Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
• Paano natin mapipighati ang banal na espiritu ng Diyos, yamang hindi naman ito isang persona?
Si apostol Pablo ay sumulat: “Huwag ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos.” (Efeso 4:30) Itinuturing ng ilan ang mga salitang ito bilang pahiwatig na ang banal na espiritu ay isang persona. Gayunman, madalas na nagbibigay ng maka-Kasulatan at makasaysayang katibayan ang mga publikasyon ng “tapat na katiwala” na hindi minalas ng sinaunang mga Kristiyano ang banal na espiritu bilang isang persona o isang diyos na kapantay ng Kataas-taasan bilang bahagi ng tinatawag na Trinidad.a (Lucas 12:42) Kaya hindi tinutukoy ni Pablo ang banal na espiritu ng Diyos bilang isang persona.
Ang banal na espiritu ng Diyos ay ang kaniyang di-nakikitang aktibong puwersa. (Genesis 1:2) Inihulang magbabautismo si Jesus “sa banal na espiritu,” kung paanong nagbautismo si Juan sa tubig. (Lucas 3:16) Noong Pentecostes 33 C.E., mga 120 alagad ang “napuspos ng banal na espiritu”—hindi sila napuspos ng isang persona. (Gawa 1:5, 8; 2:4, 33) Tumanggap ang mga pinahirang ito ng makalangit na pag-asa, at pinatnubayan sila ng espiritu ng Diyos sa isang buhay ng katapatan. (Roma 8:14-17; 2 Corinto 1:22) Ang espiritu ay nagluwal ng makadiyos na mga bunga at tumulong sa kanila na umiwas sa makasalanang “mga gawa ng laman” na maaaring humantong sa di-pagsang-ayon ng Diyos.—Galacia 5:19-25.
Kung mga lingkod tayo ng Diyos na may makalupang pag-asa, hindi tayo pinahiran ng banal na espiritu. Gayunman, maaari tayong magkaroon ng gayunding dami ng espiritu ng Diyos gaya ng nasa mga may makalangit na pag-asa. Kaya naman, maaari rin nating mapighati ang espiritu. Ngunit paano?
Kung ipagwawalang-bahala natin ang maka-Kasulatang payo na isinulat sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu, baka magkaroon tayo ng mga katangiang maaaring humantong sa sinasadyang pagkakasala laban sa espiritu, pagkawala ng lingap ni Jehova, at pagkapuksa sa bandang huli. (Mateo 12:31, 32) Maaaring hindi pa tayo nagkakasala nang malubha, ngunit baka sinisimulan na nating tahakin ang maling landas, na siyang maaaring umakay sa atin sa direksiyong salungat sa patnubay ng espiritu. Sa gayong mga kalagayan, pinipighati natin ang banal na espiritu.
Kung gayon, paano natin maiiwasang pighatiin ang espiritu ng Diyos? Talagang kailangan nating kontrolin ang ating mga kaisipan at kilos. Sa kaniyang sulat sa mga taga-Efeso, kabanata 4, binanggit ni apostol Pablo ang pag-iwas sa tendensiyang magsabi ng di-totoong mga bagay, manatiling napopoot, maging tamad, at bumigkas ng di-kaayaayang pananalita. Kung nagbihis na tayo ng “bagong personalidad” subalit pinahintulutan ang ating mga sarili na magbalik sa gayong mga bagay, ano ang ginagawa natin? Sinasalungat natin ang payo ng kinasihan ng espiritu na Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa paggawa nito, pinipighati natin ang banal na espiritu.
Sa Efeso kabanata 5, mababasa natin ang payo ni Pablo tungkol sa pag-iwas sa mahalay na interes sa pakikiapid. Hinimok din ng apostol ang mga kapananampalataya na iwasan ang kahiya-hiyang paggawi at malaswang pagbibiro. Kung ayaw nating pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos, dapat nating tandaan ito kapag namimilì ng libangan. Bakit tayo magpapakita ng interes sa gayong mga bagay sa pamamagitan ng pakikipag-usap tungkol dito, pagbabasa tungkol dito, at panonood sa ganitong palabas sa telebisyon o sa iba pa?
Mangyari pa, maaari nating mapighati ang espiritu sa iba pang paraan. Nagtataguyod ng pagkakaisa sa kongregasyon ang espiritu ni Jehova, subalit ipagpalagay na nagkakalat tayo ng nakapipinsalang tsismis o nagsusulsol ng pagpapangkat-pangkat sa kongregasyon. Hindi ba natin sinasalungat ang patnubay ng espiritu tungo sa pagkakaisa? Sa pangkalahatang diwa, pinipighati natin ang banal na espiritu, gaya niyaong mga nagdulot ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyon ng Corinto. (1 Corinto 1:10; 3:1-4, 16, 17) Pinipighati rin natin ang espiritu kung sinasadya nating pababain ang paggalang sa mga lalaking hinirang ng espiritu sa kongregasyon.—Gawa 20:28; Judas 8.
Kung gayon, maliwanag na matalinong pag-isipan ang ating saloobin at mga kilos sa liwanag ng alam nating pag-akay ng banal na espiritu gaya ng makikita sa Bibliya at sa kongregasyong Kristiyano. Tayo rin ay dapat ‘manalangin taglay ang banal na espiritu,’ anupat nagpapaimpluwensiya rito at laging kumikilos na kasuwato ng nakasaad sa kinasihang Salita ng Diyos. (Judas 20) Maging determinasyon nawa natin na huwag pighatiin ang espiritu kundi laging paakay rito sa ikararangal ng banal na pangalan ni Jehova.
