Paano Mababago ni Jesus ang Iyong Buhay?
SI Jesu-Kristo ay isang Dakilang Guro na nakatira sa Palestina halos 2,000 taon na ang nakalipas. Walang gaanong impormasyon hinggil sa kaniyang pagkabata. Gayunman, lubusang napatunayan na noong siya’y mga 30 anyos na, pinasimulan niya ang kaniyang ministeryo upang “magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37; Lucas 3:21-23) Ang apat na alagad na sumulat ng salaysay ng kaniyang buhay ay nagtuon ng pansin sa sumunod na tatlo at kalahating taon.
Sa panahon ng kaniyang ministeryo, ibinigay ni Jesu-Kristo ang isang utos sa kaniyang mga alagad na magiging panlunas sa karamihan ng mga karamdaman ng sanlibutan. Ano iyon? Sabi ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.” (Juan 13:34) Oo, ang lunas sa karamihan ng mga problema ng sangkatauhan ay pag-ibig. Minsan naman, nang tanungin si Jesus kung aling utos ang pinakadakila, sumagot siya: “ ‘Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.’ Ito ang pinakadakila at unang kautusan. Ang ikalawa, na tulad nito, ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’”—Mateo 22:37-40.
Ipinakita sa atin ni Jesus sa pamamagitan ng mga salita at mga gawa kung paano iibigin ang Diyos at ang ating kapuwa. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa at tingnan natin kung ano ang matututuhan natin mula sa kaniya.
Ang Kaniyang mga Turo
Sa isa sa pinakabantog na sermon sa kasaysayan, sinabihan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o mananatili siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” (Mateo 6:24) Ang turo ba ni Jesus na unahin ang Diyos sa ating buhay ay praktikal pa rin sa ngayon, gayong marami ang naniniwalang salapi ang makalulutas ng lahat ng suliranin? Totoo naman, kailangan natin ang salapi upang makaraos. (Eclesiastes 7:12) Ngunit, kung gagawin nating panginoon ang “Kayamanan,” kokontrolin tayo ng “pag-ibig sa salapi,” anupat pananaigan nito ang ating buhay. (1 Timoteo 6:9, 10) Karamihan sa mga nahulog sa bitag na ito ay nawalan ng kanilang pamilya, ng kanilang kalusugan, at maging ng kanilang buhay.
Sa kabilang panig naman, nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay kung ang ating gagawing Panginoon ay ang Diyos. Bilang Maylalang, siya ang Pinagmumulan ng buhay, kaya naman, siya lamang ang karapat-dapat sa ating pagsamba. (Awit 36:9; Apocalipsis 4:11) Yaong nakaaalam ng kaniyang mga katangian at umiibig sa kaniya ay nauudyukang sumunod sa kaniyang mga kautusan. (Eclesiastes 12:13; 1 Juan 5:3) Sa paggawa nito, nakikinabang tayo.—Isaias 48:17.
Sa Sermon sa Bundok, tinuruan din ni Jesus ang kaniyang mga alagad kung paano magpapakita ng pag-ibig sa kapuwa-tao. Sabi niya: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Ang salitang “mga tao” na ginamit ni Jesus dito ay tumutukoy rin maging sa mga kaaway. Sa sermon ding iyon, sinabi niya: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:43, 44) Hindi ba malulutas ng pag-ibig na iyan ang maraming problemang kinakaharap natin ngayon? Iyan ang naging palagay ng lider na Hindu na si Mohandas Gandhi. Sinipi siya sa pagsasabing: “Kapag [tayo’y] nagkaisa sa mga turong inilahad ng Kristo sa Sermon na ito sa Bundok, malulutas natin ang mga problema . . . sa buong daigdig.” Ang mga turo ni Jesus tungkol sa pag-ibig, kung ikakapit, ay makalulutas sa maraming karamdaman ng sangkatauhan.
Ang Kaniyang mga Gawa
Hindi lamang itinuro ni Jesus ang malalalim na katotohanan ng pagpapakita ng pag-ibig kundi isinagawa rin niya ang kaniyang itinuro. Halimbawa, inuuna niya ang kapakanan ng iba kaysa yaong sa kaniya. Isang araw si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay abalang-abala sa pagtulong sa mga tao anupat wala na silang panahon upang makakain man lamang. Nakita ni Jesus na kailangang magpahinga kahit kaunti ang kaniyang mga alagad, at dinala niya sila sa isang liblib na pook. Subalit nang makarating sila roon, nadatnan nila ang maraming taong naghihintay sa kanila. Ano kaya ang gagawin mo kung makakita ka ng maraming tao na umaasa sa iyong paglilingkod gayong pakiramdam mo’y kailangan mo munang magpahinga kahit kaunti? Buweno, “naantig [si Jesus] sa pagkahabag sa kanila” at “nagpasimula siyang magturo sa kanila ng maraming mga bagay.” (Marcos 6:34) Ang pagmamalasakit na ito sa iba ang laging nagpapakilos kay Jesus upang tulungan sila.
