Taglay Mo ba ang “Pag-iisip ni Kristo”?
“Ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na magkaroon . . . ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.”—ROMA 15:5.
1. Paano inilalarawan si Jesus sa maraming iginuhit na larawan ng Sangkakristiyanuhan, at bakit hindi ito isang makatuwirang paglalarawan kay Jesus?
“NI MINSAN ay hindi siya nakitang tumawa kailanman.” Ganiyan ang pagkakalarawan kay Jesus sa isang dokumento na diumano’y isinulat ng isang sinaunang opisyal na Romano. Ang dokumentong ito, na nakilala sa kasalukuyang anyo nito sapol noong mga ika-11 siglo, ay sinasabing nakaimpluwensiya sa maraming pintor.a Sa maraming iginuhit na larawan, ipinakikita si Jesus bilang isang malungkuting tao na bihirang-bihira, kung sakali man, na tumawa. Subalit iyan ay talagang isang di-makatuwirang paglalarawan kay Jesus, na inilalarawan ng Mga Ebanghelyo bilang isang masigla at mabait na tao na may matinding damdamin.
2. Paano natin malilinang ang “gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus,” at masasangkapan tayo nito na gawin ang ano?
2 Maliwanag, upang makilala ang tunay na Jesus, dapat nating punuin ang ating isip at puso ng tumpak na unawa sa talagang uri ng pagkatao ni Jesus noong siya’y nasa lupa. Kung gayon, suriin natin ang ilang salaysay ng Ebanghelyo na magbibigay sa atin ng kaunawaan tungkol sa “pag-iisip ni Kristo”—alalaong baga’y, ang kaniyang damdamin, ang kaniyang mga pananaw, ang kaniyang mga kaisipan, at ang kaniyang mga pangangatuwiran. (1 Corinto 2:16) Sa paggawa nito, tingnan natin kung paano natin malilinang ang “gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.” (Roma 15:5) Sa gayon, maaari tayong higit na masangkapan sa ating buhay at sa ating pakikitungo sa iba na sundin ang parisang inilagay niya para sa atin.—Juan 13:15.
Madaling Lapitan
3, 4. (a) Ano ang tagpo ng salaysay na nakaulat sa Marcos 10:13-16? (b) Ano ang naging reaksiyon ni Jesus nang tangkaing pigilin ng kaniyang mga alagad ang maliliit na bata sa paglapit sa kaniya?
3 Ang mga tao’y naakit kay Jesus. Sa maraming pagkakataon, ang mga indibiduwal na may iba’t ibang edad at pinagmulan ay malayang nakalalapit sa kaniya. Tingnan natin ang pangyayaring nakaulat sa Marcos 10:13-16. Nangyari ito nang malapit nang matapos ang kaniyang ministeryo habang siya’y patungong Jerusalem sa huling pagkakataon, upang harapin ang isang napakasakit na kamatayan.—Marcos 10:32-34.
4 Isalarawan natin ang eksena. Nagsimulang dalhin ng mga tao ang mga bata, pati na ang mga sanggol, para pagpalain ni Jesus ang mga ito.b Gayunman, tinangka ng mga alagad na pigilin ang mga bata sa paglapit kay Jesus. Marahil ay iniisip ng mga alagad na tiyak na ayaw ni Jesus na maabala siya ng mga bata sa napakahalagang mga linggong ito. Subalit nagkakamali sila. Nang mapagtanto ni Jesus ang ginagawa ng mga alagad, hindi siya nalugod. Pinalapit ni Jesus sa kaniya ang mga bata, na sinasabi: “Hayaan ninyong ang maliliit na bata ay lumapit sa akin; huwag ninyong tangkaing pigilan sila.” (Marcos 10:14) Pagkatapos ay gumawa siya ng isang bagay na nagsisiwalat ng isang totoong magiliw at mapagmahal na ugali. Sinabi ng salaysay: “Kinuha niya ang mga bata sa kaniyang mga bisig at pinasimulang pagpalain sila.” (Marcos 10:16) Maliwanag na palagay ang loob ng mga bata habang kinukuha sila ni Jesus sa kaniyang mapagmahal na mga bisig.
