloobing umaakay sa isang tao na labagin ang Kautusan ng Diyos. Matapos banggitin ang sinabi ng Kautusan na “Huwag kang papatay,” idinagdag ni Jesus: “Sinumang patuloy na napopoot sa kapatid niya ay mananagot sa hukuman.” (Mateo 5:21, 22) Mabigat na kasalanan ang patuloy na pagkapoot, o sobrang galit, sa kapuwa, at maaari itong umakay sa pagpatay. Ipinaliwanag ni Jesus ang pagsisikap na dapat gawin ng isang tao para makipagpayapaan: “Kaya kapag nagdadala ka ng iyong handog sa altar at naalaala mo roon na ang kapatid mo ay may reklamo sa iyo, iwan mo sa harap ng altar ang handog mo, at puntahan mo ang iyong kapatid. Makipagkasundo ka muna sa kaniya, at saka ka bumalik para ialay ang handog mo.”—Mateo 5:23, 24.
Ang isa pang batas sa Kautusan ay tungkol sa pangangalunya. Sinabi ni Jesus: “Alam ninyo na sinabi noon: ‘Huwag kang mangangalunya.’ Pero sinasabi ko sa inyo na ang sinumang patuloy na tumitingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:27, 28) Hindi lang basta imoral na kaisipang sumasagi sa isip ang sinasabi rito ni Jesus; sa halip, idiniriin niya kung gaano kaseryoso ang ‘patuloy na pagtingin.’ Napupukaw ang pagnanasa kapag patuloy na tumitingin ang isa. At kapag nagkaroon ng pagkakataon, puwede itong mauwi sa pangangalunya. Paano ito maiiwasan? Baka kailangan ng malaking sakripisyo. Sinabi ni Jesus: “Kaya kung nagkakasala ka dahil sa kanang mata mo, dukitin mo ito at itapon. . . . Kung nagkakasala ka dahil sa kanang kamay mo, putulin mo ito at itapon.”—Mateo 5:29, 30.
May ilang tao na handang ipaputol ang napinsalang parte ng katawan para maisalba ang buhay nila. Kaya hindi nakapagtatakang sinabi ni Jesus na mas mahalagang “itapon” ang anuman, kasinghalaga man ito ng mata o kamay, para maiwasan ang imoral na kaisipan at ang mga resulta nito. “Mas mabuti pang mawala ang isang parte ng katawan mo,” ang paliwanag ni Jesus, “kaysa ihagis ang buong katawan mo sa Gehenna” (isang nagniningas na bunton ng basura sa labas ng pader ng Jerusalem), na lumalarawan sa permanenteng pagkapuksa.
Nagpayo rin si Jesus tungkol sa pakikitungo sa nakasakit sa atin. “Huwag kang lumaban sa masamang tao,” ang sabi niya, “kundi sa sinumang sumampal sa kanang pisngi mo, iharap mo rin ang kabila.” (Mateo 5:39) Hindi naman ibig sabihin na hindi puwedeng ipagtanggol ng isang tao ang kaniyang sarili o pamilya kung manganib sila. Ang binabanggit ni Jesus ay isang sampal, na hindi naman makasasakit nang sobra o makamamatay; sa halip, isa itong insulto. Sinasabi niya na kung may sumampal o mang-insulto sa atin para awayin tayo o makipagtalo, huwag gumanti.
Ang payong iyan ay kaayon ng utos ng Diyos na mahalin ang kapuwa. Kaya pinayuhan ni Jesus ang mga tagapakinig niya: “Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo.” Nagbigay siya ng napakabigat na dahilan: “Para mapatunayan ninyong mga anak kayo ng inyong Ama na nasa langit, dahil pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti.”—Mateo 5:44, 45.
Bilang sumaryo ng bahaging ito ng kaniyang sermon, sinabi ni Jesus: “Kaya dapat kayong maging perpekto, kung paanong ang Ama ninyo sa langit ay perpekto.” (Mateo 5:48) Siyempre, hindi naman ibig sabihin na puwedeng maging perpekto ang mga tao ngayon. Pero kung tutularan natin ang Diyos, magagawa nating mahalin kahit ang ating mga kaaway. Sa ibang salita: “Patuloy na maging maawain, gaya ng inyong Ama na maawain.”—Lucas 6:36.
PANALANGIN AT TIWALA SA DIYOS
Ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang sermon at hinimok ang mga tagapakinig: “Tiyakin na hindi pakitang-tao lang ang paggawa ninyo ng mabuti.” Tinuligsa ni Jesus ang mga nagkukunwaring makadiyos. Idinagdag niya: “Kung gagawa ka ng mabuti sa mahihirap, huwag kang hihihip ng trumpeta, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari.” (Mateo 6:1, 2) Mas magandang gumawa ng mabuti nang walang nakakakita.
