-
Ang Ginintuang Alituntunin—Isang Pandaigdig na TuroAng Bantayan—2001 | Disyembre 1
-
-
Ang Ginintuang Alituntunin—Isang Pandaigdig na Turo
“Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”—Mateo 7:12.
ANG mga salitang iyon ay binanggit ni Jesu-Kristo halos dalawang libong taon na ang nakalilipas sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. Maraming siglo mula noon, napakarami nang nasabi at naisulat hinggil sa simpleng pananalitang iyon. Halimbawa, lubha itong pinuri bilang “ang mismong diwa ng Kasulatan,” “isang sumaryo ng tungkulin ng Kristiyano sa kaniyang kapuwa,” at “isang mahalagang simulain sa etika.” Naging bantog ito anupat kadalasan itong tinatawag na Ginintuang Alituntunin.
Gayunman, hindi lamang ang tinatawag na daigdig ng mga Kristiyano ang tumatanggap sa ideya ng Ginintuang Alituntunin. Pawang pinalawak ng Judaismo, Budismo, at pilosopiyang Griego ang simulaing ito sa etika sa maraming paraan. Kilaláng-kilalá, lalo na sa mga tao sa Malayong Silangan, ang isang pananalita ni Confucius, na pinakukundanganan sa Silangan bilang ang pinakadakilang pantas at guro. Sa The Analects, ang ikatlo sa Four Books ni Confucius, masusumpungan natin ang kaisipang ito na ipinahayag nang tatlong ulit. Bilang sagot sa mga katanungan ng mga estudyante, dalawang beses na sinabi ni Confucius: “Kung ano ang ayaw ninyong gawin sa inyo, huwag ninyong gawin sa iba.” Sa isa pang pagkakataon, nang maghambog ang kaniyang estudyante na si Zigong, “Kung ano ang ayaw kong gawin ng iba sa akin, ayaw ko rin itong gawin sa kanila,” ang guro ay tumugon sa pamamagitan ng nakapupukaw-kaisipang sagot na ito, “Oo, ngunit hindi mo pa nagagawa ito.”
Kapag nabasa ang mga salitang ito, makikita ng isa na ang pananalita ni Confucius ay isang negatibong bersiyon ng sinabi ni Jesus nang maglaon. Ang maliwanag na pagkakaiba ay na ang Ginintuang Alituntunin na sinabi ni Jesus ay humihiling ng positibong mga pagkilos sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa iba. Ipagpalagay na ang mga tao ay kikilos kasuwato ng positibong pananalita ni Jesus, anupat nagmamalasakit at gumagawa ng mga hakbang upang tulungan ang iba at namumuhay ayon sa kodigong ito sa araw-araw. Sa palagay mo ba’y magagawa nitong maging isang mas mabuting dako ang daigdig sa ngayon? Tiyak na gayon nga.
Sabihin man ang alituntuning ito sa positibo, sa negatibo, o sa iba pang paraan, ang mahalaga ay na ang mga tao sa iba’t ibang panahon at mga lugar at may sari-saring pinagmulan ay may malaking tiwala sa ideya ng Ginintuang Alituntunin. Ipinakikita lamang nito na ang sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok ay isang pandaigdig na turo na nakaaapekto sa buhay ng mga tao sa lahat ng dako sa lahat ng panahon.
Tanungin ang iyong sarili: ‘Nais ko bang pakitunguhan ako sa magalang, makatarungan, at matapat na paraan? Nais ko bang mabuhay sa isang daigdig na walang pagtatangi ng lahi, krimen, at digmaan? Nais ko bang mapabilang sa isang pamilya kung saan ang lahat ay nagpapakita ng pagmamalasakit sa damdamin at kapakanan ng iba?’ Ang totoo, sino ang tatanggi sa gayong mga posibilidad? Ang di-nagbabagong katunayan ay na iilan lamang ang nagtatamasa ng mga kalagayang ito. Para sa karamihan ng tao, hindi man lamang sila umaasa sa gayong mga bagay.
Nadungisan ang Ginintuang Alituntunin
Sa buong kasaysayan, may mga naganap na krimen laban sa sangkatauhan kung saan ang mga karapatan ng mga tao ay lubusang ipinagwalang-bahala. Kabilang dito ang bentahan ng mga alipin mula sa Aprika, ang mga patayang kampo ng mga Nazi, sapilitang pagpapatrabaho sa mga bata, at malulupit na paglipol ng lahi sa maraming dako. Ang nakapanghihilakbot na listahan ay maaaring mas mahaba pa.
