Ihagis Mo kay Jehova ang Lahat ng Iyong Kabalisahan
“[Ihagis] ninyo [kay Jehova] ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”—1 PED. 5:7.
1, 2. (a) Bakit hindi tayo dapat magtaka kung makaranas tayo ng kabalisahan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
NABUBUHAY tayo sa napakaigting na panahon. Si Satanas na Diyablo ay galít na galít at “gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Ped. 5:8; Apoc. 12:17) Kaya hindi na nakapagtataka na sa pana-panahon, tayong naglilingkod sa Diyos ay nakararanas ng pagkabalisa. Kahit ang mga lingkod ni Jehova noon, gaya ni Haring David, ay nakadama rin ng kabalisahan. (Awit 13:2) Si apostol Pablo rin ay nakaranas ng “kabalisahan para sa lahat ng kongregasyon.” (2 Cor. 11:28) Ano ang puwede nating gawin kapag nadaraig tayo ng kabalisahan?
2 Tinulungan ng ating maibiging Ama sa langit ang mga lingkod niya noon, at matutulungan din niya tayo ngayon na maibsan ang ating pag-aalala o kabalisahan. Hinihimok tayo ng Bibliya: “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan [álalahanín; ikinababahala], sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.” (1 Ped. 5:7) Paano mo magagawa iyan? Tingnan natin ang apat na paraan—taos-pusong pananalangin, pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos, paghiling ng banal na espiritu ni Jehova, at pagsasabi ng iyong niloloob sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan. Habang sinusuri natin ang apat na paraang ito, alamin ang praktikal na mga hakbang na magagawa mo.
“IHAGIS MO ANG IYONG PASANIN KAY JEHOVA”
3. Paano mo ‘maihahagis ang iyong pasanin kay Jehova’ sa pamamagitan ng pananalangin?
3 Ang unang paraan ay ang marubdob na pananalangin kay Jehova. Kapag hindi ka mapalagay, nangangamba, o nababalisa, ibuhos mo ang iyong puso sa iyong maibiging Ama sa langit. Nakiusap ang salmistang si David kay Jehova: “Pakinggan mo, O Diyos, ang aking panalangin.” Sinabi rin niya sa awit na iyon: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:1, 22) Kapag nagawa mo na ang iyong buong makakaya para solusyunan ang problema, mas makatutulong ang taos-pusong pananalangin kaysa sa pag-aalala. Pero paano makatutulong ang panalangin para huwag kang madaig ng mga nakababalisang kaisipan at pag-aalala?—Awit 94:18, 19.
4. Bakit napakahalaga ng panalangin kapag nababalisa tayo?
4 Basahin ang Filipos 4:6, 7. Tutugunin ni Jehova ang ating marubdob, taos-puso, at patuluyang pananalangin. Paano? Bibigyan niya tayo ng kapanatagan para mawala ang mga negatibong emosyon sa ating puso at isip. Marami na ang personal na nakaranas nito. Pinalitan ng Diyos ang kanilang kabalisahan ng kapayapaan at kapanatagan na nakahihigit sa kaunawaan ng tao. Puwede mo ring maranasan iyan. Madaraig ng “kapayapaan ng Diyos” ang anumang hamon na hinaharap mo. Makapagtitiwala ka sa maibiging pangako ni Jehova: “Huwag kang luminga-linga [o, mabalisa], sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita.”—Isa. 41:10.
PANLOOB NA KAPAYAPAAN MULA SA SALITA NG DIYOS
5. Paano tayo mabibigyan ng Salita ng Diyos ng panloob na kapayapaan?
5 Ang ikalawang paraan para magkaroon ng panloob na kapayapaan ay ang pagbabasa ng mga teksto sa Bibliya at pagbubulay-bulay sa mga iyon. Bakit mahalaga ito? Ang Bibliya ay naglalaman ng patnubay para maiwasan, mabawasan, o maharap natin ang kabalisahan. Ang Salita ng Diyos ay nakatutulong at nakapagpapaginhawa dahil mababasa rito ang mismong karunungan ng Maylikha. Habang binubulay-bulay mo ang mga kaisipan ng Diyos—araw o gabi—at pinag-iisipan kung paano mo masusunod ang praktikal na patnubay ng Bibliya, talagang mapatitibay ka. Ipinakita ni Jehova na ang pagbabasa ng kaniyang Salita ay nauugnay sa pagkakaroon ng ‘lakas ng loob at tibay’ para ‘huwag tayong magitla o masindak.’—Jos. 1:7-9.
