Ano ang Matututuhan Mo sa mga Bata?
“PARA kang bata kung kumilos!” Malamang na masaktan tayo kung sasabihan tayo nang ganiyan. Bagaman nakakatuwa ang mga bata, maliwanag na kulang sila sa karanasan at karunungan dahil sa kanilang edad.—Job 12:12.
Gayunpaman, minsan ay sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo ay manumbalik at maging gaya ng mga bata, hindi kayo sa anumang paraan makapapasok sa kaharian ng langit.” (Mateo 18:3) Ano kaya ang ibig sabihin ni Jesus? Anu-ano ang mga katangian ng mga bata na dapat tularan ng mga adulto?
Tularan ang Kapakumbabaan ng mga Bata
Isaalang-alang ang kalagayan kung bakit sinabi iyon ni Jesus. Pagdating sa Capernaum matapos ang mahabang paglalakbay, tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi umimik ang mga alagad palibhasa’y napahiya dahil pinagtatalunan nila kung sino sa kanila ang mas dakila. Bandang huli, naglakas-loob silang tanungin si Jesus: “Sino talaga ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”—Marcos 9:33, 34; Mateo 18:1.
Parang nakapagtatakang pinagtatalunan ng mga alagad ang tungkol sa posisyon o ranggo dahil halos tatlong taon na nilang kasama si Jesus. Subalit pinalaki sila sa relihiyong Judio, na labis na nagbigay ng importansiya sa gayong mga bagay. Lumilitaw na naimpluwensiyahan ng relihiyong Judio at ng di-kasakdalan ang pag-iisip ng mga alagad.
Umupo si Jesus, tinawag ang mga alagad, at sinabi: “Kung ang sinuman ay nagnanais na maging una, siya ay dapat na maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.” (Marcos 9:35) Malamang na ikinagulat nila ang mga salitang iyon. Ibang-iba ang pangangatuwiran ni Jesus sa pananaw ng mga Judio tungkol sa kadakilaan! Pagkatapos, tinawag niya ang isang munting bata. Magiliw niyang inakbayan ang bata, at idiniin ang puntong nais niyang palitawin: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Malibang kayo ay manumbalik at maging gaya ng mga bata, hindi kayo sa anumang paraan makapapasok sa kaharian ng langit. Samakatuwid, ang sinumang magpapakababa ng kaniyang sarili na tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.”—Mateo 18:3, 4.
Talaga namang nakaaantig ang praktikal na halimbawang ito ng kapakumbabaan! Gunigunihin ang eksena. Nakapalibot sa munting bata ang isang grupo ng seryosong mga adultong lalaki at nakapako ang tingin nila sa bata. Napakamahiyain ng bata at madaling nagtitiwala! Wala sa isip niya ang makipagkompetensiya at napakainosente niya! Napakamapagpasakop at mapagpakumbaba! Oo, isa ngang uliran ang munting bata pagdating sa makadiyos na katangian na kapakumbabaan.
Malinaw ang punto ni Jesus. Kung nais nating magmana ng Kaharian ng Diyos, dapat tayong maging mapagpakumbaba gaya ng mga bata. Sa mga lingkod ni Jehova, bilang magkakapatid, hindi pinahihintulutan ang pakikipagkompetensiya o pagmamapuri. (Galacia 5:26) Sa katunayan, ang mismong masasamang ugaling ito ang nagtulak kay Satanas na Diyablo na magrebelde sa Diyos. Hindi nga kataka-takang kinapopootan ni Jehova ang masasamang ugaling ito!—Kawikaan 8:13.
