-
“Maging Makatarungan” sa Paglakad Kasama ng DiyosMaging Malapít kay Jehova
-
-
13 Kung nauunawaan natin ang maawaing katangian ng katarungan ng Diyos, hindi tayo magpapadalos-dalos sa paghatol sa iba tungkol sa mga bagay na wala namang kinalaman sa atin o hindi naman gaanong mahalaga. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, si Jesus ay nagbabala: “Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan.” (Mateo 7:1) Ayon sa ulat ni Lucas, idinagdag ni Jesus: “Huwag na kayong manghusga, at hinding-hindi kayo huhusgahan.”a (Lucas 6:37) Ipinakita ni Jesus na batid niyang ang di-perpektong mga tao ay may tendensiyang maging mapanghatol. Ang sinuman sa mga tagapakinig niya na may ugaling humatol nang may kalupitan sa iba ay kailangang tumigil na sa paggawa nito.
14. Sa anong mga dahilan kung kaya dapat na ‘huwag na tayong humatol’ sa iba?
14 Bakit dapat na ‘huwag na tayong humatol’ sa iba? Una sa lahat, limitado lamang ang ating awtoridad. Ang alagad na si Santiago ay nagpapaalaala sa atin: “Iisa lang ang Tagapagbigay-Batas at Hukom”—si Jehova. Kaya si Santiago ay mariing nagtatanong: “Sino ka para hatulan ang kapuwa mo?” (Santiago 4:12; Roma 14:1-4) Karagdagan pa, napakadali nating makagawa ng di-makatarungang paghatol dahil sa ating pagiging likas na makasalanan. Ang maraming saloobin at motibo—pati na ang pagtatangi, nasaktang pride, inggit, at pagmamatuwid sa sarili—ay maaaring pumilipit sa pananaw natin sa ating kapuwa. May iba pa tayong mga limitasyon, at ang pagsasaisip sa mga ito ay pipigil sa atin na magpadalos-dalos sa paghanap ng mali sa iba. Hindi tayo nakababasa ng puso; ni nakaaalam ng lahat ng personal na kalagayan ng iba. Kung gayon, sino tayo para paratangan ng mga maling motibo ang ating kapananampalataya o punahin ang kanilang mga pagsisikap na maglingkod sa Diyos? Higit na mas mabuti nga na tularan si Jehova sa paghanap sa kabutihan ng ating mga kapatid sa halip na pag-ukulan ng pansin ang kanilang mga pagkukulang!
15. Anong pananalita at pakikitungo ang walang dako sa gitna ng mga mananamba ng Diyos, at bakit?
15 Kumusta naman ang mga miyembro ng ating pamilya? Nakalulungkot, ang ilan sa pinakamalulupit na paghatol sa ngayon ay ipinahahayag sa isang lugar na dapat sana’y isang pugad ng kapayapaan—ang tahanan. Karaniwan nang naririnig ang tungkol sa mapang-abusong mga asawang lalaki, asawang babae, o mga magulang na “humahatol” sa mga miyembro ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng walang-humpay na pang-aabuso sa salita o sa pisikal. Subalit ang masasamang salita, maaanghang na panlilibak, at pananakit sa pisikal ay walang dako sa gitna ng mga mananamba ng Diyos. (Efeso 4:29, 31; 5:33; 6:4) Ang payo ni Jesus na “huwag na kayong humatol” at “huwag na kayong manghusga” ay patuloy na kumakapit kahit tayo’y nasa tahanan. Alalahanin na ang pagiging makatarungan ay nagsasangkot ng pakikitungo sa iba sa paraang gaya ng pakikitungo ni Jehova sa atin. At ang ating Diyos ay hindi kailanman naging mabalasik o malupit sa pakikitungo sa atin. Sa halip, “napakamapagmahal” niya sa mga umiibig sa kaniya. (Santiago 5:11) Tunay ngang isang kahanga-hangang halimbawa na dapat nating tularan!
-
-
“Maging Makatarungan” sa Paglakad Kasama ng DiyosMaging Malapít kay Jehova
-
-
a Ang ilang salin ay nagsasabing “huwag kayong humatol” at “huwag kayong manghusga.” Ang gayong mga salin ay nagpapahiwatig na “huwag kayong magsimulang humatol” at “huwag kayong magsimulang manghusga.” Gayunman, ang mga manunulat ng Bibliya ay gumagamit dito ng negatibong utos na nasa panahunang pangkasalukuyan (patuluyan). Kaya ang inilalarawang pagkilos ay kasalukuyang nagaganap subalit kailangan nang ihinto.
-