Sinabi pa ni Jesus: “Kapag nananalangin kayo, huwag ninyong gayahin ang mga mapagkunwari, dahil gusto nilang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto ng malalapad na daan para makita sila ng mga tao.” Sa halip, sinabi niya: “Kapag mananalangin ka, pumasok ka sa isang silid sa iyong bahay, isara mo ang pinto, at saka ka manalangin sa iyong Ama sa langit.” (Mateo 6:5, 6) Hindi hinahatulan ni Jesus ang lahat ng panalangin sa publiko, dahil ginawa niya ito mismo. Ang binabatikos niya ay ang mga nananalangin sa publiko na gustong magpasikat at mapapurihan.
Nagpayo siya: “Kapag nananalangin, huwag maging paulit-ulit sa inyong sinasabi gaya ng ginagawa ng mga tao ng ibang mga bansa.” (Mateo 6:7) Hindi sinasabi ni Jesus na maling ipanalangin nang paulit-ulit ang isang bagay. Ipinakikita niya na hindi tamang gumamit ng sauladong pananalita nang “paulit-ulit,” na nananalangin nang wala sa puso. Nagbigay siya ng modelong panalangin na may pitong kahilingan. Ang unang tatlo ay may kinalaman sa karapatan ng Diyos na mamahala at sa kaniyang mga layunin—na mapabanal ang kaniyang pangalan, na dumating ang Kaharian, at na mangyari ang kaniyang kalooban. Ito ang mga dapat unahin sa panalangin at saka lang ang personal na mga bagay gaya ng pagkain sa araw-araw, kapatawaran ng kasalanan, at ang kahilingang huwag tayong hayaang mahulog sa tukso at iligtas tayo mula sa masama.
Gaano ba dapat kaimportante sa atin ang ating mga pag-aari? Hinimok ni Jesus ang mga tao: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan may insekto at kalawang na naninira, at may masasamang tao na nagnanakaw.” Totoong-totoo nga! Talagang nasisira ang materyal na kayamanan, at hindi tayo nito mailalapít sa Diyos. Kaya ganito pa ang sinabi ni Jesus: “Mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit.” Magagawa natin ito kung uunahin natin sa ating buhay ang paglilingkod sa Diyos. Walang makakakuha ng ating mabuting kaugnayan sa Diyos ni ang gantimpala nitong buhay. Kaya totoo ang mga salita ni Jesus: “Kung nasaan ang kayamanan mo, naroon din ang puso mo.”—Mateo 6:19-21.
Para idiin ang punto, gumamit si Jesus ng ilustrasyon: “Ang mata ang lampara ng katawan. Kaya kung nakapokus ang mata mo, magiging maliwanag ang buong katawan mo. Pero kung ang mata mo ay mainggitin, magiging madilim ang buong katawan mo.” (Mateo 6:22, 23) Kung gumagana nang tama ang ating makasagisag na mata, gaya ito ng lampara sa ating buong katawan. Pero para maging gayon, ang ating mata ay dapat nakapokus sa isang bagay; kung hindi, magkakaroon tayo ng maling pananaw sa buhay. Kapag nagpokus tayo sa materyal na mga bagay at hindi sa paglilingkod sa Diyos, “magiging madilim ang buong katawan” natin, at puwede itong humantong sa kawalang-katapatan.
Pagkatapos, nagbigay si Jesus ng mapuwersang halimbawa: “Walang alipin ang makapaglilingkod sa dalawang panginoon; dahil alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo puwedeng magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.”—Mateo 6:24.
Ang ilang nakikinig kay Jesus ay maaaring nag-iisip kung ano ang dapat na maging pananaw nila sa materyal na mga pangangailangan. Kaya tiniyak niya sa kanila na hindi nila kailangang mag-alala kung inuuna nila ang paglilingkod sa Diyos. “Tingnan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit; hindi sila nagtatanim o umaani o nagtitipon sa kamalig, pero pinakakain sila ng inyong Ama sa langit.”—Mateo 6:26.
Kumusta naman ang mga bulaklak na liryo na nasa bundok na iyon? Binanggit ni Jesus na “kahit si Solomon, sa kabila ng karangyaan niya, ay hindi nakapagdamit na gaya ng isa sa mga ito.” Ano ang ipinakikita nito? “Kung ganito dinaramtan ng Diyos ang pananim, na nasa parang ngayon at bukas ay ihahagis sa pugon, hindi ba mas gugustuhin niyang damtan kayo?” (Mateo 6:29, 30) Hinimok sila ni Jesus: “Kaya huwag kayong mag-alala at magsabing ‘Ano ang kakainin namin?’ o, ‘Ano ang iinumin namin?’ o, ‘Ano ang isusuot namin?’ . . . Alam ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Kaya patuloy na unahin ang Kaharian at ang katuwiran niya, at ibibigay niya sa inyo ang mga bagay na ito.”—Mateo 6:31-33.
