Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Kung Bakit Naparito si Jesus sa Lupa
NATUTUHAN natin sa nauna ritong labas ng magasing ito na naging totoong magawain si Jesus nang siya’y nasa Capernaum kasama ng kaniyang apat na alagad. Una, pinagaling niya ang taong inalihan ng demonyo na naroon sa sinagoga, at sa bahay ni Pedro ay pinagaling niya ang biyenang babae ni Pedro, at hanggang sa kinagabihan lahat ng kanilang maysakit ay dinadala sa kaniya ng mga taga-Capernaum upang pagalingin niya. Noon ay hindi siya nagkaroon ng panahon para sa pagsasarili.
Ngayon ay umagang-umaga kinabukasan. Samantalang madilim pa, si Jesus ay nagbangon na at lumabas na mag-isa. Siya’y nagtungo sa isang dakong ilang na doo’y makapananalangin siya nang sarilinan sa kaniyang Ama. Ngunit sandali lamang ang pagsasarili ni Jesus sapagkat nang matuklasan ni Pedro at ng mga iba pa na siya’y wala, sila’y naglabasan at hinanap siya.
Nang makita nila si Jesus, sinabi ni Pedro: “Hinahanap ka ng lahat.” Ibig ng mga taga-Capernaum na pumisan sa kanila si Jesus. Kanilang pinasasalamatan ang kaniyang ginawa para sa kanila! Subalit naparito ba si Jesus upang gumawa lamang ng makahimalang mga pagpapagaling? Ano ang sabi niya?
Sang-ayon sa Bibliya, sinagot ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Pumaroon tayo sa ibang dako, sa mga karatig na bayan, upang ako’y makapangaral din doon, sapagkat sa ganitong layunin ako naparito.” Kahit na hinihimok si Jesus ng mga tao na pumisan sa kanila roon, sinabi niya sa kanila: “Dapat din namang pumaroon ako sa mga ibang lunsod upang maipangaral ko ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat dahil dito ako sinugo.”
Oo, naparito si Jesus sa lupa unang-una upang mangaral ng Kaharian ng Diyos na magbabangong puri sa pangalan ng kaniyang Ama at magbibigay ng permanenteng lunas sa lahat ng problema ng tao. Ngunit, upang patunayan na siya’y sinugo ng Diyos, si Jesus ay gumawa ng mga himala ng pagpapagaling. Si Moises man, mga ilang siglo na ang nakaraan, ay gumawa ng mga himala upang patunayan na siya’y lingkod ng Diyos.
Ngayon, nang lisanin ni Jesus ang Capernaum upang mangaral sa mga ibang lunsod, sumama sa kaniya ang kaniyang apat na alagad. Sila’y sina Pedro at ang kaniyang kapatid na si Andres, at si Juan at ang kaniyang kapatid na si Santiago. Maaalaala pa ninyo na, isang linggo lamang ang nakalipas, sila’y inanyayahan ni Jesus na maging kaniyang unang mga kamanggagawa sa paglalakbay.
Ang pangangaral ni Jesus sa Galilea kasama ang kaniyang apat na alagad ay isang malaking tagumpay! Oo, ang kaniyang mga ginawa ay napabalita hanggang sa buong Siria. Ang lubhang karamihan ng tao buhat sa Galilea, Judea, at sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan ay sumunod kay Jesus at sa kaniyang mga alagad. Marcos 1:35-39; Lucas 4:42, 43; Mateo 4:23-25; Exodo 4:1-9, 30, 31.
◆ Ano ang nangyari nang umaga pagkatapos ng maghapong magawaing araw ni Jesus sa Capernaum?
◆ Bakit pinapunta rito sa lupa si Jesus, at ano ang layunin sa paggawa niya ng mga himala?
◆ Sino ang kasama ni Jesus sa kaniyang pangangaral sa Galilea, at ano ang itinugon sa mga ginawa ni Jesus?