Tunay ba sa Iyo ang Pagiging Lider ni Kristo?
“Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.”—MATEO 23:10.
1. Sino lamang ang Lider ng tunay na mga Kristiyano?
MARTES noon, Nisan 11. Pagkaraan ng tatlong araw, si Jesu-Kristo ay papatayin. Iyon ang kaniyang huling pagdalaw sa templo. Noong araw na iyon, si Jesus ay nagbigay ng mahalagang turo sa mga pulutong na nagkatipon doon at sa kaniyang mga alagad. Sinabi niya: “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo.” (Mateo 23:8-10) Maliwanag, si Jesu-Kristo ang Lider ng tunay na mga Kristiyano.
2, 3. Ano ang epekto sa ating buhay ng pakikinig kay Jehova at pagtanggap sa Lider na hinirang niya?
2 Kayrami ngang kapaki-pakinabang na epekto sa ating buhay ng pagiging lider ni Jesus kapag tinanggap ito! Bilang paghula sa pagdating ng Lider na ito, ipinahayag ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Kayo riyan, lahat kayong nauuhaw! Pumarito kayo sa tubig. At ang mga walang salapi! Pumarito kayo, bumili kayo at kumain. Oo, pumarito kayo, bumili kayo ng alak at gatas kahit walang salapi at walang bayad. . . . Makinig kayong mabuti sa akin, at kumain kayo ng bagay na mabuti, at hayaang ang inyong kaluluwa ay makasumpong ng masidhing kaluguran nito sa katabaan. . . . Narito! Bilang saksi sa mga liping pambansa ay ibinigay ko siya, bilang lider at kumandante sa mga liping pambansa.”—Isaias 55:1-4.
3 Ginamit ni Isaias ang karaniwang mga likido—tubig, gatas, at alak—bilang mga metapora upang ipakita kung paano naaapektuhan ang ating buhay kapag nakikinig tayo kay Jehova at sumusunod sa Lider at Kumandante na ibinigay niya sa atin. Ang resulta ay nakagiginhawa. Iyon ay katulad ng pag-inom ng isang baso ng malamig na tubig kapag mainit ang araw. Napapawi ang ating pagkauhaw sa katotohanan at katuwiran. Kung paanong pinalalakas ng gatas ang mga sanggol at tinutulungan silang lumaki, ang ‘gatas ng salita’ ay nagpapatibay sa atin at nagtataguyod ng espirituwal na pagsulong sa ating kaugnayan sa Diyos. (1 Pedro 2:1-3) At sino ang hindi sasang-ayon na ang alak ay nagdudulot ng kagalakan sa masasayang okasyon? Gayundin naman, ang pagsamba sa tunay na Diyos at pagsunod sa mga hakbang ng kaniyang hinirang na Lider ay nagpapangyari na maging ‘lubusang nakagagalak’ ang buhay. (Deuteronomio 16:15) Kung gayon, mahalaga na ipakita nating lahat—bata at matanda, lalaki at babae—na tunay sa atin ang pagiging lider ni Kristo. Subalit paano natin maipamamalas sa ating araw-araw na pamumuhay na ang Mesiyas ang ating Lider?
Mga Kabataan—Patuloy na “Sumulong sa Karunungan”
4. (a) Ano ang naganap nang dumalaw ang 12-taóng-gulang na si Jesus sa Jerusalem noong panahon ng Paskuwa? (b) Gaano karami ang nalalaman ni Jesus nang siya ay 12 anyos pa lamang?
4 Isaalang-alang ang halimbawang ipinakita ng ating Lider para sa mga kabataan. Bagaman kakaunti ang nalalaman tungkol sa panahon ng pagkabata ni Jesus, maraming isinisiwalat ang isang pangyayari. Nang si Jesus ay 12 taóng gulang, isinama siya ng kaniyang mga magulang sa kanilang taunang pagdalaw sa Jerusalem para sa Paskuwa. Sa okasyong iyon ay nawili siya sa isang maka-Kasulatang talakayan, at di-sinasadyang naiwan siya nang umalis ang kaniyang pamilya. Pagkaraan ng tatlong araw, natagpuan siya ng kaniyang nag-aalalang mga magulang, sina Jose at Maria, sa templo, “na nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” Bukod dito, “lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” Isip-isipin ito, sa gulang lamang na 12 taon, hindi lamang nakapagbabangon si Jesus ng mga tanong na nakapupukaw sa kaisipan at may kinalaman sa espirituwal na bagay kundi nakapagbibigay rin siya ng matatalinong sagot! Walang alinlangan, natulungan siya ng pagsasanay ng mga magulang.—Lucas 2:41-50.
