Hindi Mo Alam Kung Saan Ito Magtatagumpay!
“Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay.”—ECLES. 11:6.
1. Bakit kamangha-mangha at nakapagpapakumbabang masaksihan ang paglago ng isang halaman?
ANG isang magsasaka ay kailangang maging matiisin. (Sant. 5:7) Pagkatapos ihasik ang binhi, kailangan niya itong hintaying sumibol at lumago. Kapag tamang-tama ang kalagayan, unti-unting lumalabas ang mga supang nito mula sa lupa. Pagkaraan, ito ay nagiging mga halaman na nagbubunga ng mga butil. Sa bandang huli, handa na ang bukirin para sa pag-aani ng magsasaka. Talagang kamangha-manghang masaksihan ang hiwaga ng paglago! At nakapagpapakumbaba ring maunawaan kung sino ang Pinagmumulan ng paglagong ito. Maaari nating alagaan ang binhi. Puwede tayong tumulong sa pagdidilig. Pero ang Diyos lamang ang nagpapalago nito.—Ihambing ang 1 Corinto 3:6.
2. Anong mga punto hinggil sa itinuro ni Jesus na espirituwal na paglago ang isinaalang-alang sa mga ilustrasyon sa nakaraang artikulo?
2 Gaya ng binanggit sa nakaraang artikulo, itinulad ni Jesus sa paghahasik ng binhi ang gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian. Sa ilustrasyon tungkol sa iba’t ibang uri ng lupa, idiniin ni Jesus na bagaman naghahasik ang magsasaka ng mabuting binhi, nakadepende sa kalagayan ng puso ng isang tao kung ang binhi ay susulong sa pagkamaygulang o hindi. (Mar. 4:3-9) Sa ilustrasyon tungkol sa manghahasik na natutulog, idiniin ni Jesus na hindi lubusang nauunawaan ng magsasaka ang nagaganap na paglago dahil nangyayari ito sa tulong ng Diyos at hindi sa pagsisikap ng mga tao. (Mar. 4:26-29) Isaalang-alang naman natin ngayon ang tatlo pang ilustrasyon ni Jesus—ang butil ng mustasa, ang lebadura, at ang lambat na pangubkob.a
Ang Ilustrasyon Tungkol sa Butil ng Mustasa
3, 4. Anong mga aspekto may kinalaman sa mensahe ng Kaharian ang itinatampok sa ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa?
3 Dalawang bagay ang itinatampok ng ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa na nakaulat din sa Marcos kabanata 4: una, ang kamangha-manghang pagdami ng mga taong nagbibigay-pansin sa mensahe ng Kaharian; ikalawa, ang proteksiyong ibinibigay sa mga tumatanggap ng mensahe. Sinabi ni Jesus: “Sa ano natin itutulad ang kaharian ng Diyos, o sa anong ilustrasyon natin ito ihaharap? Tulad ng butil ng mustasa, na sa panahong ihasik ito sa lupa ay siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa—ngunit kapag ito ay naihasik na, ito ay sumisibol at nagiging mas malaki kaysa sa lahat ng iba pang gulay at tinutubuan ng malalaking sanga, anupat ang mga ibon sa langit ay nakasusumpong ng masisilungan sa ilalim ng lilim nito.”—Mar. 4:30-32.
4 Inilalarawan dito ang paglago ng “kaharian ng Diyos” na pinatutunayan ng paglaganap ng mensahe ng Kaharian at ng paglago ng kongregasyong Kristiyano mula noong Pentecostes 33 C.E. patuloy. Ang butil ng mustasa ay napakaliit na binhi na maaaring lumarawan sa isang bagay na sobrang liit. (Ihambing ang Lucas 17:6.) Pero sa bandang huli, tumataas ang halaman ng mustasa nang tatlo hanggang limang metro at mayroon itong matitigas na sanga kaya nagmumukha itong punungkahoy.—Mat. 13:31, 32.
