PAMUMUHAY BILANG KRISTIYANO
“Ang Pinagtuwang ng Diyos . . .”
Sa Kautusang Mosaiko, ang isang lalaking gustong makipagdiborsiyo ay kailangang maghanda ng isang legal na kasulatan. Hahadlang ito sa padalos-dalos na paghihiwalay. Pero noong panahon ni Jesus, pinadali ng relihiyosong mga lider ang pagdidiborsiyo. Puwedeng hiwalayan ng isang lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan. (“certificate of dismissal” study note sa Mar 10:4, nwtsty-E; “divorces his wife,” “commits adultery against her” study note sa Mar 10:11, nwtsty-E) Idiniin ni Jesus na si Jehova ang nagtatag ng pag-aasawa. (Mar 10:2-12) Ang mag-asawa ay magiging “isang laman” habambuhay. Ayon sa katulad na ulat ni Mateo, ang tanging makakasulatang dahilan sa pagdidiborsiyo ay ang “pakikiapid,” o seksuwal na imoralidad.—Mat 19:9.
Sa ngayon, ang pananaw ng marami sa pag-aasawa ay katulad ng sa mga Pariseo, hindi katulad ng kay Jesus. Kaya kapag nagkaproblema, nagdidiborsiyo agad sila. Pero para sa mga mag-asawang Kristiyano, napakahalaga ng panata sa pag-aasawa kaya sinisikap nilang mapagtagumpayan ang mga problema sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Pagkatapos panoorin ang video na Pag-ibig at Paggalang ang Nagbubuklod sa Pamilya, sagutin ang sumusunod na mga tanong:
Paano mo maikakapit ang Kawikaan 15:1 sa iyong pag-aasawa, at bakit ito mahalaga?
Paano mo maiiwasan ang mga problema sa pamamagitan ng pagkakapit ng Kawikaan 19:11?
Kung nanganganib ang inyong pagsasama, sa halip na isiping, ‘Hiwalayan ko na kaya siya?’ anong mga tanong ang dapat mong isaalang-alang?
Paano ka magiging mas mabuting asawang lalaki o asawang babae kung ikakapit mo ang Mateo 7:12?