5. Ano ang sinasabi sa atin ng salaysay sa Marcos 10:13-16 hinggil sa naging uri ng pagkatao ni Jesus?
5 Maraming bagay ang sinasabi sa atin ng maigsing salaysay na iyan hinggil sa naging uri ng pagkatao ni Jesus. Pansinin na siya’y madaling lapitan. Bagaman siya’y humawak ng napakataas na posisyon sa langit, hindi niya tinakot ni minaliit man ang di-sakdal na mga tao. (Juan 17:5) Hindi ba kapansin-pansin din na maging ang mga bata ay naging palagay ang loob sa kaniya? Tiyak na hindi sila maaakit sa isang malamig-makitungo at malungkuting tao na hindi kailanman ngumingiti o tumatawa! Ang mga tao na may iba’t ibang edad ay lumapit kay Jesus sapagkat nararamdaman nilang siya’y isang masigla, mapagmalasakit na tao, at nakatitiyak silang hindi niya sila itataboy.
6. Paano magagawa ng matatanda na sila’y maging higit na madaling lapitan?
6 Sa pagmumuni-muni sa salaysay na ito, maitatanong natin sa ating sarili, ‘Taglay ko ba ang pag-iisip ni Kristo? Madali ba akong lapitan?’ Sa mga panahong ito na mapanganib, kailangan ng mga tupa ng Diyos ang madaling-lapitang mga pastol, mga lalaking gaya ng “taguang dako sa hangin.” (Isaias 32:1, 2; 2 Timoteo 3:1) Kayong matatanda, kapag nililinang ninyo ang isang tapat at taos-pusong interes sa inyong mga kapatid at handa ninyong ipagkaloob ang inyong sarili alang-alang sa kanila, mararamdaman nila ang inyong pagmamalasakit. Mababakas nila iyon sa inyong mga mukha, maririnig iyon sa tono ng inyong boses, at mapapansin iyon sa inyong mabait na paggawi. Ang gayong tunay na kasiglahan at pagmamalasakit ay makalilikha ng isang mapagtiwalang kapaligiran na doo’y mas madali para sa iba, pati na sa mga bata, na lumapit sa inyo. Isang Kristiyanong babae ang nagpaliwanag kung bakit nakuha niyang magtapat sa isang matanda: “Magiliw at madamayin ang paraan ng pakikipag-usap niya sa akin. Kung hindi, malamang na hindi na ako nagsalita gaputok man. Ipinadama niya sa aking ligtas ako sa panganib.”
Makonsiderasyon sa Iba
7. (a) Paano ipinamalas ni Jesus na siya’y makonsiderasyon sa iba? (b) Bakit inunti-unti ni Jesus ang pagpapanumbalik sa paningin ng isang bulag na lalaki?
7 Si Jesus ay makonsiderasyon. Matalas ang kaniyang pakiramdam sa damdamin ng iba. Makita lamang niya ang mga naghihirap ay labis na siyang naaantig anupat nauudyukan siyang pawiin ang kanilang pagdurusa. (Mateo 14:14) Makonsiderasyon din siya sa mga limitasyon at pangangailangan ng iba. (Juan 16:12) Minsan, dinala sa kaniya ng mga tao ang isang bulag na lalaki at pinakiusapan si Jesus na pagalingin niya ito. Pinanumbalik ni Jesus ang paningin ng lalaki, subalit ginawa niya ito nang unti-unti. Sa pasimula, bahagyang nakabanaag ng mga tao ang lalaki—“para bang mga punungkahoy, ngunit naglalakad sila.” Pagkatapos, lubusan nang pinanumbalik ni Jesus ang paningin nito. Bakit inunti-unti niya ang pagpapagaling sa lalaki? Tiyak na ito’y upang ang isa na nasanay nang husto sa dilim ay hindi mabigla sa kagyat na pagkakita ng isang nasisikatan-ng-araw at komplikadong daigdig.—Marcos 8:22-26.
