‘Ibigin Mo ang Iyong Kapuwa Gaya ng Iyong Sarili’
“Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—MAT. 22:39.
1, 2. (a) Ano ang sinabi ni Jesus na ikalawang pinakadakilang utos sa Kautusan? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
PARA subukin si Jesus, itinanong ng isang Pariseo: “Guro, alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, sinabi ni Jesus na “ang pinakadakila at unang utos” ay ito: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” Idinagdag ni Jesus: “Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ ”—Mat. 22:34-39.
2 Sinabi ni Jesus na dapat nating ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili. Kaya makabubuting itanong: Sino ba talaga ang ating kapuwa? Paano natin iibigin ang ating kapuwa?
SINO TALAGA ANG ATING KAPUWA?
3, 4. (a) Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus nang tanungin siya: “Sino ba talaga ang aking kapuwa”? (b) Paano tinulungan ng Samaritano ang lalaking ninakawan, binugbog, at iniwang halos patay na? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Pag-isipan ang sinabi ni Jesus nang tanungin siya ng isang lalaking mapagmatuwid: “Sino ba talaga ang aking kapuwa?” Bilang sagot, nagbigay si Jesus ng ilustrasyon tungkol sa madamaying Samaritano. (Basahin ang Lucas 10:29-37.) Baka ang saserdoteng Israelita at ang Levita ang inaasahan nating tutulong sa lalaking ninakawan, binugbog, at iniwang halos patay na. Pero wala silang ginawa at nilampasan lang nila siya. Ang tumulong sa kaniya ay isang Samaritano—na kabilang sa isang bayang may paggalang sa Kautusang Mosaiko pero hinahamak ng mga Judio.—Juan 4:9.
4 Binuhusan ng madamaying Samaritano ng langis at alak ang mga sugat ng lalaki para maagapan ang mga iyon. Naghabilin siya sa may-ari ng isang bahay-tuluyan at nag-iwan ng dalawang denario—katumbas ng dalawang araw na suweldo—para alagaan ang lalaki. (Mat. 20:2) Kaya kitang-kita kung sino ang tunay na kapuwa ng lalaking sugatán. Malinaw na itinuturo ng ilustrasyon ni Jesus na dapat tayong maging maawain at maibigin sa ating kapuwa.
5. Pagkatapos ng isang likas na sakuna, paano ipinakita ng mga lingkod ni Jehova ang pag-ibig nila sa kapuwa?
5 Bihira na ngayon ang mga taong gaya ng madamaying Samaritano. Dahil nasa “mga huling araw” na tayo, maraming tao ang walang likas na pagmamahal, mabangis, at walang pag-ibig sa kabutihan. (2 Tim. 3:1-3) Pag-isipan ang nangyari noong Oktubre 2012 nang hagupitin ng Bagyong Sandy ang New York City. Sa isang lugar na matinding nasalanta, hirap na hirap na nga ang mga residente dahil wala silang kuryente at iba pang pangangailangan, pinagnakawan pa sila ng mga mapagsamantala. Pero ang mga Saksi ni Jehova roon ay gumawa ng kaayusan para tulungan ang mga kapatid nila pati na ang iba. Ginagawa ito ng mga Kristiyano dahil iniibig nila ang kanilang kapuwa. Paano pa natin maipapakita ang pag-ibig sa kapuwa?
KUNG PAANO MAGPAPAKITA NG PAG-IBIG SA KAPUWA
6. Bakit nakapagpapakita tayo ng pag-ibig sa kapuwa kapag nangangaral tayo?
6 Tulungan sa espirituwal ang mga tao. Kapag nangangaral tayo, binibigyan natin ang mga tao ng “kaaliwan mula sa Kasulatan.” (Roma 15:4) Nagpapakita tayo ng pag-ibig sa kapuwa kapag sinasabi natin sa kanila ang katotohanan tungkol sa Bibliya. (Mat. 24:14) Isa ngang pribilehiyo na ihayag ang mensahe ng Kaharian mula sa “Diyos na nagbibigay ng pag-asa”!—Roma 15:13.