6. Paano ka makikinabang sa mga salita ni Jesus?
6 Mababasa rin sa Bibliya ang nakagiginhawang mga salita at turo ni Jesus. Dahil dito, napanatag ang mga tagapakinig niya. Marami ang lumapit sa kaniya dahil inaliw niya ang nababagabag na mga puso, pinalakas ang mahihina, at pinatibay ang mga nanlulumo. (Basahin ang Mateo 11:28-30.) Nagpakita siya ng konsiderasyon sa espirituwal, emosyonal, at pisikal na pangangailangan ng iba. (Mar. 6:30-32) Nangako si Jesus na tutulungan ka rin niya ngayon kung paanong tinulungan niya ang mga apostol na kasama niyang naglakbay noon. Hindi mo kailangang aktuwal na makasama si Jesus. Bilang makalangit na Hari, patuloy na nagpapakita ng empatiya si Jesus. Kaya kapag nababalisa ka, “magagawa niyang saklolohan” ka at magbibigay siya ng “tulong sa tamang panahon.” Oo, matutulungan ka ni Jesus na harapin ang mga problema at magkaroon ng pag-asa at lakas ng loob.—Heb. 2:17, 18; 4:16.
MAKADIYOS NA MGA KATANGIANG INILULUWAL NG ESPIRITU NG DIYOS
7. Paano ka makikinabang kapag sinagot ng Diyos ang paghingi mo ng banal na espiritu?
7 Nangako si Jesus na bibigyan ng kaniyang Ama ng banal na espiritu ang mga humihingi sa Kaniya. (Luc. 11:10-13) Ito ang ikatlong paraan para mabawasan ang kabalisahan—ang bunga ng espiritu. Ang magagandang katangiang iniluluwal ng aktibong puwersa ng Diyos ay bahagi ng mismong personalidad ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Basahin ang Galacia 5:22, 23; Col. 3:10) Habang nililinang mo ang mga aspekto ng bunga ng espiritung iyon, gaganda ang kaugnayan mo sa iba at maiiwasan ang mga sitwasyon na puwedeng magdulot ng kabalisahan. Tingnan kung paano makatutulong sa iyo ang bunga ng espiritu.
8-12. Paano makatutulong ang bunga ng banal na espiritu ng Diyos para maharap mo o maiwasan ang mga nakababalisang sitwasyon?
8 “Pag-ibig, kagalakan, kapayapaan.” Kung makikitungo ka nang may paggalang sa iba, mas makakayanan mong harapin ang iyong negatibong emosyon. Paano? Kapag nagpapakita ka ng pag-ibig na pangkapatid, magiliw na pagmamahal, at dangal, maiiwasan mo ang mga sitwasyong puwedeng magdulot ng kabalisahan.—Roma 12:10.
9 “Mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan.” Magkakaroon ka ng mapayapang kaugnayan sa iba kung susundin mo ang paalaalang ito: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa.” (Efe. 4:32) Dahil dito, maiiwasan mo ang mga sitwasyong posibleng magdulot ng kabalisahan. Mas mahaharap mo rin ang mga di-kaayaayang sitwasyong dulot ng di-kasakdalan ng tao.
10 “Pananampalataya.” Sa ngayon, madalas na pera at materyal na mga bagay ang ikinababalisa natin. (Kaw. 18:11) Kung matibay ang pananampalataya natin na pangangalagaan tayo ni Jehova, mahaharap natin o maiiwasan ang gayong kabalisahan. Paano? Kung susundin mo ang kinasihang payo ni apostol Pablo na maging “kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan.” Binanggit niya ang pangako ng Diyos: “‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ Anupat tayo ay magkaroon ng lakas ng loob at magsabi: ‘Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?’”—Heb. 13:5, 6.
