Ang mga Sakuna Ba ay “Gawa ng Diyos”?
KAPAG niyanig ng isang lindol ang lupa na tinutuntungan ng kanilang paa, ang ilang sinaunang tao ay naniniwala na isang nilikha sa ilalim ng lupa ang gumalaw. Inaakala rin ng marami na ang kulog, kidlat, at mga bagyo ay katibayan ng mga labanan sa gitna ng kanilang mga diyos.
Upang maiwasan ang sakuna, isinasagawa ng gayong mga tao ang mga relihiyon na inaasahan nilang papayapa sa mga diyos na iyon. “Sa kalakhang bahagi ng kasaysayan,” sabi ng aklat na Disaster! When Nature Strikes Back, “sinikap ng tao na ipaliwanag ang likas na malaking mga sakuna na dinanas niya . . . sa pamamagitan ng alamat, mitolohiya, at relihiyon.”
Sa mga bansang nagsasalita ng Ingles ngayon ang pariralang “act of God” (gawa ng Diyos) ay karaniwang ginagamit sa isang legal na diwa. Gayunman, isang dalubhasa sa batas noong ika-19 na siglo ay nagpaliwanag: “Kailanman ay hindi pa ako nagkaroon ng anumang alinlangan na ang pariralang ito ay hindi nangangahulugan na gawa ng Diyos sa diwa ng salita sa Bibliya . . . Ito’y nangangahulugan ng isang pambihirang pangyayari na hindi maaaring hulaan, at na hindi maaaring iwasan.”
Tunay na mga Gawa ng Diyos
Upang linawin ang kalituhan tungkol sa kahulugan ng pariralang “gawa ng Diyos,” dapat muna nating maunawaan ang mga pamantayan, o mga kalagayan, na dapat matugunan ng isang pangyayari upang ito’y matawag na isang tunay na gawa ng Diyos.
Maliwanag na sinasabi sa atin ng Bibliya na ang Diyos ay Makapangyarihan-sa-lahat. (Exodo 6:3) Subalit sinasabi rin nito: “Ang kaniyang gawa ay sakdal, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya.”—Deuteronomio 32:4.
Nakikilala na si Jehova ay makatarungan, matuwid, at hindi pabagu-bago ay tumutulong na maglagay ng mga pamantayan na magpapangyari sa atin na matiyak kung kailan ang isang malaking sakuna ay tunay na isang gawa ng Diyos. Ang ilang pangunahing mga salik ay: (1) Ito ay laging kasuwato ng layunin ng Diyos; (2) ang Diyos ay nagbibigay ng patiunang babala bago kumilos; (3) siya ay nagbibigay ng mga tagubilin sa mga masunurin para sa kaligtasan.
Taglay ito sa isipan, isaalang-alang ang dalawang mga pagkakataon nang ang Diyos ay kumilos upang magdala ng isang sakuna. Ang isa ay noong panahon ni Noe, mahigit na 4,300 taon na ang nakalipas.
Isang Tunay na Gawa ng Diyos
Ano ang mga kalagayan sa lupa noong kaarawan ni Noe? “Ang kasamaan ng tao ay lubhang laganap sa ibabaw ng lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay pawang kasamaan na lamang palagi. At sumamâ ang lupa sa harap ng tunay na Diyos at ang lupa ay napunô ng karahasan.”—Genesis 6:5, 11.
Kaya, ipinasiya ng Diyos na alisin ang mga taong balakyot sa lupa sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang pangglobong sakuna. Ang Maylikha, bilang “May-ari” ng planeta, ay lubusang binigyang-matuwid sa paggawa ng gayon dahilan sa kasamaan ng tao.
Gayunman, napansin ng Diyos ang pambihirang integridad ni Noe at ng kaniyang pamilya. Pinangakuan niya sila ng kaligtasan sa dumarating na malaking sakuna kung susundin nila ang kaniyang mga tagubilin. (Genesis 6:13-21) Sumang-ayon ba si Noe at ang kaniyang pamilya sa kaayusang ito? Ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi: “At ganoon nga ang ginawa ni Noe ayon sa lahat ng iniutos sa kaniya ng Diyos. Ganoong-ganoon ang ginawa niya.”—Genesis 6:22.
Sulit ba ang pagsunod ni Noe? Oo, sapagkat sinabi ni apostol Pedro na ang Diyos “ay iningatan si Noe, na mangangaral ng katuwiran, na ligtas kasama ng pito pa nang gunawin niya ang isang sanlibutan ng mga taong masasama.” (2 Pedro 2:5) Oo, ang Diyos ay nagmamalasakit sa kaniyang mga lingkod, nakikipagtalastasan sa kanila, at tinitiyak na sila ay maiingatang ligtas kapag siya ay kumilos. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay kung ang kaniyang lihim ay hindi pa niya naihahayag sa kaniyang mga lingkod na propeta.”—Amos 3:7.