Hindi lamang nagturo si Jesus sa mga tao. Naglaan din siya ng praktikal na tulong. Halimbawa, minsan ay nagpakain siya sa mahigit na 5,000 katao na buong-maghapong nakikinig sa kaniya. Di-nagtagal pagkaraan, nagpakain na naman siya sa maraming tao—sa pagkakataong ito ay mahigit na 4,000—na tatlong araw nang nakikinig sa kaniya at naubusan na ng pagkain. Noong unang pagkakataon, gumamit siya ng limang tinapay at dalawang isda, at nitong huli, pitong tinapay at ilang maliliit na isda. (Mateo 14:14-22; 15:32-38) Himala? Oo, siya’y manggagawa ng himala.
Nagpagaling din si Jesus sa maraming may karamdaman. Nagpagaling siya ng bulag, ng pilay, ng ketongin, at ng bingi. Aba, bumuhay pa nga siya ng patay! (Lucas 7:22; Juan 11:30-45) Minsan ay nakiusap sa kaniya ang isang ketongin: “Kung ibig mo lamang, ay mapalilinis mo ako.” Paano tumugon si Jesus? “Sa gayon ay naantig siya sa pagkahabag, at iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya, at sinabi sa kaniya: ‘Ibig ko. Luminis ka.’ ” (Marcos 1:40, 41) Sa pamamagitan ng gayong mga himala, ipinakita ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa mga napipighati.
Hindi ka ba makapaniwala sa mga himala ni Jesus? Ganiyan ang iba. Gayunman, alalahanin mo na ginawa ni Jesus ang kaniyang mga himala sa harap ng publiko. Maging ang mga sumasalansang sa kaniya na wala nang hinahanap kundi ang kaniyang kamalian, ay hindi makapagkakaila na siya’y isa ngang manggagawa ng himala. (Juan 9:1-34) Isa pa, may layunin ang kaniyang mga himala. Ang mga ito’y tumutulong sa mga tao na makilala siya bilang Isa na isinugo ng Diyos.—Juan 6:14.
Hindi pinangarap ni Jesus na siya ang pag-ukulan ng pansin sa paggawa niya ng mga himala. Sa halip, niluwalhati niya ang Diyos, ang Pinagmumulan ng kaniyang kapangyarihan. Minsan ay nasa isang tahanan siya sa Capernaum na punô ng mga tao. Isang paralitiko ang naghangad na mapagaling ngunit hindi siya makapasok. Kaya ibinaba siya ng kaniyang mga kaibigan mula sa bubong habang nasa teheras. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, pinagaling niya ang paralitiko. Bilang resulta, “niluwalhati [ng mga tao] ang Diyos” at nagsabi: “Hindi pa kami nakakita kailanman ng katulad nito.” (Marcos 2:1-4, 11, 12) Ang mga himala ni Jesus ay nagbigay ng papuri kay Jehova, ang kaniyang Diyos, at nakatulong sa mga nangangailangan.
Gayunman, ang makahimalang pagpapagaling sa mga maysakit ay hindi siyang pangunahing bahagi ng ministeryo ni Jesus. Nagpaliwanag ang isang sumulat ng isang salaysay tungkol sa buhay ni Jesus: “Ang mga ito ay naisulat upang kayo ay maniwala na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos, at na, dahilan sa paniniwala, kayo ay maaaring magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.” (Juan 20:31) Oo, pumarito si Jesus sa lupa upang ang mga mananampalataya ay magkamit ng buhay.
Ang Kaniyang Hain
‘Pumarito si Jesus sa lupa?’ marahil ay itatanong mo. ‘Saan siya galing?’ Si Jesus mismo ay nagsabi: “Ako ay bumaba mula sa langit upang gawin, hindi ang aking kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 6:38) Siya’y umiiral na bago pa man naging tao bilang ang bugtong na Anak ng Diyos. Ano naman kaya ang kalooban ng Isa na nagsugo sa kaniya sa lupa? “Inibig ng Diyos ang sanlibutan nang gayon na lamang anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak,” sabi ni Juan, isa sa mga sumulat ng Ebanghelyo, “upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Paano maaaring mangyari ito?
Isinisiwalat ng Bibliya kung paanong ang kamatayan ay naging isang di-maiiwasang karanasan ng sangkatauhan. Tinanggap ng unang taong mag-asawa mula sa Diyos ang buhay taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Subalit pinili nila na magrebelde laban sa Gumawa sa kanila. (Genesis 3:1-19) Dahil sa ginawang ito, ang unang pagkakasala ng tao, minana ng mga supling nina Adan at Eva ang masaklap na pamanang kamatayan. (Roma 5:12) Upang mabigyan ang sangkatauhan ng tunay na buhay, dapat mawala ang kasalanan at kamatayan.
