PEDRO
[Isang Piraso ng Bato].
Ang apostol na ito ni Jesu-Kristo ay may limang katawagan sa Kasulatan: ang Hebreong “Symeon,” ang Griegong “Simon” (mula sa salitang-ugat na Heb. na nangangahulugang “makinig; pakinggan”), “Pedro” (isang pangalang Gr. na siya lamang ang nagtataglay sa Kasulatan), ang Semitikong katumbas nito na “Cefas” (marahil ay kaugnay ng Heb. na ke·phimʹ [mga bato] na ginamit sa Job 30:6; Jer 4:29), at ang kombinasyong “Simon Pedro.”—Gaw 15:14; Mat 10:2; 16:16; Ju 1:42.
Si Pedro ay anak ni Juan, o Jonas. (Mat 16:17; Ju 1:42) Siya ay unang binanggit na naninirahan sa Betsaida (Ju 1:44) ngunit nang maglaon ay sa Capernaum (Luc 4:31, 38), mga lugar na parehong nasa hilagang baybayin ng Dagat ng Galilea. Ang hanapbuhay ni Pedro at ng kaniyang kapatid na si Andres ay pangingisda, at lumilitaw na mga kasamahan nila sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, “na mga kasosyo ni Simon.” (Luc 5:7, 10; Mat 4:18-22; Mar 1:16-21) Kaya si Pedro ay hindi nagsosolong mangingisda kundi kabilang sa isang pangkat ng mga mangingisda. Bagaman itinuring ng mga lider na Judio sina Pedro at Juan bilang “mga taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan,” hindi ito nangangahulugan na hindi sila marunong bumasa’t sumulat o na hindi sila nakapag-aral. May kinalaman sa salitang a·gramʹma·tos na ikinapit sa kanila, sinasabi ng Dictionary of the Bible (1905, Tomo III, p. 757) ni Hastings na para sa isang Judio “ito ay nangangahulugang isa na hindi nagkaroon ng pagsasanay sa Rabinikong pag-aaral ng Kasulatan.”—Ihambing ang Ju 7:14, 15; Gaw 4:13.
Si Pedro ay ipinakilala bilang isang taong may-asawa, at kahit man lamang noong mga huling taon, lumilitaw na sinamahan siya ng asawa niya sa kaniyang mga misyon (o sa ilan sa mga ito), gaya ng ginawa ng mga asawa ng ibang mga apostol. (1Co 9:5) Ang kaniyang biyenang babae ay nakatira sa kaniyang tahanan, kung saan kapisan din niya ang kaniyang kapatid na si Andres.—Mar 1:29-31.
Ministeryo Kasama ni Jesus. Si Pedro ang isa sa mga unang alagad ni Jesus, anupat dinala siya kay Jesus ni Andres, na isang alagad ni Juan na Tagapagbautismo. (Ju 1:35-42) Noong panahong iyon ibinigay ni Jesus sa kaniya ang pangalang Cefas (Pedro) (Ju 1:42; Mar 3:16), na malamang ay makahula. Kung paanong may kakayahan si Jesus na makilalang si Natanael ay isang lalaking “sa kaniya ay walang panlilinlang,” may kakayahan din siyang makilala ang pagkatao ni Pedro. At totoo naman, nagpamalas si Pedro ng tulad-batong mga katangian, lalo na pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, anupat naging isang impluwensiyang nakapagpapatibay sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano.—Ju 1:47, 48; 2:25; Luc 22:32.
Pagkalipas pa ng ilang panahon, sa Galilea, saka tinanggap ni Pedro, ng kaniyang kapatid na si Andres, at ng kanilang mga kasamahang sina Santiago at Juan ang panawagan ni Jesus na sumunod sa kaniya at maging “mga mangingisda ng mga tao.” (Ju 1:35-42; Mat 4:18-22; Mar 1:16-18) Ang bangka ni Pedro ang napiling sakyan ni Jesus upang mula roon ay makapagsalita siya sa karamihan na nasa baybayin. Pagkatapos nito ay pinangyari ni Jesus na makahimalang makahuli sila ng maraming isda, na nag-udyok kay Pedro, na noong una ay mapag-alinlangan, upang sumubsob sa harap ni Jesus dahil sa takot. Walang pag-aatubiling iniwan niya at ng kaniyang tatlong kasamahan ang kanilang hanapbuhay upang sumunod kay Jesus. (Luc 5:1-11) Pagkatapos maglingkod nang mga isang taon bilang alagad, si Pedro ay naging kabilang sa 12 na pinili upang maging “mga apostol,” o ‘mga isinugo.’—Mar 3:13-19.