8, 9. (a) Ano ang agad na nangyari matapos pumasok si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa rehiyon ng Decapolis? (b) Ilarawan ang ginawang pagpapagaling ni Jesus sa binging tao.
8 Isaalang-alang din ang isang pangyayaring naganap matapos ang Paskuwa ng 32 C.E. Pumasok si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa rehiyon ng Decapolis, sa silangang bahagi ng Dagat ng Galilea. Doon, agad silang nasumpungan ng malaking pulutong at dinala kay Jesus ang maraming maysakit at may kapansanan, at pinagaling niya silang lahat. (Mateo 15:29, 30) Kapansin-pansin, ibinukod ni Jesus ang isang tao para sa pantanging konsiderasyon. Ang manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos, na bukod-tanging nag-ulat sa pangyayaring ito, ang siyang naglahad sa naganap.—Marcos 7:31-35.
9 Ang tao ay bingi at halos hindi makapagsalita. Malamang na napansin ni Jesus ang kakaibang nerbiyos o pagkamahiyain ng taong ito. Sa gayon ay gumawa si Jesus ng isang bagay na di-karaniwan. Inihiwalay niya ang tao, palayo mula sa pulutong, tungo sa isang pribadong lugar. Pagkatapos ay sumenyas si Jesus upang ipaalam sa tao kung ano ang gagawin niya. Kaniyang “inilagay ang kaniyang mga daliri sa mga tainga ng tao at, pagkatapos dumura, hinipo niya ang kaniyang dila.” (Marcos 7:33) Sumunod, tumingala si Jesus sa langit at may-pananalanging nagbuntong-hininga. Ang kapansin-pansing mga kilos na ito ay magsasabi sa tao, ‘Ang gagawin ko para sa iyo ay mula sa kapangyarihan ng Diyos.’ Sa wakas ay sinabi ni Jesus: “Mabuksan ka.” (Marcos 7:34) Nang magkagayon, nanumbalik ang pandinig ng tao, at siya’y nakapagsalita nang normal.
10, 11. Paano natin maipakikita ang konsiderasyon sa damdamin ng iba sa loob ng kongregasyon? sa loob ng pamilya?
10 Kay laking konsiderasyon nga ang ipinakita ni Jesus sa iba! Matalas ang kaniyang pakiramdam sa kanilang damdamin, at ang pagdadalang-habag na ito naman ang nag-udyok sa kaniya upang kumilos sa paraang di-masasaktan ang kanilang damdamin. Bilang mga Kristiyano, makabubuti para sa atin na linangin at ipamalas ang pag-iisip ni Kristo sa bagay na ito. Ang Bibliya ay nagpapayo sa atin: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng damdaming pakikipagkapuwa, na may pagmamahal na pangkapatid, madamayin sa magiliw na paraan, mapagpakumbaba sa pag-iisip.” (1 Pedro 3:8) Tiyak na hinihiling nito sa atin na magsalita at kumilos sa paraang isinasaalang-alang ang damdamin ng iba.
11 Sa loob ng kongregasyon, makapagpapakita tayo ng konsiderasyon sa damdamin ng iba sa pamamagitan ng pag-uukol sa kanila ng dignidad, anupat pinakikitunguhan sila sa paraang nais nating ipakitungo nila sa atin. (Mateo 7:12) Lakip diyan ang pagiging maingat sa ating sinasabi at kung paano natin ito sinasabi. (Colosas 4:6) Alalahanin na ang ‘di-pinag-iisipang salita ay maaaring sumaksak na parang tabak.’ (Kawikaan 12:18) Kumusta naman sa loob ng pamilya? Ang mag-asawang tunay na nagmamahalan ay matalas ang pakiramdam sa damdamin ng isa’t isa. (Efeso 5:33) Iniiwasan nila ang masasakit na salita, walang-tigil na pamumuna, at maaanghang na panunuya—na pawang nagiging dahilan ng sama ng loob na mahirap mapawi. Maging ang mga bata ay may damdamin din, at isinasaalang-alang ito ng mapagmahal na mga magulang. Kapag kailangan ang pagtutuwid, ang gayong mga magulang ay nagbibigay nito sa paraang iginagalang ang dignidad ng kanilang mga anak at inililigtas sila sa di-kinakailangang pagkapahiya.c (Colosas 3:21) Samakatuwid, kapag nagpapamalas tayo ng konsiderasyon sa iba, ipinakikita natin na taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.
