ARALIN 13
Inilalayo ng mga Huwad na Relihiyon ang mga Tao sa Diyos
Ang Diyos ay pag-ibig. Pero bakit gumagawa ng masasamang bagay ang mga relihiyon na nagsasabing nasa kanila ang Diyos? Simple lang ang sagot: Huwad o di-tunay ang mga relihiyong ito. Mali ang itinuturo nila tungkol sa Diyos. Paano nila inilalayo ang mga tao sa Diyos? Ano ang nararamdaman ng Diyos tungkol dito? At ano ang gagawin niya?
1. Paano inilalayo ng mga itinuturo ng huwad na relihiyon ang mga tao sa Diyos?
“Pinili [ng mga huwad na relihiyon] ang kasinungalingan sa halip na ang katotohanan tungkol sa Diyos.” (Roma 1:25) Halimbawa, hindi nila itinuturo ang pangalan ng Diyos sa mga miyembro nila. Pero sinasabi ng Bibliya na dapat gamitin ang pangalan ng Diyos. (Roma 10:13, 14) Sinasabi pa ng ilang lider ng relihiyon na kapag may nangyaring masama, kalooban iyon ng Diyos at gusto niyang mangyari iyon. Pero hindi iyan totoo. Hinding-hindi gagawa ng masama ang Diyos. (Basahin ang Santiago 1:13.) Dahil sa mga kasinungalingang ito, nahihirapan ang mga tao na mahalin ang Diyos.
2. Paano inilalayo ng mga ginagawa ng huwad na relihiyon ang mga tao sa Diyos?
Hindi maganda ang pakikitungo ng mga huwad na relihiyon sa mga tao. Sinasabi ng Bibliya na “ang mga kasalanan [ng huwad na relihiyon] ay nagkapatong-patong at umabot na sa langit.” (Apocalipsis 18:5) Maraming taon nang nakikialam ang mga relihiyon sa politika, sumusuporta sa mga digmaan, at nagiging dahilan ng kamatayan ng maraming tao. Gusto namang yumaman ng ilang lider ng relihiyon kaya humihingi sila ng pera sa mga tagasunod nila. Malinaw na hindi nila kilala ang Diyos at wala silang karapatan na sabihing nasa kanila ang Diyos.—Basahin ang 1 Juan 4:8.
3. Ano ang nararamdaman ng Diyos sa mga huwad na relihiyon?
Kung nagagalit ka dahil sa ginagawa ng mga huwad na relihiyon, ano sa tingin mo ang nararamdaman ni Jehova? Mahal ni Jehova ang mga tao. Pero nagagalit siya sa mga lider ng relihiyon na sumisira sa reputasyon niya at hindi nakikitungo nang maganda sa mga tao. Nangangako siya na pupuksain niya ang mga huwad na relihiyon at “hindi na [sila] makikita pang muli.” (Apocalipsis 18:21) Malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng huwad na relihiyon.—Apocalipsis 18:8.
PAG-ARALAN
Alamin ang nararamdaman ng Diyos sa mga huwad na relihiyon. Pag-aralan ang iba pang ginawa nito at kung bakit hindi ito dapat makapigil sa iyo na kilalanin pa si Jehova.
4. Hindi lahat ng relihiyon ay tama sa paningin ng Diyos
Naniniwala ang maraming tao na ang mga relihiyon ay parang iba’t ibang daan na papunta lahat sa Diyos. Totoo ba iyan? Basahin ang Mateo 7:13, 14. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano inilalarawan ng Bibliya ang daang papunta sa buhay?
Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Itinuturo ba ng Bibliya na lahat ng relihiyon ay tinatanggap ng Diyos?
5. Hindi naipapakita ng mga huwad na relihiyon ang pag-ibig ng Diyos
Sinisira ng mga huwad na relihiyon ang reputasyon ng Diyos sa maraming paraan. Ang isang kitang-kitang paraan ay ang pagsuporta nila sa digmaan. Tingnan ang isang halimbawa. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang ginawa ng maraming simbahan noong Digmaang Pandaigdig II?
Ano ang nararamdaman mo sa ginawa nilang iyon?
Basahin ang Juan 13:34, 35 at 17:16. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano kaya ang nararamdaman ni Jehova kapag sumusuporta ang mga relihiyon sa digmaan?
Ang mga huwad na relihiyon ang dahilan ng maraming masasamang bagay na nangyayari ngayon. Ano ang napapansin mo sa mga relihiyon na nagpapakitang hindi nila natutularan ang pag-ibig ng Diyos?
6. Gusto ng Diyos na makalabas ang mga tao mula sa mga huwad na relihiyon
Basahin ang Apocalipsis 18:4.a Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang nararamdaman mo ngayong nalaman mo na gustong iligtas ng Diyos ang mga taong nailigaw ng mga huwad na relihiyon?
7. Patuloy na kilalanin ang tunay na Diyos
Dapat bang maapektuhan ng mga huwad na relihiyon ang paniniwala mo sa Diyos? Isipin ang isang anak na hindi sumusunod sa tatay niya. Naglayas siya at gumawa ng masasamang bagay. Pero hindi siya kinunsinti ng tatay niya. Bakit hindi tamang sisihin ang tatay sa ginagawa ng anak niya?
Tama kayang sisihin si Jehova sa ginagawa ng mga huwad na relihiyon at huminto na sa pag-aaral ng Bibliya?
MAY NAGSASABI: “Pare-pareho lang ang lahat ng relihiyon. Lahat naman sila, magaganda ang itinuturo.”
Iyan din ba ang nararamdaman mo?
Kahit sinasabi ng maraming relihiyon na magaganda ang itinuturo nila, bakit hindi lahat ng relihiyon ay tama sa paningin ni Jehova?
SUMARYO
Inilalayo ng mga huwad na relihiyon ang mga tao sa Diyos dahil sa maling mga turo at ginagawa nila. Kaya pupuksain ng Diyos ang mga huwad na relihiyon.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang nararamdaman mo sa mga itinuturo at ginagawa ng mga huwad na relihiyon?
Ano ang nararamdaman ni Jehova sa mga huwad na relihiyon?
Ano ang gagawin ng Diyos sa mga huwad na relihiyon?
TINGNAN DIN
Alamin ang dalawang bagay na ayaw ng Diyos pero ginagawa pa rin ng mga relihiyon.
“Pare-pareho Ba ang Lahat ng Relihiyon? Lahat Ba ay Patungo sa Diyos?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Bakit gusto ni Jehova na sumamba tayo sa kaniya kasama ng iba?
“Kailangan Bang Maging Miyembro ng Isang Organisadong Relihiyon?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Isang pari ang nagduda sa relihiyon niya. Pero hindi siya huminto na matuto tungkol sa Diyos.
“Kung Bakit Iniwan ng Isang Pari ang Kaniyang Relihiyon” (Gumising!, Pebrero 2015)
Napakatagal nang nagsisinungaling ng mga relihiyon tungkol sa Diyos kaya nagmukhang napakalayo niya at malupit. Alamin ang tatlo sa mga kasinungalingang iyon.
“Bakit Nahihirapan ang Ilan na Mahalin ang Diyos?” (Ang Bantayan, Nobyembre 1, 2013)
a Para malaman kung bakit inilarawan ang mga huwad na relihiyon bilang isang babae na may pangalang Babilonyang Dakila, tingnan ang Karagdagang Impormasyon 1.