Ikalabing-isang Kabanata
‘Patuloy na Hanapin Muna ang Kaharian’
1. (a) Bakit hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na hanapin muna ang Kaharian? (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
MAHIGIT na 1,900 taon ang nakalipas sa isang diskurso sa Galilea, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: ‘Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos].’ Ngunit bakit may gayong pagkaapurahan? Hindi ba’t maraming siglo pa ang lilipas bago ang panahon ng pagtanggap ni Kristo ng kapangyarihan sa Kaharian? Oo, ngunit ang Mesiyanikong Kaharian ang siyang gagamiting kasangkapan ni Jehova upang ipagbangong-puri ang kaniyang pagkasoberano at isakatuparan ang kaniyang dakilang layunin para sa lupa. Sinumang tunay na nakauunawa sa kahalagahan ng mga bagay na iyon ay maglalaan ng pangunahing dako para sa Kaharian sa kaniyang buhay. Kung totoo iyon noong unang siglo, lalo na itong totoo sa kasalukuyan, ngayong iniluklok na si Kristo bilang Hari! Kaya ang tanong ay, Ipinakikita ba ng aking paraan ng pamumuhay na hinahanap ko muna ang Kaharian ng Diyos?—Mateo 6:33.
2. Anong mga bagay ang pinagsisikapang makamit ng mga tao sa pangkalahatan?
2 Sa ngayon, milyun-milyong tao sa buong daigdig ang talagang humahanap muna sa Kaharian. Ipinakikita nila ang kanilang suporta sa pamamahala ng Kaharian sa pamamagitan ng pagpapangyari na maging pinakamahalaga sa kanilang buhay ang paggawa ng kalooban ni Jehova, yamang inialay ang kanilang sarili sa kaniya. Sa kabilang panig, ang lubhang nakararami sa sangkatauhan ay interesado sa paghanap sa makasanlibutang mga bagay. Pinagsisikapan ng mga tao na magkamit ng salapi at mga ari-arian at mga kaluguran na nabibili ng salapi. O kaya ay puspusan silang nagpapagal upang mapaunlad ang kanilang mga karera. Masasalamin sa kanilang paraan ng pamumuhay ang pagiging labis na abala sa kanilang sarili, sa materyal na mga bagay, at sa mga kaluguran. Inilalagay nila ang Diyos sa pangalawahing dako, kung sakali man na naniniwala pa sila sa kaniya.—Mateo 6:31, 32.
3. (a) Pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga alagad na hanapin ang anong uri ng kayamanan, at bakit? (b) Bakit hindi kailangang labis na mabahala sa materyal na mga bagay?
3 Gayunman, ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang payong ito: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa,” yamang wala sa gayong mga ari-arian ang nananatili magpakailanman. “Sa halip,” ang sabi niya, “mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit” sa pamamagitan ng paglilingkod kay Jehova. Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na panatilihing “simple” ang kanilang mga mata sa pamamagitan ng pag-uukol ng pansin at lakas sa paggawa ng kalooban ng Diyos. “Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan,” ang sabi niya sa kanila. Subalit kumusta naman ang materyal na mga pangangailangan—pagkain, damit, at tirahan? “Huwag na kayong mabalisa,” ang payo ni Jesus. Inakay ni Jesus ang kanilang pansin sa mga ibon—pinakakain ng Diyos ang mga ito. Pinasigla niya ang kaniyang mga tagasunod na kumuha ng aral mula sa mga bulaklak—dinaramtan ng Diyos ang mga ito. Hindi ba mas mahalaga kaysa sa alinman sa mga ito ang matatalinong tao na mga lingkod ni Jehova? “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran,” ang sabi ni Jesus, “at ang lahat ng iba pang [kinakailangang] mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:19-34) Ipinakikita ba ng iyong mga kilos na pinaniniwalaan mo iyan?
Huwag Hayaang Masakal ang Katotohanan ng Kaharian
4. Kung labis na pinahahalagahan ng isang tao ang materyal na mga bagay, ano ang maaaring maging resulta?
4 Wasto namang mabahala tungkol sa pagkakaroon ng sapat upang matugunan ang materyal na mga pangangailangan ng isa at ng kaniyang pamilya. Gayunman, kung ang isang tao ay labis na nababahala sa materyal na mga bagay, maaaring maging kapaha-pahamak ang mga resulta. Bagaman maaaring inaangkin niya na naniniwala siya sa Kaharian, kung sa kaniyang puso ay inuuna niya ang ibang mga bagay, masasakal ang katotohanan ng Kaharian. (Mateo 13:18-22) Halimbawa, minsan ay nagtanong kay Jesus ang isang mayamang kabataang tagapamahala: “Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Namuhay siya nang may malinis na moral at nakitungo nang mabuti sa iba, subalit labis niyang pinahahalagahan ang kaniyang materyal na mga ari-arian. Hindi niya kayang talikuran ang mga ito upang maging isang tagasunod ni Kristo. Kaya pinalampas niya ang isang pagkakataon na umakay sana sa kaniya na makasama si Kristo sa makalangit na Kaharian. Sinabi ni Jesus sa pagkakataong iyon: “Kay hirap na bagay nga para roon sa mga may salapi ang pumasok sa kaharian ng Diyos!”—Marcos 10:17-23.