Handang Magtiwala sa Iba
12. Taglay ni Jesus ang anong timbang at makatotohanang pangmalas sa kaniyang mga alagad?
12 Si Jesus ay may timbang at makatotohanang pangmalas sa kaniyang mga alagad. Alam na alam niyang sila’y hindi mga sakdal. Kung sa bagay, nababasa niya ang puso ng tao. (Juan 2:24, 25) Magkagayunman, minalas niya sila hindi ayon sa kanilang di-kasakdalan kundi ayon sa kanilang mabubuting katangian. Nakita rin niya ang potensiyal ng mga taong ito na inilapit ni Jehova. (Juan 6:44) Mahahalata ang positibong pangmalas ni Jesus sa kaniyang mga alagad sa paraan ng kaniyang pakikisama at pakikitungo sa kanila. Una sa lahat, nagpakita siya ng pagiging handang magtiwala sa kanila.
13. Paano ipinamalas ni Jesus na may tiwala siya sa kaniyang mga alagad?
13 Paano ipinamalas ni Jesus ang pagtitiwalang iyan? Nang lisanin niya ang lupa, ipinagkatiwala niya ang isang mabigat na pananagutan sa kaniyang pinahirang mga alagad. Inilagay niya sa kanilang mga kamay ang pananagutan ng pag-aasikaso sa pandaigdig na mga kapakanan ng kaniyang Kaharian. (Mateo 25:14, 15; Lucas 12:42-44) Sa panahon ng kaniyang ministeryo, ipinakita niya kahit sa maliit at di-tuwirang paraan na may tiwala siya sa kanila. Nang makahimalang paramihin niya ang pagkain upang pakanin ang pulutong, ipinagkatiwala niya sa kaniyang mga alagad ang pananagutang ipamahagi ang pagkain.—Mateo 14:15-21; 15:32-37.
14. Paano mo isusumaryo ang salaysay na nakaulat sa Marcos 4:35-41?
14 Isaalang-alang din ang salaysay na nakaulat sa Marcos 4:35-41. Sa pagkakataong ito ay sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kaniyang mga alagad at naglayag nang pasilangan patawid sa Dagat ng Galilea. Di-nagtagal matapos tumulak ang bangka, nahiga si Jesus sa gawing likuran ng bangka at nakatulog nang mahimbing. Subalit di-nagtagal, “isang napakalakas na bagyong-hangin ang nagpasimula.” Karaniwan na ang gayong mga bagyo sa Dagat ng Galilea. Dahil sa kababaan nito (mga 200 metro ang baba sa kapantayan ng dagat), ang hangin doon ay mas mainit kaysa sa paligid nito, at ito’y lumilikha ng pagbabago sa atmospera. Karagdagan pa, humahampas ang malakas na hangin pababa sa Libis ng Jordan mula sa Bundok Hermon, na nasa hilaga. Ang sandaling katahimikan ay maaaring agad na mapalitan ng nagngangalit na bagyo. Pag-isipan ito: Tiyak na alam ni Jesus na karaniwan na ang pagdating ng bagyo, yamang pinalaki siya sa Galilea. Magkagayunman, siya’y payapang natulog, anupat nagtiwala sa kakayahan ng kaniyang mga alagad, yamang ang ilan sa kanila ay mga mangingisda.—Mateo 4:18, 19.