Isa Pang Gawa ng Diyos
Ang isa pang gawa ng Diyos ay naganap mga ilang siglo pagkaraan ng Baha. Ang mga lunsod ng Sodoma at Gomora ay dumanas ng pagkapuksa mula sa Diyos dahilan sa kanilang malubhang imoralidad. Wala kahit na sampung matuwid na tao ang masumpungan doon, tatlo lamang—si Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae.
Ano ang saloobin ng mga tao sa mga lunsod na iyon? Bilang halimbawa, pansinin ang reaksiyon ng mga lalaki na mapapangasawa ng mga anak na babae ni Lot nang sila ay sabihan na lumabas ng lunsod sapagkat napipinto ang pagkapuksa nito mula sa Diyos: “Sa paningin ng kaniyang mga mamanugangin waring siya ay isang tao na nagbibiro.”—Genesis 19:14.
Maaga rito, nang ang mga sugo ng Diyos ay tumuloy kina Lot, “pinaligiran [ng mga lalaki sa Sodoma] ang bahay, mula sa mga bata hanggang sa mga matanda, ng buong bayan sa buong palibot.” Bakit? Patuloy nilang tinawagan si Lot: “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo ng gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang sipingan namin sila.” Nais nilang isagawa ang kanilang lisyang mga gawang homoseksuwal sa mga ahente ng Diyos! Kaya, dahilan sa gayong imoralidad, nilipol ng Diyos ang mga lunsod na iyon.—Genesis 19:4, 5, 23-25.
Na iyan ay isa pang gawa ng Diyos ay nililiwanag: “Sa paglipol sa mga lunsod ng Sodoma at Gomora ay pinarusahan sila [ng Diyos], upang maging halimbawa ng mga bagay na darating sa masasama; at kaniyang iniligtas ang matuwid na si Lot, na lubhang nahahapis sa malabis na kalibugan ng mga taong liko.”—2 Pedro 2:6, 7; Judas 7.
Mga Sakuna na Hindi “Gawa ng Diyos”
Ang masusing pagsusuri sa malaking mga sakuna na tinatawag ng iba na “gawa ng Diyos” ay nagsisiwalat na, sa katunayan, ang marami ay gawang-tao. Mangyari pa, ang iba ay resulta ng likas na mga puwersa na gaya ng mga lindol at mga bagyo.
Bagaman hinuhula ng Bibliya ang maraming gawang-tao at likas na mga sakuna bilang bahagi ng mapagkikilanlang palatandaan ng “mga huling araw” na ito, wala tayong masusumpungan saanman sa Bibliya na mga instruksiyon o tagubilin na gumagarantiya ng imyunidad sa mga ito ngayon. (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:3-12) Bakit wala? Sapagkat ang gayong mga bagay ay hindi mga gawa ng Diyos. Gayunman, ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos kung bakit ang mabuti at ang masasama ay kapuwa dumaranas nito.
Nang suwayin ng unang mga tao ang maliwanag ang pagkakapahayag na mga instruksiyon ng Diyos, inanyayahan nila ang sakuna. “Walang pagsalang mamamatay ka,” babala ng Diyos. (Genesis 2:17) Ipinakikita ni apostol Pablo kung gaano kalawak ang mga epekto ng kanilang pagkilos sa pagsasabing: “Sa pamamagitan ng isang tao . . . lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao.”—Roma 5:12.
Subalit higit pa ang nasasangkot. Ang pagsuway ng unang mag-asawa ay nangangahulugan ng pagtanggi sa patnubay at pangangalaga ng Diyos. Ayaw na nilang ang Diyos ang maging Tagapamahala nila at ng kanilang tahanan, ang planetang Lupa. Sa pagtanggi sa pangangasiwa ng Diyos, naiwala rin nila ang kaniyang proteksiyon mula sa mga sakuna.
Ano ang kahulugan ng lahat ng ito sa atin? Nangangahulugan ito na ang “panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay dumarating sa ating lahat. Nangangahulugan ito na hindi natin maaaring malaman kung ano ang mangyayari na maaaring gumawa sa atin na mga biktima ng di-inaasahan. Gaya ng mga isda na nahuhuli sa lambat o mga ibon na nahuhuli sa bitag, gayundin, “ang mga anak ng tao ay nasisilo sa masamang kapanahunan,” gaya halimbawa, “pagka [ang kamatayan] ay biglang nahuhulog sa kanila.”—Eclesiastes 9:11, 12.
