Panatilihin ang Isang Sakdal na Puso kay Jehova
“Aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at maglingkod ka sa kaniya nang may sakdal na puso.”—1 CRO. 28:9.
1, 2. (a) Anong bahagi ng katawan ang pinakamadalas tukuyin ng Bibliya sa makasagisag na paraan? (b) Bakit mahalagang maunawaan natin ang kahulugan ng makasagisag na puso?
MADALAS tukuyin ng Bibliya ang mga bahagi ng katawan ng tao sa makasagisag na paraan. Halimbawa, sinabi ng patriyarkang si Job: “Walang karahasan sa aking mga palad.” Nasabi ni Haring Solomon: “Ang mabuting ulat ay nagpapataba ng mga buto.” Tiniyak ni Jehova kay Ezekiel: “Ang iyong noo ay ginawa kong . . . mas matigas pa kaysa sa batong pingkian.” At may mga nagsabi kay apostol Pablo: “Naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga.”—Job 16:17; Kaw. 15:30; Ezek. 3:9; Gawa 17:20, Ang Biblia.
2 Pero may isang bahagi ng katawan ng tao na pinakamadalas tukuyin ng Bibliya sa makasagisag na paraan. Binanggit ito ng tapat na si Hana sa kaniyang panalangin: “Ang aking puso ay nagbubunyi dahil kay Jehova.” (1 Sam. 2:1) Sa katunayan, halos isang libong ulit binanggit ng mga manunulat ng Bibliya ang puso, at karamihan dito ay sa makasagisag na diwa. Napakahalagang maunawaan natin kung saan lumalarawan ang puso dahil sinasabi ng Bibliya na dapat natin itong ingatan.—Basahin ang Kawikaan 4:23.
ANO ANG MAKASAGISAG NA PUSO?
3. Paano natin malalaman ang kahulugan ng “puso” sa Bibliya? Ipaghalimbawa.
3 Sa Bibliya, wala tayong mababasang katuturan ng salitang “puso,” pero tinutulungan tayo nito na maunawaan kung ano ang kahulugan ng salitang ito. Paano? Kunin nating halimbawa ang isang napakagandang moseyk na gawa sa libu-libong maliliit na bato. Kung aatras ka para pagmasdan ang buong moseyk, makikita mo na ang maliliit na bato ay nakabubuo ng isang magandang larawan. Sa katulad na paraan, kung titingnan natin ang napakaraming paglitaw ng salitang “puso” sa Bibliya, makabubuo rin tayo ng isang larawan. Anong larawan?
4. (a) Ano ang inilalarawan ng salitang “puso”? (b) Ano ang ibig sabihin ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 22:37?
4 Ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang “puso” para lumarawan sa kabuuan ng panloob na pagkatao ng isang indibiduwal. Saklaw nito ang ating mga pagnanais, kaisipan, disposisyon, saloobin, kakayahan, motibo, at mga tunguhin. (Basahin ang Deuteronomio 15:7; Kawikaan 16:9; Gawa 2:26.) Pero may mga pagkakataon na mas espesipiko ang kahulugan ng salitang “puso.” Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mat. 22:37) Sa tekstong ito, ang “puso” ay tumutukoy sa mga emosyon, pagnanais, at damdamin ng isang tao. Magkakahiwalay na binanggit ni Jesus ang puso, kaluluwa, at pag-iisip para idiin na dapat nating ipakita ang ating pag-ibig sa Diyos sa ating damdamin, paraan ng pamumuhay, at paraan ng pag-iisip. (Juan 17:3; Efe. 6:6) Pero kapag “puso” lang ang binabanggit, tumutukoy ito sa kabuuan ng panloob na pagkatao.
KUNG BAKIT KAILANGAN NATING INGATAN ANG ATING PUSO
5. Bakit gusto nating gawin ang ating makakaya para mapaglingkuran si Jehova nang may sakdal na puso?
5 Pinaalalahanan ni Haring David si Solomon: “Aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at maglingkod ka sa kaniya nang may sakdal na puso at may nakalulugod na kaluluwa; sapagkat ang lahat ng puso ay sinasaliksik ni Jehova, at ang bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang natatalos.” (1 Cro. 28:9) Si Jehova ang Tagasuri ng lahat ng puso, pati na ang sa atin. (Kaw. 17:3; 21:2) At makaaapekto sa kaugnayan natin sa kaniya at sa kinabukasan natin ang anumang makikita niya sa ating puso. Kaya naman dapat nating sundin ang payo ni David at gawin ang ating makakaya para mapaglingkuran si Jehova nang may sakdal na puso.
