KABANATA 33
Tinupad ang Hula ni Isaias
DINUMOG NG MGA TAO SI JESUS
TINUPAD NIYA ANG HULA NI ISAIAS
Nang malaman ni Jesus na balak ng mga Pariseo at ng mga sumusuporta kay Herodes na patayin siya, umalis sila ng mga alagad niya patungong Lawa ng Galilea. Napakaraming pumunta sa kaniya—mula sa Galilea, sa mga lunsod ng Tiro at Sidon na nasa tabing-dagat, sa silangan ng Ilog Jordan, sa Jerusalem, at sa Idumea sa timog. Maraming pinagaling si Jesus. Kaya dinumog siya ng mga may malalang sakit. Hindi na nila hinintay na hawakan sila ni Jesus; nakipagsiksikan na sila para mahawakan siya.—Marcos 3:9, 10.
Napakarami nang tao kaya sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na maghanda ng maliit na bangka para makalayo siya sa pampang at hindi siya maipit ng mga tao. Isa pa, puwede niya silang turuan mula sa bangka o lumipat ng ibang lugar sa pampang para tumulong sa iba pang tao.
Binanggit ng alagad na si Mateo na ang gawain ni Jesus ay katuparan ng “sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng propetang si Isaias.” (Mateo 12:17) Anong hula ang tinutupad dito ni Jesus?
“Ang lingkod ko na aking pinili, ang minamahal ko, na kinalulugdan ko! Ibibigay ko sa kaniya ang aking espiritu, at ipapakita niya sa mga bansa kung ano talaga ang katarungan. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, at hindi maririnig ng sinuman ang tinig niya sa malalapad na daan. Hindi niya dudurugin ang nabaling tambo, at hindi niya papatayin ang aandap-andap na mitsa, hanggang sa maitama niya ang lahat ng mali. Talaga ngang sa pangalan niya aasa ang mga bansa.”—Mateo 12:18-21; Isaias 42:1-4.
Siyempre, si Jesus ang minamahal na lingkod na kinalulugdan ng Diyos. Ipinapakita ni Jesus kung ano ang tunay na katarungan, na pinalalabo ng maling mga tradisyon ng relihiyon. Walang konsiderasyon ang interpretasyon ng mga Pariseo sa Kautusan ng Diyos, at wala pa nga silang pakialam kahit sa isang taong may sakit sa araw ng Sabbath! Para ipakita ang katarungan ng Diyos at na sumasakaniya ang espiritu ng Diyos, pinalaya ni Jesus ang mga tao mula sa di-makatuwirang tradisyon na naging pabigat sa kanila. Dahil diyan, gusto siyang patayin ng mga lider ng relihiyon. Talagang napakasama!
Ano ang ibig sabihin ng mga salitang “hindi siya makikipagtalo o sisigaw, at hindi maririnig ng sinuman ang tinig niya sa malalapad na daan”? Kapag nagpapagaling siya ng mga tao, pinagbabawalan niya sila—pati ang mga demonyo—na “sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya.” (Marcos 3:12) Ayaw niyang malaman ng mga tao ang tungkol sa kaniya sa pamamagitan ng mga inihayag ng mga tao sa lansangan o sa pilipit na mga ulat na naipasa sa mga kuwentuhan.
Inihayag din ni Jesus ang kaniyang nakagiginhawang mensahe sa mga maituturing na nabaling tambo. Para silang aandap-andap na mitsa na halos mamamatay na ang baga. Hindi dudurugin ni Jesus ang nabaling tambo o babasain ang aandap-andap na mitsa. Sa halip, magiliw at maibigin niyang tutulungan ang maaamo. Tunay ngang makaaasa ang mga tao kay Jesus!