KABANATA 61
Pinagaling ni Jesus ang Isang Binatilyong Sinasaniban ng Demonyo
MATEO 17:14-20 MARCOS 9:14-29 LUCAS 9:37-43
KAILANGAN ANG MATIBAY NA PANANAMPALATAYA PARA MAPALAYAS ANG DEMONYO SA BINATILYO
Pagbaba nina Jesus, Pedro, Santiago, at Juan sa bundok, nadatnan nila ang nagkakagulong mga tao. Nakikipagtalo ang mga eskriba sa mga alagad. Hindi inaasahan ng mga tao na makikita nila si Jesus, kaya sinalubong nila siya at binati. “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” ang tanong niya.—Marcos 9:16.
Isang lalaki ang lumuhod sa harap ni Jesus at nagsabi: “Guro, dinala ko sa iyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng espiritu at hindi siya makapagsalita. Kapag sinasaniban siya nito, ibinabagsak siya nito sa lupa, bumubula ang bibig niya, nagngangalit ang mga ngipin niya, at nawawalan siya ng lakas. Nakiusap ako sa mga alagad mo na palayasin ito, pero hindi nila magawa.”—Marcos 9:17, 18.
Lumilitaw na tinutuya ng mga eskriba ang mga alagad dahil hindi nila mapagaling ang binatilyo. Kaya imbes na sagutin ang ama ng binatilyo, bumaling si Jesus sa mga tao at sinabi: “O henerasyong walang pananampalataya at makasalanan, hanggang kailan ko kayo pakikisamahan? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” Tiyak na ang mapuwersang pananalitang ito ay para sa mga eskriba, na nanggugulo sa mga alagad ni Jesus habang wala siya. Bumaling siya sa problemadong ama at sinabi: “Dalhin ninyo siya rito sa akin.”—Mateo 17:17.
Habang palapit kay Jesus ang binatilyo, itinutumba ito ng demonyong sumanib dito at pinangingisay. Pagulong-gulong ang bata habang bumubula ang bibig. “Gaano katagal na itong nangyayari sa kaniya?” ang tanong ni Jesus sa ama. Sumagot ito: “Mula pa sa pagkabata, at madalas siya nitong ihagis sa apoy at sa tubig para patayin siya.” Nakiusap ang ama: “Kung may magagawa ka, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.”—Marcos 9:21, 22.
Desperado ang ama dahil hindi mapagaling kahit ng mga alagad ang anak niya. Para patibayin ang ama, sinabi ni Jesus: “Bakit mo sinasabing ‘Kung may magagawa ka’? Posible ang lahat ng bagay kung may pananampalataya ang isa.” Sumagot nang malakas ang ama: “May pananampalataya ako! Tulungan mo akong magkaroon ng mas malakas na pananampalataya!”—Marcos 9:23, 24.
Napansin ni Jesus na nagtatakbuhan ang mga tao palapit sa kaniya. Habang nakatingin silang lahat, sinaway ni Jesus ang demonyo: “Espiritung pipi at bingi, inuutusan kita, lumabas ka sa kaniya at huwag ka nang papasok sa kaniya uli!” Bago lumabas ang demonyo, pinasigaw nito ang bata at pinangisay. Nawalan ng malay ang bata. Marami ang nagsabi: “Patay na siya!” (Marcos 9:25, 26) Pero nang hawakan ni Jesus ang kamay ng bata, bumangon ito at “gumaling . . . nang mismong oras na iyon.” (Mateo 17:18) Hindi kataka-takang mamangha ang mga tao sa ginawa ni Jesus.
Bago nito, nang atasan ni Jesus na mangaral ang mga alagad, nakapagpalayas na sila ng mga demonyo. Pagpasok nila ngayon sa isang bahay, nagtanong sila: “Bakit hindi namin iyon mapalayas?” Ipinaliwanag ni Jesus na dahil iyon sa kakulangan nila ng pananampalataya, na sinasabi: “Ang ganoong klase ng espiritu ay mapalalabas lang sa pamamagitan ng panalangin.” (Marcos 9:28, 29) Matibay na pananampalataya at panalangin para sa tulong ng Diyos ang kailangan para mapalayas ang makapangyarihang demonyo.
Sinabi ni Jesus bilang konklusyon: “Kung may pananampalataya kayo na kasinliit ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon,’ at lilipat ito, at walang magiging imposible para sa inyo.” (Mateo 17:20) Talagang napakalaki ng magagawa ng pananampalataya!
Sa paglilingkod natin kay Jehova, may mga hamon at problema na tila napakahirap at napakalaki. Pero kung patitibayin natin ang ating pananampalataya, malalampasan natin ang gayong gabundok na mga hamon at problema.