Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Habag sa mga May Kapansanan
PAGKATAPOS na tuligsain ang mga Fariseo dahilan sa kanilang pansariling-kapakanang mga tradisyon, si Jesus ay lumisan kasama ng kaniyang mga alagad. Hindi pa nagtatagal, marahil maaalaala mo, ang kaniyang pagtatangkang umalis sa isang lugar upang makapahinga nang kaunti ay naputol nang sila’y matuklasan ng maraming mga tao. Ngayon, kasama ng kaniyang mga alagad, siya’y yumaon upang magtungo sa mga lugar ng Tiro at Sidon, at sa gawing norte kilu-kilometro ang layo. Maliwanag na ito ang tanging paglalakbay na ginawa ni Jesus nang lampas sa mga hangganan ng Israel at kasama ang kaniyang mga alagad.
Pagkatapos makakita ng isang bahay na matutuluyan, ipinaalam ni Jesus na ayaw niyang malaman ninuman kung saan sila naroroon. Subalit, kahit na sa lugar na ito ng mga di-Israelita, nakatatawag-pansin pa rin siya. Isang babaing Griego, na isinilang dito sa Phoenicia ng Syria, ang nakasumpong sa kaniya at siya’y nagsimulang nakiusap: “Kahabagan mo ako, Panginoon, anak ni David. Ang aking anak na babae ay lubhang pinahihirapan ng isang demonyo.” Gayunman, hindi nagsalita si Jesus gaputok man.
Sa wakas, sinabi ng kaniyang mga alagad kay Jesus: “Paalisin mo siya; sapagkat nagsisisigaw siya sa ating hulihan.”
Bilang pagpapaliwanag sa kaniyang dahilan ng hindi pagpansin sa babae, sinabi ni Jesus: “Hindi ako sinugo kundi sa naliligaw na mga tupa ng sambahayan ng Israel.”
Gayumpaman, hindi rin tumigil ang babae. Siya’y lumapit kay Jesus, naglumuhod sa harap niya at nagmakaawa, “Panginoon, saklolohan mo ako!”
Tiyak na nabagbag ang puso ni Jesus dahilan sa pagmamakaawa ng babaing iyon! Subalit, muli na namang binanggit niya ang kaniyang unang pananagutan, ang maglingkod sa bayan ng Diyos na Israel. Kasabay nito, marahil upang subukin ang kaniyang pananampalataya, kaniyang binanggit ang tungkol sa maling pagkakilala ng mga Judio sa mga tao ng mga ibang bansa, na ang sabi bilang pangangatuwiran: “Hindi matuwid na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon iyon sa maliliit na aso.”
Sa pamamagitan ng kaniyang nahahabag na tono ng boses at ayos ng mukha, tiyak na isiniwalat ni Jesus ang kaniyang sariling malumanay na damdamin sa mga di-Judio. Kaniyang pinalambot pa mandin ang katigasan ng mainsultong paghahambing ng mga Gentil sa mga aso sa pamamagitan ng pagkakapit sa kanila ng taguri na “maliliit na aso,” o tuta. Imbis na magdamdam, sinamantala ng babae ang pagtukoy ni Jesus sa mga maling pagkakilala ng mga Judio at mapakumbabang tumugon: “Opo, Panginoon; pero sa totoo ang maliliit na aso ay nagsisikain ng mumong nahuhulog buhat sa lamesa ng kanilang mga panginoon.”
“Oh, babae, malaki ang iyong pananampalataya,” ang tugon ni Jesus. “Mangyari nawa iyon sa iyo ayon sa ibig mo.” At nangyari nga iyon! Nang ang babae’y bumalik sa kaniyang tahanan, nadatnan niyang ang kaniyang anak na babae ay nakahiga sa kama, magaling na.
Sa mga lugar sa baybayin ng Sidon, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay tumawid patungo sa pinaka-bukal ng Ilog Jordan. Maliwanag na sila’y tumawid sa Jordan sa may gawing itaas ng dagat ng Galilea at pumasok sa lugar ng Decapolis, sa gawing silangan ng dagat. Doon sila ay umakyat sa isang bundok, subalit natagpuan pa rin sila ng karamihan ng mga tao at dinala kay Jesus ang kanilang mga pilay, lumpo, bulag, at pipi, at marami na mga may sakit at kapansanan. Kanilang inilagay ang mga ito sa paanan ni Jesus, at kaniyang pinagaling sila. Ang mga tao ay nanggilalas nang kanilang makita na ang mga pipi ay nagsasalita, ang mga pilay ay nakalalakad, at ang mga bulag ay nakakakita, at kanilang pinuri ang Diyos ng Israel.
Isang lalaki na bingi at halos hindi makapagsalita ang binigyan ni Jesus ng natatanging pansin. Ang mga bingi ay kadalasan madaling mahiya, lalo na kung nasa gitna ng karamihan. Marahil ay napansin ni Jesus ang taong ito na labis ang pagkanerbiyos. Kaya nahabag si Jesus at ipnagsama siya sa isang lugar na malayo sa karamihan. Nang silang dalawa na lamang, sinabi ni Jesus kung ano ang gagawin niya para sa taong iyon. Kaniyang idiniit ang kaniyang mga daliri sa tainga ng taong iyon at, pagkatapos lumura, hinipo niya ang dila ng taong iyon. Pagkatapos, samantalang nakatingala sa langit, si Jesus ay nagbuntong-hininga nang malalim at ang sabi: “Mabuksan ka.” At pagkasabi niya, ang pandinig ng lalaki ay sumauli, at siya’y nakapagsalita sa normal na paraan.
Nang maganap nga ni Jesus ang maraming pagpapagaling na ito, ang lubhang karamihan ay tumugon nang may pasasalamat: “Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng bagay. Pinapangyayari pa niya na ang mga bingi ay makarinig at ang mga pipi ay magsalita.” Mateo 15:21-31; Marcos 7:24-37.
◻ Bakit hindi karaka-rakang pinagaling ni Jesus ang anak ng babaing Griego?
◻ Pagkatapos, saan dinala ni Jesus ang kaniyang mga alagad?
◻ Paanong may pagkahabag na pinagaling ni Jesus ang lalaking bingi na halos hindi makapagsalita?