KUNG PAANO MAKAKAMIT ANG BUHAY
Gusto ng mga apostol at ng iba pa na mamuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos, pero hindi iyan madali sa kanila. Marami kasing Pariseo ang mapanghusga. Kaya nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan; dahil kung paano kayo humahatol, gayon kayo hahatulan.”—Mateo 7:1, 2.
Mapanganib na sumunod sa mapanghusgang mga Pariseo, gaya ng inilarawan ni Jesus: “Puwede bang akayin ng isang taong bulag ang kapuwa niya bulag? Hindi ba pareho silang mahuhulog sa hukay?” Kaya ano ang dapat na maging tingin ng mga tagapakinig ni Jesus sa kanilang kapuwa? Hindi sila dapat maging mapanghusga dahil malaking kasalanan ito. Nagtanong siya: “Paano mo masasabi sa kapatid mo, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso sa sarili mong mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang troso sa sarili mong mata para makita mo nang malinaw kung paano aalisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.”—Lucas 6:39-42.
Hindi naman ito nangangahulugan na hindi na puwedeng humatol ang kaniyang mga alagad. “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal, o ihagis sa mga baboy ang inyong mga perlas,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 7:6) Gaya ng perlas, napakahalaga ng mga katotohanang nasa Salita ng Diyos. Kung ang ilang tao ay parang mga hayop na hindi nagpapahalaga sa katotohanan, dapat silang iwan ng mga alagad at maghanap ng mga makikinig.
Ibinalik ni Jesus sa panalangin ang paksa at idiniing kailangang maging matiyaga rito. “Patuloy na humingi at bibigyan kayo.” Handang sagutin ng Diyos ang mga panalangin, gaya ng makikita sa tanong ni Jesus: “Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kaniyang anak kapag humingi ito ng tinapay? . . . Kaya kung kayo na makasalanan ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, lalo pa nga ang inyong Ama sa langit! Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya.”—Mateo 7:7-11.
Binanggit ngayon ni Jesus ang isang alituntunin sa paggawi, na naging tanyag nang maglaon: “Lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.” Hindi ba’t dapat nating isapuso at sundin ang magandang payong ito? Pero hindi ito madali, gaya ng sinabi ni Jesus: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan, dahil maluwang ang pintuang-daan at malapad ang daan na papunta sa pagkapuksa, at marami ang pumapasok dito; pero makipot ang pintuang-daan at makitid ang daan na papunta sa buhay, at kakaunti ang mga nakakahanap dito.”—Mateo 7:12-14.
May mga maglilihis sa mga alagad mula sa daan ng buhay, kaya nagbabala si Jesus: “Mag-ingat kayo sa nagkukunwaring mga propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa, pero sa loob ay hayok na mga lobo.” (Mateo 7:15) Sinabi ni Jesus na ang mabuting puno at masamang puno ay makikilala sa mga bunga nito. Gayon din pagdating sa mga tao. Makikilala natin ang nagkukunwaring mga propeta sa kanilang turo at paggawi. Ipinaliwanag ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay makikilala, hindi lang sa kanilang sinasabi, kundi pati sa kanilang ginagawa. Sinasabi ng ilan na si Jesus ang Panginoon nila, pero paano kung hindi nila ginagawa ang kalooban ng Diyos? Binanggit ni Jesus: “Sasabihin ko sa kanila: ‘Hindi ko kayo kilala! Masama ang ginagawa ninyo. Lumayo kayo!’”—Mateo 7:23.
Bilang pagtatapos sa kaniyang sermon, sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng nakaririnig sa sinasabi ko at sumusunod dito ay gaya ng isang matalinong tao na nagtayo ng bahay niya sa ibabaw ng malaking bato. At bumuhos ang ulan, bumaha, at humihip ang hangin at humampas sa bahay, pero hindi ito gumuho, dahil nakatayo ito sa ibabaw ng malaking bato.” (Mateo 7:24, 25) Bakit hindi gumuho ang bahay? Dahil ang lalaki ay “humukay nang malalim at naglatag ng pundasyon sa bato.” (Lucas 6:48) Kaya bukod sa pakikinig sa mga salita ni Jesus, dapat din tayong magsikap na sundin ito.
Kumusta naman ang “nakaririnig sa sinasabi” ni Jesus pero “hindi sumusunod dito”? Siya ay “gaya ng isang taong mangmang na nagtayo ng bahay niya sa buhanginan.” (Mateo 7:26) Kapag bumuhos ang ulan, bumaha, at humangin, magigiba ang bahay na iyon.
Humanga ang mga tao sa paraan ng pagtuturo ni Jesus, dahil isa siyang taong may awtoridad magturo, di-gaya ng mga lider ng relihiyon. Malamang na marami sa mga nakapakinig sa kaniya ang naging alagad niya.