ARALING ARTIKULO 38
“Lumapit Kayo sa Akin, . . . at Pagiginhawahin Ko Kayo”
“Lumapit kayo sa akin, lahat kayo na pagod at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo.”—MAT. 11:28.
AWIT 17 Handang Tumulong
NILALAMANa
1. Ayon sa Mateo 11:28-30, ano ang ipinangako ni Jesus?
NAGBIGAY si Jesus ng magandang pangako sa mga nakikinig sa kaniya. “Lumapit kayo sa akin,” ang sabi niya, “at pagiginhawahin ko kayo.” (Basahin ang Mateo 11:28-30.) Hindi ito basta pangako lang. Halimbawa, pag-isipan ang ginawa niya para sa isang babaeng may malubhang sakit.
2. Ano ang ginawa ni Jesus sa babaeng may-sakit?
2 Kailangang-kailangan ng tulong ng babaeng iyon. Nakapagpatingin na siya sa maraming doktor at umasang gagaling siya. Pero 12 taon na at hindi pa rin siya gumagaling. Ayon sa Kautusan, marumi siya. (Lev. 15:25) Pagkatapos, nabalitaan niyang nakakapagpagaling si Jesus, kaya hinanap niya ito. Nang makita niya si Jesus, hinipo niya ang palawit ng damit nito, at gumaling siya agad! Pero hindi lang siya basta pinagaling ni Jesus—ipinadama rin nito sa kaniya ang pagmamahal at paggalang. Halimbawa, nang kinakausap siya ni Jesus, tinawag siya nitong “anak.” Tiyak na naginhawahan ang babaeng iyon!—Luc. 8:43-48.
3. Ano-anong tanong ang sasagutin natin?
3 Pansinin na nagpunta ang babae kay Jesus. Kumilos siya. Kaya dapat din tayong magsikap na “lumapit” kay Jesus. Sa ngayon, hindi na maghihimala si Jesus para pagalingin ang mga ‘lumalapit’ sa kaniya. Pero inaanyayahan pa rin niya tayo: “Lumapit kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.” Sa artikulong ito, sasagutin natin ang limang tanong: Paano tayo ‘lalapit’ kay Jesus? Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Pasanin ninyo ang pamatok ko”? Ano ang matututuhan natin kay Jesus? Bakit nakakaginhawa ang gawaing ibinigay niya sa atin? At paano tayo patuloy na mapapaginhawa ng pamatok ni Jesus?
“LUMAPIT KAYO SA AKIN”
4-5. Ano ang ilang paraan para “lumapit” kay Jesus?
4 ‘Lumalapit’ tayo kay Jesus kapag pinagsisikapan nating matutuhan ang lahat ng sinabi at ginawa niya. (Luc. 1:1-4) Walang ibang makakagawa niyan para sa atin kundi tayo mismo. ‘Lumalapit’ din tayo kay Jesus kapag nagpasiya tayong magpabautismo at maging alagad ni Kristo.
5 Ang isa pang paraan para “lumapit” kay Jesus ay ang paglapit sa mga elder kapag kailangan natin ng tulong. “May ibinigay siyang mga tao bilang regalo” para pangalagaan ang kaniyang mga tupa. (Efe. 4:7, 8, 11; Juan 21:16; 1 Ped. 5:1-3) Dapat tayong magkusang humingi ng tulong sa kanila. Hindi natin puwedeng asahan na mababasa ng mga elder ang isip natin at malalaman ang kailangan natin. Pansinin ang sinabi ng isang brother na si Julian: “Kinailangan kong umalis ng Bethel dahil sa pagkakasakit, at isang kaibigan ang nagpayo na magpa-shepherding ako. No’ng una, inisip kong hindi ko ’yon kailangan. Pero humingi rin ako ng tulong, at ang shepherding na ’yon ang isa sa pinakamagandang regalong natanggap ko.” Ang tapat na mga elder, gaya ng dalawang dumalaw kay Julian, ay makakatulong sa atin na malaman ang “pag-iisip ni Kristo,” o maintindihan at matularan ang kaniyang pag-iisip at saloobin. (1 Cor. 2:16; 1 Ped. 2:21) Isa nga iyan sa pinakamagandang regalong maibibigay nila sa atin!
“PASANIN NINYO ANG PAMATOK KO”
6. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “Pasanin ninyo ang pamatok ko”?
