KABANATA 45
Mas Makapangyarihan Kaysa sa mga Demonyo
MATEO 8:28-34 MARCOS 5:1-20 LUCAS 8:26-39
PINALAYAS ANG MGA DEMONYO AT PINALIPAT SA MGA BABOY
Matapos ang nakakatakot na pakikipagbuno sa bagyo, nakatawid sa kabilang pampang ang mga alagad. Pero natigilan sila sa sumalubong sa kanila. Dalawang mabangis na lalaki, na inaalihan ng demonyo, ang lumabas sa sementeryo at tumakbo palapít kay Jesus! Mas kapansin-pansin ang isa sa dalawang lalaki dahil mas marahas ito at mas matagal nang inaalihan ng mga demonyo.
Gumagala-galang nakahubad ang taong ito. Araw at gabi, “sumisigaw siya sa mga libingan at sa mga bundok at hinihiwa ang sarili niya ng mga bato.” (Marcos 5:5) Napakabangis niya kaya takót dumaan doon ang mga tao. May mga sumubok na gapusin siya, pero nakakalas niya ang kadena at ang pangaw sa mga paa niya. Walang makapigil sa kaniya.
Paglapit ng lalaki kay Jesus, sumubsob ito sa paanan niya at pinasigaw ng mga demonyo ang lalaki: “Bakit nandito ka, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Sumumpa ka sa Diyos na hindi mo ako pahihirapan.” Para ipakitang mas makapangyarihan siya kaysa sa mga demonyo, nag-utos si Jesus: “Masamang espiritu, lumabas ka mula sa taong iyan.”—Marcos 5:7, 8.
Ang totoo, maraming demonyo ang sumanib sa lalaki. Nang magtanong si Jesus, “Ano ang pangalan mo?” ang sagot nito ay: “Ang pangalan ko ay Hukbo, dahil marami kami.” (Marcos 5:9) Ang isang hukbong Romano ay binubuo ng libo-libong sundalo; kaya napakaraming demonyo ang sumanib sa lalaki at tuwang-tuwa ang mga ito sa paghihirap niya. Nagmakaawa sila kay Jesus na “huwag silang utusang pumunta sa kalaliman.” Lumilitaw na alam nila ang kahihinatnan nila at ng kanilang lider, si Satanas.—Lucas 8:31.
May mga 2,000 baboy na nanginginain sa malapit. Ang hayop na ito ay marumi ayon sa Kautusan at hindi dapat mag-alaga nito ang mga Judio. Sinabi ng mga demonyo: “Payagan mo kaming pumasok sa mga baboy.” (Marcos 5:12) Pumayag si Jesus, at pumasok sila sa mga baboy. Lahat ng 2,000 baboy ay nagtakbuhan sa bangin at nahulog sa lawa.
Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng baboy, dali-dali nilang ibinalita sa lunsod at sa mga nayon ang nangyari. Dumating ang mga tao para mag-usyoso at nakita nila ang lalaking dating inaalihan; magaling na ito at normal ang pag-iisip. Aba, nakadamit na siya at nakaupo sa may paanan ni Jesus!
Ang mga taong nakabalita nito o nakakita sa lalaki ay natakot, yamang hindi nila alam ang magiging kahulugan nito para sa kanila, kaya pinapaalis nila si Jesus. Pagsakay ni Jesus sa bangka, nagmakaawa ang lalaking dating inaalihan ng demonyo na isama nila siya. Pero sinabi ni Jesus: “Umuwi ka sa pamilya mo at mga kamag-anak, at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo at ang awa na ipinakita niya sa iyo.”—Marcos 5:19.
Karaniwan nang sinasabihan ni Jesus ang mga pinagagaling niya na huwag ipagsabi ang nangyari dahil ayaw niyang maniwala sa kaniya ang mga tao batay lang sa mga kuwento. Pero sa kasong ito, ang lalaking dating inaalihan ng demonyo ay buháy na patotoo ng kapangyarihan ni Jesus at makapagpapatotoo ang lalaki sa mga taong baka hindi na mapuntahan ni Jesus. At mapapawi ng testimonya ng lalaki ang anumang negatibong ulat tungkol sa pagkamatay ng mga baboy. Kaya yumaon ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kaniya ni Jesus.