5. (a) Pinasigla ni Pablo si Timoteo na maging kontento sa anong mga bagay, at bakit? (b) Paano ginagamit ni Satanas “ang pag-ibig sa salapi” bilang isang mapaminsalang silo?
5 Pagkaraan ng maraming taon, sumulat si apostol Pablo kay Timoteo, na noon ay nasa Efeso, isang maunlad na sentro ng kalakalan. Pinaalalahanan siya ni Pablo: “Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.” Angkop naman na magtrabaho upang paglaanan ng “pagkain at pananamit” ang ating sarili at ang ating pamilya. Ngunit nagbabala si Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.” Tuso si Satanas. Sa simula ay maaaring akitin niya ang isang tao sa maliliit na paraan. Maaaring sundan ito ng mas matitinding panggigipit, marahil ng pagkakataon para umasenso o ng isang mas magandang trabaho na may mas mataas na sahod ngunit humihiling naman ng panahon na dati ay inilalaan para sa espirituwal na mga bagay. Kung hindi tayo magbabantay, “ang pag-ibig sa salapi” ay maaaring sumakal sa higit na mas mahahalagang kapakanan ng Kaharian. Ganito ang pagkakasabi ni Pablo hinggil dito: “Sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”—1 Timoteo 6:7-10.
6. (a) Upang maiwasang masilo ng materyalismo, ano ang dapat nating gawin? (b) Anong pagtitiwala ang maaari nating taglayin sa kabila man ng kalagayan ng ekonomiya ng daigdig sa ngayon?
6 Taglay ang tunay na pag-ibig sa kaniyang kapatid na Kristiyano, hinimok ni Pablo si Timoteo: “Tumakas ka mula sa mga bagay na ito” at, “Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya.” (1 Timoteo 6:11, 12) Kailangan ang taimtim na pagsisikap upang maiwasan natin na matangay ng materyalistikong paraan ng pamumuhay ng sanlibutang nakapaligid sa atin. Ngunit kung nagsisikap tayo kasuwato ng ating pananampalataya, hindi tayo kailanman pababayaan ni Jehova. Sa kabila man ng mataas na halaga ng mga bilihin at laganap na kawalan ng trabaho, titiyakin niya na kakamtin natin ang talagang kailangan natin. Sumulat si Pablo: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat . . . sinabi [ng Diyos]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ Anupat tayo ay magkaroon ng lakas ng loob at magsabi: ‘Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’” (Hebreo 13:5, 6) At sumulat si Haring David: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay.”—Awit 37:25.
Naglalaan ng Parisan ang Unang mga Alagad
7. Anong mga tagubilin hinggil sa pangangaral ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at bakit angkop ang mga ito?
7 Pagkaraang bigyan ni Jesus ng angkop na pagsasanay ang kaniyang mga apostol, isinugo niya sila sa Israel upang mangaral ng mabuting balita at magpahayag: “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” Kapana-panabik na mensahe nga ito! Si Jesu-Kristo, ang Mesiyanikong Hari, ay nasa gitna nila. Yamang iniuukol ng mga apostol ang kanilang sarili sa paglilingkod sa Diyos, hinimok sila ni Jesus na magtiwalang pangangalagaan sila ng Diyos. Kaya sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong magdala ng anuman para sa paglalakbay, kahit baston ni supot ng pagkain, ni tinapay ni salaping pilak; ni magkaroon man ng dalawang pang-ilalim na kasuutan. Kundi saanman kayo pumasok sa isang tahanan, manatili kayo roon at umalis mula roon.” (Mateo 10:5-10; Lucas 9:1-6) Titiyakin ni Jehova na ang kanilang mga pangangailangan ay sasapatan ng mga kapuwa Israelita, na sa mga ito ay kaugalian na ang pagiging mapagpatuloy sa mga estranghero.
8. (a) Noong malapit na siyang mamatay, bakit nagbigay si Jesus ng bagong mga tagubilin sa pangangaral? (b) Ano ang kailangan pa ring mauna sa buhay ng mga tagasunod ni Jesus?