Sa ngayon, ang ating daigdig na makabago sa teknolohiya ay makasarili. Iilang tao ang nagsasaalang-alang sa iba kapag ang kanilang sariling kaalwanan o di-umano’y mga karapatan ang nakataya. (2 Timoteo 3:1-5) Bakit napakarami ang naging mapag-imbot, malupit, manhid, at makasarili? Hindi ba’t ito’y dahilan sa ang Ginintuang Alituntunin, bagaman bantog pa rin, ay isinasaisantabi bilang di-makatotohanan at makaluma na sa moral? Nakalulungkot, ganito ang kalagayan maging ng marami na nag-aangking naniniwala sa Diyos. At batay sa kalakaran, ang mga tao ay lalo lamang magiging makasarili.
Kung gayon, ang mahahalagang katanungan na dapat isaalang-alang ay: Ano ang nasasangkot sa pamumuhay ayon sa Ginintuang Alituntunin? Mayroon pa bang namumuhay ayon dito? At darating kaya ang panahon kapag ang buong sangkatauhan ay mamumuhay kasuwato ng Ginintuang Alituntunin? Para sa makatotohanang mga sagot sa mga katanungang ito, pakisuyong basahin ang susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 3]
Itinuro ni Confucius at ng iba pa ang iba’t ibang bersiyon ng Ginintuang Alituntunin
-
-
Ang Ginintuang Alituntunin—Praktikal ItoAng Bantayan—2001 | Disyembre 1
-
-
Ang Ginintuang Alituntunin—Praktikal Ito
Bagaman minamalas ng maraming tao ang Ginintuang Alituntunin bilang isang moral na turong binigkas ni Jesus, siya mismo ay nagsabi: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.”—Juan 7:16.
OO, ang Tagapagpasimula ng itinuro ni Jesus, kalakip na ang nakilala bilang ang Ginintuang Alituntunin, ay ang nagsugo kay Jesus, samakatuwid nga, ang Maylalang, ang Diyos na Jehova.
Unang nilayon ng Diyos na pakitunguhan ng buong sangkatauhan ang isa’t isa sa paraang nais din nilang pakitunguhan sila. Ipinakita niya ang pinakamainam na halimbawa ng pagmamalasakit sa kapakanan ng iba sa paraan ng kaniyang paglalang sa mga tao: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos; nilalang niya sila na lalaki at babae.” (Genesis 1:27) Nangangahulugan ito na maibiging pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng isang sukat ng kaniyang namumukod-tanging mga katangian upang matamasa nila ang isang buhay na mapayapa, maligaya, at may pagkakasuwato—na maaaring magpakailanman. Ang kanilang bigay-Diyos na budhi, kapag sinanay nang wasto, ay aakay sa kanila na pakitunguhan ang iba sa paraang nais din nilang pakitunguhan sila.
Nanaig ang Pag-iimbot
Yamang ang sangkatauhan ay nagkaroon ng gayong kahanga-hangang pasimula, ano ba ang nangyari? Sa simpleng pananalita, sinimulang ipakita ng mga tao ang pangit na katangian ng pag-iimbot. Karamihan ng mga tao ay pamilyar sa ulat ng Bibliya sa kung ano ang ginawa ng unang mag-asawa, gaya ng nakaulat sa Genesis kabanata 3. Palibhasa’y hinimok ni Satanas, isang mananalansang sa lahat ng matuwid na pamantayan ng Diyos, buong pag-iimbot na iwinaksi nina Adan at Eva ang pamamahala ng Diyos kapalit ng kasarinlan at kalayaang magpasiya sa ganang sarili. Ang kanilang mapag-imbot at mapaghimagsik na pagkilos ay nagdulot hindi lamang ng malaking kawalan sa kanilang sarili kundi gayundin ng kalunus-lunos na mga resulta para sa lahat ng kanilang magiging supling. Iyon ay isang maliwanag na patotoo ng kapaha-pahamak na bunga ng pagwawalang-bahala sa turo na nakilala bilang ang Ginintuang Alituntunin. Bunga nito, “sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Bagaman ang sangkatauhan sa kabuuan ay tumalikod sa maibiging mga daan ng Diyos na Jehova, hindi niya sila iniwan. Halimbawa, ibinigay ni Jehova sa bansang Israel ang kaniyang Kautusan upang patnubayan sila. Itinuro nito sa kanila na pakitunguhan ang iba gaya ng nais din nilang maging pakikitungo sa kanila. Ang Kautusan ay nagbigay ng tagubilin hinggil sa pakikitungo sa mga alipin, sa mga batang lalaking walang ama, at sa mga babaing balo. Binalangkas nito kung paano haharapin ang pagsalakay, pagkidnap, at pagnanakaw. Ang mga kautusan ukol sa kalinisan ay nagpapakita ng pagmamalasakit sa kalusugan ng iba. Mayroon pa ngang mga kautusan hinggil sa mga bagay na may kaugnayan sa sekso. Binuod ni Jehova ang kaniyang Kautusan sa pagsasabi sa kaniyang bayan: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili,” isang pananalita na sinipi ni Jesus nang maglaon. (Levitico 19:18; Mateo 22:39, 40) Ang Kautusan ay naglalaman din ng mga alituntunin hinggil sa pakikitungo sa mga naninirahang dayuhan na kasama ng mga Israelita. Ang Kautusan ay nag-utos: “Huwag mong sisiilin ang naninirahang dayuhan, yamang kilala ninyo ang kaluluwa ng naninirahang dayuhan, sapagkat kayo ay naging mga naninirahang dayuhan sa lupain ng Ehipto.” Sa ibang pananalita, ang mga Israelita ay dapat magpakita ng madamaying kabaitan sa mga kapos-palad.—Exodo 23:9; Levitico 19:34; Deuteronomio 10:19.