7. Ano ang Gintong Aral? Paano tayo pinagpapala sa pagsunod dito?
7 Sundin ang Gintong Aral. Itinuro ni Jesus ang aral na ito sa kaniyang Sermon sa Bundok nang sabihin niya: “Lahat ng mga bagay . . . na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila; ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.” (Mat. 7:12) Kapag sinusunod natin ang payong ito ni Jesus sa pakikitungo sa iba, namumuhay tayo kaayon ng diwa ng “Kautusan” (Genesis hanggang Deuteronomio) at ng “mga Propeta” (makahulang mga aklat ng Hebreong Kasulatan). Malinaw mula sa mga aklat na ito na pinagpapala ng Diyos ang mga umiibig sa kanilang kapuwa. Halimbawa, sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Ingatan ninyo ang katarungan, at gawin ninyo ang matuwid . . . Maligaya ang taong mortal na gumagawa nito.” (Isa. 56:1, 2) Talagang pinagpapala tayo kapag nakikitungo tayo nang maibigin at matuwid sa ating kapuwa.
8. Bakit dapat nating ibigin ang ating mga kaaway? Ano ang maaaring maging resulta nito?
8 Ibigin ang iyong kaaway. “Narinig ninyo na sinabi, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan mo ang iyong kaaway,’ ” ang sabi ni Jesus. “Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit.” (Mat. 5:43-45) Ganiyan din ang ipinayo ni apostol Pablo nang isulat niya: “Kung ang iyong kaaway ay nagugutom, pakainin mo siya; kung siya ay nauuhaw, bigyan mo siya ng maiinom.” (Roma 12:20; Kaw. 25:21) Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat tulungan ng isa ang kaniyang kaaway kapag nalugmok ang alaga nitong hayop dahil sa mabigat na pasan. (Ex. 23:5) Kapag nagkatulungan ang magkaaway, baka maging magkaibigan sila. Bilang mga Kristiyano, kapag nagpapakita tayo ng pag-ibig, napapalambot natin ang puso ng marami sa mga kaaway natin. Kung iibigin natin ang ating kaaway—kahit ang malulupit na mang-uusig—baka maging mga lingkod pa nga ni Jehova ang ilan sa kanila!
9. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pakikipagpayapaan sa ating kapatid?
9 “Itaguyod ninyo ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao.” (Heb. 12:14) Siyempre, kasama rito ang ating mga kapananampalataya. Sinabi ni Jesus: “Kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.” (Mat. 5:23, 24) Pagpapalain tayo ng Diyos kapag nagpapakita tayo ng pag-ibig sa ating kapatid at agad na nakikipagpayapaan dito.
10. Bakit hindi tayo dapat maging mapamuna?
10 Huwag maging mapamuna. “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat sa hatol na inyong inihahatol ay hahatulan kayo; at ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo. Kung gayon, bakit mo tinitingnan ang dayami sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo isinasaalang-alang ang tahilan sa iyong sariling mata? O paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Pahintulutan mo akong alisin ang dayami mula sa iyong mata’; gayong, narito! isang tahilan ang nasa iyong sariling mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan mula sa iyong sariling mata, at kung magkagayon ay makikita mo nang malinaw kung paano aalisin ang dayami mula sa mata ng iyong kapatid.” (Mat. 7:1-5) Isa ngang mapuwersang paraan para sabihing huwag nating punahin ang maliliit na pagkakamali ng iba dahil baka mas malalaki pa ang pagkakamali natin!
NATATANGING PARAAN NG PAGPAPAKITA NG PAG-IBIG SA KAPUWA
11, 12. Sa anong natatanging paraan tayo nagpapakita ng pag-ibig sa kapuwa?
11 Makapagpapakita tayo ng pag-ibig sa kapuwa sa isang natatanging paraan. Gaya ni Jesus, ipinangangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian. (Luc. 8:1) Inatasan ni Jesus ang mga tagasunod niya na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat. 28:19, 20) Kapag sinusunod natin si Jesus, tinutulungan natin ang ating kapuwa na umalis sa malapad at maluwang na daang patungo sa pagkapuksa at lumakad sa masikip na daang patungo sa buhay. (Mat. 7:13, 14) Nakatitiyak tayo na pinagpapala ni Jehova ang gayong mga pagsisikap.