6. Ano ang dapat nating maunawaan kung tungkol sa ating determinasyong maglingkod kay Jehova?
6 Makikita sa ating masigasig na mga gawain bilang bayan ni Jehova na talagang gusto nating maglingkod sa Diyos nang may sakdal na puso. Pero nauunawaan natin na ang balakyot na sanlibutan ni Satanas at ang makasalanang hilig ng ating laman ay maaaring makasira ng ating determinasyong maglingkod sa Diyos nang buong puso. (Jer. 17:9; Efe. 2:2) Kaya para matiyak na hindi nanghihina ang ating determinasyong maglingkod sa Diyos, kailangan nating regular na suriin ang ating puso. Paano natin ito magagawa?
7. Ano ang nagpapakita ng kalagayan ng ating puso?
7 Hindi nakikita ng iba ang ating panloob na pagkatao, kung paanong hindi rin nakikita ang ubod, o pinakagitna, ng isang puno. Pero gaya ng binanggit ni Jesus sa Sermon sa Bundok, makikita ang kalagayan ng isang puno sa mga bunga nito. Sa katulad na paraan, makikita rin ang tunay na kalagayan ng ating puso sa mga ginagawa natin. (Mat. 7:17-20) Tingnan natin ang isa sa mga ito.
ISANG PARAAN PARA MASURI ANG ATING PUSO
8. Ano ang kaugnayan ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 6:33 at ng nilalaman ng ating puso?
8 Sa Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig kung ano ang dapat nilang gawin para maipakita ang pagnanais nilang maglingkod kay Jehova nang buong puso. Sinabi niya: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33) Oo, makikita sa mga bagay na inuuna natin sa ating buhay kung ano ang ninanais, iniisip, at pinaplano ng ating puso. Kaya naman ang isang paraan para matiyak kung naglilingkod tayo sa Diyos nang may sakdal na puso ay ang suriin ang ating mga priyoridad sa buhay.
9. Ano ang paanyaya ni Jesus sa ilang lalaki? Ano ang isinisiwalat ng kanilang pagtugon?
9 Pag-usapan natin ang isang pangyayari na naganap di-nagtagal matapos pasiglahin ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian.’ Ipinakikita nito na masisiwalat ang nilalaman ng puso ng isang tao sa mga bagay na inuuna niya sa buhay. Sinabi ni Lucas na ‘matatag na itinuon ni Jesus ang kaniyang mukha na pumaroon sa Jerusalem,’ kahit alam niya kung ano ang mangyayari sa kaniya roon. Habang siya at ang mga apostol ay ‘humahayo sa daan,’ inanyayahan ni Jesus ang ilang lalaki na maging tagasunod niya. Gusto nilang tanggapin ang paanyaya ni Jesus—pero mayroon silang mga kondisyon. Sinabi ng isang lalaki: “Pahintulutan mo muna akong umalis at ilibing ang aking ama.” Sinabi naman ng isa pa: “Susundan kita, Panginoon; ngunit pahintulutan mo muna akong magpaalam sa aking mga kasambahay.” (Luc. 9:51, 57-61) Ibang-iba nga si Jesus, na matatag sa kaniyang desisyong gawin ang kalooban ng Diyos, kung ihahambing sa mga lalaking iyon, na hindi desididong sumunod kay Jesus! Ang pag-una nila sa kanilang pansariling kapakanan bago ang interes ng Kaharian ay nagsisiwalat na hindi sila naglilingkod sa Diyos nang may sakdal na puso.
10. (a) Paano tumugon sa paanyaya ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod ngayon? (b) Anong ilustrasyon ang inilahad ni Jesus?
10 Di-tulad ng mga lalaking iyon, tinanggap natin ang paanyaya ni Jesus na maging tagasunod niya at naglilingkod na tayo kay Jehova araw-araw. Sa ganitong paraan, ipinakikita natin kung ano ang nadarama natin kay Jehova sa kaibuturan ng ating puso. Pero kahit aktibo tayo sa kongregasyon, tandaan natin na maaari pa ring manganib ang ating puso. Bakit? Malalaman natin ang sagot batay sa sinabi ni Jesus sa mga inanyayahan niyang maging tagasunod niya. Nagbabala siya: “Walang taong naglagay ng kaniyang kamay sa araro at tumitingin sa mga bagay na nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.” (Luc. 9:62) Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyong ito?
KUMAKAPIT BA TAYO SA MABUTI?
11. Ano ang nangyari sa trabaho ng magbubukid sa ilustrasyon ni Jesus, at bakit?
11 Para mas maunawaan natin ang aral sa ilustrasyon ni Jesus, dagdagan natin ito ng ilang detalye. Isang magbubukid ang abala sa pag-aararo. Pero habang nag-aararo, iniisip-isip niya ang kaniyang tahanan kung saan naroon ang kaniyang mga kapamilya at kaibigan, may pagkain, musika, tawanan, at masisilungan. Nasasabik siya sa mga ito. Pagkatapos mag-araro nang matagal-tagal, tumindi nang tumindi ang pagnanais niya sa mga bagay na iyon anupat lumingon siya at tumingin “sa mga bagay na nasa likuran.” Bagaman napakarami pang dapat gawin bago matamnan ang bukid, hindi na siya makapagpokus kaya naapektuhan ang kaniyang trabaho. Siyempre pa, dismayadung-dismayado ang amo sa kawalan ng pagtitiyaga ng kaniyang tauhan.