Hangga’t may-katapatang sinusunod ng Israel ang Kautusan, pinagpapala ni Jehova ang bansa. Sa ilalim ng pamamahala nina David at Solomon, ang bansa ay nanagana at ang mga tao ay maligaya at nasiyahan. Isang makasaysayang ulat ang nagsasabi sa atin: “Ang Juda at ang Israel ay marami, tulad ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat dahil sa dami, kumakain at umiinom at nagsasaya. At ang Juda at ang Israel ay patuloy na nanahanan nang tiwasay, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos.”—1 Hari 4:20, 25.
Nakalulungkot, ang kapayapaan at katiwasayan ng bansa ay hindi nagtagal. Bagaman taglay nila ang Kautusan ng Diyos, hindi ito sinunod ng mga Israelita; hinayaan nilang mahadlangan ng pag-iimbot ang kanilang pagmamalasakit sa iba. Ito, lakip na ang apostasya, ay nagdulot sa kanila ng paghihirap bilang indibiduwal at bilang isang bansa. Sa wakas, noong taóng 607 B.C.E., pinahintulutan ni Jehova ang mga taga-Babilonya na wasakin ang kaharian ng Juda, ang lunsod ng Jerusalem, at maging ang maringal na templo roon. Sa anong dahilan? “ ‘Sa dahilang hindi ninyo sinunod ang aking mga salita, narito, magsusugo ako at kukunin ko ang lahat ng pamilya sa hilaga,’ ang sabi ni Jehova, ‘na nagsusugo pa man din kay Nabucodonosor na hari ng Babilonya, na aking lingkod, at dadalhin ko sila laban sa lupaing ito at laban sa mga tumatahan dito at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot; at itatalaga ko sila sa pagkapuksa at gagawin ko silang bagay na panggigilalasan at bagay na sisipulan at mga dakong wasak hanggang sa panahong walang takda.’ ” (Jeremias 25:8, 9) Kay laking kabayaran sa pagtatakwil sa dalisay na pagsamba kay Jehova!
Isang Halimbawa na Dapat Tularan
Sa kabilang panig, hindi lamang itinuro ni Jesu-Kristo ang Ginintuang Alituntunin kundi ipinakita rin niya ang pinakamainam na halimbawa sa pagsunod dito. Siya ay tunay na nagmalasakit sa kapakanan ng iba. (Mateo 9:36; 14:14; Lucas 5:12, 13) Minsan, malapit sa lunsod ng Nain, ay nakita ni Jesus ang isang sawing-palad na babaing balo sa isang prusisyon sa libing ng kaniyang bugtong na anak na lalaki. Sinasabi ng ulat ng Bibliya: “Nang makita siya ng Panginoon, siya ay nahabag sa kaniya.” (Lucas 7:11-15) Ang pananalitang “nahabag,” ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, ay nagpapahiwatig ng “pagkaantig sa niloloob ng isa.” Nadama ni Jesus ang kirot sa puso ng babae, at pinakilos siya nito na gumawa ng positibong mga hakbang upang maibsan ang kirot na nadarama nito. Kay laki ngang kagalakan ang nadama ng babaing balo na iyon nang buhaying-muli ni Jesus ang batang lalaki at ‘ibinigay siya sa kaniyang ina’!
Sa katapus-tapusan, kasuwato ng layunin ng Diyos, si Jesus ay handang magdusa at ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos upang ang sangkatauhan ay mapalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Ito ang sukdulang halimbawa ng pamumuhay ayon sa Ginintuang Alituntunin.—Mateo 20:28; Juan 15:13; Hebreo 4:15.