6 Nang sabihin ni Jesus: “Pasanin ninyo ang pamatok ko,” malamang na ang ibig niyang sabihin ay “Magpasakop kayo sa akin.” Posible ring ang ibig niyang sabihin ay “Pasanin nating pareho ang pamatok, at magtulungan tayo sa paglilingkod kay Jehova.” Ipinapakita nito na may kailangan tayong gawin.
7. Ayon sa Mateo 28:18-20, anong gawain ang ibinigay sa atin, at sa ano tayo makakatiyak?
7 Tinatanggap natin ang paanyaya ni Jesus kapag nag-alay tayo ng ating buhay kay Jehova at nagpabautismo. Ang paanyayang ito ay para sa lahat—hindi tatanggihan ni Jesus ang sinumang gustong maglingkod sa Diyos. (Juan 6:37, 38) Lahat ng tagasunod ni Kristo ay binigyan ng pribilehiyo na makibahagi sa gawaing ibinigay ni Jehova kay Jesus. Kaya makakatiyak tayo na lagi tayong tutulungan ni Jesus sa gawaing iyan.—Basahin ang Mateo 28:18-20.
“MATUTO KAYO SA AKIN”
8-9. Bakit napapalapít kay Jesus ang mga mapagpakumbaba, at ano-ano ang dapat nating pag-isipan?
8 Napapalapít kay Jesus ang mga mapagpakumbaba. (Mat. 19:13, 14; Luc. 7:37, 38) Bakit? Pag-isipan ang kaibahan ni Jesus sa mga Pariseo. Ang mga lider na iyon ng relihiyon ay walang malasakit at arogante. (Mat. 12:9-14) Si Jesus naman ay mapagmalasakit at mapagpakumbaba. Ambisyoso ang mga Pariseo at ipinagyayabang nila ang kanilang posisyon. Pero ayaw ni Jesus na maging ganoon ang mga alagad niya, kaya tinuruan niya sila na magpakumbaba at maglingkod sa iba. (Mat. 23:2, 6-11) Tinatakot ng mga Pariseo ang iba para pasunurin sila. (Juan 9:13, 22) Pero mabait makitungo at makipag-usap si Jesus sa mga tao kaya nagiginhawahan sila.
9 Natutularan mo na ba ang mga katangiang iyan ni Jesus? Pag-isipan ito: ‘Kilalá ba akong mahinahon at mapagpakumbaba? Handa ba akong gumawa ng mabababang atas para makapaglingkod sa iba? Mabait ba ako?’
10. Anong uri ng kasama si Jesus?
10 Masarap maglingkod kasama ni Jesus at madali siyang pakitunguhan, at gustong-gusto rin niyang sanayin ang iba. (Luc. 10:1, 19-21) Gusto niyang nagtatanong ang mga alagad niya, at gusto niya ring marinig ang opinyon nila. (Mat. 16:13-16) Ang mga alagad niya ay gaya ng mayayabong na halaman na protektado at naalagaang mabuti. Tumagos sa puso nila ang mga itinuro ni Jesus kaya naging mabunga sila sa mabubuting gawa.
11. Ano ang mga dapat nating pag-isipan?
11 Mayroon ka bang awtoridad sa iba? Kung gayon, pag-isipan ito: ‘Paano ko pinakikitunguhan ang iba sa trabaho o sa bahay? Mapagpayapa ba ako? Pinasisigla ko ba silang magtanong? Pinapakinggan ko ba ang opinyon nila?’ Ayaw nating maging gaya ng mga Pariseo, na naiinis kapag tinatanong at pinag-iinitan ang mga taong hindi nila katulad ng opinyon.—Mar. 3:1-6; Juan 9:29-34.
“MAGIGINHAWAHAN KAYO”
12-14. Bakit nakakaginhawa ang gawaing ibinigay ni Jesus sa atin?
12 Bakit nakakaginhawa ang gawaing ibinigay sa atin ni Jesus? Maraming dahilan, pero ilan lamang ang pag-usapan natin.
13 Nasa atin ang pinakamabubuting tagapangasiwa. Si Jehova, na Kataas-taasang Tagapangasiwa, ay hindi isang malupit na panginoon na hindi nagpapasalamat sa kaniyang mga lingkod. Pinapahalagahan niya ang mga ginagawa natin. (Heb. 6:10) At binibigyan niya tayo ng lakas para magawa ang ating pananagutan. (2 Cor. 4:7; Gal. 6:5, tlb.) Si Jesus, na ating Hari, ay nagpakita ng halimbawa kung paano pakikitunguhan ang iba. (Juan 13:15) At ang mga elder na nangangalaga sa atin ay nagsisikap na tularan si Jesus, ang “dakilang pastol.” (Heb. 13:20; 1 Ped. 5:2) Nagsisikap silang maging mabait, nakakapagpatibay, at malakas ang loob habang tinuturuan tayo at pinoprotektahan.
