Parangalan ang “Pinagtuwang ng Diyos”
“Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—MAR. 10:9.
1, 2. Hinihimok tayo ng Hebreo 13:4 na gawin ang ano?
NASISIYAHAN ka bang parangalan si Jehova? Sigurado iyan! Karapat-dapat diyan si Jehova, at nangangako siyang pararangalan ka rin niya. (1 Sam. 2:30; Kaw. 3:9; Apoc. 4:11) Gusto rin niyang parangalan mo ang mga tao, gaya ng mga opisyal ng gobyerno. (Roma 12:10; 13:7) Pero may isang bagay na lalong kailangang bigyang-dangal. Iyan ay ang pag-aasawa.
2 Isinulat ni apostol Pablo: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa.” (Heb. 13:4) Hindi lang basta sinasabi ni Pablo ang impormasyong iyan. Sa halip, hinihimok ng teksto ang bawat Kristiyano na igalang ang pag-aasawa at ituring itong mahalaga. Ganiyan ba ang pananaw mo sa pag-aasawa, lalo na sa iyong pag-aasawa kung mayroon kang kabiyak?
3. Anong mahalagang payo ang ibinigay ni Jesus tungkol sa pag-aasawa? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Kapag pinahahalagahan mo ang pag-aasawa, tinutularan mo ang isang napakahusay na halimbawa. Pinarangalan ni Jesus ang pag-aasawa. Nang tanungin siya ng mga Pariseo hinggil sa diborsiyo, binanggit niya ang sinabi ng Diyos tungkol sa unang pag-aasawa: “Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina, at ang dalawa ay magiging isang laman.” Dagdag pa niya: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Basahin ang Marcos 10:2-12; Gen. 2:24.
4. Anong pamantayan ang itinakda ng Diyos tungkol sa pag-aasawa?
4 Kaya sang-ayon si Jesus na ang pag-aasawa ay mula sa Diyos at idiniin niyang panghabambuhay ito. Hindi sinabi ng Diyos kina Adan at Eva na puwedeng maputol ng diborsiyo ang pag-aasawa. Ang pamantayang itinakda ng Diyos sa pag-aasawa sa Eden ay monogamya, ang pagsasama ng “dalawa” magpakailanman.
PANSAMANTALANG PAGBABAGO SA PAG-AASAWA
5. Ano ang epekto ng kamatayan sa pag-aasawa?
5 Pero nagdulot ng mga pagbabago ang kasalanan ni Adan. Isa na rito ang kamatayan, na makaaapekto sa pag-aasawa. Makikita natin iyan nang ipaliwanag ni apostol Pablo sa kaniyang sulat na ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Sinabi niyang winawakasan ng kamatayan ang pag-aasawa at na ang naiwang kabiyak ay puwede nang makapag-asawang muli.—Roma 7:1-3.
6. Paano ipinakikita ng Kautusang Mosaiko ang pananaw ng Diyos sa pag-aasawa?
6 Ang Kautusan ng Diyos sa bansang Israel ay nagbibigay ng mga detalye tungkol sa pag-aasawa. Pinahintulutan nito ang poligamya, isang gawaing umiiral na bago pa ibigay ng Diyos sa Israel ang Kautusan. Pero ang poligamya ay may mga alituntunin para hindi ito maabuso. Halimbawa, kung ang isang Israelita ay mag-asawa ng isang alipin at pagkatapos ay kumuha ng ikalawang asawa, hindi niya dapat bawasan ang pangangailangan ng kaniyang unang asawa—pagkain, pananamit, at kaukulan bilang asawa. Iniuutos ng Diyos na protektahan at pangalagaan niya ito. (Ex. 21:9, 10) Wala na tayo sa ilalim ng Kautusan, pero makikita pa rin natin dito ang pagpapahalaga ni Jehova sa pag-aasawa. Hindi ba’t nakatutulong iyan sa iyo na igalang ang pag-aasawa?
7, 8. (a) Batay sa Deuteronomio 24:1, ano ang sinasabi ng Kautusan tungkol sa diborsiyo? (b) Ano ang pananaw ni Jehova sa diborsiyo?