• Ang hirap ng taong mayaman na makapasok sa Kaharian ay inihambing ni Jesu-Kristo sa kamelyo na lumulusot sa butas ng karayom. Tinutukoy ba ni Jesus ang literal na kamelyo at totoong karayom na panahi?
Magkahawig ang dalawa sa tatlong maka-Kasulatang pagsipi sa pangungusap na ito. Ayon sa ulat ni Mateo, sinabi ni Jesus: “Mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.” (Mateo 19:24) Ganito rin ang mababasa sa Marcos 10:25: “Mas madali pa sa isang kamelyo na lumusot sa butas ng karayom kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
Ipinahihiwatig ng ilang reperensiya na ang “butas ng karayom” ay isang maliit na pintuang-daan sa isa sa malalaking pintuang-daan sa Jerusalem. Kung sarado na sa gabi ang malaking pintuang-daan, maaaring buksan yaong maliit. Ipinapalagay na kasya ang isang kamelyo roon. Ito ba ang tinutukoy ni Jesus?
Maliwanag na hindi. Malinaw na ang tinutukoy ni Jesus ay karayom na panahi. Yamang natagpuan sa rehiyong iyon ang sinaunang mga karayom na gawa kapuwa sa buto at metal, malamang na karaniwang mga gamit sa bahay ang mga ito. Pinapawi ng Lucas 18:25 ang anumang pag-aalinlangan sa salita ni Jesus, sapagkat sinisipi siya rito na nagsasabi: “Sa katunayan, mas madali pa sa isang kamelyo na makalusot sa butas ng karayom na panahi kaysa sa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.”
Sumasang-ayon ang iba’t ibang mga leksikograpo sa saling “karayom na panahi” gaya ng masusumpungan sa New World Translation. Hinango ang salitang Griego para sa “karayom” na nasa Mateo 19:24 at Marcos 10:25 (rha·phisʹ) mula sa pandiwa na nangangahulugang “tahiin.” At ginagamit ang salitang Griego na nasa Lucas 18:25 (be·loʹne) para tukuyin ang literal na karayom na pang-opera. Ganito ang sabi ng Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words: “Ang ideya na ikapit ang ‘butas ng karayom’ sa maliliit na pintuang-daan ay waring modernong konsepto; walang sinaunang pinagmulan ito. Ang layunin ng Panginoon sa pangungusap ay ipahayag ang pagiging imposible nito sa tao at hindi na kailangang pagaanin ang paghihirap sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba pang kahulugan sa karayom maliban sa isang ordinaryong instrumento.”—1981, Tomo 3, pahina 106.
Iminumungkahi naman ng iba na dapat isaling “lubid” ang “kamelyo” sa mga talatang ito. Magkahawig ang salitang Griego para sa lubid (kaʹmi·los) at yaong para sa kamelyo (kaʹme·los). Gayunman, ang salitang Griego para sa “kamelyo” sa halip na yaong para sa “lubid” ang matatagpuan sa Mateo 19:24 sa pinakamatatandang umiiral na Griegong manuskrito ng Ebanghelyo ni Mateo (ang Sinaitic, ang Vatican No. 1209, at ang Alexandrine). Ayon sa ulat, orihinal na isinulat ni Mateo sa Hebreo ang kaniyang Ebanghelyo at maaaring siya ang personal na nagsalin nito sa Griego. Alam niya mismo ang sinabi ni Jesus at kung gayon ay gumamit ng angkop na salita.
Samakatuwid, ang tinutukoy ni Jesus ay literal na karayom na panahi at totoong kamelyo. Ginamit niya ang mga ito upang idiin ang pagiging imposible ng isang bagay. Ngunit ibig bang sabihin ni Jesus na walang taong mayaman ang makapapasok kailanman sa Kaharian? Hindi, sapagkat hindi nilayong literal na unawain ang sinabi ni Jesus. Gumamit siya ng hyperbole upang ilarawan na kung paanong hindi makalulusot ang literal na kamelyo sa butas ng totoong karayom na panahi, imposible rin para sa taong mayaman na makapasok sa Kaharian kung patuloy siyang aasa sa kaniyang kayamanan at hindi niya uunahin sa kaniyang buhay si Jehova.—Lucas 13:24; 1 Timoteo 6:17-19.
Binanggit ni Jesus ang pangungusap na ito matapos tanggihan ng isang mayamang kabataang tagapamahala ang dakilang pribilehiyo na maging tagasunod ni Jesus. (Lucas 18:18-24) Ang isang mayamang indibiduwal na may higit na pagmamahal sa kaniyang mga ari-arian kaysa sa espirituwal na mga bagay ay hindi makaaasang magtatamo siya ng buhay na walang hanggan sa kaayusan ng Kaharian. Magkagayunman, may ilang taong mayayaman na naging mga alagad ni Jesus. (Mateo 27:57; Lucas 19:2, 9) Kaya ang isang taong mayaman na palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan at humihingi ng tulong sa Diyos ay maaaring tumanggap ng bigay-Diyos na kaligtasan.—Mateo 5:3; 19:16-26.
[Talababa]
a Tingnan ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.