12. Ano ang pagkakatulad ng ilang Kristiyano sa ngayon at ng magbubukid sa ilustrasyon ni Jesus?
12 Isaalang-alang naman natin kung paano ito maaaring mangyari sa ngayon. Ang magbubukid ay maaaring lumarawan sa sinumang Kristiyano na mukhang mahusay naman pero ang totoo’y nanganganib sa espirituwal. Kuning halimbawa ang isang brother na regular namang dumadalo sa pulong at abala sa kaniyang ministeryo. Sa kabila nito, hindi maalis-alis sa isip niya ang ilang bagay sa sanlibutan na kaakit-akit sa kaniya. Sa kaibuturan ng kaniyang puso, gustung-gusto niya ang mga ito. Pagkatapos niyang maglingkod sa Diyos sa loob ng maraming taon, ang paghahangad niya sa mga bagay ng sanlibutan ay tumindi nang tumindi anupat lumingon siya at tumingin “sa mga bagay na nasa likuran.” Bagaman marami pang gawain sa ministeryo, hindi siya ‘mahigpit na kumapit sa salita ng buhay,’ at napabayaan niya ang kaniyang mga gawaing teokratiko. (Fil. 2:16) Tiyak na nalulungkot si Jehova, ang “Panginoon ng pag-aani,” sa gayong kawalan ng pagtitiyaga.—Luc. 10:2.
13. Ano ang ibig sabihin ng paglilingkod kay Jehova nang may sakdal na puso?
13 Malinaw ang aral. Hindi sapat ang pagiging regular sa mga pulong at sa ministeryo para makapaglingkod kay Jehova nang may sakdal na puso. (2 Cro. 25:1, 2, 27) Kung sa kaibuturan ng puso ng isang Kristiyano ay patuloy niyang iniibig ang “mga bagay na nasa likuran”—samakatuwid nga, mga bagay na bahagi ng pamumuhay ng sanlibutang ito—nanganganib ang kaniyang mabuting katayuan sa Diyos. (Luc. 17:32) Magiging “karapat-dapat [lang tayo] sa kaharian ng Diyos” kung ‘kamumuhian natin ang balakyot at kakapit tayo sa mabuti.’ (Luc. 9:62; Roma 12:9) Kahit may mga bagay sa sanlibutan ni Satanas na tila kapaki-pakinabang o kanais-nais, dapat nating tiyakin na walang makapagpapahinto sa atin sa buong-pusong paglilingkod sa Diyos.—2 Cor. 11:14; basahin ang Filipos 3:13, 14.
MANATILING ALISTO!
14, 15. (a) Paano sinisikap ni Satanas na pahinain ang ating sigasig sa paglilingkod sa Diyos? (b) Ilarawan kung bakit napakapanganib ng taktikang ito ni Satanas.
14 Pag-ibig kay Jehova ang nagpakilos sa atin na ialay ang ating sarili sa kaniya. Sa loob ng maraming taon mula noon, pinatunayan ng marami sa atin na determinado tayong paglingkuran si Jehova nang may sakdal na puso. Pero hindi sumusuko si Satanas. Pinupuntirya pa rin niya ang ating puso. (Efe. 6:12) Siyempre pa, alam niyang hindi naman tayo basta-basta hihinto sa paglilingkod kay Jehova. Kaya naman ginagamit niya ang “sistemang ito ng mga bagay” para unti-unting pahinain ang ating sigasig sa Diyos. (Basahin ang Marcos 4:18, 19.) Bakit napakaepektibo ng taktikang ito ni Satanas?
15 Ipagpalagay na nagbabasa ka ng isang aklat sa liwanag ng bombilyang 100 watts, pero napundi ito. Dahil biglang nagdilim, alam mo agad kung ano ang nangyari at pinalitan mo ang bombilya. Muling nagliwanag ang silid. Nang sumunod na gabi, nagbasa ka uli sa liwanag ng bombilyang iyon. Pero wala kang kamalay-malay na pinalitan pala iyon ng bombilyang 95 watts. Mapapansin mo kaya ang pagkakaiba? Malamang na hindi. Paano kung kinabukasan ay palitan na naman ito ng bombilyang 90 watts? Malamang na hindi mo pa rin ito mahahalata. Bakit? Dahil unti-unti ang paghina ng liwanag nito. Sa katulad na paraan, ang mga impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas ay maaaring unti-unting magpahina sa ating sigasig. Kung hindi alisto ang isang Kristiyano, hindi man lang niya ito mapapansin, at sa gayo’y nagtagumpay si Satanas.—Mat. 24:42; 1 Ped. 5:8.