5. Paano maaaring suriin ng mga kabataan ang kanilang saloobin sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya?
5 Marahil ay isa kang kabataan. Kung tapat na mga lingkod ng Diyos ang iyong mga magulang, malamang na may regular na programa ng pampamilyang pag-aaral ng Bibliya sa inyong tahanan. Ano ang iyong saloobin sa pampamilyang pag-aaral? Bakit hindi muni-munihin ang mga tanong na gaya nito: ‘Buong-puso ko bang sinusuportahan ang kaayusan sa pag-aaral ng Bibliya sa aking pamilya? Nakikipagtulungan ba ako hinggil dito, anupat hindi gumagawa ng anumang bagay na makasisira sa rutina?’ (Filipos 3:16) ‘Aktibo ba akong nakikibahagi sa pag-aaral? Kapag angkop, nagbabangon ba ako ng mga tanong may kaugnayan sa materyal na pinag-aaralan at nagkokomento hinggil sa pagkakapit nito? Habang sumusulong ako sa espirituwal na paraan, nililinang ko ba ang pagnanais sa “matigas na pagkain [na] nauukol sa mga taong may-gulang”?’ —Hebreo 5:13, 14.
6, 7. Gaano kahalaga sa mga kabataan ang isang programa ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya?
6 Mahalaga rin ang isang programa sa araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Umawit ang salmista: “Maligaya ang taong hindi lumalakad sa payo ng mga balakyot, . . . kundi ang kaniyang kaluguran ay sa kautusan ni Jehova, at sa kaniyang kautusan ay nagbabasa siya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Ang kahalili ni Moises, si Josue, ay ‘pabulong na nagbasa ng aklat ng kautusan araw at gabi.’ Pinangyari nito na makakilos siya nang may karunungan at magtagumpay sa pagsasakatuparan sa kaniyang bigay-Diyos na atas. (Josue 1:8) Sinabi ng ating Lider, si Jesu-Kristo: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’ ” (Mateo 4:4) Kung nangangailangan tayo ng pisikal na pagkain sa araw-araw, lalo tayong nangangailangan ng regular na espirituwal na pagkain!
7 Palibhasa’y natanto ang kaniyang espirituwal na pangangailangan, sinimulan ng 13-taóng-gulang na si Nicole na basahin ang Bibliya araw-araw.a Ngayon, sa gulang na 16, nabasa na niya nang minsan ang buong Bibliya at halos nasa kalahati na ang kaniyang ikalawang pagbasa. Simple lamang ang kaniyang pamamaraan. “Tinitiyak ko na nakababasa ako ng di-kukulangin sa isang kabanata bawat araw,” ang sabi niya. Paano siya natulungan ng kaniyang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya? Sumagot siya: “Napakarami ngayong masasamang impluwensiya. Araw-araw akong napapaharap sa mga panggigipit sa paaralan at sa iba pang lugar na humahamon sa aking pananampalataya. Tinutulungan ako ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya na maalaala kaagad ang mga utos at mga simulain ng Bibliya na nagpapatibay-loob sa akin na labanan ang mga panggigipit na ito. Bilang resulta, nadarama ko na lalo akong nápalapít kay Jehova at kay Jesus.”
8. Ano ang naging kaugalian ni Jesus may kinalaman sa sinagoga, at paano siya matutularan ng mga kabataan?
8 Nakaugalian ni Jesus na makinig at makibahagi sa pagbabasa ng Kasulatan sa sinagoga. (Lucas 4:16; Gawa 15:21) Kaybuti nga para sa mga kabataan na sundin ang halimbawang iyan sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, kung saan binabasa at pinag-aaralan ang Bibliya! Bilang kapahayagan ng pagpapahalaga sa gayong mga pulong, ganito ang sinabi ng 14-anyos na si Richard: “Mahalaga sa akin ang mga pulong. Palagi akong pinaaalalahanan doon kung ano ang mabuti at masama, kung ano ang moral at imoral at kung ano ang tulad-Kristo at hindi. Hindi ko na kailangang malaman ito sa mahirap na paraan—sa pamamagitan ng mapait na karanasan.” Oo, “ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan.” (Awit 19:7) Tinitiyak din ni Nicole na madaluhan ang lahat ng limang pulong ng kongregasyon bawat linggo. Gumugugol din siya ng mula dalawa hanggang tatlong oras sa paghahanda para sa mga ito.—Efeso 5:15, 16.
