KABANATA 34
Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol
ANG 12 APOSTOL
Mga isa’t kalahating taon na mula nang ipakilala ni Juan Bautista si Jesus bilang ang Kordero ng Diyos. Nang simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, may ilang tapat na lalaki na naging alagad niya, gaya nina Andres, Simon Pedro, Juan, pati marahil si Santiago (kapatid ni Juan), Felipe, at Bartolome (tinatawag ding Natanael). Nang maglaon, maraming iba pa ang sumunod kay Kristo.—Juan 1:45-47.
Handa na ngayon si Jesus para pumili ng mga apostol niya. Magiging malapít niya silang kasama at bibigyan ng espesyal na pagsasanay. Pero bago pumili si Jesus, pumunta siya sa isang bundok, na marahil ay malapit sa Lawa ng Galilea at di-kalayuan sa Capernaum. Magdamag siyang nanalangin, malamang na para humingi ng karunungan at pagpapala ng Diyos. Kinabukasan, tinawag niya ang kaniyang mga alagad at pumili ng 12 para maging mga apostol niya.
Pinili ni Jesus ang anim na nabanggit sa simula, pati na rin si Mateo, na tinawag ni Jesus mula sa tanggapan ng buwis. Ang limang iba pa ay sina Hudas (tinatawag ding Tadeo at “anak ni Santiago”), Simon na Cananeo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, at Hudas Iscariote.—Mateo 10:2-4; Lucas 6:16.
Nakasama na ni Jesus sa paglalakbay ang 12 lalaking ito, at kilalang-kilala na sila ni Jesus. Kamag-anak niya ang ilan sa kanila. Pinsan ni Jesus ang magkapatid na Santiago at Juan. At kung si Alfeo ay kapatid ng ama-amahan ni Jesus na si Jose, gaya ng iniisip ng ilan, lumilitaw na pinsan din ni Jesus si Santiago na anak ni Alfeo.
Tiyak na kabisado ni Jesus ang pangalan ng mga apostol niya. Ikaw, kaya mo bang kabisaduhin ang mga pangalan nila? Tandaan, may dalawang Simon, dalawang Santiago, at dalawang Hudas. Si Simon (Pedro) ay may kapatid na Andres, at si Santiago (anak ni Zebedeo) ay may kapatid na Juan. Isang paraan iyan para matandaan ang pangalan ng walong apostol. Kabilang sa apat na natitira ay isang maniningil ng buwis (Mateo), isa na nagduda (Tomas), isa na tinawag habang nasa ilalim ng puno (Natanael), at ang kaibigan ni Natanael (Felipe).
Ang 11 sa mga apostol ay mula sa Galilea, ang bayan ni Jesus. Si Natanael ay mula sa Cana. Taga-Betsaida sina Felipe, Pedro, at Andres. Nang maglaon, lumipat sina Pedro at Andres sa Capernaum, kung saan nakatira si Mateo. Sina Santiago at Juan ay taga-Capernaum din o malapit dito, at may negosyo silang pangingisda. Mukhang si Hudas Iscariote lang ang mula sa Judea, ang apostol na nagtraidor kay Jesus nang maglaon.