CIRENE, TAGA-CIRENE
Ang Cirene ang orihinal na sinaunang kabisera ng distrito ng Cyrenaica sa H baybayin ng Aprika, halos katapat ng pulo ng Creta. Ito ay mga 16 na km (10 mi) papaloob mula sa baybayin at nasa isang talampas na 550 m (1,800 piye) ang taas mula sa kapantayan ng Dagat Mediteraneo. Sa ngayon, ang sinaunang Cirene ay isang kalipunan ng di-tinatahanang mga labí malapit sa makabagong Shahhat (dating Cirene) sa Libya.
Lumilitaw na ang Cirene ay unang pinamayanan ng mga Griego noong ikapitong siglo B.C.E. at nang maglaon ay itinuring na isa sa kanilang pinakadakilang mga kolonya. Pagsapit ng 96 B.C.E., ang Cirene ay nasa ilalim ng pulitikal na kontrol ng Roma, at noong 67 B.C.E., ang distrito ng Cyrenaica at ang pulo ng Creta ay pinagsama upang bumuo ng isang probinsiya.
Si Simon ng Cirene (marahil ay isang Helenistikong Judio), na pinilit na tumulong sa pagdadala ng pahirapang tulos ni Jesus, ay tinatawag na “isang katutubo” ng lunsod na iyon. (Mat 27:32; Mar 15:21; Luc 23:26) Bagaman isinilang sa Cirene, maaaring nang maglaon ay namayan si Simon sa Palestina. Salig sa Gawa 6:9 may kinalaman sa “mga taga-Cirene” na nakipagtalo kay Esteban, naniniwala ang maraming iskolar na may sapat na bilang ng mga Judio mula sa Cirene na palaging naninirahan sa Palestina anupat nakapagtatag sila ng kanilang sariling sinagoga sa Jerusalem.
Sa kabilang dako, maaaring si Simon, “isang katutubo ng Cirene,” ay kasama sa iba pang mga banyaga na dumagsa sa Jerusalem noong panahon ng Paskuwa. Sa katulad na paraan, pagkalipas ng 51 araw, isang malaking bilang ng “mga lalaking mapagpitagan, mula sa bawat bansa,” kabilang ang ilan mula sa “mga bahagi ng Libya, na patungong Cirene,” ang dumalo sa Judiong Kapistahan ng Pentecostes. (Gaw 2:5, 10, 41) Malamang na ang ilan sa mga huling nabanggit na ito ay kabilang sa “mga tatlong libong kaluluwa” na nabautismuhan pagkatapos ng pagbubuhos ng banal na espiritu at ng kasunod na diskurso ni Pedro, at maaaring pagkatapos nito ay dinala nila ang mensahe ng Kristiyanismo sa kanilang sariling lupain.
Kristiyanismo. Makalipas ang ilang taon, pagkatapos na si Cornelio ay maging Kristiyano, may mga lalaki mula sa Cirene na tumulong at nanguna sa pagdadala ng “mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus” sa Antioquia ng Sirya sa gitna niyaong mga tinutukoy (ng karamihan sa mga tekstong Griego ng Gaw 11:20) bilang Hel·le·ni·stasʹ. Yamang ang mismong salitang Griegong ito ay isinasaling “mga Judiong nagsasalita ng Griego” (AT, NW) sa Gawa 6:1, ipinapalagay ng ilan na malamang na ang mga pinangaralan sa Antioquia ng Sirya ay tuling mga Judio rin o mga proselita na nagsasalita ng wikang Griego. Gayunman, bagaman pinangangaralan na ang mga Judiong nagsasalita ng Griego at mga proselita mula pa noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ang pagkakumberte ng malalaking bilang sa Antioquia ay waring isang pangyayaring bago at kakaiba, yamang isinugo si Bernabe sa lunsod na iyon, malamang ay upang magsiyasat siya at magpasigla rin sa gawain doon. (Gaw 11:22, 23) Ang isa pang pahiwatig na bagong paraan ito ng paggawa ng mga alagad ay ang bagay na waring ipinakita ang pagkakaiba ng gawaing ginampanan ng mga taga-Cirene at ng kanilang mga kamanggagawa at ng pangangaral sa gitna ng ‘mga Judio lamang’ na ginawa naman ng iba na naglakbay patungong Antioquia. (Gaw 11:19, 20) Sa dahilang ito at dahil din sa paggamit ng maraming mapananaligang sinaunang manuskritong Griego sa salitang Helʹle·nas (nangangahulugang “mga Griego”; tingnan ang Gaw 16:3) sa halip na Hel·le·ni·stasʹ, tinutukoy ng karamihan sa makabagong mga tagapagsalin yaong mga nakumberte sa tulong ng mga lalaki mula sa Cirene bilang “mga Griego” (AS, AT, Da, Fn, JB, Mo, RS), bagaman mas gusto ng iba ang “mga pagano” (CK) o “mga Gentil” (TEV, NE), mga terminong magpapahiwatig na yaong mga nasa Antioquia ay hindi mga tagasunod ng relihiyong Judio. Gayunman, kinikilala ng ilang iskolar ang posibilidad na itong mga nasa Antioquia ay kapuwa mga Judio at mga Gentil na pamilyar sa wikang Griego, kung kaya inilalarawan nila ang mga ito sa pananalitang “mga taong nagsasalita ng Griego.” (NW) Si “Lucio ng Cirene” ay nakatalang kabilang sa mga guro at mga propeta sa kongregasyong ito ng Antioquia nang pasimulan ni Pablo ang kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero noong mga 47 C.E.—Gaw 11:20; 13:1.