GABI
Tinawag ng Diyos na Jehova bilang “Gabi” ang yugto ng kadiliman na mula sa paglubog ng araw hanggang sa pagsikat ng araw. (Gen 1:5, 14) Sa pagitan ng paglubog ng araw at ng aktuwal na kadiliman ng gabi ay may isang maikling yugto ng takipsilim kung kailan nagsisimulang makita ang mga bituin. Tinatawag ng mga Hebreo ang panahong ito bilang neʹsheph at maliwanag na ito ang panahong tinutukoy ng pananalitang “sa pagitan ng dalawang gabi” na matatagpuan sa Exodo 12:6. (Kaw 7:9) Sa katulad na paraan, sa pagtatapos ng kadiliman ng gabi ay mayroon namang pagbubukang-liwayway, at tinutukoy ito sa pamamagitan ng gayunding salitang Hebreo. Kaya naman, sinasabi ng manunulat sa Awit 119:147: “Nakabangon na ako nang maaga sa pagbubukang-liwayway.”
Paghahati-hating Hebreo. Hinati-hati ng mga Hebreo ang gabi sa mga pagbabantay. “Kapag naaalaala kita sa aking higaan, sa mga pagbabantay sa gabi ay binubulay-bulay kita.” (Aw 63:6) Yamang ang Hukom 7:19 ay may binabanggit na isang “panggitnang pagbabantay sa gabi,” waring lumilitaw na noong sinaunang mga panahon ay may tatlong pagbabantay. Lumilitaw rin na ang saklaw ng bawat pagbabantay ay isang katlo ng mga oras sa pagitan ng paglubog ng araw at ng pagsikat ng araw, o mga apat na oras bawat pagbabantay, depende sa kung anong panahon iyon ng taon. Sa gayon, ang unang pagbabantay ay magsisimula ng mga 6:00 n.g. hanggang 10:00 n.g. Ang “panggitnang pagbabantay sa gabi” ay magsisimula naman ng mga 10:00 n.g. at aabot nang hanggang mga 2:00 n.u. Nagsilbi itong isang estratehikong panahon para kay Gideon upang isagawa ang biglaan niyang pagsalakay sa kampo ng mga Midianita. Ang ikatlong pagbabantay ay tinatawag na “pagbabantay sa umaga,” anupat tumatagal nang mula mga 2:00 n.u. hanggang sa pagsikat ng araw. Sa panahong ito ng pagbabantay sa umaga pinangyari ni Jehova na magsimulang dumanas ng matitinding kahirapan ang humahabol na mga hukbong Ehipsiyo noong tangkain nilang tumawid sa Dagat na Pula.—Exo 14:24-28; tingnan din ang 1Sa 11:11.
Paghahati-hating Romano. Noong panahong mapasailalim sila sa kontrol ng Roma o bago pa nito, sinusunod na ng mga Judio ang kaugalian ng mga Griego at ng mga Romano na apat na pagbabantay sa gabi. Maliwanag na ang apat na pagkakahati-hating ito ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya: “Kaya nga patuloy kayong magbantay, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa pagabi na o sa hatinggabi o sa pagtilaok ng manok o maaga sa kinaumagahan.” (Mar 13:35) Ang pagbabantay na “pagabi na” ay nagsisimula sa paglubog ng araw hanggang mga 9:00 n.g. Ang ikalawang pagbabantay, na tinatawag na “hatinggabi,” ay nagsisimula naman ng mga 9:00 n.g. at natatapos sa hatinggabi. (Luc 12:38) Ang “pagtilaok ng manok” ay sumasaklaw naman mula hatinggabi hanggang mga 3:00 n.u. Malamang na sa panahong ito naganap ang mga pagtilaok ng manok na binabanggit sa Marcos 14:30. (Tingnan ang PAGTILAOK NG MANOK.) Bilang panghuli, mula naman 3:00 n.u. hanggang sa pagsikat ng araw ay ang ikaapat na pagbabantay, “maaga sa kinaumagahan.”—Mat 14:25; Mar 6:48.
