Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pagpili sa Kaniyang mga Apostol
NOON ay mga isang taon at kalahati sapol nang ipakilala ni Juan Bautista si Jesus bilang ang Kordero ng Diyos, at sinimulan ni Jesus ang kaniyang pangmadlang ministeryo. Noon sina Andres, Simon Pedro, Juan, at marahil si Santiago (kapatid ni Juan), pati na si Felipe at si Nathanael (tinatawag din na Bartolome), ay naging kaniyang mga unang alagad. Pagtatagal, marami pang iba ang sumama sa kanila sa pagsunod kay Kristo.
Ngayon si Jesus ay handa na na piliin ang kaniyang mga apostol. Sila ang magiging kaniyang matalik na mga kasamahan na bibigyan ng pantanging pagsasanay. Subalit bago sila pinili, si Jesus ay naparoon sa isang bundok at magdamag na nanalangin, marahil humihingi siya ng karunungan at pagpapala ng Diyos. Kinaumagahan, tinawag niya ang kaniyang mga alagad at mula sa kanila ay pumili siya ng 12. Datapuwat, yamang sila’y nagpatuloy na maging mga tinuturuan ni Jesus, sila’y tinatawag pa rin na mga alagad.
Anim sa pinili ni Jesus, yaong binanggit sa itaas, ay mga naging unang alagad niya. Si Mateo, na tinawag ni Jesus nang ito’y nasa kaniyang tanggapan ng buwis, ay napili rin. Ang lima pa na pinili ay sina Judas (tinatawag din na Tadeo), Judas Iscariote, Simon na Cananeo, Tomas, at Santiago na anak ni Alfeo. Ang Santiagong ito ay tinatawag din na si Santiagong Bata, marahil upang ipakita na siya’y iba roon sa isa pang apostol na si Santiago.
Ngayon ang 12 na ito ay kasa-kasama na ni Jesus nang ilang panahon, at kilalang-kilala na niya sila. Ang totoo, ang ilan sa kanila ay kaniyang mga kamag-anak. Si Santiago at ang kaniyang kapatid na si Juan ay maliwanag na mga pinsang buo ni Jesus. At marahil si Alfeo ay kapatid ni Jose, ang ama-amahan ni Jesus. Kaya’t ang anak ni Alfeo, ang apostol na si Santiago, ay magiging isang pinsan din ni Jesus.
Mangyari pa, walang suliranin si Jesus sa pagtatanda sa mga pangalan ng kaniyang mga apostol. Pero matatandaan mo ba sila? Bueno, basta tandaan na mayroong dalawang Simon, dalawang Santiago, at dalawang Judas, at na si Simon ay may kapatid na Andres, at si Santiago ay may kapatid na Juan. Iyan ang susi sa pagtatanda sa walong apostol. Sa apat pa ay kasali naman ang isang maniningil ng buwis (si Mateo), isa na noong malaunan ay nag-alinlangan (si Tomas), isa na tinawag nang siya’y nasa lilim ng isang punungkahoy (si Nathanael), at ang kaniyang kaibigang si Felipe.
Labing-isa sa mga apostol ang taga-Galilea, ang bayang tinubuan ni Jesus. Si Nathanael ay taga-Cana. Sina Felipe, Pedro, at Andres ay taga-Betsaida. Datapuwat, si Pedro at si Andres nang malaunan ay lumipat sa Capernaum, na waring dito naninirahan si Mateo. Si Santiago at si Juan ay nasa hanapbuhay na pamamalakaya at marahil nanirahan doon o sa malapit sa Capernaum. Tila si Judas Iscariote, na nagkanulo kay Jesus nang malaunan, ang tanging apostol na taga-Judea. Marcos 3:13-19; Lucas 6:12-16.
◆ Sinong mga apostol ang marahil mga kamag-anak ni Jesus?
◆ Sino ang mga apostol ni Jesus, at paano mo matatandaan ang kani-kanilang pangalan?
◆ Mga tagasaan ang ilan sa mga apostol?
[Larawan sa pahina 9]
Bago pinili ang kaniyang 12 apostol, magdamag na nanalangin si Jesus kay Jehova