14 Nasa atin ang pinakamabubuting kasama. Walang katulad ang mga kaibigan natin at ang gawaing ibinigay sa atin. Isip-isipin na lang: May pribilehiyo tayong maglingkod kasama ng mga taong mataas ang moralidad, pero hindi mapagmatuwid. Marami silang talento, pero mapagpakumbaba sila at itinuturing ang iba na nakatataas. Itinuturing nila tayong kaibigan, hindi lang kamanggagawa. At gayon na lang nila tayo kamahal kung kaya handa nilang ibuwis ang buhay nila para sa atin!
15. Ano ang dapat na maging turing natin sa ating gawain?
15 Nasa atin ang pinakamagandang gawain. Itinuturo natin sa mga tao ang katotohanan tungkol kay Jehova at inilalantad ang mga kasinungalingan ng Diyablo. (Juan 8:44) Pinabibigatan ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng mga kasinungalingan niya. Halimbawa, gusto niyang maniwala tayo na hindi tayo mapapatawad ni Jehova at hindi tayo karapat-dapat mahalin. Talagang nakakasira iyan ng loob! Ang totoo, kapag “lumapit” tayo kay Kristo, mapapatawad ang mga kasalanan natin, at mahal na mahal ni Jehova ang lahat ng tao. (Roma 8:32, 38, 39) Napakasayang matulungan ang mga taong magtiwala kay Jehova at makitang napapabuti sila!
PATULOY NA MAGINHAWAHAN SA PAMATOK NI JESUS
16. Bakit ibang-iba ang pasan na ibinigay sa atin ni Jesus kumpara sa iba pang bagay na kailangan nating pasanin?
16 Ibang-iba ang pasan na ibinigay sa atin ni Jesus kumpara sa iba pang bagay na kailangan nating pasanin. Halimbawa, pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, marami ang pagod na pagod at hindi masaya. Pero kapag ginamit natin ang ating oras sa paglilingkod kay Jehova at kay Kristo, napakasaya natin. Baka pagkatapos nating magtrabaho, pagod na tayo at kailangan nating pilitin ang ating sarili na dumalo sa pulong. Pero kadalasan, umuuwi tayo galing sa pulong na naginhawahan at masigla. Totoo rin iyan kapag nagsisikap tayong mangaral at mag-personal study. Sulit ang pagod dahil sa gantimpalang kapalit nito!
17. Bakit dapat tayong mag-isip nang mabuti at maging makatuwiran?
17 Dapat tayong maging makatuwiran dahil limitado lang ang lakas natin. Kaya dapat na isipin nating mabuti kung saan natin ito gagamitin. Halimbawa, puwedeng maubos ang lakas natin sa pag-iipon ng kayamanan. Pansinin ang sinabi ni Jesus sa isang mayamang lalaking nagtanong sa kaniya: “Ano ang dapat kong gawin para tumanggap ng buhay na walang hanggan?” Sinusunod na ng lalaki ang Kautusan. Malamang na mabuting tao siya dahil sinabi sa Ebanghelyo ni Marcos na “nakadama ng pagmamahal sa kaniya” si Jesus. Kaya inanyayahan siya ni Jesus: “Ipagbili mo ang mga pag-aari mo . . . at maging tagasunod kita.” Nahirapang magdesisyon ang lalaki, pero lumilitaw na hindi niya kayang isakripisyo ang ‘marami niyang pag-aari.’ (Mar. 10:17-22) Kaya tinanggihan niya ang pamatok ni Jesus at patuloy na nagpaalipin “sa Kayamanan.” (Mat. 6:24) Kung ikaw ang lalaking iyon, ano ang gagawin mo?
18. Ano ang dapat nating gawin sa pana-panahon, at bakit?
18 Sa pana-panahon, magandang suriin natin ang mga priyoridad natin sa buhay. Bakit? Para matiyak na ginagamit natin ang ating lakas sa matalinong paraan. Pag-isipan ang sinabi ng kabataang si Mark: “Sa loob ng maraming taon, akala ko simple na ang buhay ko. Payunir ako, pero laging pera ang nasa isip ko at kung paano magiging mas maalwan ang buhay ko. Nagtataka ako kung bakit parang nahihirapan ako sa buhay, hanggang sa matauhan ako. Inuuna ko pala ang sarili ko kaya tira-tira na lang ang panahon at lakas na naibibigay ko kay Jehova.” Binago ni Mark ang kaniyang kaisipan at pamumuhay para mas mapaglingkuran si Jehova. “Kung minsan, nag-aalala pa rin ako sa pera,” ang sabi ni Mark, “pero sa tulong ni Jehova at ni Jesus, nakakapagpokus pa rin ako sa paglilingkod.”
