KORBAN
Gaya ng ipinaliliwanag sa Marcos 7:11, ang “korban” ay “isang kaloob na inialay sa Diyos.” Ang salitang Griego na isinalin doon bilang “korban” ay kor·banʹ, na katumbas ng salitang Hebreo na qor·banʹ, nangangahulugang isang handog. Ang qor·banʹ ay ginamit sa Levitico at Mga Bilang, at doon ay tumutukoy ito kapuwa sa mga handog na may dugo at sa mga handog na walang dugo. (Lev 1:2, 3; 2:1; Bil 5:15; 6:14, 21) Ginamit din ang salitang Hebreo na ito sa Ezekiel 20:28 at 40:43. Kaugnay naman ng salitang Griego na kor·banʹ ang kor·ba·nasʹ, na lumilitaw sa Mateo 27:6, kung saan iniulat na sinabi ng mga punong saserdote na hindi kaayon ng kautusan na kunin ang salaping kabayaran ng pagkakanulo ni Hudas, na inihagis nito sa templo, at ihulog ang mga pirasong pilak na ito sa “sagradong ingatang-yaman [isang anyo ng kor·ba·nasʹ],” sapagkat ang mga ito ay “halaga ng dugo.”
Noong panahon ng ministeryo ni Jesu-Kristo dito sa lupa, bumangon ang isang masamang kaugalian may kaugnayan sa mga kaloob na inialay sa Diyos. Hinggil dito, tinuligsa ni Jesus ang mga Pariseo bilang mga mapagpaimbabaw sapagkat inuuna nila ang kanilang sariling tradisyon kaysa sa kautusan ng Diyos. Sa pagkukunwang iniingatan nila para sa Diyos yaong ipinahayag bilang “korban,” kanilang isinaisantabi ang kahilingan ng Diyos na parangalan ng isa ang kaniyang mga magulang. (Mat 15:3-6) May kinalaman sa ari-arian ng isang tao o sa alinmang bahagi niyaon, maaaring basta na lamang sabihin ng taong iyon, ‘Ito’y korban.’ Nang panahong iyon, itinuturo ng mga Pariseo na kapag ipinahayag ng isang tao na ang kaniyang mga pag-aari ay “korban,” o isang kaloob na inialay sa Diyos, hindi niya maaaring gamitin ang mga ito upang tugunan ang mga pangangailangan ng kaniyang mga magulang, kahit nagdarahop pa sila, bagaman kung nanaisin niya, maaari niyang gamitin ang mga pag-aaring iyon habang siya’y nabubuhay. Sa gayon, bagaman inaangkin ng mga Pariseo na pinararangalan nila ang Diyos, ang kanilang mga puso ay hindi kaayon ng kaniyang matuwid na mga kahilingan.—Mar 7:9-13.
Ginamit ng istoryador na si Josephus ang “korban” may kinalaman sa mga tao, sa pagsasabing: “Yaong mga naglalarawan sa kanilang sarili bilang ‘Korban’ sa Diyos—nangangahulugang yaong tinatawag ng mga Griego bilang ‘isang kaloob’—kapag nagnanais na mapalaya sa obligasyong ito ay kailangang magbayad sa mga saserdote ng isang takdang halaga.” (Jewish Antiquities, IV, 73 [iv, 4]) Gayunman, ang terminong “korban” ay mas karaniwang ginagamit may kinalaman sa ari-ariang inialay bilang isang kaloob sa Diyos.