ARALIN 56
Panatilihin ang Pagkakaisa sa Kongregasyon
Kapag kasama natin ang mga kapatid sa kongregasyon, nararamdaman natin ang naramdaman ni Haring David: “Napakabuti at napakaganda na ang magkakapatid ay magkakasama at nagkakaisa!” (Awit 133:1) Hindi nagkataon ang pagkakaisa sa kongregasyon. Lahat tayo ay may kailangang gawin para mapanatili ito.
1. Ano ang kapansin-pansin sa bayan ng Diyos?
Kung dadalo ka sa isang kongregasyon sa ibang lugar, baka hindi mo maintindihan ang wika nila. Pero mararamdaman mo pa rin ang pagtanggap at pag-ibig ng mga kapatid doon. Bakit? Dahil pinag-aaralan natin ang Bibliya gamit ang parehong mga publikasyon kahit nasaan tayo. At nagsisikap tayong magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa. Saanman tayo nakatira, lahat tayo ay ‘tumatawag sa pangalan ni Jehova at sumasamba sa kaniya nang may pagkakaisa.’—Zefanias 3:9, talababa.
2. Ano ang maitutulong mo para manatili ang pagkakaisa sa kongregasyon?
“Masidhi ninyong ibigin ang isa’t isa mula sa puso.” (1 Pedro 1:22) Paano mo masusunod ang tekstong ito? Imbes na magpokus sa mga kahinaan ng iba, hanapin ang magagandang katangian nila. Hindi lang tayo makikisama sa mga kapareho natin ng mga gusto at hilig, gusto rin nating makilala ang mga kapatid na naiiba sa atin. Kailangan din nating magsikap para maalis ang anumang pagtatangi sa puso natin.—Basahin ang 1 Pedro 2:17.a
3. Ano ang gagawin mo kapag may nakasamaan ka ng loob?
Nagkakaisa tayo, kaya lang, hindi tayo perpekto. Kaya kung minsan, nadidismaya o nasasaktan natin ang isa’t isa. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Patuloy ninyong . . . patawarin ang isa’t isa.” Sinabi pa nito: “Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.” (Basahin ang Colosas 3:13.) Kahit napakaraming beses nating nasasaktan si Jehova, pinapatawad pa rin niya tayo. Kaya umaasa siyang papatawarin din natin ang mga kapatid. Kung sa tingin mo ay may nasaktan ka, gumawa ng paraan para maayos ito.—Basahin ang Mateo 5:23, 24.b
PAG-ARALAN
Pag-aralan ang mga puwede mong gawin para makatulong ka sa pagkakaisa at kapayapaan ng kongregasyon.
4. Alisin ang pagtatangi
Gusto nating mahalin ang lahat ng kapatid. Pero kung parang naiiba sa atin ang isang kapatid, baka mahirapan tayong tanggapin siya. Ano ang puwede mong gawin? Basahin ang Gawa 10:34, 35. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Tinatanggap ni Jehova ang lahat ng tao para maging Saksi niya. Paano ito dapat makaapekto sa pananaw natin sa mga taong naiiba sa atin?
Anong uri ng mga pagtatangi ang karaniwan sa inyong lugar? Bakit dapat mo itong iwasan?
Basahin ang 2 Corinto 6:11-13. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano natin mas mamahalin ang ating mga kapatid kahit iba sila sa atin?
5. Lubusang magpatawad at makipagpayapaan
Kahit na hindi kailangan ni Jehova ang pagpapatawad natin, lubusan pa rin niya tayong pinapatawad. Basahin ang Awit 86:5. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano nagpapatawad si Jehova?
Bakit mo maipagpapasalamat ang pagpapatawad niya?
Sa anong mga sitwasyon puwede tayong mahirapang makipagpayapaan sa iba?
Paano natin matutularan si Jehova at mapapanatili ang magandang kaugnayan natin sa mga kapatid? Basahin ang Kawikaan 19:11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Kapag naiinis ka sa isang kapatid o nasaktan ka ng iba, ano ang puwede mong gawin para gumanda ang sitwasyon?
Minsan, nasasaktan natin ang iba. Kapag nangyari iyon, ano ang dapat nating gawin? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang ginawa ng isang sister para makipagpayapaan?
6. Magpokus sa magagandang katangian ng mga kapatid
Habang nakikilala natin ang mga kapatid, nalalaman natin ang magagandang katangian nila pati na ang mga kahinaan nila. Paano tayo makakapagpokus sa magagandang katangian nila? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang makakatulong sa iyo na makita ang magagandang katangian ng mga kapatid?
Nakapokus si Jehova sa magaganda nating katangian. Basahin ang 2 Cronica 16:9a. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang nararamdaman mo ngayong nalaman mo na nakapokus si Jehova sa magaganda mong katangian?
MAY NAGSASABI: “Mapapatawad ko siya pero ’di ko makakalimutan y’ong ginawa niya.”
Bakit kailangan nating lubusang patawarin ang mga nagkasala sa atin?
SUMARYO
Makakatulong ka sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa kongregasyon kung magpapatawad ka at magpapakita ng pag-ibig sa lahat ng kapatid.
Ano ang Natutuhan Mo?
Paano mo maaalis ang pagtatangi?
Ano ang gagawin mo kapag may nakasamaan ka ng loob?
Bakit gusto mong tularan ang halimbawa ni Jehova sa pagpapatawad?
TINGNAN DIN
Alamin kung paano makakatulong ang ilustrasyon ni Jesus para maiwasan nating husgahan ang iba.
Kailangan ba tayong humingi ng tawad kahit pakiramdam natin, wala tayong ginawang mali?
“Paghingi ng Paumanhin—Isang Susi sa Pakikipagpayapaan” (Ang Bantayan, Nobyembre 1, 2002)
Tingnan kung paano natuto ang ilan na huwag magtangi.
Alamin kung paano mo aayusin ang di-pagkakasundo bago ito makaapekto sa kapayapaan ng kongregasyon.
a Tatalakayin sa Karagdagang Impormasyon 6 kung paano mapapakilos ng pag-ibig ang mga Kristiyano para maiwasan nilang maipasa sa iba ang isang nakakahawang sakit.
b Tatalakayin sa Karagdagang Impormasyon 7 kung paano aayusin ang mga di-pagkakasundo sa negosyo at usapin sa batas.