Sa mga apostol, sina Pedro, Santiago, at Juan ay ilang beses na pinili ni Jesus upang sumama sa kaniya sa pantanging mga okasyon, gaya noong maganap ang pagbabagong-anyo (Mat 17:1, 2; Mar 9:2; Luc 9:28, 29), noong ibangon ang anak na babae ni Jairo (Mar 5:22-24, 35-42), at noong dumanas si Jesus ng personal na pagsubok sa hardin ng Getsemani (Mat 26:36-46; Mar 14:32-42). Ang tatlong ito, kasama rin si Andres, ang partikular na nagtanong kay Jesus tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem, sa pagkanaririto ni Jesus sa hinaharap, at sa katapusan ng sistema ng mga bagay. (Mar 13:1-3; Mat 24:3) Bagaman iniuugnay si Pedro sa kaniyang kapatid na si Andres sa mga talaan ng mga apostol, mas malimit siyang itinatambal kay Juan sa ulat ng mga pangyayari, kapuwa bago at pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus. (Luc 22:8; Ju 13:24; 20:2; 21:7; Gaw 3:1; 8:14; ihambing ang Gaw 1:13; Gal 2:9.) Hindi sinabi kung ito ay dahil sa kanilang likas na pagkakaibigan at pagiging malapít sa isa’t isa o dahil inatasan sila ni Jesus na gumawang magkasama (ihambing ang Mar 6:7).
Mas maraming pananalita ni Pedro ang nakaulat sa mga Ebanghelyo kaysa sa pananalita ng sinuman sa 11. Maliwanag na siya ay may dinamikong pagkatao, hindi kimi o atubili. Tiyak na ito ang dahilan kung bakit siya ang unang nagsasalita o nagpapahayag ng nasa isip niya samantalang ang iba ay tahimik lang. Dahil sa mga tanong na ibinangon niya, nilinaw at pinalawak ni Jesus ang ilang ilustrasyon. (Mat 15:15; 18:21; 19:27-29; Luc 12:41; Ju 13:36-38; ihambing ang Mar 11:21-25.) Kung minsan ay nagsasalita siya nang padalus-dalos, at may kapusukan pa nga. Siya ang nag-akala na kailangang may sabihin siya matapos nilang makita ang pangitain ng pagbabagong-anyo. (Mar 9:1-6; Luc 9:33) Sa kaniyang waring may-kalituhang pananalita na dapat silang manatili roon at magtayo ng tatlong tolda, lumilitaw na iminumungkahi niya na ang pangitain (noong humihiwalay na kay Jesus sina Moises at Elias) ay hindi dapat matapos kundi dapat itong magpatuloy. Noong gabi ng huling Paskuwa, sa pasimula ay tutol na tutol si Pedro na hugasan ni Jesus ang kaniyang mga paa, at pagkatapos, nang sawayin siya, ninais niyang pahugasan kay Jesus pati ang kaniyang ulo at mga kamay. (Ju 13:5-10) Ngunit makikita natin na ang mga pananalita ni Pedro ay pangunahin nang dahil sa kaniyang aktibong interes at pag-iisip, na may kasamang masidhing damdamin. Ang pag-uulat ng mga ito sa rekord ng Bibliya ay katibayan na mahalaga ang mga ito, bagaman kung minsan ay nagsisiwalat ng ilang kahinaan ng nagsalita.
Sa gayon, nang matisod sa turo ni Jesus ang maraming alagad at iwanan nila siya, si Pedro ang nagsalita para sa lahat ng mga apostol na determinado silang manatiling kasama ng kanilang Panginoon, ang Isa na may “mga pananalita ng buhay na walang hanggan . . . ang Banal ng Diyos.” (Ju 6:66-69) Pagkatapos na sagutin ng mga apostol ang tanong ni Jesus kung ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa kung sino siya, si Pedro na naman ang may-pananalig na nagsabi: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy,” na tinugon ni Jesus sa pagsasabing si Pedro ay pinagpala, o “maligaya.”—Mat 16:13-17.