8 Nang maglaon, noong malapit na siyang mamatay, inihanda ni Jesus ang kaniyang mga apostol sa katotohanan na sa hinaharap ay gagawa sila sa ilalim ng nagbagong mga kalagayan. Bilang resulta ng opisyal na pagsalansang sa kanilang gawain, maaaring hindi gayon kadali na maging mapagpatuloy sa kanila sa Israel. Gayundin, di-magtatagal ay dadalhin nila ang mensahe ng Kaharian sa mga lupaing Gentil. Ngayon ay kailangang magdala na sila ng isang “supot ng salapi” at “isang supot ng pagkain.” Magkagayunman, kailangang patuloy na hanapin muna nila ang Kaharian ni Jehova at ang kaniyang katuwiran, anupat nagtitiwala na pagpapalain ng Diyos ang kanilang pagsisikap na makamit ang kinakailangang panustos at pananamit.—Lucas 22:35-37.
9. Paano inuna ni Pablo ang Kaharian sa kaniyang buhay samantalang pinangangalagaan ang kaniyang pisikal na mga pangangailangan, at anong payo ang ibinigay niya hinggil sa bagay na ito?
9 Si apostol Pablo ay isang mainam na halimbawa ng isa na nagkapit ng payo ni Jesus. Ginawa ni Pablo na pangunahing bagay sa kaniyang buhay ang ministeryo. (Gawa 20:24, 25) Nang magtungo siya sa isang lugar upang mangaral, tinustusan niya ang kaniyang sariling mga pangangailangan sa materyal, anupat nagtrabaho pa nga bilang manggagawa ng tolda. Hindi niya inasahang pangangalagaan siya ng iba. (Gawa 18:1-4; 1 Tesalonica 2:9) Gayunman, buong-pagpapahalaga niyang tinanggap ang pagkamapagpatuloy at mga kaloob nang ipahayag ng iba ang kanilang pag-ibig sa ganitong paraan. (Gawa 16:15, 34; Filipos 4:15-17) Pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano na huwag pabayaan ang kanilang mga pananagutan sa pamilya para lamang makapangaral, kundi sa halip ay timbangin ang kanilang iba’t ibang pananagutan. Pinayuhan niya sila na magtrabaho, na ibigin ang kani-kanilang pamilya, at mamahagi sa iba. (Efeso 4:28; 2 Tesalonica 3:7-12) Hinimok niya sila na maglagak ng tiwala sa Diyos, hindi sa materyal na mga pag-aari, at gamitin ang kanilang buhay sa paraang nagpapakita na talagang naunawaan nila kung ano ang mas mahahalagang bagay. Kasuwato ng mga turo ni Jesus, nangangahulugan iyon ng paghanap muna sa Kaharian ng Diyos at sa kaniyang katuwiran.—Filipos 1:9-11.
Patuloy na Unahin ang Kaharian sa Iyong Buhay
10. Ano ang kahulugan ng hanapin muna ang Kaharian?
10 Hanggang saan natin personal na ibinabahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian? Sa isang bahagi ay depende iyan sa ating mga kalagayan at sa lalim ng ating pagpapahalaga. Tandaan na hindi sinabi ni Jesus na, ‘Hanapin ang Kaharian kapag wala ka nang iba pang gagawin.’ Palibhasa’y batid ang kahalagahan ng Kaharian, ipinahayag niya ang kalooban ng kaniyang Ama, na sinasabi: “Patuluyan ninyong hanapin ang kaniyang kaharian.” (Lucas 12:31) Bagaman karamihan sa atin ay kailangang magtrabaho upang matustusan ang mga pangangailangan ng ating sarili at ng ating mga pamilya, kung may pananampalataya tayo, magiging pinakamahalaga sa ating buhay ang gawaing pang-Kaharian na ibinigay sa atin ng Diyos. Kasabay nito, aasikasuhin natin ang ating mga pananagutan sa pamilya.—1 Timoteo 5:8.
11. (a) Paano inilarawan ni Jesus na hindi lahat ay makagagawa ng pare-parehong dami sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian? (b) Ano ang mga nasasangkot sa kung gaano karami ang maaaring magawa ng isa?
11 Ang ilan sa atin ay maaaring nakapag-uukol ng mas maraming panahon kaysa sa iba sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Ngunit sa kaniyang talinghaga hinggil sa iba’t ibang uri ng lupa, ipinakita ni Jesus na magbubunga ang lahat niyaong ang puso ay katulad ng mainam na lupa. Gaano karaming bunga? Iba-iba ang mga kalagayan ng mga indibiduwal. Ang edad, kalusugan, at mga pananagutan sa pamilya ay pawang nasasangkot. Ngunit kapag may tunay na pagpapahalaga, malaki ang maisasagawa.—Mateo 13:23.