5. Anong paglago ang naranasan ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo?
5 Nagsimula lamang sa maliit ang paglago ng kongregasyong Kristiyano noong 33 C.E. nang pahiran ng banal na espiritu ang mga 120 alagad. Sa maikling yugto ng panahon, naging libu-libo ang maliit na kongregasyong ito ng mga alagad. (Basahin ang Gawa 2:41; 4:4; 5:28; 6:7; 12:24; 19:20.) Sa loob ng tatlong dekada, mabilis na dumami ang mga mang-aani kung kaya nasabi ni apostol Pablo sa kongregasyon ng Colosas na ang mabuting balita ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.’ (Col. 1:23) Isa ngang kamangha-manghang paglago!
6, 7. (a) Anong paglago ang naganap mula noong 1914? (b) Ano pang higit na paglago ang magaganap?
6 Mula nang maitatag sa langit ang Kaharian ng Diyos noong 1914, ang mga sanga ng “punungkahoy” ng mustasa ay lumago nang higit sa inaasahan. Nakita ng bayan ng Diyos ang literal na katuparan ng hula ni Isaias: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa.” (Isa. 60:22) Hindi inakala ng maliit na grupo ng mga pinahirang nakibahagi sa gawaing pangangaral noong pasimula ng ika-20 siglo na sa taóng 2008, mga pitong milyong Saksi ang makikibahagi sa gawaing ito sa mahigit na 230 lupain. Talagang kamangha-manghang paglago ito na katulad ng butil ng mustasa sa ilustrasyon ni Jesus!
7 Pero hanggang doon na lamang ba ang paglago? Hindi. Darating ang panahon na bawat taong nabubuhay sa lupa ay magiging sakop ng Kaharian ng Diyos. Aalisin ang lahat ng mga sumasalansang. Ito ay mangyayari hindi dahil sa pagsisikap ng mga tao kundi dahil makikialam na ang Soberanong Panginoong Jehova sa mga gawain sa lupa. (Basahin ang Daniel 2:34, 35.) Pagkatapos nito ay makikita natin ang ganap na katuparan ng isa pang hula ni Isaias: “Ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isa. 11:9.
8. (a) Kanino lumalarawan ang mga ibon sa ilustrasyon ni Jesus? (b) Mula saan tayo pinoprotektahan maging sa ngayon?
8 Sinabi ni Jesus na ang mga ibon sa langit ay nakasusumpong ng masisilungan sa ilalim ng lilim ng Kaharian. Ang mga ibong ito ay hindi lumalarawan sa mga kaaway ng Kaharian na kumakain ng mabubuting binhi, gaya ng mga ibon sa ilustrasyon tungkol sa lalaking nagsasabog ng binhi sa iba’t ibang uri ng lupa. (Mar. 4:4) Sa halip, ang mga ibon sa ilustrasyong ito ay lumalarawan sa tapat-pusong mga tao na naghahanap ng proteksiyon sa kongregasyong Kristiyano. Maging sa ngayon, ang mga ito ay pinoprotektahan mula sa mga kaugaliang hahadlang sa kanila na magkaroon ng mabuting kaugnayan kay Jehova at mula sa maruruming gawain ng balakyot na sanlibutang ito. (Ihambing ang Isaias 32:1, 2.) Sa isang hula, itinulad ni Jehova ang Mesiyanikong Kaharian sa isang punungkahoy: “Sa bundok ng kaitaasan ng Israel ay ililipat ko iyon, at iyon ay tiyak na magkakaroon ng mga sanga at magluluwal ng bunga at magiging isang maringal na sedro. At sa ilalim niyaon ay tatahan nga ang lahat ng mga ibon na may iba’t ibang pakpak; sa lilim ng mga dahon niyaon ay tatahan sila.”—Ezek. 17:23.
Ang Ilustrasyon Tungkol sa Lebadura
9, 10. (a) Anong punto ang idiniin ni Jesus sa ilustrasyon tungkol sa lebadura? (b) Sa Bibliya, saan karaniwang lumalarawan ang lebadura, at anong tanong tungkol sa pagtukoy ni Jesus sa lebadura ang isasaalang-alang natin?