15. Paano natin matutularan si Jesus sa kaniyang pagiging handang magtiwala sa kaniyang mga alagad?
15 Matutularan ba natin si Jesus sa kaniyang pagiging handang magtiwala sa kaniyang mga alagad? Ang ilan ay nahihirapang ipagkatiwala sa iba ang mga pananagutan. Gusto nilang sila ang palaging nagmamaniobra, wika nga. Baka isipin nila, ‘Kung gusto kong magawa nang tama ang isang bagay, ako ang dapat gumawa niyaon!’ Subalit kung tayo na lamang ang gagawa ng lahat ng bagay, nanganganib tayong mapagod nang husto at baka gumugol pa nga ng panahon na malayo sa ating pamilya gayong hindi naman kailangan. Bukod diyan, kung hindi natin ipagkakatiwala sa iba ang angkop na mga tungkulin at pananagutan, maaaring pinagkakaitan natin sila ng kinakailangang karanasan at pagsasanay. Isang katalinuhan na matutong magtiwala sa iba, anupat iniaatas sa kanila ang mga bagay-bagay. Makabubuting tanungin natin nang tapatan ang ating sarili, ‘Taglay ko ba ang pag-iisip ni Kristo sa bagay na ito? Handa ko bang iatas sa iba ang ilang tungkulin, anupat nagtitiwalang gagawin nila ang pinakamabuti nilang magagawa?’
Nagpahayag Siya ng Pananalig sa Kaniyang mga Alagad
16, 17. Sa huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, ano ang tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga apostol, kahit batid niyang siya ay pababayaan nila?
16 Ipinakita ni Jesus ang isang positibong pangmalas sa kaniyang mga alagad sa isa pang mahalagang paraan. Ipinaalam niya sa kanila na siya’y may tiwala sa kanila. Ito’y maliwanag na mahahalata sa nakapagpapatibay na mga salita na sinabi niya sa kaniyang mga apostol noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa. Pansinin ang nangyari.
17 Punung-puno ng gawain ang gabing iyon para kay Jesus. Nagbigay siya sa kaniyang mga alagad ng isang praktikal na halimbawa ng kapakumbabaan sa pamamagitan ng paghuhugas sa kanilang mga paa. Pagkatapos, pinasimulan niya ang hapunan na magiging isang memoryal ng kaniyang kamatayan. Nang magkagayon, muli na namang nagkainitan sa pagtatalo ang mga apostol hinggil sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila. Palibhasa’y mapagpasensiya, hindi sila kinagalitan ni Jesus kundi nakipagkatuwiranan siya sa kanila. Sinabi niya sa kanila ang mangyayari: “Lahat kayo ay matitisod may kaugnayan sa akin sa gabing ito, sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay mangangalat.’ ” (Mateo 26:31; Zacarias 13:7) Batid niyang pababayaan siya ng matatalik niyang kasama sa oras ng kaniyang pangangailangan. Gayunman, hindi pa rin niya sila hinatulan. Sa kabaligtaran, sinabi pa nga niya sa kanila: “Subalit pagkatapos na maibangon ako, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” (Mateo 26:32) Oo, tiniyak niya sa kanila na bagaman pababayaan nila siya, hindi niya sila pababayaan. Pagkatapos ng matinding pagsubok na ito, muli siyang makikipagkita sa kanila.
18. Sa Galilea, anong mabigat na atas ang ipinagkatiwala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at paano ito isinakatuparan ng mga apostol?
18 Tinupad ni Jesus ang kaniyang salita. Nang maglaon, sa Galilea, nagpakita ang binuhay-muling si Jesus sa 11 tapat na apostol, na maliwanag na nagkakatipon kasama ng marami pang iba. (Mateo 28:16, 17; 1 Corinto 15:6) Doon, ibinigay ni Jesus sa kanila ang isang mabigat na atas: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Ang aklat ng Mga Gawa ay nagbibigay sa atin ng maliwanag na katibayan na isinakatuparan ng mga apostol ang atas na iyon. Buong-katapatan nilang pinangunahan ang pangangaral ng mabuting balita noong unang siglo.—Gawa 2:41, 42; 4:33; 5:27-32.