19. Bakit mahalagang magkaroon ng tamang saloobin?
19 Patuloy tayong magiginhawahan sa pamatok ni Jesus kung gagawin natin ang tatlong bagay. Una, panatilihin ang tamang saloobin. Galing kay Jehova ang gawain natin, kaya dapat itong gawin sa paraan ni Jehova. Tayo ang mga manggagawa, at si Jehova ang Panginoon. (Luc. 17:10) Kung ipipilit natin ang sarili nating paraan, pahihirapan lang natin ang ating sarili. Kahit ang isang malakas na toro ay puwedeng masaktan at maubusan ng lakas kung kinokontra nito ang pamatok na kinokontrol ng may-ari sa kaniya. Pero kung magpapagabay tayo kay Jehova, makakagawa tayo ng mga bagay na higit sa kaya natin at malalampasan natin ang anumang pagsubok. Tandaan na walang sinumang makakahadlang sa kalooban ng Diyos!—Roma 8:31; 1 Juan 4:4.
20. Ano ang dapat na motibo natin sa pagpasan sa pamatok ni Jesus?
20 Ikalawa, magkaroon ng tamang motibo. Gusto nating magbigay ng kapurihan sa ating mapagmahal na Ama, si Jehova. Noong unang siglo, may mga sumunod kay Jesus dahil lang sa pakinabang, kaya di-nagtagal, hindi na sila naging masaya at iniwan nila ang pamatok ni Jesus. (Juan 6:25-27, 51, 60, 66; Fil. 3:18, 19) Pero ang mga sumunod sa kaniya dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ay masayang nagdala ng pamatok ni Jesus sa buong buhay nila, taglay ang pag-asang makapaglingkod kasama ni Kristo sa langit. Gaya nila, mananatili rin tayong masaya sa pagpasan sa pamatok ni Jesus kung tama ang motibo natin.
21. Ayon sa Mateo 6:31-33, ano ang maaasahan nating gagawin ni Jehova?
21 Ikatlo, umasa kay Jehova. Sa pinili nating buhay, kailangan ng pagsisikap at pagsasakripisyo. Nagbabala si Jesus na pag-uusigin tayo. Pero makakaasa tayong bibigyan tayo ni Jehova ng lakas para matiis ang anumang pagsubok. At habang nagtitiis tayo, lalo tayong lalakas. (Sant. 1:2-4) Makakaasa rin tayong ibibigay ni Jehova ang kailangan natin, pangangalagaan tayo ni Jesus, at papatibayin tayo ng ating mga kapatid. (Basahin ang Mateo 6:31-33; Juan 10:14; 1 Tes. 5:11) Ano pa ba ang hahanapin natin?
22. Ano ang ipagpapasalamat natin?
22 Ang babaeng pinagaling ni Jesus ay naginhawahan nang araw na pagalingin siya. Pero patuloy lang siyang magiginhawahan kung magiging tapat na alagad siya ni Kristo. Ano kaya ang ginawa niya? Kung pinili niyang pasanin ang pamatok ni Jesus, isipin na lang ang gantimpala niya—ang maglingkod sa langit kasama ni Jesus! Anumang sakripisyong kinailangan niyang gawin para sumunod kay Kristo ay walang-wala kumpara sa pagpapalang iyon. Anuman ang pag-asa natin—iyon man ay mabuhay magpakailanman sa langit o sa lupa—siguradong ipagpapasalamat natin na tinanggap natin ang paanyaya ni Jesus: “Lumapit kayo sa akin”!
AWIT 13 Si Kristo ang Ating Huwaran
a Inaanyayahan tayo ni Jesus na lumapit sa kaniya. Paano natin maipapakitang tinatanggap natin ang paanyaya niya? Sasagutin iyan sa artikulong ito, at ipapaalaala nito sa atin kung paano tayo magiginhawahan sa paggawang kasama ni Kristo.
b LARAWAN: Pinaginhawa ni Jesus ang mga tao sa iba’t ibang paraan.
c LARAWAN: Gaya ni Jesus, pinagiginhawa rin ng brother ang iba.