9 Ang paglago ay hindi laging nakikita ng mga tao. Sa kaniyang sumunod na ilustrasyon, idiniin ni Jesus ang puntong ito. Sinabi niya: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng lebadura, na kinuha ng isang babae at itinago sa tatlong malalaking takal ng harina, hanggang sa mapaalsa ang buong limpak.” (Mat. 13:33) Saan lumalarawan ang lebadurang ito, at paano ito nauugnay sa paglago ng Kaharian?
10 Sa Bibliya, ang lebadura ay karaniwan nang ginagamit para lumarawan sa kasalanan. Sa ganitong paraan tinukoy ni apostol Pablo ang lebadura nang banggitin niya ang nakasasamang impluwensiya ng isang makasalanan sa kongregasyon sa sinaunang Corinto. (1 Cor. 5:6-8) Ginamit ba ni Jesus sa pagkakataong ito ang lebadura upang lumarawan sa paglago ng isang negatibong bagay?
11. Paano ginamit ang lebadura sa sinaunang Israel?
11 Bago sagutin ang tanong na iyan, kailangan muna nating bigyang-pansin ang tatlong mahahalagang bagay. Una, bagaman hindi pinahihintulutan ni Jehova na gumamit ng lebadura kapag panahon ng kapistahan ng Paskuwa, may mga pagkakataon namang tinatanggap niya ang mga hain na may lebadura. Ginamit ang lebadura may kaugnayan sa mga handog na pansalu-salo bilang pasasalamat, na kusang-loob na inihahain ng naghahandog taglay ang espiritu ng pasasalamat dahil sa maraming pagpapala ni Jehova. Nagdudulot ng kasiyahan ang kainang ito.—Lev. 7:11-15.
12. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng Bibliya ng paggamit ng mga sagisag para lumarawan sa iba pang bagay?
12 Pangalawa, bagaman ang isang sagisag ay maaaring may negatibong kahulugan sa Kasulatan, may mga pagkakataong maaari din naman itong gamitin para lumarawan sa isang positibong bagay. Halimbawa sa 1 Pedro 5:8, itinulad si Satanas sa isang leon para ipakitang siya ay mapanganib at mabangis. Pero sa Apocalipsis 5:5, itinulad si Jesus sa isang leon—“ang Leon na mula sa tribo ni Juda.” Dito ay ginamit ang leon para sumagisag sa may lakas-loob na katarungan.
13. Ano ang ipinakikita ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa lebadura may kinalaman sa espirituwal na paglago?
13 Pangatlo, hindi sinabi ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon na sinira ng lebadura ang buong limpak ng harina, anupat hindi na ito puwedeng gamitin. Tinukoy lamang niya ang karaniwang proseso sa paggawa ng tinapay. Sadyang idinagdag ng maybahay ang lebadura, at maganda naman ang resulta. Itinago sa limpak ng harina ang lebadura. Kaya ang proseso ng pag-alsa ay hindi nakita ng maybahay. Ipinaaalaala nito sa atin ang lalaking naghahasik ng binhi at natutulog sa gabi. Sinabi ni Jesus na “ang binhi ay sumisibol at tumataas, kung paano ay hindi . . . alam [ng lalaki].” (Mar. 4:27) Napakasimple ngang paglalarawan sa di-nakikitang proseso ng espirituwal na paglago! Hindi man natin makita ang paglago sa simula, pero unti-unti ring mahahayag ang mga resulta nito.
14. Anong aspekto ng gawaing pangangaral ang inilalarawan ng pag-alsa ng buong limpak dahil sa lebadura?
14 Ang paglago ay hindi lamang lingid sa mata ng mga tao kundi laganap din ito. Ito ay isa pang aspektong idiniin sa ilustrasyon tungkol sa lebadura. Pinaalsa ng lebadura ang buong limpak, lahat ng “tatlong malalaking takal ng harina.” (Luc. 13:21) Tulad ng lebadura, ang gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian na siyang dahilan ng pagdami ng mga alagad ay lumawak hanggang sa punto na ipinangangaral na ngayon ang Kaharian “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8; Mat. 24:14) Napakalaki ngang pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa kamangha-manghang paglawak na ito ng gawaing pang-Kaharian!