9. Paano patuloy na ‘susulong sa karunungan’ ang mga kabataan?
9 Ang panahon ng kabataan ay isang mainam na pagkakataon upang kumuha ng ‘kaalaman tungkol sa tanging tunay na Diyos, at sa isa na kaniyang isinugo, si Jesu-Kristo.’ (Juan 17:3) Baka may kilala kang mga kabataan na gumugugol ng napakaraming panahon sa pagbabasa ng mga komiks, panonood ng telebisyon, paglalaro ng mga video game, o paggagalugad sa Internet. Bakit mo sila tutularan gayong maaari ka namang sumunod sa sakdal na halimbawa ng ating Lider? Bilang isang bata, nalugod siya na matuto tungkol kay Jehova. At ano ang naging resulta? Dahil sa kaniyang pag-ibig sa espirituwal na mga bagay, “si Jesus ay patuloy na sumulong sa karunungan.” (Lucas 2:52) Magagawa mo rin iyon.
“Magpasakop Kayo sa Isa’t Isa”
10. Ano ang tutulong upang maging bukal ng kapayapaan at kaligayahan ang buhay pampamilya?
10 Ang tahanan ay maaaring maging isang kanlungan ng kapayapaan at pagkakontento o isang lugar ng hidwaan at pagtatalo. (Kawikaan 21:19; 26:21) Ang pagtanggap natin sa pagiging lider ni Kristo ay nakatutulong sa paglago ng kapayapaan at kaligayahan sa pamilya. Sa katunayan, ang halimbawa ni Jesus ang siyang huwaran sa mga ugnayang pampamilya. Sinasabi ng Kasulatan: “Magpasakop kayo sa isa’t isa sa takot kay Kristo. Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon, yamang siya ang tagapagligtas ng katawang ito. . . . Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efeso 5:21-25) Sa kongregasyon sa Colosas, sumulat si apostol Pablo: “Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay lubhang kalugud-lugod sa Panginoon.”—Colosas 3:18-20.
11. Paano maipakikita ng isang asawang lalaki na tunay sa kaniya ang pagiging lider ni Kristo?
11 Ang pagsunod sa payong ito ay nangangahulugan na mangunguna ang asawang lalaki sa pamilya, matapat na susuporta sa kaniya ang kaniyang asawa, at susunod ang mga anak sa kanilang mga magulang. Gayunman, ang pagkaulo ng lalaki ay magdudulot lamang ng kaligayahan kapag ito ay ginampanan nang wasto. Dapat matutuhan ng matalinong asawang lalaki kung paano gagampanan ang pagkaulo sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniyang sariling Ulo at Lider, si Kristo Jesus. (1 Corinto 11:3) Bagaman si Jesus, nang maglaon, ay naging “ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay sa kongregasyon,” pumarito siya sa lupa, “hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.” (Efeso 1:22; Mateo 20:28) Sa katulad na paraan, ginagampanan ng isang Kristiyanong asawang lalaki ang kaniyang pagkaulo, hindi dahil sa sakim na kapakinabangan, kundi upang pangalagaan ang mga kapakanan ng kaniyang asawa at mga anak—oo, ang buong pamilya. (1 Corinto 13:4, 5) Sinisikap niyang tularan ang makadiyos na mga katangian ng kaniyang ulo, si Jesu-Kristo. Gaya ni Jesus, siya ay mahinahong-loob at mababa ang puso. (Mateo 11:28-30) Hindi mahirap para sa kaniya na sabihin ang mga salitang tulad ng “ipagpatawad mo” o “tama ka” kapag siya ay mali. Ang kaniyang mainam na halimbawa ay nagpapadali para sa isang asawang babae na maging “katulong,” “kapupunan,” at “kapareha” ng gayong lalaki, anupat natututo mula sa kaniya at nagpapagal na kasama niya.—Genesis 2:20; Malakias 2:14.
12. Ano ang tutulong sa asawang babae na sumunod sa simulain ng pagkaulo?
12 Sa bahagi ng asawang babae, siya ay dapat magpasakop sa kaniyang asawang lalaki. Gayunman, kapag naaapektuhan siya ng espiritu ng sanlibutan, maaaring sirain nito ang kaniyang pangmalas sa simulain ng pagkaulo, at hindi magiging kalugud-lugod sa kaniya ang ideya ng pagpapasakop sa isang lalaki. Hindi ipinahihiwatig ng Kasulatan na dapat na maging dominante ang lalaki, ngunit talagang hinihiling nito na magpasakop ang mga asawang babae sa kani-kanilang asawang lalaki. (Efeso 5:24) Pinapananagot din ng Bibliya ang asawang lalaki o ama, at kapag ikinapit ang payo nito, nagdudulot ito ng kapayapaan at kaayusan sa pamilya.—Filipos 2:5.