Hangad ng mga tunay na Kristiyano ang maglingkod, hindi ang paglingkuran. Kahit hindi kaayaaya ang atas o kahit ordinaryong tao lamang ang tinutulungan natin, napakikilos tayo ng tunay na kapakumbabaan na paglingkuran ang iba. Ang gayong paglilingkod ay nagdudulot ng kasiya-siyang mga pagpapala. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang tulad nito salig sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap, hindi lamang sa akin, kundi gayundin sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Marcos 9:37) Kapag tinutularan natin ang pagkabukas-palad at kapakumbabaan ng mga bata, nagiging kaisa tayo ng pinakamataas na Persona sa buong uniberso at ng kaniyang Anak. (Juan 17:20, 21; 1 Pedro 5:5) Magiging maligaya tayo dahil sa pagbibigay. (Gawa 20:35) At nagdudulot ito sa atin ng kasiyahan dahil naitataguyod natin ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng bayan ng Diyos.—Efeso 4:1-3.
Madaling Turuan at Nagtitiwala sa Kanilang mga Magulang
Itinampok ni Jesus ang isa pang aral na matututuhan ng mga adulto sa mga bata: “Ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad ng isang bata ay hindi sa anumang paraan makapapasok dito.” (Marcos 10:15) Hindi lamang mapagpakumbaba ang mga bata; madali rin silang turuan. “Para silang mga espongha kung kumuha ng impormasyon,” ang sabi ng isang ina.
Kaya para magmana ng Kaharian ng Diyos, kailangan nating tanggapin at sundin ang mensahe ng Kaharian. (1 Tesalonica 2:13) Gaya ng mga sanggol na bagong-silang, dapat tayong “magkaroon . . . ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay lumaki [tayo] tungo sa kaligtasan.” (1 Pedro 2:2) Pero paano kung waring mahirap unawain ang isang turo sa Bibliya? “Walang tigil sa pagtatanong ng ‘Bakit?’ ang mga bata hanggang sa masiyahan sila sa mga sagot sa kanilang mga tanong,” ang sabi ng isang nagtatrabaho sa pasilidad na nag-aalaga sa mga bata. Makabubuting tularan natin ang kanilang halimbawa. Kaya huwag huminto sa pag-aaral. Makipag-usap sa makaranasang mga Kristiyano. Humingi ng karunungan kay Jehova. (Santiago 1:5) Walang-alinlangang pagpapalain sa tamang panahon ang iyong pagtitiyaga at pananalangin.—Mateo 7:7-11.
Subalit baka itanong ng ilan, ‘Hindi ba madaling maloko ang mga taong madaling turuan?’ Hindi gayon ang mangyayari kung mayroon silang mapananaligang patnubay. Halimbawa, likas sa mga bata na humingi ng payo sa kanilang mga magulang. “Pinatutunayan ng mga magulang na sila’y mapagkakatiwalaan dahil araw-araw nilang inaalagaan ang kanilang mga anak at inilalaan nila ang mga pangangailangan ng mga ito,” ang sabi ng isang ama. Tiyak na iyan din ang mga dahilan para pagtiwalaan natin ang ating makalangit na Ama, si Jehova. (Santiago 1:17; 1 Juan 4:9, 10) Binibigyan tayo ni Jehova ng mapananaligang patnubay sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita. Inaaliw at inaalalayan tayo ng kaniyang banal na espiritu at organisasyon. (Mateo 24:45-47; Juan 14:26) Sa tulong ng mga paglalaang ito, maiiwasan nating masira ang ating kaugnayan sa Diyos.—Awit 91:1-16.
Nagkakaroon din tayo ng kapayapaan ng isip kapag nagtitiwala tayo sa Diyos tulad ng pagtitiwala ng mga bata sa kanilang mga magulang. Ganito ang sinabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Noong bata tayo, nagbibiyahe tayo nang hindi iniisip ang pamasahe at kung paano tayo makararating sa ating pupuntahan, pero kahit kailan ay hindi tayo nagduda na ligtas tayong dadalhin doon ng ating mga magulang.” Ganiyan din ba ang pagtitiwala natin kay Jehova sa pagtahak natin sa landas ng buhay?—Isaias 41:10.
