Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Napagaling ang Batang Inaalihan ng Demonyo
SAMANTALANG si Jesus, si Pedro, si Santiago, at si Juan ay wala roon, malamang sa isang tagaytay ng Bundok Hermon sila naroroon, yaong mga ibang alagad ay napaharap sa isang problema. Nang siya’y bumalik, agad nakita ni Jesus na mayroong suliranin. Ang kaniyang mga alagad ay napalilibutan ng maraming tao, at ang mga eskriba ay nakikipagtalo sa kanila. Nang makita nila si Jesus, ang mga tao ay lubhang nangagtaka at nagsitakbo sila upang batiin siya. “Ano ang inyong ipinakikipagtalo sa kanila?” ang tanong niya.
Isang lalaki ang nanggaling sa karamihan, at lumuhod sa harap ni Jesus at nagsabi: “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na may isang espiritung pipi; at saanman siya alihan nito ay ibinabalibag siya sa lupa, at nagbubula ang kaniyang bibig at nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at siya’y nanghihina. At sinabi ko sa iyong mga alagad na ito’y palabasin, ngunit hindi nila magawa iyon.”
Maliwanag na sinasamantala ng mga eskriba ang kawalang kaya ng mga alagad na pagalingin ang bata, marahil ay kinukutya ang kanilang pagsisikap na gawin iyon. Sa mismong delikadong sandaling ito, sa-darating si Jesus. “Oh lahing walang pananampalataya,” aniya, “hanggang kailan makikisama ako sa inyo? Hanggang kailan pagtitiisan ko kayo?”
Tila nga ito’y sinasabi ni Jesus sa lahat ng naroroon, ngunit walang alinlangan na nakadirekta ito lalung-lalo na sa mga eskriba, na nanggugulo sa kaniyang mga alagad. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa bata: “Dalhin ninyo siya rito sa akin.” Subalit nang ang bata’y papunta na kay Jesus, siya’y inilugmok sa lupa ng demonyong pumasok sa kaniya at siya’y pinapangatal nang matindi. Ang bata ay nagpagulung-gulong sa lupa at nagbula ang bibig.
“Gaano na ba katagal nangyayari ito sa kaniya?” ang tanong ni Jesus.
“Mula pa sa kaniyang pagkabata,” ang sagot ng ama. “Madalas na inihahagis [ng demonyo] sa apoy at sa tubig upang patayin siya.” Nang magkagayo’y nagmakaawa ang ama: “Kung mayroon kang magagawang anuman, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.”
Marahil kung mga ilang taon na na ang ama ay humihingi ng tulong. At, ngayon, na nabigo ang mga alagad ni Jesus, siya’y lubhang nasiraan ng loob. Sa pagkaunawa sa gayong pakiusap ng taong nasisiraan ng loob, bilang pampalakas-loob ay sinabi ni Jesus: “Ang pangungusap na iyan na, ‘Kung mayroon kang magagawa’! Aba, lahat ng bagay ay posible kung ang isa ay may pananampalataya.”
“Ako’y may pananampalataya!” ang kapagdaka’y sigaw ng ama, ngunit nagmamakaawang sinabi niya: “Tulungan mo ako kung saan ako’y nangangailangan ng pananampalataya!”
Nang makita ni Jesus na ang karamihan ay nagtatakbuhan at dumaragsa sa kanila, pinagwikaan ni Jesus ang demonyo: “Ikaw na pipi at binging espiritu, iniuutos ko sa iyo na lumabas ka sa kaniya at huwag ka nang papasok pa uli sa kaniya.” Sa pag-alis ng demonyo, dahil sa kaniya’y muli na namang nagsisigaw ang bata at nangatal na mainam. Pagkatapos ay napahandusay sa lupa ang bata, kung kaya’t karamihan ng mga tao ay nagsabi: “Siya’y patay na!” Subalit ang bata’y hinawakan ni Jesus sa kamay, at siya’y nagtindig.
Una rito, nang ang mga alagad ay suguin upang mangaral, sila’y nagpalabas ng mga demonyo. Kaya ngayon, nang sila’y pumasok sa isang bahay, lihim na itinanong nila kay Jesus: “Bakit nga ba hindi namin napalabas iyon?”
Upang ipakita na ang dahilan ay sapagkat kulang sila ng pananampalataya, si Jesus ay sumagot: “Ang uring ito ay hindi mapalalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin.” Maliwanag na kailangan ng paghahanda upang mapalabas ang lalong higit na makapangyarihang demonyo na kasangkot sa kasong ito. Ang matibay na pananampalataya lakip na ang panalangin na humihingi ng tulong sa Diyos ang kinakailangan.
Pagkatapos ay isinusog ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo’y may pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka mula rito hanggang doon,’ at ito’y lilipat, at walang anuman na magiging imposible para sa inyo.”
Anong laki nga naman ang nagagawa ng pananampalataya! Ang mga balakid at mga hirap na humahadlang sa pag-unlad sa paglilingkod kay Jehova ay baka waring mahirap pagtagumpayan at hindi maaaring alisin na gaya ng isang malaking literal na bundok. Subalit, ipinakikita ni Jesus na kung tayo’y nakapagpatubo ng pananampalataya sa ating mga puso, na dinidilig at inaalagaan iyon upang lumaki, iyon ay lálaki hanggang sa gumulang at madadaig natin ang gayong tulad-bundok na mga balakid at mga kahirapan. Marcos 9:14-29; Mateo 17:19, 20; Lucas 9:37-43.
◆ Anong kalagayan ang nadatnan ni Jesus nang siya’y bumalik galing sa Bundok Hermon?
◆ Anong pampalakas-loob ang ibinigay ni Jesus sa ama ng batang inaalihan ng demonyo?
◆ Bakit ang demonyo ay hindi mapalabas ng mga alagad?
◆ Paano ipinakita ni Jesus kung gaano kalakas ang pananampalataya?