Ang Lambat na Pangubkob
15, 16. (a) Ilahad sa maikli ang ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob. (b) Saan lumalarawan ang lambat na pangubkob, at sa anong aspekto ng paglago ng Kaharian tumutukoy ang ilustrasyong ito?
15 Ang higit na mahalaga kaysa sa bilang ng mga nag-aangking alagad ni Jesu-Kristo ay ang kalidad ng mga alagad na iyon. Tinukoy ni Jesus ang aspektong ito ng paglago ng Kaharian nang magbigay siya ng isa pang ilustrasyon, ang tungkol sa lambat na pangubkob. Sinabi niya: “Muli ang kaharian ng langit ay tulad ng isang lambat na pangubkob na inihulog sa dagat at nagtitipon ng bawat uri ng isda.”—Mat. 13:47.
16 Ang lambat na pangubkob na lumalarawan sa gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian ay nagtitipon ng bawat uri ng isda. Sinabi pa ni Jesus: “Nang mapuno [ang lambat na pangubkob] ay hinatak nila ito sa dalampasigan at, pagkaupo nila, tinipon nila ang maiinam sa mga sisidlan, ngunit ang mga di-karapat-dapat ay itinapon nila. Ganiyan ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay: lalabas ang mga anghel at ibubukod ang mga balakyot mula sa mga matuwid at ihahagis sila sa maapoy na hurno. Doon mangyayari ang kanilang pagtangis at ang pagngangalit ng kanilang mga ngipin.”—Mat. 13:48-50.
17. Sa anong yugto ng panahon tumutukoy ang pagbubukod na binanggit sa ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob?
17 Tumutukoy ba ang pagbubukod na ito sa pangwakas na hatol sa tupa at mga kambing na sinabi ni Jesus na mangyayari kapag dumating na siya sa kaniyang kaluwalhatian? (Mat. 25:31-33) Hindi. Mangyayari ang pangwakas na hatol sa pagdating ni Jesus sa malaking kapighatian. Sa kabaligtaran, ang pagbubukod na binabanggit sa ilustrasyon ng lambat na pangubkob ay mangyayari sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.”b Ito ang panahong kinabubuhayan natin sa ngayon—ang panahon bago ang malaking kapighatian. Kung gayon, paano nagaganap ang gawaing pagbubukod sa ngayon?
18, 19. (a) Paano nagaganap ang pagbubukod sa ngayon? (b) Anong hakbang ang dapat gawin ng mga tapat-puso? (Tingnan din ang talababa sa pahina 21.)
18 Milyun-milyong makasagisag na isda mula sa dagat ng sangkatauhan ang naaakit sa kongregasyon ni Jehova sa modernong panahon. Ang ilan ay dumadalo sa Memoryal, ang iba ay dumadalo sa ating mga pagpupulong, at ang iba naman ay nasisiyahang makipag-aral ng Bibliya. Pero lahat ba ng mga ito ay tunay na Kristiyano? Sila ay maaaring “hinatak . . . sa dalampasigan,” pero sinasabi sa atin ni Jesus na “maiinam” lamang ang tinitipon sa sisidlan, na lumalarawan sa mga kongregasyong Kristiyano. Itinatapon ang mga di-karapat-dapat at sa bandang huli ay ihahagis sa makasagisag na maapoy na hurno, na nangangahulugan ng pagkapuksa sa hinaharap.
19 Kung tungkol sa di-karapat-dapat na isda, maraming nakipag-aral ng Bibliya sa bayan ni Jehova ang tumigil na sa pag-aaral. Ang ilan bagaman anak ng mga Saksi ay ayaw talagang maging tagasunod ni Jesus. Ayaw nilang magpasiyang paglingkuran si Jehova o kung maglingkod man sila, hindi naman sila nagpapatuloy.c (Ezek. 33:32, 33) Subalit kailangang-kailangan ng lahat ng tapat-pusong mga tao na hayaang matipon sila sa tulad-sisidlang kongregasyon bago ang huling araw ng paghatol at manatili sa isang ligtas na dako.