Kaya bagaman maaaring ituring ng mga hukuman ang likas na malaking mga sakuna na “gawa ng Diyos” sa legal na diwa, sa katunayan ang mga ito ay tiyak na hindi mga gawa ng Diyos.
Isa Pang Gawa ng Diyos ang Nalalapit
Inilalarawan ang wakas ng kasalukuyang sistema ng mga huling araw na kinabubuhayan natin sapol nang taóng 1914, si Jesus ay nagbabala: “Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan . . . , oo, ni mangyayari pa man kailanman.” (Mateo 24:21) Wawakasan ng pangyayaring iyan ang kasalukuyang di-matuwid na sistema ng mga bagay. Ang sukdulan nito ay “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”—ang Armagedon. Iyan nga ay magiging isang malaking kapahamakan para sa lahat na nananatiling “bahagi ng sanlibutan.”—Apocalipsis 16:14, 16; Juan 17:14; 2 Pedro 3:3-13.
Magiging anong uri ng paghatol ito? Ito ay magiging mapamili, aalisin lamang “yaong [pinipiling] hindi kumilala sa Diyos at sa mga ayaw sumunod sa mabuting balita hinggil sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:8-10) Subalit hindi ito magiging isang sakuna para sa mga nakikinig sa babala at mga tagubilin ng Diyos, gaya ng ginawa ni Noe at ng kaniyang pamilya. Ang pangyayaring ito ay tiyak na magiging isang gawa ng Diyos, yamang iingatan niya ang kaniyang mga lingkod. Iyan ang gumagawa rito na kakaiba sa ibang mga sakuna, na sumasawi kapuwa sa mga mabuti at mga masama.—Tingnan ang Isaias 28:21.
Paano tayo makatitiyak na ang dumarating na “malaking kapighatian” ay isang gawa ng Diyos? Makatitiyak tayo sapagkat natutugunan nito ang mga pamantayan:
(1) Ito’y kasuwato ng ipinahayag na layunin ng Diyos: Ang layuning iyan ay wakasan ang kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay.—Jeremias 25:31-33; Zefanias 3:8; Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21.
(2) Patiunang Pagbibigay ng Babala: Sa loob halos ng pitumpong taon ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagbigay ng malinaw na babala tungkol sa wakas ng sistemang ito, at ipinangaral nila ang mabuting balita ng dumarating na Kaharian ng Diyos. Ang kanilang gawain ay lumawak hanggang sa ngayon ay mayroon nang mahigit tatlong milyong mga Saksi sa buong lupa. (Mateo 24:14; Gawa 20:20) Hinihimok namin kayo na tanungin sila tungkol sa kanilang mensahe sa susunod na pagkakataong dumalaw sila sa inyong tahanan. Huwag tumulad sa mga tao noong kaarawan ni Noe na, gaya ng sinabi ni Jesus, “hindi nagbigay-pansin” at nalipol sa Baha.—Mateo 24:37-39.
(3) Mga Tagubilin para sa Kaligtasan: Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ikaw ay matakot sa Diyos at sundin mo ang kaniyang mga utos.” (Eclesiastes 12:13) Ang susi sa kaligtasan ay ang pag-alam kung ano ang mga tagubilin ng Diyos at saka sundin ang mga ito. Maliwanag ang sabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang mga Saksi ni Jehova ay magagalak na ipakita sa iyo kung ano ang mga tagubilin ng Diyos.
Ang Salita ng Diyos ay nangangako rin: “Umasa ka kay Jehova at sundin mo ang kaniyang daan . . . Pagka nilipol na ang mga balakyot, makikita mo iyon.” (Awit 37:34) Maipakikita mo na ito ang iyong pag-asa sa pamamagitan ng pakikinig sa mga tagubilin ni Jehova ngayon at pagsunod dito. Iyan ang magpapakilala sa iyo sa harap ng Diyos at ng tao bilang isa na nagsisikap gawin ang Kaniyang kalooban at sa gayo’y mapahanay sa kaligtasan. “Ang sanlibutan ay lumilipas . . . , datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:15-17; Mateo 28:19, 20.
Ang mga pag-asa sa hinaharap ay tunay na nakapagpapatibay-loob para doon sa mga nag-aaral tungkol sa dumarating na pagkilos ng Diyos at gumagawa ng kinakailangang mga hakbang ukol sa kaligtasan, yamang sila ay dadalhin sa isang bagong panahon sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:9, 10) Subalit sa bagong sistemang iyon, ano ang gagawin upang ingatan ang mga tao mula sa gawang-tao o likas na mga sakuna?