Mga Taong Nagkakapit ng Ginintuang Alituntunin
May mga tao ba sa ating panahon na talagang namumuhay ayon sa Ginintuang Alituntunin? Oo, at hindi lamang kapag maalwan na gawin ito. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig II sa Nazi Alemanya, pinanatili ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pananampalataya sa Diyos at pag-ibig sa kanilang kapuwa at tumangging ikompromiso ang Ginintuang Alituntunin. Bagaman ipinatutupad ng Estado ang isang kampanya ng poot at pagtatangi laban sa mga Judio, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpatuloy sa pagsunod sa Ginintuang Alituntunin. Maging sa mga kampong piitan, patuloy silang nagmalasakit sa mga kapuwa tao, anupat ibinabahagi ang kanilang pagkain, bagaman kakaunti, kapuwa sa nagugutom na mga Judio at di-Judio. Karagdagan pa, bagaman inutusan ng Estado na humawak ng armas upang patayin ang iba, tumanggi silang gawin ito, kung paanong hindi rin nila nais na patayin sila ng iba. Paano nga naman nila papatayin yaong mga dapat nilang ibigin na gaya ng kanilang sarili? Dahil sa kanilang pagtanggi, marami sa kanila ang ipinadala hindi lamang sa mga kampong piitan kundi sa kanilang kamatayan.—Mateo 5:43-48.
Habang binabasa mo ang artikulong ito, nakikinabang ka sa isa pang halimbawa ng isinasagawang Ginintuang Alituntunin. Natatanto ng mga Saksi ni Jehova na sa ngayon ay maraming tao ang nagdurusa nang walang pag-asa at walang tulong. Dahil dito, ang mga Saksi ay boluntaryong gumagawa ng positibong pagkilos upang tulungan ang iba na matuto tungkol sa pag-asa at sa praktikal na patnubay na masusumpungan sa Bibliya. Ito ay pawang bahagi ng pangglobong gawaing pagtuturo na isinasagawa ngayon sa lawak na wala pang katulad. Ang resulta? Gaya ng inihula sa Isaias 2:2-4, “maraming bayan,” sa katunayan mahigit na anim na milyong indibiduwal sa buong daigdig, ang ‘tinuruan sa mga daan ni Jehova at lumalakad sa kaniyang mga landas.’ Sa makasagisag na paraan, natutuhan nilang ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.’ Nakasumpong sila ng kapayapaan at katiwasayan sa mabagabag na mga panahong ito.
Kumusta Ka Naman?
Bulay-bulayin sumandali ang matinding hirap at pagdurusa na idinulot sa sangkatauhan ng pagwawalang-bahala sa Ginintuang Alituntunin mula noong paghihimagsik sa Eden, na si Satanas na Diyablo ang nagpasimuno. Layunin ni Jehova na baligtarin ang kalagayan sa lalong madaling panahon. Paano? “Sa layuning ito inihayag ang Anak ng Diyos, samakatuwid nga, upang sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Ito ay magaganap sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, sa marunong at may-kakayahang mga kamay ni Jesu-Kristo, ang isa na nagturo at namuhay ayon sa Ginintuang Alituntunin.—Awit 37:9-11; Daniel 2:44.
Ganito ang sabi ni Haring David ng sinaunang Israel: “Isang kabataan ako noon, ako ay tumanda na rin, gayunma’y hindi ko pa nakita ang matuwid na lubusang pinabayaan, ni ang kaniyang supling na naghahanap ng tinapay. Buong maghapon siyang nagpapakita ng lingap at nagpapahiram, kung kaya ang kaniyang supling ay tatanggap ng pagpapala.” (Awit 37:25, 26) Hindi ka ba sasang-ayon na karamihan sa mga tao sa ngayon ay nangunguha at nang-aagaw sa halip na “nagpapakita ng lingap at nagpapahiram”? Maliwanag, ang pagsunod sa Ginintuang Alituntunin ay maaaring umakay tungo sa tunay na kapayapaan at katiwasayan sapagkat pinangyayari nito na magtamasa ang isa ng mga pagpapala ngayon at sa hinaharap sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Papawiin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng pag-iimbot at kabalakyutan sa lupa at hahalinhan ang kasalukuyang sistema ng tiwali at gawang-taong pamamahala ng isang bagong sistema na gagawin ng Diyos. Kung magkagayon, tatamasahin ng lahat ng tao ang pamumuhay ayon sa Ginintuang Alituntunin.—Awit 29:11; 2 Pedro 3:13.
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Hindi lamang itinuro ni Jesus ang Ginintuang Alituntunin kundi ipinakita rin niya ang pinakamainam na halimbawa sa pagsasagawa nito
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang pagsunod sa Ginintuang Alituntunin ay maaaring umakay tungo sa tunay na kapayapaan at katiwasayan
-