Walang siyentipikong makapag-aalis ng kamatayan sa pamamagitan ng isang uri ng henetikong inhinyeriya. Subalit may paraan ang Maylalang ng sangkatauhan na madala ang masunuring mga tao tungo sa kasakdalan upang sila’y mabuhay magpakailanman. Ang paglalaang ito ay tinatawag sa Bibliya na pantubos. Ipinagbili ng unang mag-asawang tao ang kanilang sarili at ang kanilang mga supling sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Ipinagpalit nila ang buhay bilang sakdal na mga tao na masunurin sa Diyos sa buhay na hiwalay sa Diyos, anupat gumagawa ng sariling pasiya kung ano ang tama at kung ano ang mali. Upang maibalik muli ang sakdal na buhay bilang tao, dapat na magbayad ng isang halaga na katumbas ng sakdal na buhay bilang tao na iwinala ng ating unang mga magulang. Palibhasa’y minana ng mga tao ang di-kasakdalan, hindi sila kuwalipikadong maglaan ng halagang iyan.—Awit 49:7.
Kaya nakialam ang Diyos na Jehova upang tumulong. Inilipat niya ang sakdal na buhay ng kaniyang bugtong na Anak sa sinapupunan ng isang birhen, na nagsilang kay Jesus. Noong nakalipas na mga dekada, maaaring hindi mo paniniwalaan ang ideya na maaaring manganak ang isang birhen. Pero sa ngayon, nakokopya na (cloning) ng mga siyentipiko ang mga mamal at nakapaglilipat na ng mga gene mula sa isang hayop tungo sa iba. Sino, kung gayon, ang may katuwiran pang mag-alinlangan sa kakayahan ng Maylalang na laktawan ang karaniwang proseso ng pag-aanak?
Yamang mayroon nang isang sakdal na buhay bilang tao, posible nang maibigay ang halagang kailangan upang matubos ang sangkatauhan sa kasalanan at kamatayan. Gayunman, ang sanggol na ipinanganak sa lupa bilang si Jesus ay kailangan pa munang lumaki upang maging siyang “doktor” na makapagbibigay ng “gamot” na panlunas sa mga karamdaman ng sangkatauhan. Nagawa niya ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sakdal at walang-kasalanang pamumuhay. Hindi lamang nakita ni Jesus ang panggigipuspos ng sangkatauhan sa ilalim ng kasalanan kundi naranasan din niya ang pisikal na mga limitasyon ng pagiging isang tao. Nagpangyari ito upang siya’y lalong maging isang madamaying doktor. (Hebreo 4:15) Ang makahimalang pagpapagaling na isinagawa niya sa panahon ng kaniyang pamumuhay sa lupa ay nagpapatunay na taglay niya kapuwa ang kalooban at kapangyarihan na pagalingin ang maysakit.—Mateo 4:23.
Matapos ang tatlo at kalahating taon ng ministeryo rito sa lupa, pinatay si Jesus ng mga sumasalansang sa kaniya. Ipinakita niya na ang isang sakdal na tao ay maaaring maging masunurin sa Maylalang kahit sa kabila pa nga ng pinakamalalaking pagsubok. (1 Pedro 2:22) Ang kaniyang inihaing sakdal na buhay bilang tao ang naging halagang pantubos, na tumubos sa tao mula sa kasalanan at kamatayan. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na isuko ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Sa ikatlong araw pagkamatay niya, si Jesus ay binuhay-muli tungo sa buhay bilang espiritu, at pagkaraan ng ilang linggo ay umakyat siya sa langit upang iharap sa Diyos na Jehova ang halagang pantubos. (1 Corinto 15:3, 4; Hebreo 9:11-14) Sa paggawa nito, naikapit ni Jesus ang bisa ng kaniyang haing pantubos doon sa mga sumusunod sa kaniya.
Nais mo bang makinabang sa paraang ito ng pagpapagaling sa espirituwal, emosyonal, at pisikal na mga karamdaman? Kailangang manampalataya kay Jesu-Kristo upang magawa ito. Bakit hindi ikaw mismo ang pumunta sa Doktor? Magagawa mo iyan sa pamamagitan ng pag-aaral hinggil kay Jesu-Kristo at sa kaniyang papel sa pagsagip sa tapat na sangkatauhan. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tumulong sa iyo.
[Larawan sa pahina 5]
Taglay ni Jesus kapuwa ang kalooban at kapangyarihan na pagalingin ang may karamdaman
[Larawan sa pahina 7]
Paano ka naaapektuhan ng kamatayan ni Jesus?