20, 21. (a) Ano ang natutuhan natin sa pagrerepaso sa mga ilustrasyon ni Jesus may kinalaman sa paglago? (b) Ano ang determinado mong gawin?
20 Ano ang natutuhan natin sa maikling pagrerepaso sa mga ilustrasyon ni Jesus may kinalaman sa paglago? Una, mabilis ang pagdami ng mga taong nakikinig sa mensahe ng Kaharian tulad ng paglago ng butil ng mustasa. Walang makapipigil sa paglawak ng gawain ni Jehova! (Isa. 54:17) Karagdagan pa, ang proteksiyon laban kay Satanas at sa kaniyang balakyot na sanlibutan ay inilalaan sa mga humahanap ng “masisilungan sa ilalim ng lilim [ng punungkahoy].” Ikalawa, ang Diyos ang nagpapalago nito. Gaya ng pagkalat ng itinagong lebadura sa buong limpak, hindi ito agad palaging nakikita o nauunawaan pero nangyayari ito! Ikatlo, hindi napatutunayan ng lahat ng tumutugon na sila ay karapat-dapat. Ang ilan ay tulad ng di-karapat-dapat na isda sa ilustrasyon ni Jesus.
21 Talagang nakapagpapasigla ngang makita na maraming karapat-dapat na mga tao ang inilalapit ni Jehova! (Juan 6:44) Napakalaking pagsulong ang naging resulta nito sa maraming bansa. Ang lahat ng kaluwalhatian ng paglagong ito ay nauukol sa Diyos na Jehova. Dahil sa nasasaksihan nating ito, dapat tayong mapakilos na sundin ang utos na isinulat maraming siglo na ang nakalilipas: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi . . . , sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay, kung dito o doon, o kung ang dalawa ay parehong magiging mabuti.”—Ecles. 11:6.
[Mga talababa]
a Ang sumusunod na mga paliwanag ay pagbabago sa ipinaliwanag noon sa mga isyu ng Ang Bantayan, Hunyo 15, 1992, pahina 17-22, at Abril 1, 1976, pahina 201-223.
b Bagaman tumutukoy ang Mateo 13:39-43 sa ibang aspekto ng gawaing pangangaral hinggil sa Kaharian, ang panahon ng katuparan nito ay sa panahon din ng katuparan ng ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob, samakatuwid nga, sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ang pagbubukod sa makasagisag na isda ay nagpapatuloy hanggang sa ngayon, kung paanong ang paghahasik at pag-aani ay nagpapatuloy sa ating panahon.—Ang Bantayan, Oktubre 15, 2000, pahina 25-26; Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos, pahina 178-181, parapo 8-11.
c Nangangahulugan ba ito na lahat ng tumigil na sa pakikipag-aral o pakikisama sa bayan ni Jehova ay itinapon na ng mga anghel bilang di-karapat-dapat? Hindi! Kung ang isa ay talagang nagnanais manumbalik kay Jehova, tatanggapin Niya siya.—Mal. 3:7.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang itinuturo ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa butil ng mustasa hinggil sa paglago ng Kaharian at proteksiyon laban kay Satanas at sa kaniyang balakyot na sanlibutan?
• Saan lumalarawan ang lebadura sa ilustrasyon ni Jesus, at anong katotohanan tungkol sa paglago ng Kaharian ang itinampok ni Jesus?
• Anong aspekto ng paglago ng Kaharian ang ipinaliliwanag sa ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob?
• Paano natin matitiyak na mananatili tayong kabilang sa mga ‘tinipon sa mga sisidlan’?
[Mga larawan sa pahina 18]
Ano ang itinuturo sa atin ng ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa may kinalaman sa paglawak ng gawaing pang-Kaharian?
[Larawan sa pahina 19]
Ano ang natutuhan natin sa ilustrasyon tungkol sa lebadura?
[Larawan sa pahina 21]
Ano ang inilalarawan ng pagbubukod ng maiinam na isda mula sa mga di-karapat-dapat na isda?