MAHALAGA ANG PANALANGIN
16. Paano natin mapoprotektahan ang ating sarili mula sa mga pakana ni Satanas?
16 Paano natin mapoprotektahan ang ating sarili mula sa mga pakana ni Satanas at sa gayo’y patuloy na makapaglingkod kay Jehova nang may sakdal na puso? (2 Cor. 2:11) Mahalaga ang panalangin. Pinasigla ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na ‘tumayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.’ Pagkatapos ay hinimok niya sila: “Sa bawat uri ng panalangin at pagsusumamo ay [magpatuloy] kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon.”—Efe. 6:11, 18; 1 Ped. 4:7.
17. Anong aral ang itinuturo ng mga panalangin ni Jesus?
17 Para makatayong matatag laban kay Satanas, tularan natin ang hangarin ni Jesus na paglingkuran si Jehova nang may sakdal na puso. Halimbawa, pansinin ang ulat ni Lucas tungkol sa panalangin ni Jesus noong gabi bago siya mamatay: “Nang mapasamatinding paghihirap ay nagpatuloy siya sa pananalangin nang lalong marubdob.” (Luc. 22:44) Dati nang marubdob manalangin si Jesus. Pero sa pagkakataong ito, kung kailan napapaharap siya sa pinakamatinding pagsubok sa kaniyang buhay sa lupa, nanalangin siya “nang lalong marubdob”—at sinagot ang kaniyang panalangin. Ipinakikita nito na ang ilang panalangin ay maaaring mas masidhi kaysa sa iba. Kaya naman, miyentras mas matindi ang pagsubok at mas malakas ang impluwensiya ni Satanas, dapat tayong manalangin “nang lalong marubdob” ukol sa proteksiyon ni Jehova.
18. (a) Kung tungkol sa ating mga panalangin, ano ang dapat nating itanong sa sarili, at bakit? (b) Anu-anong bagay ang makaaapekto sa ating puso, at paano? (Tingnan ang kahon sa pahina 16.)
18 Ano ang epekto sa atin ng gayong mga panalangin? Sinabi ni Pablo: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso.” (Fil. 4:6, 7) Kailangan tayong manalangin nang marubdob at madalas para mapanatiling sakdal ang ating puso kay Jehova. (Luc. 6:12) Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Gaano karubdob at kadalas ang aking mga panalangin?’ (Mat. 7:7; Roma 12:12) Makikita sa sagot mo kung gaano kasidhi ang iyong pagnanais na paglingkuran ang Diyos.
19. Ano ang gagawin mo para mapanatili ang isang sakdal na puso kay Jehova?
19 Gaya ng natalakay natin, makikita sa mga priyoridad natin sa buhay kung ano ang kalagayan ng ating puso. Tiyakin natin na ang mga bagay na tinalikuran na natin o ang mga tusong taktika ni Satanas ay hindi magpapahina ng ating determinasyong paglingkuran si Jehova nang may sakdal na puso. (Basahin ang Lucas 21:19, 34-36.) Kaya naman, gaya ni David, patuloy tayong nagsusumamo kay Jehova: “Pagkaisahin mo ang aking puso.”—Awit 86:11.
[Kahon sa pahina 16]
TATLONG BAGAY NA MAKAAAPEKTO SA ATING PUSO
Kung paanong may magagawa tayong mga hakbang na makabubuti sa ating literal na puso, mayroon din tayong magagawa para mapanatiling malusog ang ating makasagisag na puso. Isaalang-alang ang tatlong mahahalagang bagay na ito:
1 Pagkain: Kailangan ng ating literal na puso ang sapat na masustansiyang pagkain. Dapat din tayong kumain ng sapat na espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral, pagbubulay-bulay, at pagdalo sa mga pulong.—Awit 1:1, 2; Kaw. 15:28; Heb. 10:24, 25.
2 Ehersisyo: Para maging malusog ang ating literal na puso, may mga panahon na kailangan itong magbomba nang higit kaysa sa karaniwan. Sa katulad na paraan, ang pagiging masigasig sa ministeryo—marahil sa pamamagitan ng higit na pakikibahagi rito—ay tutulong para manatiling nasa kondisyon ang ating makasagisag na puso.—Luc. 13:24; Fil. 3:12.
3 Kapaligiran: Ang di-makadiyos na kapaligirang kinabubuhayan natin ay maaaring magdulot ng stress sa ating literal at makasagisag na puso. Pero mababawasan ang stress na ito kung regular tayong makikisama sa mga kapananampalataya na tunay na nagmamalasakit sa atin at may pusong sakdal sa Diyos.—Awit 119:63; Kaw. 13:20.