Palibhasa’y palaging nauuna si Pedro sa pagsasalita, siya rin ang pinakamadalas ituwid, sawayin, o pagwikaan. Bagaman pagkahabag ang nag-udyok sa kaniya, nagkamali siya nang mangahas siyang dalhin si Jesus sa tabi at aktuwal na sawayin ito nang ihula nito na siya’y magdurusa at mamamatay bilang Mesiyas. Tinalikuran ni Jesus si Pedro, anupat tinawag si Pedro na isang mananalansang, o Satanas, yamang ginamit nito ang pangangatuwiran ng tao laban sa mga kaisipan ng Diyos na masusumpungan sa hula. (Mat 16:21-23) Ngunit mapapansin na nang gawin niya ito, ‘tumingin si Jesus sa iba pang mga alagad,’ malamang na nagpapahiwatig na alam niyang taglay rin nila ang damdaming ipinahayag ni Pedro. (Mar 8:32, 33) Nang mangahas si Pedro na magsalita para kay Jesus tungkol sa pagbabayad ng isang uri ng buwis, mahinahong ipinaunawa sa kaniya ni Jesus na dapat muna siyang mag-isip na mabuti bago magsalita. (Mat 17:24-27) Nagpakita si Pedro ng labis na pagtitiwala sa sarili at ng pagkadamang nakahihigit siya sa 11 nang sabihin niya na bagaman matisod ang mga ito may kinalaman kay Jesus, siya ay hindi matitisod, anupat handa siyang mabilanggo o mamatay pa nga kasama ni Jesus. Totoo, ang lahat ng iba pa ay nagsabi rin ng gayunding bagay, ngunit si Pedro ang unang gumawa nito at “paulit-ulit” pa. Pagkatapos ay inihula ni Jesus na tatlong ulit na ipagkakaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon.—Mat 26:31-35; Mar 14:30, 31; Luc 22:33, 34.
Si Pedro ay hindi lamang isang taong masalita kundi isa ring taong agad kumikilos, anupat nagpamalas ng pagkukusa at lakas ng loob, gayundin ng matinding pagmamahal sa kaniyang Panginoon. Nang pumaroon si Jesus sa isang liblib na dako bago magbukang-liwayway upang manalangin, di-nagtagal ay pinangunahan ni Simon ang isang pangkat upang ‘hanapin siya.’ (Mar 1:35-37) Muli, si Pedro ang humiling kay Jesus na utusan siyang lumakad sa ibabaw ng maunos na dagat upang salubungin si Jesus, anupat malayu-layo rin ang nalakad niya bago siya nagpadala sa pag-aalinlangan at nagsimulang lumubog.—Mat 14:25-32.
Sa hardin ng Getsemani noong huling gabi ng buhay ni Jesus sa lupa, si Pedro, kasama sina Santiago at Juan, ay nagkapribilehiyong samahan si Jesus sa dako kung saan ito marubdob na nanalangin. Tulad ng iba pang mga apostol, nakatulog si Pedro, dahil sa pagod at pamimighati. Tiyak na dahil paulit-ulit na sinambit ni Pedro ang determinasyon niyang huwag iwanan si Jesus, sa kaniya partikular na sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo magagawang magbantay kahit man lamang isang oras na kasama ko?” (Mat 26:36-45; Luc 22:39-46) Si Pedro ay hindi ‘nagpatuloy sa pananalangin’ at nagdusa dahil dito.
Nang makita ng mga alagad na kukunin na ng mga mang-uumog si Jesus, nagtanong sila kung dapat ba silang lumaban; ngunit si Pedro ay hindi na naghintay ng sagot at agad na kumilos, anupat pinutol ang tainga ng isang lalaki sa pamamagitan ng tabak (bagaman malamang na mas malubhang pinsala ang gusto niyang gawin) kung kaya sinaway siya ni Jesus. (Mat 26:51, 52; Luc 22:49-51; Ju 18:10, 11) Bagaman iniwan ni Pedro si Jesus, tulad ng ginawa ng iba pang mga alagad, pagkatapos nito ay sinundan niya “sa malayo” ang mga mang-uumog na umaresto kay Jesus, anupat lumilitaw na hindi niya malaman ang gagawin sapagkat natatakot siyang mapatay ngunit alaláng-alalá rin siya kay Jesus.—Mat 26:57, 58.
