PAGHUHUGAS NG MGA KAMAY
Noong sinaunang mga panahon, sa halip na ilubog ang mga kamay sa isang sisidlang punô ng tubig, kadalasa’y hinuhugasan ang mga ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tubig sa mga ito. Pagkatapos, ang maruming tubig ay pinatutulo sa isang sisidlan o palanggana kung saan nakatapat ang mga kamay.—Ihambing ang 2Ha 3:11.
Itinakda ng Kautusan na ang mga saserdote ay maghuhugas ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa sa tansong hugasan na nasa pagitan ng santuwaryo at ng altar bago maglingkod sa may altar o bago pumasok sa tolda ng kapisanan. (Exo 30:18-21) Sinabi rin ng Kautusan na sakaling may matagpuang isang taong pinatay at imposibleng matiyak kung sino ang pumaslang sa kaniya, ang matatandang lalaki ng lunsod na pinakamalapit sa taong pinatay ay kukuha ng isang batang baka, yaong hindi pa kailanman nagagamit na pantrabaho o na hindi pa kailanman nakahahatak ng pamatok, at dadalhin nila iyon sa isang agusang libis na may dumadaloy na tubig at doon ay babaliin nila ang leeg nito. Pagkatapos nito, huhugasan ng matatandang lalaki ang kanilang mga kamay sa ibabaw ng batang baka, anupat ipinahihiwatig nito ang kanilang kawalang-sala sa pagpaslang. (Deu 21:1-8) Gayundin, ayon sa Kautusan, magiging marumi ang isang tao kung hihipuin siya ng isang inaagasan na hindi nakapagbanlaw ng kaniyang mga kamay.—Lev 15:11.
Ninais ni David na magkaroon ng mga kamay na malinis sa moral upang makasamba siya sa harap ng altar ni Jehova. (Aw 26:6) Sa kabilang dako, walang-kabuluhang tinangka ni Pilato na linisin sa kaniyang sarili ang pagkakasala sa dugo may kaugnayan sa kamatayan ni Jesus sa pamamagitan ng paghuhugas ng kaniyang mga kamay sa harap ng taong-bayan. Ngunit sa ganitong paraan ay talagang hindi niya matatakasan ang pananagutan sa kamatayan ni Jesus, yamang siya, hindi ang naghihiyawang mga mang-uumog, ang may awtoridad na magpasiya ng hatol kay Jesus.—Mat 27:24.
Noong unang siglo C.E., itinuring ng mga eskriba at mga Pariseo na ang paghuhugas ng mga kamay ay napakahalaga at nakipagtalo sila kay Jesu-Kristo may kinalaman sa paglabag ng kaniyang mga alagad sa mga tradisyon ng sinaunang mga tao dahil hindi nila hinuhugasan ang kanilang mga kamay bago kumain. Hindi ang pangkaraniwang paghuhugas ng mga kamay para sa kalinisan ang nasasangkot dito kundi isang maseremonyang ritwal. “Ang mga Pariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang maghugas sila ng kanilang mga kamay hanggang sa siko.” (Mar 7:2-5; Mat 15:2) Ang isang taong kumakain na di-nahugasan ang mga kamay ay inihahanay ng Babilonyong Talmud (Sotah 4b) sa isa na sumisiping sa patutot, at sinasabi nito na ang isa na nagwawalang-bahala sa paghuhugas ng mga kamay ay “bubunutin mula sa sanlibutan.”—Tingnan ang PALILIGO, PAGHUHUGAS.