Makalangit na Paghadlang sa Sakuna
Kapag ang Kaharian ng Diyos ay ganap nang nangangasiwa, iyon ay magiging isang panahon ng kapayapaan at muling pagsasauli! Ang mga pakinabang ng pagpapasakop sa pamamahala ng iniluklok ng Diyos na makalangit na Hari, si Jesu-Kristo, ay kahanga-hangang bulaybulayin.
Isaalang-alang kung ano ang ginawa ni Jesus nang siya ay narito pa sa lupa na nagpapakita kung ano ang gagawin niya sa pamamahala ng kaniyang Kaharian: Pinagaling niya ang mga maysakit, ang mga pilay, nakakita ang mga bulag, nakarinig ang mga bingi, nagsalita ang mga pipi, at binuhay pa nga ang mga patay!—Mateo 15:30, 31; Lucas 7:11-17.
Iyan ang dahilan kung bakit tinitiyak sa atin ng Bibliya na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:4.
Inilalarawan ng mga ginawa ni Jesus sa lupa ang tulong na ibibigay niya sa kaniyang mga sakop sa dumarating na bagong sistema. At kumusta naman ang pag-ingat o proteksiyon mula sa likas na mga sakuna? Alalahanin na noong minsan hinadlangan ni Jesus ang isang sakuna sa pamamagitan ng pagpapatahimik sa isang malakas na bagyo. Ang kaniyang mga alagad ay nasindak at nagsabi sa isa’t isa: “Sino nga ito, na pati ang hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?” (Marcos 4:37-41) Kaya, taglay ang ganap na pagsupil sa mga elemento, titiyakin ng makapangyarihang makalangit na Hari ng bagong sistema na hindi na muling pipinsalain pa ng likas na mga sakuna ang tao.
Anumang pinsala ang nagawa na ng gawang-tao o likas na mga sakuna sa ating planeta at sa ecosystems nito, tiyak na malulunasan ito ng Kaharian ng Diyos. Ang pangako ng Bibliya ay: “Ang ilang at ang disyerto ay sasaya sa mga araw na iyon; ang disyerto ay mamumulaklak. Oo, magkakaroon ng saganang mga bulaklak at awitan at kagalakan! . . . Mula sa ilang ay bubukal ang tubig, at mga batis ay dadaloy sa disyerto.”—Isaias 35:1-7, The Living Bible.
Isang magkakatulad na programang pang-edukasyon ay magtuturo sa lahat sa bagong sistema na magtrabahong mahusay at pangalagaan ang kanilang mga kapuwa-tao, gayundin ang lupa. “Matututo ng katuwiran ang mga nananahan sa mabungang lupain.” (Isaias 26:9) Taglay ang pambuong-lupang edukasyon na iyon mula sa Diyos, ang sangkatauhan ay dadalhin sa mental at pisikal na kasakdalan, maglalaho ang mga pagkakamali na dala ng di-kasakdalan. Hindi na aakayin ng mapag-imbot na mga interes ang mga tao na gumawa ng mga ilang shortcut sa mga pamamaraan ng trabaho na maaaring humantong sa mga aksidente.
Sa ngayon, ang gawang-tao at likas na mga sakuna ay nakakaapekto sa ating lahat. Subalit ang sakuna na dapat nating pagkaabalahan nang higit, ang “malaking kapighatian,” ay gawa ng Diyos na magwawakas sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Ang gawang iyan ng Diyos ay magbubukas-daan sa isang bagong panahon ng katuwiran para doon sa mga hindi pinalalampas sa kanila ang katotohanan sa panahong ito. Para sa kanila tiyak na patutunayan nito na “ang tunay na Diyos sa amin ay isang Diyos ng mga kaligtasan.” (Awit 68:20) Kaya yaong mga nagpapakita ng maka-Diyos na karunungan ngayon ay papasok sa isang bagong sistema kung saan sila ay “tatahang tiwasay at tatahimik na walang takot sa kasakunaan.”—Kawikaan 1:33.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Salik na Nagpapakilala sa Gawa ng Diyos:
(1) Ito ay laging kasuwato ng layunin ng Diyos.
(2) Ang Diyos ay nagbibigay ng patiunang babala bago siya kumilos.
(3) Siya ay nagbibigay ng malinaw na mga tagubilin para sa kaligtasan.
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagkapuksa ng Sodoma at Gomora ay isa pang gawa ng Diyos
[Larawan sa pahina 9]
Ipinakita ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan sa likas na mga puwersa sa pagpapatahimik sa isang mapanganib na bagyo