Ang lubos na pagtitiwala sa Diyos ay tutulong sa atin na maiwasan ang mga saloobin at paggawi na magsasapanganib sa ating kaugnayan sa Kaniya. Lubos tayong nananalig sa mga salita ni Jesus na alam ng ating makalangit na Ama ang ating ginagawa at hangga’t inuuna natin ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos, pangangalagaan tayo ng Diyos. Ito ang tutulong sa atin na labanan ang tuksong isakripisyo ang espirituwal na mga pananagutan para itaguyod ang materyal na mga bagay.—Mateo 6:19-34.
“Maging mga Sanggol Kayo Kung Tungkol sa Kasamaan”
Bagaman di-sakdal, dalisay ang puso’t isip ng mga bata. Kaya hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano: “Maging mga sanggol kayo kung tungkol sa kasamaan.”—1 Corinto 14:20.
Isaalang-alang ang limang-taóng-gulang na si Monique, na tuwang-tuwang nagkuwento sa kaniyang ina: “Pareho po kaming kulot ni Sarah, ’yung bago kong kaibigan!” Hindi niya binanggit na iba ang kulay ng balat at lahi ni Sarah. Ganito ang sinabi ng isang ina: “Hindi pinapansin ng mga bata ang kulay ng balat. Wala sa kanila ang pagtatangi ng lahi.” Sa puntong ito, kitang-kita na tinutularan ng mga bata ang ating di-nagtatanging Diyos, na umiibig sa lahat ng tao ng mga bansa.—Gawa 10:34, 35.
Kahanga-hanga rin ang mga bata pagdating sa pagpapatawad. Ganito ang sinabi ng isang ama: “Kapag nag-aaway ang mga bata, sina Jack at Levi, sinasabihan namin sila na humingi ng tawad, at maya-maya, masaya na uli silang naglalaro. Hindi sila naghihinanakit, hindi nila inuungkat ang nakaraan, o humihingi ng mga kondisyon bago sila magpatawad. Basta naglalaro na lamang uli sila.” Napakagandang halimbawa para tularan ng mga adulto!—Colosas 3:13.
Bukod diyan, madaling tanggapin ng mga bata ang pag-iral ng Diyos. (Hebreo 11:6) Likas sa kanila ang pagiging prangka. Dahil dito, kadalasan nang malakas ang kanilang loob na magpatotoo sa iba. (2 Hari 5:2, 3) Naaantig ng kanilang simple at taos-pusong mga panalangin maging ang puso ng pinakamanhid na tao. At kapag napapaharap sa tukso, kahanga-hanga ang kakayahan nilang manindigan. Napakahalaga ngang mga kaloob ang mga bata!—Awit 127:3, 4.
Muling Linangin ang Maiinam na Katangian
Baka itanong mo, ‘Puwede bang muling linangin ng mga adulto ang maiinam na katangian nila noong bata sila?’ Ang simple at nakapagpapatibay na sagot ay oo! Tiyak na posible ito yamang iniutos ni Jesus na “maging gaya ng mga bata.”—Mateo 18:3.
Bilang paglalarawan: Isang grupo ng mga tagapagretoke ng mga gawang-sining ang nagsikap na ibalik ang ganda ng isang napakamahal na obra maestra. Sa prosesong ito, inalis nila ang namuong dumi at inayos ang mga nasira ng naunang mga nagretoke. Matapos ang kanilang matiyagang pagreretoke, muling lumitaw ang magagandang kulay at orihinal na ganda ng obra maestra. Sa katulad na paraan, sa pamamagitan ng pagtitiyaga, sa tulong ng banal na espiritu ni Jehova, at ng maibiging pag-alalay ng kongregasyong Kristiyano, muli nating malilinang ang maiinam na katangiang likas sa atin noong bata tayo.—Efeso 5:1.
[Larawan sa pahina 9]
Likas na mapagpakumbaba ang mga bata
[Larawan sa pahina 10]
Hindi nagtatangi ang mga bata, at madali silang magpatawad at lumimot