11 “Kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” Napakapraktikal ngang ipakita ang mga katangiang ito! Dahil dito, maiiwasan mo ang mga pagkilos na magdudulot sa iyo ng kabalisahan at ang “mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.”—Efe. 4:31.
12 Totoo, kailangan ang kapakumbabaan para magpasailalim sa “makapangyarihang kamay ng Diyos” at ‘maihagis sa kaniya ang lahat ng kabalisahan mo.’ (1 Ped. 5:6, 7) Pero habang nililinang mo ang kapakumbabaan, matatamo mo ang lingap at suporta ng Diyos. (Mik. 6:8) Kaya kung realistiko ang pananaw mo sa iyong pisikal, mental, at emosyonal na kakayahan, hindi ka gaanong madaraig ng kabalisahan dahil sa Diyos ka nagtitiwala.
“HUWAG KAYONG MABALISA”
13. Ano ang kahulugan ng sinabi ni Jesus na “Huwag kayong mabalisa”?
13 Makikita sa Mateo 6:34 (basahin) ang matalinong payo ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa.” Pero parang mahirap sundin iyan. Ano ba ang ibig sabihin dito ni Jesus? Maliwanag, hindi niya sinasabing hindi na kailanman makararanas ng kabalisahan ang isang lingkod ng Diyos. Gaya ng nakita natin, kahit sina David at Pablo ay nakaranas nito. Gusto ni Jesus na ipaunawa sa kaniyang mga alagad na ang di-kinakailangan o sobrang kabalisahan ay hindi solusyon sa mga problema. May kani-kaniyang hamon ang bawat araw, kaya hindi na kailangang dagdagan ng mga Kristiyano ang kasalukuyang álalahanín nila sa pamamagitan ng pamomroblema sa nakaraan o sa hinaharap. Paano makababawas sa kabalisahan mo ang pagsunod sa payo ni Jesus?
14. Ano ang gagawin mo kung ikinababalisa mo ang iyong nakaraan?
14 Ang ilan ay nababalisa dahil sa nagawa nilang mga pagkakamali noon. Baka nakokonsensiya ang isa sa isang bagay na nagawa niya noon, kahit matagal na iyon. Kung minsan, nararamdaman ni Haring David na para bang ang ‘mga kamalian niya ay nasa ibabaw ng kaniyang ulo.’ Inamin niya: “Ako ay umungal dahil sa pagdaing ng aking puso.” (Awit 38:3, 4, 8, 18) Ano ang dapat gawin ni David sa gayong sitwasyon? Ano ang ginawa niya? Nagtiwala siya sa awa at pagpapatawad ni Jehova. Kaya nasabi niya: “Maligaya siya na ang kaniyang pagsalansang ay pinagpapaumanhinan.”—Basahin ang Awit 32:1-3, 5.
15. (a) Bakit hindi ka dapat mabalisa tungkol sa kasalukuyan? (b) Anong praktikal na mga hakbang ang puwede mong gawin para mabawasan ang kabalisahan? (Tingnan ang kahong “Ilang Praktikal na Paraan Para Mabawasan ang Kabalisahan.”)
15 Minsan, baka nababalisa ka tungkol sa kasalukuyan. Halimbawa, nang isulat ni David ang Awit 55, natatakot siya dahil nanganganib ang buhay niya. (Awit 55:2-5) Pero hindi niya hinayaang sirain ng kabalisahan ang pagtitiwala niya kay Jehova. Ipinanalangin ni David ang mga problema niya, pero alam din niya na mahalagang gumawa ng praktikal na mga hakbang para harapin ang ugat ng kaniyang kabalisahan. (2 Sam. 15:30-34) Tularan mo si David. Sa halip na magpadaig sa kabalisahan, gumawa ng mga hakbang para maharap ang sitwasyon at pagkatapos, ipaubaya mo na sa mga kamay ni Jehova ang mga bagay-bagay.