Noong isang pagkakataon, may binanggit na isang espesipikong oras na bahagi ng 12 oras na bumubuo sa isang buong gabi. Sinasabi sa atin ng Gawa 23:23 na sa “ikatlong oras ng gabi,” o mga 9:00 n.g., inutusan ng kumandante ng militar ang mga hukbo na dalhin si Pablo mula sa Jerusalem patungo sa Cesarea.
Bagaman ang umpisa ng isang bagong araw para sa mga Judio ay sa paglubog ng araw, ayon sa kaugaliang Romano, hatinggabi ang itinakdang oras para wakasan at umpisahan ang isang araw. Sa pamamagitan nito ay naiiwasan ang suliraning idinudulot ng paghaba at pag-ikli ng mga oras ng liwanag dahil sa mga kapanahunan (gaya ng nangyayari kapag nagsisimula sa paglubog ng araw ang isang araw) at sa lahat ng panahon ng taon ay nagagawa rin nilang hatiin ang araw sa dalawang yugto na parehong tig-12 oras. Ito ang kaugalian sa karamihan ng mga bansa sa ngayon.
Makasagisag na Paggamit. Sa Bibliya, ang salitang “gabi” ay ginagamit kung minsan sa makasagisag o simbolikong diwa. Sa Juan 9:4, si Jesus ay may binabanggit na ‘gabi na dumarating kung kailan wala nang taong makagagawa.’ Dito, ang tinutukoy ni Jesus ay ang panahon na siya ay hahatulan, ibabayubay, at mamamatay, kung kailan hindi siya makagagawa ng mga gawa ng kaniyang ama.—Tingnan ang Ec 9:10; Job 10:21, 22.
Sa Roma 13:11, 12, “ang gabi” ay maliwanag na tumutukoy sa isang yugto ng kadiliman na idinulot ng Kalaban ng Diyos, na nakatakdang wakasan ni Kristo Jesus at ng kaniyang paghahari. (Tingnan ang Efe 6:12, 13; Col 1:13, 14.) Sa 1 Tesalonica 5:1-11, ang mga lingkod ng Diyos na naliwanagan na ng kaniyang katotohanan ay inihahambing sa mga tao sa sanlibutan na hindi pa naliliwanagan. Ipinamamalas ng kanilang paraan ng pamumuhay na sila ay “mga anak ng liwanag at mga anak ng araw. Hindi [sila] nauukol sa gabi ni sa kadiliman man.” (Tingnan ang Ju 8:12; 12:36, 46; 1Pe 2:9; 2Co 6:14.) Masusumpungan din sa Mikas 3:6 ang ganitong pagkakagamit, kung saan sinasabi ng propeta sa mga tumatanggi sa patnubay ng Diyos: “Kaya magkakaroon kayo ng gabi, anupat hindi magkakaroon ng pangitain; at magkakaroon kayo ng kadiliman, upang hindi makapanghula. At lulubugan ng araw ang mga propeta, at ang araw ay magdidilim sa kanila.”—Ihambing ang Ju 3:19-21.
Ginagamit din ang gabi upang lumarawan, sa pangkalahatan, sa panahon ng kapighatian, yamang sa karimlan at kadiliman ng gabi gumagala-gala ang mababangis na hayop, naglulunsad ng biglaang mga pagsalakay ang mga hukbo, nanloloob ang mga magnanakaw, at isinasagawa ang iba pang masasamang gawa. (Aw 91:5, 6; 104:20, 21; Isa 21:4, 8, 9; Dan 5:25-31; Ob 5) Sa ganitong iba’t ibang makasagisag na diwa natin dapat unawain ang teksto sa Apocalipsis 21:2, 25 at 22:5, kung saan tinitiyak sa atin na sa “Bagong Jerusalem” “ang gabi ay mawawala na.”