Sa tulong ng isa pang alagad, na maliwanag na sumunod o sumama sa kaniya hanggang sa tirahan ng mataas na saserdote, pumasok si Pedro sa mismong looban. (Ju 18:15, 16) Hindi siya nanatiling tahimik at nakakubli sa isang madilim na sulok kundi lumantad siya at nagpainit sa tabi ng apoy. Dahil sa liwanag ng apoy ay nakilala siya ng iba bilang kasamahan ni Jesus, at lalo pa silang naghinala dahil sa kaniyang puntong Galilea. Nang akusahan si Pedro, tatlong ulit niyang ikinaila na kilala niya si Jesus, anupat sumumpa pa nga nang bandang huli dahil sa tindi ng kaniyang pagkakaila. Sa isang dako sa lunsod ay tumilaok ang isang tandang sa ikalawang pagkakataon, at si Jesus ay “bumaling at tumingin kay Pedro.” Si Pedro ngayon ay lumabas, nanlupaypay, at tumangis nang may kapaitan. (Mat 26:69-75; Mar 14:66-72; Luc 22:54-62; Ju 18:17, 18; tingnan ang PAGTILAOK NG MANOK; SUMPA Blg. 1.) Gayunman, ang naunang pagsusumamo ni Jesus para kay Pedro ay sinagot, anupat hindi naman lubusang nanghina ang pananampalataya ni Pedro.—Luc 22:31, 32.
Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, ang mga babaing pumaroon sa libingan ay sinabihan ng anghel na dalhin ang isang mensahe sa “kaniyang mga alagad at kay Pedro.” (Mar 16:1-7; Mat 28:1-10) Dinala ni Maria Magdalena ang mensahe kina Pedro at Juan, at nagsimulang tumakbo ang mga ito patungo sa libingan, anupat naunahan ni Juan si Pedro. Samantalang si Juan ay tumigil sa harapan ng libingan at sumilip lamang sa loob, si Pedro ay tuluy-tuloy na pumasok, at sinundan naman ni Juan. (Ju 20:1-8) Bago nagpakita si Jesus sa mga alagad bilang isang grupo, nagpakita muna siya kay Pedro. Ito, bukod sa espesipikong pagbanggit ng anghel sa pangalan ni Pedro, ay malamang na nagbigay-katiyakan sa nagsisising si Pedro na hindi permanenteng pinutol ng tatlong ulit niyang pagkakaila ang kaniyang kaugnayan sa Panginoon.—Luc 24:34; 1Co 15:5.
Bago nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Dagat ng Galilea (Tiberias), sinabi ng masiglang si Pedro na mangingisda siya, at ang iba ay sumama sa kaniya. Nang makilala ni Juan si Jesus na nasa dalampasigan, kaagad-agad na lumangoy si Pedro patungong baybayin, anupat iniwan ang iba upang siyang magdaong ng bangka, at nang humingi si Jesus ng isda, bilang tugon ay hinila ni Pedro ang lambat patungong baybayin. (Ju 21:1-13) Sa pagkakataong ito tatlong ulit na tinanong ni Jesus si Pedro (na tatlong ulit na nagkaila sa kaniyang Panginoon) kung iniibig ba nito si Jesus, anupat binigyan si Pedro ng atas na ‘pastulan ang kaniyang mga tupa.’ Inihula rin ni Jesus ang paraan ng kamatayan ni Pedro, na nag-udyok naman kay Pedro na magtanong pagkakita niya sa apostol na si Juan: “Panginoon, ano ang gagawin ng taong ito?” Minsan pang itinuwid ni Jesus ang pangmalas ni Pedro, anupat idiniin na dapat siyang ‘maging kaniyang tagasunod’ at huwag ikabahala kung anuman ang gagawin ng iba.—Ju 21:15-22.