19. Hinggil sa pag-iisip ni Kristo, ano ang itinuturo sa atin ng mga ikinilos ni Jesus matapos siyang buhaying-muli?
19 Ano ang itinuturo ng pagsisiwalat na ito hinggil sa pag-iisip ni Kristo? Nakita ni Jesus ang pinakamatinding kapintasan ng kaniyang mga apostol, gayunman ay ‘inibig niya sila hanggang sa wakas.’ (Juan 13:1) Sa kabila ng kanilang mga pagkukulang, ipinabatid niya sa kanila na may pananalig siya sa kanila. Pansinin na hindi naman naging mali ang pagtitiwala ni Jesus. Ang pagtitiwala at pananalig na ipinahayag niya sa kanila ay tiyak na nagpalakas sa kanila na ipasiya sa kanilang puso na isagawa ang gawaing ipinag-utos niya sa kanila.
20, 21. Paano natin maipakikita ang isang positibong pangmalas sa ating mga kapananampalataya?
20 Paano natin maipamamalas ang pag-iisip ni Kristo sa bagay na ito? Huwag maging negatibo sa ating mga kapananampalataya. Kung masama ang iyong iniisip, malamang na mahalata iyon sa iyong mga salita at kilos. (Lucas 6:45) Gayunman, sinasabi sa atin ng Bibliya na “pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:7) Ang pag-ibig ay positibo, hindi negatibo. Ito’y nagpapatibay sa halip na nagpapalupaypay. Mas napakikilos ang mga tao dahil sa pag-ibig at pampasigla kaysa sa pananakot. Mapatitibay natin at mapasisigla ang iba sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pagtitiwala sa kanila. (1 Tesalonica 5:11) Kung, tulad ni Kristo, tayo’y may positibong pangmalas sa ating mga kapatid, pakikitunguhan natin sila sa mga paraang nakapagpapatibay sa kanila at napalalabas ang pinakamabuti mula sa kanila.
21 Ang paglilinang at pagpapamalas ng pag-iisip ni Kristo ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa basta pagtulad lamang sa ilang bagay na ginawa ni Jesus. Gaya ng binanggit sa sinundang artikulo, kung talagang nais nating tularan ang kilos ni Jesus, dapat muna nating matutuhang malasin ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas niya. Pinapangyayari ng Ebanghelyo na makita natin ang iba pang aspekto ng kaniyang personalidad, ng kaniyang mga kaisipan at damdamin hinggil sa gawaing iniatas sa kaniya, gaya ng tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Sa dokumento, inilalarawan ng palsipikador ang diumano’y pisikal na hitsura ni Jesus, lakip na ang kulay ng kaniyang buhok, balbas, at mga mata. Ipinaliliwanag ng tagapagsalin ng Bibliya na si Edgar J. Goodspeed na ang panghuhuwad na ito ay “sinadya bilang karagdagang suporta sa karaniwang paglalarawan na nasa mga manwal ng pintor hinggil sa personal na hitsura ni Jesus.”
b Lumilitaw na iba’t iba ang edad ng mga bata. Ang salita rito na isinaling “maliliit na bata” ay ginamit din sa 12-taóng-gulang na anak na babae ni Jairo. (Marcos 5:39, 42; 10:13) Gayunman, sa kahawig na salaysay, ginamit ni Lucas ang isang salita na ginagamit din sa mga sanggol.—Lucas 1:41; 2:12; 18:15.
c Tingnan ang artikulong “Iginagalang Mo ba ang Kanilang Dignidad?” sa Abril 1, 1998, isyu ng Ang Bantayan.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang naging reaksiyon ni Jesus nang tangkain ng kaniyang mga alagad na pigilin ang mga bata sa paglapit sa kaniya?
• Sa anong mga paraan ipinakita ni Jesus ang konsiderasyon sa iba?
• Paano natin matutularan ang pagiging handa ni Jesus na magtiwala sa kaniyang mga alagad?
• Paano natin matutularan ang pagtitiwalang ipinahayag ni Jesus sa kaniyang mga apostol?
[Larawan sa pahina 16]
Naging palagay ang loob ng mga bata sa piling ni Jesus
[Larawan sa pahina 17]
Madamaying pinakitunguhan ni Jesus ang iba
[Larawan sa pahina 18]
Isang pagpapala ang madaling-lapitang matatanda