KABANATA 58
Pinarami ang Tinapay at Nagbabala Tungkol sa Lebadura
MATEO 15:32–16:12 MARCOS 8:1-21
NAGPAKAIN SI JESUS NG 4,000 LALAKI
NAGBABALA SIYA TUNGKOL SA LEBADURA NG MGA PARISEO
Napakaraming tao ang nagpunta kay Jesus sa rehiyon ng Decapolis, sa silangan ng Lawa ng Galilea. Nagpunta sila para marinig siya at mapagaling, dala ang kanilang mga basket ng pagkain.
Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Naaawa ako sa mga tao. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko sila nang gutom, manghihina sila sa daan. Galing pa naman sa malayo ang ilan sa kanila.” Pero nagtanong ang mga alagad: “Saan sa liblib na lugar na ito makakakuha ng sapat na tinapay para mapakain ang mga tao?”—Marcos 8:2-4.
Sumagot si Jesus: “Ilan ang tinapay ninyo?” Sinabi nila: “Pito, at ilang maliliit na isda.” (Mateo 15:34) Pagkatapos, pinaupo ni Jesus ang mga tao. Kinuha niya ang mga tinapay at isda, nanalangin sa Diyos, at saka ibinigay sa mga alagad para ipamahagi. At ang lahat ay nabusog! Nang kolektahin ang natira, pitong malalaking basket ang napuno nila, kahit 4,000 lalaki, pati mga babae at bata, ang nakakain!
Matapos pauwiin ang mga tao, siya at ang mga alagad ay sumakay sa bangka papunta sa Magadan, sa kanlurang dalampasigan ng Lawa ng Galilea. Dito, may mga Pariseo at ilan mula sa sekta ng mga Saduceo na nagtangkang subukin si Jesus. Gusto nilang magpakita siya ng tanda mula sa langit.
Nahalata ni Jesus ang motibo nila, kaya sinabi niya: “Kapag gumabi na, sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, dahil ang langit ay mapulang gaya ng apoy,’ at sa umaga, ‘Magiging malamig at maulan ngayon, dahil ang langit ay mapulang gaya ng apoy pero makulimlim.’ Nabibigyang-kahulugan ninyo ang hitsura ng langit, pero hindi ninyo mabigyang-kahulugan ang mga tanda ng mga panahon.” (Mateo 16:2, 3) Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga Pariseo at Saduceo na walang ibang tanda na ibibigay sa kanila maliban sa tanda ni Jonas.
Sumakay si Jesus at ang mga alagad sa bangka at naglayag patungo sa Betsaida sa hilagang-silangan ng lawa. Napansin ng mga alagad na isang tinapay lang pala ang dala nila. Nasa isip ni Jesus ang engkuwentro niya sa mga Pariseo at Saduceo na tagasuporta ni Herodes nang magbabala siya: “Maging mapagmasid kayo; mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” Ang akala ng mga alagad, binanggit ni Jesus ang lebadura dahil nakalimutan nilang magdala ng tinapay. Napansin ito ni Jesus at sinabi: “Bakit kayo nagtatalo dahil wala kayong tinapay?”—Marcos 8:15-17.
Hindi pa natatagalan nang pakainin ni Jesus ng tinapay ang libo-libong tao, kaya dapat sana’y alam ng mga alagad na hindi kakulangan ng literal na tinapay ang inaalala niya. “Hindi ba ninyo natatandaan,” tanong niya, “nang pagputol-putulin ko ang limang tinapay para sa 5,000 lalaki? Ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang tinapay?” Sumagot sila: “Labindalawa.” Nagpatuloy si Jesus: “Nang pagputol-putulin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 lalaki, ilang malalaking basket ang napuno ninyo ng natirang tinapay?” Sinabi nila: “Pito.”—Marcos 8:18-20.
Nagtanong si Jesus: “Bakit hindi ninyo naiintindihan na hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko?” Idinagdag niya: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.”—Mateo 16:11.
Nakuha rin ng mga alagad ang punto. Ginagamit ang lebadura para sa permentasyon at pagpapaalsa ng tinapay. Ginamit ni Jesus ang lebadura bilang simbolo ng kasiraan. Nagbabala siya sa mga alagad na mag-ingat sa “turo ng mga Pariseo at mga Saduceo” na may nakasisira o masamang epekto.—Mateo 16:12.