SALOME
[malamang na mula sa salitang-ugat na Heb. na nangangahulugang “kapayapaan”].
1. Ang paghahambing ng Mateo 27:56 sa Marcos 15:40 ay maaaring magpahiwatig na si Salome ang ina ng mga anak ni Zebedeo—sina Santiago at Juan, na mga apostol ni Jesu-Kristo. Tinutukoy ng unang teksto ang dalawa sa mga Maria, samakatuwid nga, si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Santiago (na Nakabababa) at ni Joses; at kasama ng mga iyon ay binabanggit din nito na ang ina ng mga anak ni Zebedeo ay naroroon nang ibayubay si Jesus; samantalang tinutukoy naman ng huling teksto na ang babaing kasama ng dalawang Maria ay si Salome.
Ayon sa gayunding mga saligan, ipinapalagay na si Salome ay kapatid din sa laman ni Maria, na ina ni Jesus. Naimungkahi ito sapagkat ang kasulatan sa Juan 19:25 ay bumabanggit sa dalawang Maria ring iyon, si Maria Magdalena at ang “asawa ni Clopas” (karaniwang kinikilala na ina ni Santiago na Nakabababa at ni Joses), at nagsasabi rin: “Gayunman, sa tabi ng pahirapang tulos ni Jesus ay nakatayo ang kaniyang ina at ang kapatid na babae ng kaniyang ina.” Kung ang tekstong ito (bukod pa sa pagbanggit sa ina ni Jesus) ay tumutukoy sa tatlong tao ring iyon na binanggit nina Mateo at Marcos, ipahihiwatig nito na si Salome ay kapatid ng ina ni Jesus. Sa kabilang dako naman, sinasabi ng Mateo 27:55 at Marcos 15:40, 41 na maraming iba pang mga babaing naroroon ang dating sumama kay Jesus, at sa gayon ay maaaring kabilang sa mga iyon si Salome.
Si Salome ay isang alagad ng Panginoong Jesu-Kristo, na kabilang sa mga babaing sumama sa kaniya at naglingkod sa kaniya mula sa kanilang mga tinatangkilik, gaya ng ipinahiwatig nina Mateo, Marcos, at Lucas (8:3).
Kung tama ang pagkakilala sa kaniya bilang ina ng mga anak ni Zebedeo, siya ang lumapit kay Jesus taglay ang kahilingan na ang kaniyang mga anak ay pagkaloobang maupo sa kanan at sa kaliwa ni Jesus sa Kaharian nito. Tinutukoy ni Mateo na ang ina ang siyang nagharap ng kahilingan, samantalang ipinakikita ni Marcos na sina Santiago at Juan ang gumawa ng paghiling. Lumilitaw na ang mga anak na lalaking ito ang may paghahangad at inudyukan nila ang kanilang ina na iharap ang kahilingan. Sinusuhayan ito ng ulat ni Mateo na, nang marinig ang tungkol sa kahilingan, ang iba pang mga alagad ay nagalit, hindi sa ina, kundi sa dalawang magkapatid.—Mat 20:20-24; Mar 10:35-41.
Sa pagbubukang-liwayway noong ikatlong araw pagkamatay ni Jesus, kabilang si Salome sa mga babaing pumaroon sa libingan ni Jesus upang pahiran ng mga espesya ang katawan nito, ngunit nadatnan nila ang bato na naigulong na at, sa loob ng libingan, isang anghel na nagsabi sa kanila: “Ibinangon siya, wala siya rito. Tingnan ninyo! Ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya.”—Mar 16:1-8.
2. Isang anak na babae ni Herodes Felipe at kaisa-isang anak ng kaniyang inang si Herodias. Nang maglaon ay napangasawa ni Herodes Antipas ang ina ni Salome, palibhasa’y may-pangangalunyang kinuha ito mula sa kaniyang kapatid sa amang si Felipe. Di-kalaunan bago ang Paskuwa 32 C.E., si Antipas ay nagdaos ng isang hapunan sa Tiberias bilang pagdiriwang ng kaniyang kaarawan. Inanyayahan niya ang prinsesang si Salome, na ngayon ay anak-anakan na niya, upang sumayaw sa harap ng mga naroroon, na binubuo ng ‘kaniyang mga taong matataas ang katungkulan at mga kumandante ng militar at mga pangunahin sa Galilea.’ Lubhang nalugod si Herodes sa pagsasayaw ni Salome anupat ipinangako niyang ibibigay niya rito ang anumang hilingin nito—hanggang sa kalahati ng kaniyang kaharian. Dahil sa payo ng balakyot na ina nito, hiniling ni Salome ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo. Si Herodes, bagaman napighati, “ay nag-utos na ibigay iyon dahil sa kaniyang mga sumpa at dahil doon sa mga nakahilig na kasama niya; at nagsugo siya at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. At ang kaniyang ulo ay dinala na nasa isang bandehado at ibinigay sa dalaga, at dinala niya ito sa kaniyang ina.”—Mat 14:1-11; Mar 6:17-28.
Bagaman ang kaniyang pangalan ay hindi binanggit sa Kasulatan, naingatan ito sa mga isinulat ni Josephus. Inilalahad din niya na si Salome ay nag-asawa, ngunit hindi nagkaanak, sa tagapamahala ng distrito na si Felipe, isa pang kapatid sa ama ni Herodes Antipas. Pagkamatay ni Felipe, ayon sa sinasabi sa ulat ni Josephus, napangasawa ni Salome ang kaniyang pinsang si Aristobulo at nagkaanak dito ng tatlong lalaki.