13. Anong halimbawa ng pagpapasakop ang ibinigay ni Jesus para sa mga anak?
13 Dapat na maging masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang. Hinggil dito, nagpakita si Jesus ng napakahusay na halimbawa. Pagkatapos ng pangyayari sa templo nang maiwan ang 12-anyos na si Jesus sa loob ng tatlong araw, “bumaba siyang kasama [ng kaniyang mga magulang] at dumating sa Nazaret, at patuloy siyang nagpasakop sa kanila.” (Lucas 2:51) Ang pagpapasakop ng mga anak sa kanilang mga magulang ay nakatutulong sa paglago ng kapayapaan at pagkakasuwato sa pamilya. Kapag ang lahat sa pamilya ay nagpapasakop sa pagiging lider ni Kristo, ang resulta ay isang maligayang pamilya.
14, 15. Ano ang tutulong sa atin na magtagumpay kapag napapaharap tayo sa isang mahirap na situwasyon sa tahanan? Magbigay ng halimbawa.
14 Kahit na bumangon ang mahihirap na situwasyon sa tahanan, ang susi sa tagumpay ay ang pagtulad kay Jesus at pagtanggap sa kaniyang patnubay. Halimbawa, ang pagpapakasal ng 35-taóng-gulang na si Jerry kay Lana, ang ina ng isang tin-edyer na anak na babae, ay nagdulot ng problema na hindi inakala ng sinuman sa kanila. Ganito ang paliwanag ni Jerry: “Alam ko na upang maging isang mabuting ulo, kailangan kong ikapit ang mismong mga simulain sa Bibliya na nagdudulot ng tagumpay sa ibang mga pamilya. Ngunit di-nagtagal ay nasumpungan ko na kailangan kong ikapit ang mga ito nang may higit na karunungan at unawa.” Sa pangmalas ng kaniyang anak na babaing panguman (stepdaughter), silang mag-ina ay pinaglalayo ni Jerry at labis itong naghinanakit sa kaniya. Kinailangan ni Jerry ang unawa upang makita na may epekto ang saloobing ito sa sinasabi at ginagawa ng batang babae. Paano niya hinarap ang situwasyon? Ganito ang sagot ni Jerry: “Nagkasundo kami ni Lana na pansamantala ay siya muna ang mag-aasikaso sa pagdidisiplina samantalang ako ay nagtutuon ng pansin sa paglikha ng mabuting kaugnayan sa aking anak na babaing panguman. Nang maglaon, nagdulot ng mabubuting resulta ang ganitong pagharap sa problema.”
15 Kapag napaharap sa mahihirap na situwasyon sa tahanan, kailangan natin ang unawa upang malaman kung bakit ganoon magsalita at gumawi ang mga miyembro ng pamilya. Kailangan din natin ang karunungan upang maikapit nang wasto ang makadiyos na mga simulain. Halimbawa, maliwanag na naunawaan ni Jesus kung bakit siya hinipo ng babaing inaagasan ng dugo, at pinakitunguhan niya ito nang may katalinuhan at habag. (Levitico 15:25-27; Marcos 5:30-34) Ang karunungan at unawa ay mga katangian ng ating Lider. (Kawikaan 8:12) Maligaya tayo kung kikilos tayo na gaya niya.
‘Patuloy na Hanapin Muna ang Kaharian’
16. Ano ang dapat na maging pangunahin sa ating buhay, at paano ito ipinakita ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang halimbawa?
16 Niliwanag ni Jesus kung ano ang dapat maging pangunahin sa buhay ng mga tumatanggap sa kaniyang pagiging lider. Sinabi niya: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang [ng Diyos] katuwiran.” (Mateo 6:33) At sa pamamagitan ng kaniyang halimbawa, ipinakita niya sa atin kung paano gagawin ito. Sa katapusan ng sumunod na 40 araw na pag-aayuno, pagbubulay-bulay, at pananalangin pagkatapos ng kaniyang bautismo, si Jesus ay napaharap sa tukso. Inialok sa kaniya ni Satanas na Diyablo ang pamamahala sa “lahat ng mga kaharian ng sanlibutan.” Gunigunihin ang naging buhay sana ni Jesus kung tinanggap niya ang alok ng Diyablo! Gayunman, nakatuon ang pansin ni Kristo sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Natanto rin niya na panandalian lamang ang gayong buhay sa sanlibutan ni Satanas. Agad niyang tinanggihan ang alok ng Diyablo, na sinasabi: “Nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’ ” Di-nagtagal pagkatapos noon, “pinasimulan ni Jesus ang pangangaral at ang pagsasabing: ‘Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.’ ” (Mateo 4:2, 8-10, 17) Sa natitirang bahagi ng kaniyang buhay noon sa lupa, si Kristo ay naging buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos.