7 Ano naman ang sinasabi ng Kautusan tungkol sa diborsiyo? Mataas ang pagpapahalaga ng Diyos sa pag-aasawa; pero bilang pagbibigay-laya, pinahintulutan niya ang diborsiyo. (Basahin ang Deuteronomio 24:1.) Puwedeng diborsiyuhin ng isang lalaking Israelita ang kaniyang asawa kung “nakasumpong siya sa kaniya ng isang bagay na marumi.” Hindi sinasabi ng Kautusan kung ano ang tinutukoy ritong “marumi.” Tiyak na isa itong bagay na kahiya-hiya o malala, hindi basta maliit na pagkakamali. (Deut. 23:14) Nakalulungkot, maraming Judio noong panahon ni Jesus ang nakikipagdiborsiyo “sa bawat uri ng saligan.” (Mat. 19:3) Tiyak na hindi natin gustong gayahin ang ganiyang saloobin.
8 Ipinakita ni propeta Malakias ang pananaw ng Diyos sa diborsiyo. Noong panahong iyon, karaniwan na sa isang lalaki na diborsiyuhin nang may kataksilan ang ‘asawa ng kaniyang kabataan,’ marahil ay para makapag-asawa ng mas bata at paganong babae. Tungkol sa pananaw ng Diyos, isinulat ni Malakias: “Kinapopootan [ko] ang pagdidiborsiyo.” (Mal. 2:14-16) Kaayon iyan ng sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa unang pag-aasawa: “Pipisan [ang lalaki] sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Gen. 2:24) Itinaguyod ni Jesus ang pananaw ng kaniyang Ama sa pag-aasawa, sa pagsasabi: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mat. 19:6.
ANG TANGING SALIGAN PARA SA DIBORSIYO
9. Paano dapat unawain ang sinabi ni Jesus sa Marcos 10:11, 12?
9 Baka may magtanong, ‘Mayroon ba talagang saligan ang isang Kristiyano para makipagdiborsiyo at mag-asawang muli?’ Ganito ang pananaw ni Jesus sa diborsiyo: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nangangalunya laban sa kaniya, at kung sakaling ang isang babae, pagkatapos na diborsiyuhin ang kaniyang asawang lalaki, ay mag-asawa ng iba, siya ay nangangalunya.” (Mar. 10:11, 12; Luc. 16:18) Malinaw, pinarangalan ni Jesus ang pag-aasawa at gusto niyang gawin din ito ng iba. Ang isa na nagdadahilan lang para diborsiyuhin ang kaniyang tapat na asawa at mag-asawa ng iba ay nangangalunya. Totoo iyan dahil hindi napuputol ang pag-aasawa ng basta pakikipagdiborsiyo lang. Sa paningin ng Diyos, “isang laman” pa rin sila. Bukod diyan, sinabi ni Jesus na kapag diniborsiyo ng lalaki ang kaniyang asawa, inilalagay niya ito sa panganib na mangalunya. Paano? Noon, may mga diborsiyada na napipilitang mag-asawang muli para may sumuporta sa kaniya sa pinansiyal. Ang gayong pag-aasawa ay katumbas ng pangangalunya.
10. Ano ang saligan ng isang Kristiyano para makipagdiborsiyo at mag-asawang muli?
10 Sinabi ni Jesus ang saligan na tatapos sa pag-aasawa: “Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid [Griego, por·neiʹa], at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Mat. 19:9) Iyan din ang puntong sinabi niya sa Sermon sa Bundok. (Mat. 5:31, 32) Sa dalawang pagkakataong iyon, binanggit ni Jesus ang “pakikiapid,” o seksuwal na imoralidad. Saklaw ng salitang iyan ang seksuwal na kasalanang hindi sakop ng pag-aasawa: pangangalunya, prostitusyon, pagtatalik nang hindi kasal, homoseksuwalidad, at bestiyalidad. Halimbawa, kung ang asawang lalaki ay nakagawa ng seksuwal na imoralidad, maaaring ipasiya ng kaniyang asawa na makipagdiborsiyo o hindi. Kung makipagdiborsiyo ito, magwawakas ang kanilang pag-aasawa sa paningin ng Diyos.
11. Bakit maaaring ipasiya ng isang Kristiyano na huwag makipagdiborsiyo kahit may makakasulatan siyang dahilan para gawin ito?