Ministeryo Nang Dakong Huli. Yamang “nakabalik” na siya mula sa pagkahulog sa silo ng pagkatakot, na pangunahin nang dahil sa labis na pagtitiwala sa sarili (ihambing ang Kaw 29:25), kailangan ngayong ‘palakasin ni Pedro ang kaniyang mga kapatid’ bilang pagtupad sa payo ni Kristo (Luc 22:32) at magpastol sa Kaniyang mga tupa. (Ju 21:15-17) Kaayon nito, gumanap si Pedro ng prominenteng bahagi sa gawain ng mga alagad pagkaakyat ni Jesus sa langit. Bago ang Pentecostes ng 33 C.E., iniharap ni Pedro sa kapulungan ang tungkol sa pagpili ng kapalit ng di-tapat na si Hudas, anupat nagbigay siya ng maka-Kasulatang katibayan para sa gayong pagkilos. Isinagawa ng kapulungan ang kaniyang rekomendasyon. (Gaw 1:15-26) Muli, noong Pentecostes, sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, gumanap si Pedro bilang tagapagsalita para sa mga apostol at ginamit niya ang una sa “mga susi” na ibinigay sa kaniya ni Jesus, sa gayon ay binuksan ang daan upang ang mga Judio ay maging mga miyembro ng Kaharian.—Gaw 2:1-41; tingnan ang SUSI, I.
Pagkaraan ng Pentecostes, patuloy siyang naging prominente sa sinaunang kongregasyong Kristiyano. Pagkatapos ng okasyong iyon, sa orihinal na mga apostol ay tanging siya at si Juan na lamang ang binanggit sa aklat ng Mga Gawa, maliban sa maikling pagbanggit sa pagpatay kay “Santiago na kapatid ni Juan,” ang isa pang kabilang sa tatlong apostol na naging pinakamatalik na mga kasamahan ni Jesus. (Gaw 12:2) Waring partikular na nakilala si Pedro sa pagsasagawa ng mga himala. (Gaw 3:1-26; 5:12-16; ihambing ang Gal 2:8.) Sa tulong ng banal na espiritu, buong-tapang siyang nagsalita sa mga tagapamahalang Judio na nagpaaresto sa kaniya at kay Juan (Gaw 4:1-21), at sa ikalawang pagkakataon ay gumanap siya bilang tagapagsalita para sa lahat ng mga apostol sa harap ng Sanedrin, anupat matatag na ipinahayag ang kanilang determinasyon na “sundin ang Diyos bilang tagapamahala” sa halip na mga tao na salansang sa kalooban ng Diyos. (Gaw 5:17-31) Malamang na partikular na nakadama si Pedro ng malaking kasiyahan nang maipakita niya ang kaniyang nagbagong saloobin, na ibang-iba sa ipinakita niya noong gabing ikaila niya si Jesus, at nang mabata rin niya ang pamamalo na inilapat ng mga tagapamahala. (Gaw 5:40-42) Bago ang kaniyang ikalawang pagkaaresto, kinasihan si Pedro na ilantad ang pagpapaimbabaw nina Ananias at Sapira at ipahayag ang hatol ng Diyos sa kanila.—Gaw 5:1-11.
Di-nagtagal pagkatapos ng pagpatay kay Esteban bilang martir, nang maraming mananampalataya sa Samaria ang matulungan at mabautismuhan ni Felipe (na ebanghelisador), sina Pedro at Juan ay naglakbay patungo roon upang tulungan ang mga mananampalatayang ito na tumanggap ng banal na espiritu. Doon ginamit ni Pedro ang ikalawang “susi ng kaharian.” Pagkatapos, nang pabalik na sila sa Jerusalem, “ipinahayag [ng dalawang apostol] ang mabuting balita” sa maraming Samaritanong nayon. (Gaw 8:5-25) Lumilitaw na muling humayo si Pedro sa isang misyon anupat noong panahong iyon ay pinagaling niya sa Lida si Eneas, na paralisado sa loob ng walong taon, at binuhay niyang muli ang babaing si Dorcas ng Jope. (Gaw 9:32-43) Mula sa Jope, inakay si Pedro na gamitin ang ikatlong “susi ng kaharian,” kaya naglakbay siya patungong Cesarea upang mangaral kay Cornelio at sa mga kamag-anak at mga kaibigan nito. Bilang resulta, sila ang naging unang di-tuling mga Gentil na mananampalataya na tumanggap ng banal na espiritu bilang mga tagapagmana ng Kaharian. Pagbalik ni Pedro sa Jerusalem, kinailangan niyang harapin ang mga tutol sa pagkilos na iyon, ngunit sumang-ayon naman ang mga ito nang maiharap niya ang katibayan na kumilos siya ayon sa patnubay ng Diyos.—Gaw 10:1–11:18; ihambing ang Mat 16:19.