12 Tinulungan ni Jesus ang mga tao na makitang kailangan nila ang Diyos. (Mat. 5:3) Tinutularan natin si Jesus kapag ipinangangaral natin ang “mabuting balita ng Diyos.” (Roma 1:1) Kapag tinanggap ng mga tao ang mensahe ng Kaharian, naipagkakasundo sila sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (2 Cor. 5:18, 19) Kaya ang pangangaral ng mabuting balita ay talagang isang napakahalagang paraan para maipakita natin ang pag-ibig sa ating kapuwa.
13. Ano ang nadarama mo sa pakikibahagi sa ating gawain bilang mga tagapaghayag ng Kaharian?
13 Sa pamamagitan ng epektibong pagdalaw-muli at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, natuturuan natin ang mga tao na sumunod sa matuwid na pamantayan ng Diyos. Dahil diyan, baka malaking pagbabago ang kailangang gawin ng isang estudyante ng Bibliya. (1 Cor. 6:9-11) Napakasaya ngang makita kung paano tinutulungan ng Diyos ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” para makagawa ng kinakailangang pagbabago at maging malapít sa kaniya. (Gawa 13:48) Dahil sa pag-aaral ng Bibliya, ang kawalang-pag-asa at kabalisahan ng marami ay napalitan ng kagalakan at pagtitiwala sa ating Ama sa langit. Nakakatuwang makita ang espirituwal na pagsulong ng mga baguhan! Hindi ba’t isang pagpapala na ipakita ang pag-ibig sa ating kapuwa sa natatanging paraan bilang mga tagapaghayag ng Kaharian?
ANG PAGLALARAWAN NG BIBLIYA SA PAG-IBIG
14. Bumanggit ng ilang aspekto ng pag-ibig na inilarawan sa 1 Corinto 13:4-8.
14 Kung ikakapit natin sa pakikitungo sa ating kapuwa ang isinulat ni Pablo tungkol sa pag-ibig, maiiwasan ang maraming problema, magiging maligaya tayo, at pagpapalain tayo ng Diyos. (Basahin ang 1 Corinto 13:4-8.) Repasuhin natin sa maikli ang sinabi ni Pablo at tingnan kung paano natin ito maikakapit.
15. (a) Bakit dapat tayong maging matiisin at mabait? (b) Bakit dapat nating iwasang mainggit at magyabang?
15 “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait.” Matiisin at mabait ang Diyos sa mga taong di-sakdal, kaya naman kailangan din nating maging matiisin at mabait sa iba kapag nagkakamali sila at nakapagsasalita o nakagagawa pa nga nang di-maganda sa atin. “Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin.” Kaya kung tunay ang pag-ibig natin, hindi natin kaiinggitan ang iba dahil sa mga pag-aari niya o pribilehiyo sa kongregasyon. Kung may pag-ibig tayo, hindi rin tayo magyayabang o magmamalaki. Sinasabi ng Bibliya na “ang palalong mga mata at mapagmataas na puso, ang lampara ng mga balakyot, ay kasalanan.”—Kaw. 21:4.
16, 17. Paano natin maikakapit ang 1 Corinto 13:5, 6?
16 Dahil sa pag-ibig, iiwasan nating ‘gumawi nang hindi disente.’ Kaya hindi tayo magsisinungaling sa ating kapuwa at hindi natin siya pagnanakawan o gagawan ng anumang labag sa mga kautusan at simulain ni Jehova. Dahil din sa pag-ibig, hindi lang kapakanan natin ang iisipin natin kundi pati kapakanan ng iba.—Fil. 2:4.