11 Kapansin-pansin, hindi naman sinabi ni Jesus na ang pagiging imoral (por·neiʹa) ng kabiyak ay dapat mauwi sa diborsiyo. Halimbawa, maaaring ipasiya ng isang asawang babae na huwag diborsiyuhin ang kaniyang asawang nakagawa ng imoralidad. Baka mahal pa rin niya ito; baka handa siyang magpatawad at makipagtulungan para mapatibay ang kanilang pagsasama. Sa katunayan, kapag nakipagdiborsiyo siya at hindi na nag-asawang muli, mapapaharap siya sa mga hamon. Paano na ang materyal at seksuwal na pangangailangan niya? Paano kung nalulungkot siya? May mga anak ba sila? Mas mahihirapan kaya siyang palakihin ang mga ito sa katotohanan? (1 Cor. 7:14) Talagang magkakaroon ng mabibigat na problema ang pinagkasalahang kabiyak.
12, 13. (a) Ano ang nangyari sa pag-aasawa ni Oseas? (b) Bakit kinuha ulit ni Oseas si Gomer, at ano ang matututuhan natin dito tungkol sa pag-aasawa sa ngayon?
12 Makatutulong ang karanasan ni propeta Oseas. Sinabi ng Diyos kay Oseas na kumuha ng asawa (si Gomer), na magiging “isang asawang mapakiapid at [magkakaroon] ng mga anak sa pakikiapid.” Si Gomer ay “nagdalang-tao at sa kalaunan ay nagsilang [kay Oseas] ng isang anak na lalaki.” (Os. 1:2, 3) Nang maglaon, nagkaanak siya ng isang babae at isang lalaki, na malamang na bunga ng kaniyang pangangalunya. Kahit paulit-ulit na nangalunya si Gomer, hindi siya hiniwalayan ni Oseas. Nang maglaon, iniwan ni Gomer si Oseas at naging alipin. Pero binili pa rin siya ni Oseas. (Os. 3:1, 2) Ginamit ni Jehova si Oseas para ilarawan kung paano Niya paulit-ulit na pinatawad ang pangangalunya ng Israel. Ano ang matututuhan natin dito?
13 Kapag nakagawa ng imoralidad ang asawa ng isang Kristiyano, kailangang magdesisyon ang pinagkasalahang asawang Kristiyano. Sinabi ni Jesus na may saligan ang pinagkasalahan para makipagdiborsiyo at malayang mag-asawang muli. Pero puwede rin niya itong patawarin. Hindi naman iyon mali. Kinuha ulit ni Oseas si Gomer. Kapag nagsama ulit sila, hindi na dapat makipagrelasyon si Gomer sa ibang lalaki. Hindi muna nakipagtalik si Oseas kay Gomer. (Os. 3:3) Nang maglaon, malamang na ipinagpatuloy nila ang ugnayang pangmag-asawa, na naglalarawan sa pagiging handa ng Diyos na tanggaping muli ang kaniyang bayan at ipagpatuloy ang kaniyang kaugnayan sa kanila. (Os. 1:11; 3:3-5) Paano ito kumakapit sa pag-aasawa sa ngayon? Kapag ipinasiya ng pinagkasalahang kabiyak na huwag makipagdiborsiyo at ipagpatuloy ang ugnayang pangmag-asawa, tanda iyon ng pagpapatawad. (1 Cor. 7:3, 5) Sa paggawa nito, mawawala na ang dapat sanang saligan sa diborsiyo. Kaya ngayong nagsama na ulit sila, dapat silang kumilos ayon sa pananaw ng Diyos sa pag-aasawa.
PARANGALAN ANG PAG-AASAWA KAHIT MAY PROBLEMA
14. Ayon sa 1 Corinto 7:10, 11, ano ang posibleng mangyari sa pag-aasawa?
14 Dapat igalang ng lahat ng Kristiyano ang pag-aasawa, gaya ng paggalang ni Jesus at ni Jehova rito. Pero baka hindi ito nagagawa ng ilan dahil sa di-kasakdalan. (Roma 7:18-23) Kaya hindi tayo dapat magtaka kung nagkaproblema sa pag-aasawa ang ilang Kristiyano noong unang siglo. Isinulat ni Pablo na “ang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa”; pero may mga pagkakataong nangyari ito.—Basahin ang 1 Corinto 7:10, 11.
15, 16. (a) Kahit nagkakaproblema, ano ang dapat na maging tunguhin ng mag-asawa, at bakit? (b) Bakit kapit din ito kahit isa lang sa mag-asawa ang mánanampalatayá?
