Maapoy na Impiyerno ba ang Tinutukoy ni Jesus?
GINAGAMIT ng ilan ang sinabi ni Jesus sa Marcos 9:48 (o talata 44, 46) bilang suporta sa doktrina ng maapoy na impiyerno. Binanggit niya ang hinggil sa mga uod na hindi namamatay at apoy na hindi naaapula. Kung may magtanong sa iyo tungkol dito, paano mo ito ipaliliwanag?
Sa ilang salin ng Bibliya, ang sinasabi sa talata 48 ay mababasa rin sa talata 44 o 46.a Ganito ang mababasa sa Bagong Sanlibutang Salin: “Kung ang iyong mata ay nagpapatisod sa iyo, itapon mo ito; mas mainam pa sa iyo na pumasok na iisa ang mata sa kaharian ng Diyos kaysa may dalawang mata kang mapahagis sa Gehenna, kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay at ang apoy ay hindi naaapula.”—Mar. 9:47, 48.
Sa paanuman, inaangkin ng iba na sumusuporta raw ang sinabi ni Jesus sa ideya na kapag namatay ang masama, pahihirapan ang kaluluwa nito magpakailanman. Halimbawa, ganito ang komento ng Kastilang Sagrada Biblia ng University of Navarre: “Ginamit ng ating Panginoon ang [mga salitang ito] para tukuyin ang pagpapahirap sa impiyerno. Ang ‘mga uod na hindi namamatay’ ay karaniwan nang ipinaliliwanag bilang ang walang-hanggang dalamhating nararanasan ng mga nasa impiyerno; at ang ‘apoy na hindi maapula’ bilang pagpaparusa sa katawan.”
Gayunman, ihambing ang sinabi ni Jesus sa huling talata ng hula ni Isaias.b Hindi ba malinaw na ang tinutukoy ni Jesus ay ang teksto sa Isaias kabanata 66? Maliwanag na binabanggit dito ng propeta ang hinggil sa paglabas sa “Jerusalem papunta sa nakapaligid na Libis ng Hinom (Gehenna), kung saan dating inihahandog ang mga tao (Jer 7:31) at nang maglaon ay naging tapunan ng basura ng lunsod.” (The Jerome Biblical Commentary) Ang simbolismo sa Isaias 66:24 ay malinaw na hindi tumutukoy sa pagpapahirap sa mga tao; mga bangkay ang pinag-uusapan dito. Ang sinasabi nitong hindi namamatay ay mga uod—hindi mga buháy na tao o imortal na mga kaluluwa. Kung gayon, ano ang kahulugan ng mga salita ni Jesus?
Pansinin ang komento hinggil sa Marcos 9:48 ng akdang Katoliko na El evangelio de Marcos. Análisis lingüístico y comentario exegético, Tomo II: “[Ang] parirala ay mula sa Isaias (66,24). Ipinakikita ng propeta ang dalawang paraan na karaniwang ginagawa noon sa mga bangkay ng tao: hinahayaang mabulok o sinusunog [ang mga ito] . . . Ang paggamit ng salitang uod at apoy sa teksto ay nagdiriin sa ideya ng pagkalipol. . . . Kapuwa inilalarawan ang dalawang mapamuksang puwersang ito bilang permanente (‘hindi naaapula, hindi namamatay’): talagang hindi matatakasan ang mga ito. Sa paglalarawang ito, tanging ang mga uod at ang apoy ang nananatiling buhay—hindi ang tao—at nililipol ng dalawang ito ang anumang kaya nilang puksain. Kaya hindi ito isang paglalarawan ng walang-katapusang pagpapahirap, kundi ng ganap na pagkapuksa, kung saan wala nang pagkabuhay-muli, ang pangwakas na kamatayan. Kung gayon, ang [apoy] ay sumasagisag sa pagkapuksa.”
Kung naniniwala ang isang tao na maibigin at makatarungan ang tunay na Diyos, tiyak na makikita niya na makatuwirang unawain ang mga salita ni Jesus kaayon ng paliwanag na ito. Hindi niya sinasabing pahihirapan nang walang hanggan ang masama. Sa halip, nanganganib silang mapuksa, anupat wala nang pag-asang mabuhay-muli.
[Mga talababa]
a Hindi makikita sa pinakamapagkakatiwalaang mga manuskrito ng Bibliya ang talata 44 at 46. Naniniwala ang mga iskolar na ang dalawang talatang ito ay malamang na idinagdag nang bandang huli. Ganito ang isinulat ni Propesor Archibald T. Robertson: “Hindi masusumpungan sa pinakamatatanda at pinakamapananaligang manuskrito ang dalawang talatang ito. Nagmula ang mga ito sa Kanluran at Siryanong (Bizantino) kalipunan ng manuskrito. Pag-uulit lamang ang mga ito ng talata 48. Kaya [inalis] namin ang talata 44 at 46 dahil hindi naman ito mapananaligan at tumpak.”
b “Sila ay yayaon at titingin sa mga bangkay ng mga taong sumalansang laban sa akin; sapagkat ang mismong mga uod na nasa kanila ay hindi mamamatay at ang kanilang apoy ay hindi papatayin, at sila ay magiging bagay na nakapandidiri sa lahat ng laman.”—Isa. 66:24.