12. Anong mabuting espirituwal na tunguhin ang pinasisiglang isaalang-alang lalo na ng mga kabataan?
12 Makabubuti na magkaroon ng mga tunguhin na tutulong sa atin upang mapalawak ang ating pakikibahagi sa ministeryo sa Kaharian. Dapat na seryosong pag-isipan ng mga kabataan ang napakahusay na halimbawa ng masigasig na kabataang Kristiyano na si Timoteo. (Filipos 2:19-22) Ano pa ba ang mas mainam para sa kanila kundi ang pumasok sa buong-panahong ministeryo kapag natapos nila ang kanilang sekular na pag-aaral? Ang mga may-edad din ay makikinabang sa pagtatakda ng mabubuting espirituwal na tunguhin.
13. (a) Sino ang nagpapasiya kung ano ang personal na magagawa natin sa paglilingkod sa Kaharian? (b) Kung talagang hinahanap muna natin ang Kaharian, ano ang pinatutunayan natin?
13 Sa halip na punahin yaong sa palagay natin ay makagagawa pa nang higit, dapat tayong pakilusin ng pananampalataya na gumawa ng personal na pagsulong upang mapaglingkuran natin nang lubusan ang Diyos ayon sa ipinahihintulot ng ating sariling kalagayan. (Roma 14:10-12; Galacia 6:4, 5) Gaya ng ipinakita sa nangyari kay Job, iginigiit ni Satanas na ang mga pangunahing interes natin ay ang ating materyal na mga pag-aari, ang ating sariling kaalwanan, at ang ating personal na kapakanan at na ang motibo natin sa paglilingkod sa Diyos ay kasakiman. Ngunit kung talagang hinahanap muna natin ang Kaharian, nagkakaroon tayo ng bahagi sa pagpapatunay na ang Diyablo nga ay talagang pusakal na sinungaling. Nagbibigay-patotoo tayo na nauuna sa ating buhay ang paglilingkod sa Diyos. Sa salita at sa gawa, pinatutunayan natin kung gayon ang ating matinding pag-ibig kay Jehova, ang ating matapat na pagsuporta sa kaniyang pagkasoberano, at ang ating pag-ibig sa mga kapuwa tao.—Job 1:9-11; 2:4, 5; Kawikaan 27:11.
14. (a) Bakit kapaki-pakinabang ang isang iskedyul sa ministeryo sa larangan? (b) Hanggang saan nakikibahagi ang maraming Saksi sa ministeryo sa larangan?
14 Matutulungan tayo ng isang iskedyul upang magawa ang higit pa sa maaaring nagawa na natin. Si Jehova mismo ay may “takdang panahon” para isakatuparan ang kaniyang layunin. (Exodo 9:5; Marcos 1:15) Kung posible, makabubuti na makibahagi sa ministeryo sa larangan sa isa o higit pang itinakdang panahon bawat linggo. Daan-daang libong Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang nagpatala bilang mga auxiliary pioneer, anupat gumugugol ng mga dalawang oras sa isang araw sa pangangaral ng mabuting balita. Daan-daang libo pa ang naglilingkod naman bilang mga regular pioneer, na ginagamit ang mga dalawa at kalahating oras sa isang araw sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian. Ang mga special pioneer at mga misyonero ay gumugugol nang higit pang panahon sa paglilingkod sa Kaharian. Makahahanap din tayo ng mga pagkakataon upang ibahagi ang pag-asa ng Kaharian sa di-pormal na paraan sa sinumang nagnanais makinig. (Juan 4:7-15) Ang dapat na hangarin natin ay ang magkaroon ng lubusang bahagi hangga’t maaari sa gawaing iyan ayon sa ipinahihintulot ng ating kalagayan, sapagkat inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14; Efeso 5:15-17.
15. May kaugnayan sa ating ministeryo, bakit mo nadarama na napapanahon ang payo na nasa 1 Corinto 15:58?
15 Sa lahat ng bahagi ng lupa, saanmang bansa sila nakatira, ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisang nakikibahagi sa pribilehiyong ito ng paglilingkod. Ikinakapit nila sa kanilang sarili ang kinasihang payo ng Bibliya: “Maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.”—1 Corinto 15:58.
Talakayin Bilang Repaso
• Nang sabihin ni Jesus na ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian,’ ano ang ipinahihiwatig niya na dapat ilagay sa pangalawahing dako?
• Ano ang dapat na maging pangmalas natin sa pangangalaga sa pisikal na mga pangangailangan ng ating sarili at ng ating pamilya? Anong tulong ang ibibigay sa atin ng Diyos?
• Sa anong mga pitak ng paglilingkod sa Kaharian maaari tayong makibahagi?
[Larawan sa pahina 107]
Sa bawat lupain, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nangangaral ng mabuting balita, bago dumating ang wakas