15 Hindi ipinaliwanag ni Pablo ang dahilan ng gayong paghihiwalay. Ang problema ay hindi dahil naging imoral ang asawang lalaki, na nagbigay sa asawang babae ng saligan para makipagdiborsiyo at mag-asawang muli. Isinulat ni Pablo na ang babaeng humiwalay sa kaniyang asawa ay dapat “manatili [na] walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli sa kaniyang asawa.” Kaya mag-asawa pa rin sila sa paningin ng Diyos. Ipinayo ni Pablo na anuman ang problema, basta’t hindi sangkot ang seksuwal na imoralidad, dapat na gawing tunguhin ang makipagkasundong muli. Puwede silang humingi ng makakasulatang payo mula sa mga elder. Makapagpapayo ang mga ito mula sa Kasulatan nang walang pinapanigan.
16 Malamang na mas magkaproblema kung isa lang ang mánanampalatayáng nagsisikap mamuhay ayon sa pamantayan ng Diyos. Kapag nagkaproblema, makatuwiran bang solusyon ang paghihiwalay? Gaya ng tinalakay na, ang seksuwal na imoralidad ay isang posibleng saligan para sa diborsiyo, pero walang binabanggit ang Kasulatan tungkol sa espesipikong saligan para sa paghihiwalay. Isinulat ni Pablo na kung ang “isang babae [ay] may asawang di-sumasampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon ito na tumahang kasama niya, huwag niyang iwan ang kaniyang asawang lalaki.” (1 Cor. 7:12, 13) Kapit din iyan sa ngayon.
17, 18. Bakit hindi nakikipaghiwalay ang ilang Kristiyano kahit nagkakaproblema ang kanilang pag-aasawa?
17 Totoo, may pagkakataong ang “asawang [lalaking] di-sumasampalataya” ang tila hindi ‘sumasang-ayong tumahang kasama niya.’ Baka nananakit ang asawang lalaki, hanggang sa puntong nanganganib na ang kalusugan o buhay ng asawang babae. Baka ayaw niyang paglaanan ang asawa niya at ang kanilang pamilya o isinasapanganib ang espirituwalidad nito. Sa gayong kalagayan, ipinasiya ng ilang Kristiyano na, anuman ang sabihin ng asawa niya, hindi na ito karapat-dapat pakisamahan pa at kailangan na ang paghihiwalay. Pero may ibang Kristiyano na nasa gayong sitwasyon ang hindi nakipaghiwalay; nagbata sila at nagsikap na ayusin ang mga bagay-bagay. Bakit?
18 Sa gayong paghihiwalay, ang dalawa ay mag-asawa pa rin. Kung magkahiwalay sila, pareho silang mapapaharap sa mga hamon, gaya ng binanggit kanina. Isinulat ni Pablo ang isa pang dahilan kung bakit hindi dapat maghiwalay: “Ang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay napababanal may kaugnayan sa kaniyang asawa, at ang di-sumasampalatayang asawang babae ay napababanal may kaugnayan sa kapatid na lalaki; kung hindi, ang inyong mga anak ay talagang magiging marurumi, ngunit ngayon ay mga banal sila.” (1 Cor. 7:14) Maraming tapat na Kristiyano ang nanatili sa kanilang di-sumasampalatayang asawa sa kabila ng napakahihirap na sitwasyon. Napatunayan nilang sulit iyon lalo na nang maging tunay na mananamba ang kanilang asawa.—Basahin ang 1 Corinto 7:16; 1 Ped. 3:1, 2.
19. Bakit napakaraming matagumpay na pag-aasawa sa loob ng kongregasyong Kristiyano?
19 Nagkomento si Jesus tungkol sa diborsiyo, at nagpayo naman si Pablo tungkol sa paghihiwalay. Gusto nilang parangalan ng mga lingkod ng Diyos ang pag-aasawa. Sa ngayon, napakaraming matagumpay na pag-aasawa sa loob ng kongregasyong Kristiyano sa buong daigdig. Malamang na maraming masasayang mag-asawa sa inyong kongregasyon. Binubuo sila ng matatapat na mag-asawang nagmamahalan, na nagpapakitang posibleng maging marangal ang pag-aasawa. Masaya tayo dahil milyon-milyon ang nagpapatunay na totoo ang sinabi ng Diyos: “Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.”—Efe. 5:31, 33.