17. Paano natin maipakikita na may pangunahing dako sa ating buhay ang mga kapakanan ng Kaharian?
17 Makabubuting tularan natin ang ating Lider at huwag nating hayaang akitin tayo ng sanlibutan ni Satanas na gawing pangunahing tunguhin sa buhay ang pagkakaroon ng trabaho at karera na may mataas na suweldo. (Marcos 1:17-21) Kaylaking kamangmangan nga para sa atin na labis tayong masalabid sa sapot ng makasanlibutang mga tunguhin anupat maging pangalawahin na lamang ang mga kapakanan ng Kaharian! Pinagkatiwalaan tayo ni Jesus ng gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Oo, maaaring may pamilya tayo o ibang mga pananagutan na dapat asikasuhin, ngunit hindi ba tayo natutuwang gamitin ang mga gabi at mga dulong sanlinggo upang isakatuparan ang ating Kristiyanong pananagutan na mangaral at magturo? At tunay ngang nakapagpapasigla na noong 2001 taon ng paglilingkod, mga 780,000 ang nakapaglingkod bilang buong-panahong mga ministro, o mga payunir!
18. Ano ang tumutulong sa atin upang magalak sa ministeryo?
18 Si Jesus ay inilalarawan ng mga ulat ng Ebanghelyo bilang isang lalaking kilalá sa gawa at isang taong may magiliw na damdamin. Nang makita ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga nasa paligid niya, nahabag siya sa kanila at sabik na tumulong sa kanila. (Marcos 6:31-34) Nakagagalak ang ating ministeryo kapag nakikibahagi tayo rito udyok ng pag-ibig sa iba at ng taimtim na hangaring tulungan sila. Subalit paano tayo magkakaroon ng gayong hangarin? “Noong tin-edyer pa ako,” ang sabi ng isang kabataang lalaki na nagngangalang Jayson, “hindi ako gaanong nasisiyahan sa ministeryo.” Ano ang tumulong sa kaniya na magkaroon ng pag-ibig sa gawaing ito? Ganito ang sagot ni Jayson: “Sa aming pamilya, ang mga Sabado ng umaga ay laging iniuukol sa paglilingkod sa larangan. Nakabuti ito sa akin dahil habang lalo akong lumalabas sa ministeryo, lalo ko namang nakikita ang kabutihang nagagawa nito at lalo akong nasisiyahan dito.” Tayo rin ay dapat na maging regular at masikap sa pakikibahagi sa ministeryo.
19. Ano ang dapat nating maging determinasyon may kaugnayan sa pagiging lider ni Kristo?
19 Tunay ngang nakagiginhawa at kapaki-pakinabang na tanggapin ang pagiging lider ni Kristo. Kapag ginagawa natin ito, ang panahon ng kabataan ay nagiging panahon ng pagsulong sa kaalaman at karunungan. Ang buhay-pampamilya ay nagiging bukal ng kapayapaan at kaligayahan, at nagdudulot naman ng kagalakan at kasiyahan ang gawain sa ministeryo. Kung gayon, maging determinado tayo na ipakita sa ating araw-araw na pamumuhay at sa ating mga pagpapasiya na tunay sa atin ang pagiging lider ni Kristo. (Colosas 3:23, 24) Gayunman, si Jesu-Kristo ay lider din natin sa isa pang larangan—sa kongregasyong Kristiyano. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano tayo makikinabang mula sa paglalaang ito.
[Talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
Natatandaan Mo Ba?
• Paano tayo nakikinabang sa pagsunod sa ating lider na hinirang ng Diyos?
• Paano maipakikita ng mga kabataan na nais nilang sundin ang pagiging lider ni Jesus?
• Ano ang epekto ng pagiging lider ni Kristo sa buhay-pampamilya ng mga nagpapasakop dito?
• Paano maipakikita ng ating ministeryo na tunay sa atin ang pagiging lider ni Kristo?
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang panahon ng kabataan ay isang mainam na pagkakataon upang kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa hinirang na Lider natin
[Larawan sa pahina 10]
Ang pagpapasakop sa pagiging lider ni Kristo ay nagtataguyod ng kaligayahan sa pamilya
[Mga larawan sa pahina 12]
Inuna ni Jesus ang Kaharian. Gayundin ba ang ginagawa mo?