Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Sino Bang Talaga si Jesus?
NANG ang bangkang sinasakyan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ay dumating sa Bethsaida, sa kaniya’y dinala ng mga tao ang isang taong bulag at nakiusap na kaniyang hipuin ang taong iyon at pagalingin siya. Ang tao’y inakay ni Jesus sa kamay at dinala sa labas ng nayon at, pagkatapos luraan ang kaniyang mga mata, ay nagtanong: “Nakakakita ka ba ng anuman?”
“Nakakakita ako ng mga tao,” ang sagot ng tao, “sapagkat namamasdan ko silang tulad sa mga punungkahoy, subalit sila’y nagsisilakad.” Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa mga mata ng taong iyon, at nang magkagayo’y ipinanumbalik ni Jesus ang paningin nito kung kaya’t nakakakitang malinaw. Pagkatapos ay pinauwi ni Jesus ang lalaki kasabay ng tagubilin na huwag papasok sa lunsod.
Ngayon ay umalis si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad para magtungo sa nayon ng Cesarea Filipos, sa kadulu-duluhang hilaga ng Palestina. Ito’y isang mahabang paglalakbay na pataas sa layong mga 50 kilometro tungo sa magagandang dakong kinaroroonan ng Cesarea Filipos, mga 350 metro ang taas sa dagat. Ang paglalakbay ay marahil mga dalawang araw.
Samantalang patungo sila roon, si Jesus ay bumukod upang manalangin. Mayroon lamang mga siyam o sampung buwan ang natitira bago sumapit ang kaniyang kamatayan, at siya’y nag-aalaala tungkol sa kaniyang mga alagad. Marami ang humiwalay na sa pagsunod sa kaniya. Ang iba naman ay sa malas nalilito at nasisiraan ng loob dahil sa kaniyang tinanggihan ang kagustuhan ng mga mamamayan na gawin siyang hari at dahil sa, nang siya’y hamunin ng kaniyang mga kaaway, hindi siya nagbigay ng tanda buhat sa langit upang patunayan ang kaniyang pagkahari. Ano ba ang paniniwala ng kaniyang mga apostol tungkol sa kung sino nga siya? Nang sila’y dumating sa dakong kaniyang pinananalanginan, si Jesus ay nagtanong: “Ano ba ang sinasabi ng karamihan ng mga tao kung sino ako?”
“Ang sabi ng iba’y si Juan Bautista,” ang sagot nila, “ang iba nama’y si Elias, ang sabi naman ng iba’y si Jeremias daw o isa sa mga propeta.” Oo, inaakala nilang si Jesus ay isa nga sa mga taong ito na binuhay sa mga patay!
“Subalit, kayo naman, ano ang sabi ninyo kung sino ako?” ang tanong ni Jesus.
Dagling tumugon si Pedro: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”
Pagkatapos ipahayag na siya’y sang-ayon sa tugon ni Pedro, sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa iyo, Ikaw ay si Pedro, at sa ibabaw ng batong-bundok na ito ay itatayo ko ang aking kongregasyon, at ang mga pintuan ng Hades ay hindi mananaig dito.” Dito ay unang ipinaalam ni Jesus na siya’y magtatayo ng isang kongregasyon at maging ang kamatayan man ay hindi makapipigil sa mga miyembro nito para sila’y gawing bihag pagkatapos na sila’y mamatay dito sa lupa sa kanilang katapatan. Nang magkagayon ay sinabi niya kay Pedro: “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit.”
Sa gayo’y isiniwalat ni Jesus na si Pedro ay tatanggap ng pantanging mga pribilehiyo. Hindi, si Pedro’y hindi binigyan ng unang dako sa gitna ng mga apostol ni ginawa man siyang pundasyon ng kongregasyon. Si Jesus mismo ang Batong-bundok na pagtatayuan ng kaniyang kongregasyon. Subalit si Pedro ay bibigyan ng tatlong susi na sa pamamagitan niyaon kaniyang bubuksan, wika nga, ang pagkakataon upang may mga grupo ng mga tao na makapasok sa Kaharian ng langit.
Ginamit ni Pedro ang unang susi noong Pentecostes 33 C.E. nang kaniyang ipakita sa nagsising mga Judio kung ano ang kailangang gawin nila upang maligtas sila. Kaniyang ginamit ang ikalawa hindi nagtagal pagkatapos at ito’y nang kaniyang buksan sa sumasampalatayang mga Samaritano ang pagkakataon na makapasok sa Kaharian ng Diyos. Pagkatapos, noong 36 C.E. kaniyang ginamit ang ikatlong susi sa pamamagitan ng pagbubukas ng gayunding pagkakataon sa di-tuling mga Gentil, si Cornelio at ang kaniyang mga kaibigan.
Nagpatuloy si Jesus ng pakikipag-usap sa kaniyang mga apostol. Sila’y nabigo sa kanilang inaasahan dahil sa binanggit niya sa kanila ang tungkol sa daranasin niyang hirap at kamatayan na malapit nang dumating sa kaniya sa Jerusalem. Dahil sa hindi pagkaunawa na si Jesus ay bubuhaying muli sa makalangit na buhay, si Jesus ay ipinagsama ni Pedro. “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon,” aniya. “Kailanman ay hindi mangyayari ito sa iyo.” Tumalikod si Jesus, at sumagot: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat ang iniisip mo ay hindi mga kaisipan ng Diyos kundi yaong sa mga tao.”
Maliwanag, may mga iba pa bukod sa apostol na kasa-kasama ni Jesus sa paglalakbay, kaya ngayon ay kaniyang tinawag sila upang ipaliwanag sa kanila na hindi madali ang maging kaniyang tagasunod. “Kung ang sinuman ay ibig na sumunod sa akin,” aniya, “tanggihan niya ang kaniyang sarili at pasanin ang kaniyang pahirapang tulos at sumunod sa akin nang patuluyan. Sapagkat sinumang ibig na magligtas ng kaniyang kaluluwa ay mawawalan niyaon; ngunit sinumang nawawalan ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa akin at sa mabuting balita ay magliligtas niyaon.”
Oo, ang mga tagasunod ni Jesus ay kailangang may lakas loob at mapagsakripisyo sa sarili kung ibig nilang patunayan na sila’y karapat-dapat sa kaniyang paglingap, gaya ng sinabi niya: “Sapagkat ang sinumang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa lahing ito na mapangalunya at makasalanan, siya’y ikahihiya rin naman ng Anak ng tao pagdating niya na taglay ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel.” Marcos 8:22-38; Mateo 16:13-28; Lucas 9:18-27.
◆ Bakit si Jesus ay nag-aalala tungkol sa kaniyang mga alagad?
◆ Ano ang pagkakilala ng mga tao tungkol sa kung sino nga si Jesus?
◆ Anong mga susi ang ibinigay kay Pedro, at paano ginamit ang mga ito?
◆ Anong pagtutuwid ang tinanggap ni Pedro, at bakit?