Maaaring noong taon ding iyon (36 C.E.) unang dumalaw si Pablo sa Jerusalem bilang isang nakumberteng Kristiyano at apostol. ‘Dinalaw niya si Cefas [Pedro],’ anupat gumugol ng 15 araw kasama nito, at nakita rin niya si Santiago (ang kapatid sa ina ni Jesus) ngunit wala nang iba pa sa orihinal na mga apostol.—Gal 1:18, 19; tingnan ang APOSTOL (Pagka-Apostol sa Kongregasyon).
Ayon sa taglay nating katibayan, noong 44 C.E. ipinapatay ni Herodes Agripa I ang apostol na si Santiago at, nang malaman na ikinalugod ito ng mga lider na Judio, ipinaaresto naman niya si Pedro. (Gaw 12:1-4) ‘Masidhing pananalangin’ ang isinagawa ng kongregasyon para kay Pedro, at pinalaya siya ng anghel ni Jehova mula sa bilangguan (at malamang na sa kamatayan din). Pagkatapos na isaysay sa mga nasa tahanan ni Juan Marcos ang makahimalang pagpapalaya sa kaniya, hiniling ni Pedro na iulat ito kay “Santiago at sa mga kapatid,” at pagkatapos si Pedro ay “naglakbay patungo sa ibang dako.”—Gaw 12:5-17; ihambing ang Ju 7:1; 11:53, 54.
Sumunod siyang lumitaw sa ulat ng Mga Gawa noong kapulungan ng “mga apostol at matatandang lalaki” na idinaos sa Jerusalem upang pag-usapan ang usapin ng pagtutuli para sa mga Gentil na nakumberte, malamang na noong taóng 49 C.E. Pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumindig si Pedro at nagbigay ng patotoo may kinalaman sa mga pakikitungo ng Diyos sa mga mananampalatayang Gentil. Ang ‘pagtahimik ng buong karamihan’ ay katibayan na mapuwersa ang kaniyang argumento at, malamang, na iginagalang din siya ng mga naroroon. Si Pedro, tulad nina Pablo at Bernabe na nagbigay ng patotoo pagkatapos niya, ay waring tumatayong saksi sa harap ng kapulungan. (Gaw 15:1-29) Maliwanag na ang pangyayaring iyon ang nasa isip ni Pablo nang tukuyin niya si Pedro kasama sina Santiago at Juan bilang “namumukod-tanging mga lalaki,” “ang waring mga haligi” sa kongregasyon.—Gal 2:1, 2, 6-9.
Batay sa kabuuan ng ulat, maliwanag na si Pedro, bagaman totoo na lubhang prominente at iginagalang, ay hindi nagkaroon ng nakahihigit na awtoridad sa mga apostol salig sa pag-aatas sa kaniya sa isang ranggo o katungkulan. Kaya naman nang maging mabunga ang gawain ni Felipe sa Samaria, sinasabi ng ulat na ‘sina Pedro at Juan ay isinugo’ ng mga apostol sa misyon sa Samaria, anupat lumilitaw na kumilos ang mga apostol bilang isang lupon. (Gaw 8:14) Hindi nanatili nang permanente si Pedro sa Jerusalem na para bang kailangan ang presensiya niya roon upang wastong mapamahalaan ang kongregasyong Kristiyano. (Gaw 8:25; 9:32; 12:17; tingnan din ang MATANDANG LALAKI; TAGAPANGASIWA.) Aktibo siya sa Antioquia, Sirya, noong panahong naroroon din si Pablo, at minsan ay kinailangang sawayin ni Pablo si Pedro (Cefas) nang “mukhaan . . . sa harap nilang lahat” dahil ikinahiya ni Pedro ang pagkaing kasama ng mga Kristiyanong Gentil at pakikihalubilo sa kanila nang dumating ang ilang Judiong Kristiyano na nanggaling kay Santiago sa Jerusalem.—Gal 2:11-14.
Ang higit pang impormasyon tungkol sa posisyon ni Pedro sa kongregasyong Kristiyano ay nasa artikulong BATONG-LIMPAK. Ang pangmalas na si Pedro ay nakarating sa Roma at nanguna sa kongregasyon doon ay batay lamang sa mapag-aalinlanganang tradisyon at hindi lubusang kaayon ng mga impormasyon sa Kasulatan. Hinggil sa puntong ito, at sa paninirahan ni Pedro sa Babilonya at kung isinulat niya mula roon ang kaniyang dalawang liham, tingnan ang PEDRO, MGA LIHAM NI.