KABANATA 44
Pinatigil ni Jesus ang Isang Bagyo
MATEO 8:18, 23-27 MARCOS 4:35-41 LUCAS 8:22-25
PINATIGIL NI JESUS ANG ISANG BAGYO SA LAWA NG GALILEA
Nakakapagod ang maghapon ni Jesus. Kinagabihan, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo,” ang kabila ng Capernaum.—Marcos 4:35.
Nasa gawing silangan ng baybayin ng Lawa ng Galilea ang lupain ng mga Geraseno, na bahagi ng rehiyon na tinatawag na Decapolis. Ang mga lunsod sa Decapolis ay sentro ng kulturang Griego, pero marami ring Judio roon.
May mga nakakita sa pag-alis ni Jesus sa Capernaum. May kasabay silang ibang bangka na patawid din sa lawa. (Marcos 4:36) Hindi naman ito kalayuan. Ang Lawa ng Galilea ay isang malaking lawa na tubig-tabang; mga 21 kilometro ang haba at mga 12 kilometro ang pinakamalapad na bahagi. Pero malalim ito.
Perpekto si Jesus, pero dahil sa abalang ministeryo niya, natural lang na mapagod siya. Kaya nang maglayag sila, nagpunta siya sa likuran ng bangka, humiga sa unan, at nakatulog.
Bihasa sa paglalayag ang ilang apostol, pero hindi magiging madali ang paglalakbay nila. May mga bundok sa paligid ng Lawa ng Galilea, at ang temperatura sa ibabaw ng lawa ay mainit-init. May mga pagkakataong nagsasalubong ang malamig na hangin mula sa bundok at ang mainit-init na tubig, na lumilikha ng malalakas na bagyo sa lawa. Iyan ang nangyayari ngayon. Mayamaya lang, hinahampas na ng alon ang bangka at “pinapasok ng tubig ang kanilang bangka at malapit nang lumubog.” (Lucas 8:23) Pero tulog pa rin si Jesus!
Agad na kumilos ang mga alagad at ginamit ang karanasan nila sa paglalayag kapag may bagyo. Pero ibang-iba ang pagkakataong ito. Dahil takót mamatay, ginising nila si Jesus at sinabi: “Panginoon, iligtas mo kami, mamamatay na kami!” (Mateo 8:25) Natatakot ang mga alagad na baka malunod sila!
Pagkagising ni Jesus, sinabi niya sa mga apostol: “Bakit takot na takot kayo? Bakit ang liit ng pananampalataya ninyo?” (Mateo 8:26) Pagkatapos, inutusan ni Jesus ang hangin at ang lawa: “Tigil! Tumahimik ka!” (Marcos 4:39) Tumigil ang nagngangalit na hangin at kumalma ang tubig. (Sa mga ulat nina Marcos at Lucas, sinabi muna nila na makahimalang pinatigil ni Jesus ang bagyo, at saka binanggit ang kakulangan ng pananampalataya ng mga alagad.)
Gunigunihin ang epekto nito sa mga alagad! Kitang-kita nila nang kumalma ang nagngangalit na bagyo. Nabalot sila ng takot. Sinabi nila sa isa’t isa: “Sino ba talaga siya? Kahit ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kaniya.” Kaya nakarating sila nang ligtas sa kabilang ibayo. (Marcos 4:41–5:1) Malamang na nakabalik din sa kanlurang baybayin ang iba pang bangka.
Yamang may kapangyarihan ang Anak ng Diyos sa mga elemento ng kalikasan, hindi na tayo mangangamba! Kapag ibinaling na niya ang kaniyang atensiyon sa lupa sa panahon ng pamamahala ng Kaharian, magiging tiwasay ang buhay ng lahat dahil wala nang nakakatakot na kalamidad!