17 Ang tunay na pag-ibig ay hindi madaling magalit at ‘hindi nagbibilang ng pinsala,’ na para bang inililista natin ang bawat pagkakamali ng iba. (1 Tes. 5:15) Hindi nalulugod ang Diyos kapag nagkikimkim tayo ng sama ng loob. Isa pa, kapag napuno tayo, baka bigla na lang tayong sumiklab sa galit, na puwedeng makapinsala sa atin at sa iba. (Lev. 19:18) Dahil sa pag-ibig, nagsasaya tayo sa katotohanan, pero hindi tayo hahayaan nito na ‘magsaya sa kalikuan’ kapag ang mga taong napopoot sa atin ay naaapi o nagdurusa.—Basahin ang Kawikaan 24:17, 18.
18. Ano ang matututuhan natin sa 1 Corinto 13:7, 8 tungkol sa pag-ibig?
18 Pag-isipan ang iba pang paglalarawan ni Pablo sa pag-ibig. Sinabi niya na “tinitiis nito ang lahat ng bagay.” Kapag humihingi ng tawad ang isa na nakasakit sa atin, inuudyukan tayo ng pag-ibig na patawarin siya. ‘Pinaniniwalaan ng pag-ibig ang lahat ng bagay’ na nasa Salita ng Diyos at tinutulungan tayo nitong maging mapagpahalaga sa espirituwal na pagkaing tinatanggap natin. ‘Inaasahan ng pag-ibig ang lahat ng bagay’ na nakaulat sa Bibliya at pinakikilos tayo nito na sabihin sa iba ang ating pag-asa. (1 Ped. 3:15) Dahil sa pag-ibig, nananalangin tayo kapag nasa mahihirap na sitwasyon at umaasang magiging maayos din ang lahat. ‘Binabata nito ang lahat ng bagay,’ mga pagkakasala man ng iba, pag-uusig, o iba pang pagsubok. “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” Ipapakita ito ng masunuring mga tao magpakailanman.
PATULOY NA IBIGIN ANG IYONG KAPUWA GAYA NG IYONG SARILI
19, 20. Anong payo sa Bibliya ang nagpapakilos sa atin na patuloy na magpakita ng pag-ibig sa kapuwa?
19 Kung ikakapit natin ang payo ng Bibliya, patuloy tayong makapagpapakita ng pag-ibig sa ating kapuwa. Iibigin natin ang lahat ng tao, hindi lang ang mga kalahi natin. Tandaan din na sinabi ni Jesus: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mat. 22:39) Inaasahan ng Diyos at ni Kristo na gagawin natin iyan. Kapag hindi tayo tiyak kung paano pakikitunguhan ang isang tao, manalangin tayo sa Diyos para sa patnubay ng banal na espiritu. Sa gayon, pagpapalain tayo ni Jehova at tutulungang magpakita ng pag-ibig.—Roma 8:26, 27.
20 Ang utos na ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili ay tinatawag na “makaharing kautusan.” (Sant. 2:8) Matapos banggitin ang ilang utos sa Kautusang Mosaiko, sinabi ni Pablo: “Anumang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, samakatuwid nga, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa; kaya nga ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.” (Roma 13:8-10) Maliwanag, dapat na patuloy tayong magpakita ng pag-ibig sa kapuwa.
21, 22. Bakit dapat nating ibigin ang Diyos at ang ating kapuwa?
21 Habang binubulay-bulay kung bakit dapat nating ibigin ang ating kapuwa, pag-isipan ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama: “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mat. 5:43-45) Dapat nating ibigin ang ating kapuwa, matuwid man siya o hindi. Gaya ng nabanggit na, ang isang mahalagang paraan para maipakita ang pag-ibig na iyon ay ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Isip-isipin ang mga pagpapalang naghihintay sa mga tatanggap ng mabuting balita!
22 Maraming dahilan para lubusan nating ibigin si Jehova. Marami ring paraan para makapagpakita tayo ng pag-ibig sa kapuwa. Kapag iniibig natin ang Diyos at ang ating kapuwa, sinusunod natin ang sinabi ni Jesus na dalawang pinakadakilang utos. Higit sa lahat, napalulugdan natin ang ating maibiging Ama sa langit, si Jehova.