16. Paano ka mapalalakas ng kahulugan ng pangalan ng Diyos?
16 Kung poproblemahin mo ang posibleng mangyari sa hinaharap, magdudulot ito ng di-kinakailangang kabalisahan. Pero hindi ka dapat mabalisa sa mga bagay na hindi pa naman nangyayari. Bakit? Dahil kadalasan, hindi naman nagiging ganoon kasamâ ang sitwasyon gaya ng ikinatatakot natin. Tandaan din na walang sitwasyon ang hindi kayang kontrolin ng Diyos. Ang mismong pangalan niya ay nauunawaan natin na nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” (Ex. 3:14) Garantiya ito na kayang-kayang isagawa ng Diyos ang layunin niya para sa kaniyang mga lingkod. Makatitiyak ka na gagantimpalaan ng Diyos ang mga tapat at tutulungan niya silang harapin ang kanilang kabalisahan tungkol sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap.
MAKIPAG-USAP SA MAPAGKAKATIWALAANG KAIBIGAN
17, 18. Paano makatutulong ang pakikipag-usap sa iba para maharap mo ang kabalisahan?
17 Ang ikaapat na paraang makatutulong sa iyo ay ang pakikipag-usap sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan. Ang asawa mo, isang matalik na kaibigan, o isang elder sa kongregasyon ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng tamang pananaw kapag nababalisa ka. “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.” (Kaw. 12:25) Malaking tulong ang tapat at bukás na komunikasyon para maintindihan mo ang iyong mga ikinababahala at maharap ang mga ito. Sinasabi ng Bibliya: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang matalik na usapan, ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.”—Kaw. 15:22.
18 Bilang tulong sa mga Kristiyano, inilalaan din ni Jehova ang lingguhang pagpupulong para maharap ang mga kabalisahan. Doon, makakasama mo ang mga kapananampalataya na nagmamalasakit sa iyo at gustong makipagpatibayan. (Heb. 10:24, 25) Dahil sa gayong “pagpapalitan ng pampatibay-loob,” napapanauli ang ating espirituwal na lakas at mas madali na nating mahaharap ang anumang kabalisahan.—Roma 1:12.
KAUGNAYAN SA DIYOS—PANGUNAHING PINAGMUMULAN NG LAKAS
19. Bakit ka makapagtitiwala na mapalalakas ka ng kaugnayan mo sa Diyos?
19 Nakita ng isang elder sa Canada ang kahalagahan ng paghahagis kay Jehova ng kaniyang kabalisahan. Masyadong nakaka-stress ang trabaho niya bilang guro at counselor sa paaralan, at mayroon din siyang anxiety disorder. Paano ito nakayanan ng brother? “Higit sa lahat,” ang paliwanag niya, “ang pagpapatibay ng kaugnayan ko kay Jehova ang pangunahing pinagmumulan ko ng lakas para maharap ang aking problema sa emosyon. Napakahalaga rin ng suporta ng tunay na mga kaibigan at kapatid sa kongregasyon kapag namomroblema ako. Sinasabi ko sa asawa ko ang nararamdaman ko. Tinutulungan ako ng mga kapuwa elder at ng aming tagapangasiwa ng sirkito na magkaroon ng tamang pananaw sa mga bagay-bagay. Nagpatingin din ako sa doktor, inayos ko ang iskedyul ko, at naglaan ako ng panahon para makapagrelaks at makapag-ehersisyo. Unti-unti, nadarama kong nagkakaroon na ako ng kontrol. At sa mga bagay na hindi ko kontrolado, ipinauubaya ko na ang mga iyon kay Jehova.”
20. (a) Paano natin maihahagis ang ating kabalisahan sa Diyos? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
20 Bilang sumaryo, nakita natin na mahalagang ihagis ang ating kabalisahan sa Diyos sa pamamagitan ng taos-pusong pananalangin at pagbabasa ng kaniyang Salita at pagbubulay-bulay rito. Nakita rin natin na mahalagang linangin ang bunga ng espiritu, ipakipag-usap ang niloloob natin sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan, at makipagsamahan sa mga kapuwa Kristiyano para mapatibay. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung paano pa tayo higit na pinalalakas ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang pagiging tagapagbigay-gantimpala.—Heb. 11:6.